top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

FEB. 14, ARAW NG MGA PUSO, AT SA MAY 12 ELECTION DAY, ‘ARAW NG MGA WALANG UTAK’ -- Ngayong araw na ito, Feb. 14, 2025 ay Araw ng mga Puso o Valentine’s Day. Sa May 12, 2025, election day puwede itong matawag na “Araw ng mga Walang Utak” kasi sigurado, maraming bobotante ang maghahalal na naman sa mga kandidatong trapo, kurakot at ‘Kamag-anak Inc.’, period!


XXX


PBBM, PRESIDENTENG MINSAN NAGIGING KOMEDYANTE -- Maraming netizens ang nag-haha reactions sa sinabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang lahat daw ng 12 candidates niya sa pagka-senador ay may “clean record.”


Aba’y marami talagang matatawa kasi hindi naman kapani-paniwala ang sinabi ng Presidente na malinis ang pagkatao ng kanyang mga senatorial candidate.

Iyan si PBBM, ang presidenteng minsan nagiging komedyante, boom!


XXX


KAYA SIGURO WALANG SENADOR NA KINASUHAN SINA ALVAREZ BAKA MAGALIT, IMBES ‘NO,’ MAG-‘YES’ VOTES ANG MGA ITO SA IMPEACHMENT KAY VP SARA -- Ipinagtaka nina 1Rider partylist Rep. Rodge Gutierrez at Taguig City Rep. Amparo Zamora kung bakit sina Speaker Martin Romualdez, Majority Floor Leader, Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe at Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations lang ang sinampahan ng grupo ni Zamboanga del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ng mga kasong graft, ang criminal cases na may kaugnayan sa sinasabing insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA), gayong may mga senador din daw na miyembro ng Bicameral Conference Committee na nagsaayos ng 2020 national budget.


Siguro, kaya walang isinamang senador sa kinasuhan ay dahil ayaw ng kampo ni Alvarez na magtanim ng galit ang sinumang senador na makakasuhan, na ‘ika nga, baka sa impeachment trial kay VP Sara ay imbes “no” ang maging boto ay maging “yes” para ma-impeach ang bise presidente, period!


XXX


MAKALAYA KAYA SA PANAHON NG MARCOS ADMIN ANG PORK BARREL QUEEN? -- Inabsuwelto ng Sandiganbayan ang binansagang pork barrel queen na si Janet Napoles kasama ang dating Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza at iba pa sa P27.5 million graft case na may kaugnayan sa pork barrel scam.


Iyang sunud-sunod na pagkakaabsuwelto ni Napoles sa mga kasong plunder at graft na isinampa sa kanya ay nakikita na natin na sa panahon ng Marcos administration, lalaya ang pork barrel queen, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 13, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAPAG BINILISAN NG KORTE ANG PAGRESOLBA SA KASO BAKA MAS MAUNA PANG MAPATAWAN NG GUILTY SI ROMUALDEZ KESA SI VP SARA -- Matapos sampahan ng grupo ni Davao Del Norte Rep., former Speaker Pantaleon Alvarez ng mga graft and criminal cases noong Feb. 10, 2025 sina Speaker Martin Romualdez, House Majority Floor Leader Mannix Dalipe at Ako Bicol partylist Rep., former chairman, House Committee on Appropriations Zaldy Co kaugnay sa P241 billion insertion sa 2025 General Appropriations Act (GAA), ay inanunsyo naman ni Senate President Chiz Escudero na after ng State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa July 2025 pa uumpisahan ng Senado na tatayong impeachment trial, ang impeachment cases laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Kaya kapag binilisan ng korte ang pagresolba sa kaso nina Romualdez, Dalipe at Co, at may makitang sapat na ebidensya ay baka mauna pa silang hatulan ng guilty ng hukuman kaysa kay VP Sara kasi nga, ang tagal pa, sa July 2025 pa didinggin ng impeachment court ang impeachment cases ng bise presidente, boom!


XXX


MAY BAHID PULITIKA ANG ISINAMPANG KASONG GRAFT AND CRIMINAL CASES KAY SPEAKER ROMUALDEZ AT IBA PA AT IMPEACHMENT KAY VP SARA -- Ayon kay Cong. Dalipe, pamumulitika lang daw ang isinampang mga kaso sa kanila ng kampo ni ex-P-Duterte.


Totoo naman iyan, may bahid pamumulitika talaga, at kahit ‘yung mga impeachment case kay VP Sara, may bahid pamumulitika rin ‘yun kasi nga ang nag-aprub para ma-impeach ang bise presidente ay mga pulitikong kaalyado ni PBBM, period!


XXX


LAGOT SI VP SARA, KAKASUHAN NA SIYA NG INCITING TO SEDITION AT GRAVE THREATS -- Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Dept. of Justice (DOJ) na sampahan ng kasong inciting to sedition at grave threats si VP Sara kaugnay sa pagbabanta nitong assassination laban kina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Romualdez.

Hala, lagot si VP Sara. 


Kung bakit naman kasi hindi nakontrol ni VP Sara ang kanyang sarili sa galit at ibinidyo pa ang pagbabanta sa buhay nina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez, kaya ‘yan tuloy nangyari, sasampahan na siya ng mga kasong kriminal, boom!


XXX


WALA BA SA KANYANG SARILI SI VP SARA NANG PAGBANTAAN NIYA ANG BUHAY NINA PBBM, FL LIZA AT SPEAKER ROMUALDEZ? -- Sa mga interbyu kay VP Sara ay madalas niyang sabihing wala raw siyang ginagawang pagbabanta sa buhay nina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez.


Kaya’t ang tanong: Wala ba sa kanyang sarili si VP Sara nang pagbantaan niya ang buhay nina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez? Kasi sa totoo lang, pinagbantaan niya talaga ang buhay ng tatlo at ang pagbabanta ay napanood ng sambayanang Pinoy at ng mundo kaya nga ito ay naibalita ng local at international media, period!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 11, 2025



Fr. Robert Reyes

Naanyayahan tayo noong nakaraang Biyernes sa Agenda, isang media forum sa Club Filipino. 


Si Atty. Fred Mison ang pangunahing host at kasama rin namin si Makabayan Partylist Arlene Brosas. Masigla ang talakayan at lumabas kung gaano kasalimuot at kalalim ang problema ng political dynasties sa ating bansa.


Halos 80 porsyento na ng Senado at Kongreso ang galing sa mga pamilyang dinastiya. Ganoon na rin sitwasyon sa mga lalawigan, lungsod at bayan. Tila ang patakaran ng mga dinastiya sa buong bansa ay “walang alisan, walang palitan.” At ganu’n na nga ang nagyayari sa bawat halalan. Pare-parehong pangalan ang makikita sa balota. 


Sa halip na makita at maramdaman ang tunay na pagbabago, walang nagbabago dahil pabalik-balik lang ang pare-parehong mga pangalan, mukha at apelyido. Nagpapalitan lang ang tatay, nanay, anak, apo, pinsan, pamangkin, manugang, biyenan, bilas at sinumang kamag-anak na kasama sa angkan. Mula barangay, bayan, siyudad, lalawigan hanggang Kongreso, Senado at Malacañang asahan nang pare-parehong mukha, apelyido, pangalan ang makikita tuwing ikatlo at ikaanim na taon. Ito ang mahahalagang tanong na tinalakay sampu ng mga sagot ng mga nagsalita.


Posible pa bang mabago ang ganitong sitwasyon ng pulitika sa lahat ng antas na hawak ng mga dinastiya?


Anu-anong dahilan kung bakit dumarami, lumalaganap at lumalakas pa ang mga dinastiya?


Ano na ang nangyari sa partylist system? Instrumento na rin ba ang mga ito ng mga dinastiya?


Ano ang papel ng Comelec sa lahat ng ito.


Pareho ang sagot namin ni Congresswoman Brosas. Mahirap man ay kayang baguhin ang sitwasyon – edukasyon higit sa lahat. Mga botante ay dapat imulat at bigyang kapangyarihang bumoto nang tama at piliin ang mga alternatibong mga kandidato.


Naidagdag lang natin ang mabisang paggamit ng salapi ng mga dinastiya para ipagpatuloy ang paternalism (patronage politics) sa ating bansa. Ang ayuda sa mga maliliit, sa mga mahihirap na tunay na nangangailangan ay padadaluyin na naman, salamat sa programang AKAP at MAIC. 


Kaibigan din ng mga dinastiya ang mga obispo, pari, relihiyoso. Madali silang hingan ng tulong para sa malalaking pangangailangan ng mga simbahan. At hindi kataka-takang tila tumatahimik kami kapag malaki-laki na ang natanggap naming “ayuda.” Ito ang isang mabigat na hamon sa mga simbahan. Ito ang hamon ni Papa Francisco na nagsabing, “Nais ko ang isang mahirap na simbahan para sa mahihirap.” (‘I want a poor church for the poor.’)


Hangga’t walang naipapasang batas na may Implementing Rules and Regulations (IRR) laban sa mga dinastiya, patuloy ang pagdami at paglakas ng mga dinastiya. 


“Kaya taun-taon nagpa-file ng Anti-Dynasty Bill sa Kongreso ang aming grupo,” sagot ni Congresswoman Brosas. Parang suntok sa buwan, ngunit kailangang gawin.


Kailangang manatiling mahina at takot ang maliliit at mahihirap. Marami sila at ang kanilang bilang ay mapanganib. Ngunit kung pananatilihin silang mahina at takot madali silang sawayin at takutin. Nakikita natin ang nakalahad na kamay ng pulubi. Sa sistema ng ayuda, sistema ng paternalismo, sistema ng mga dinastiya, laging makikita ang imahe ng mga mahihirap na nakalahad ang isang kamay na pawang nanglilimos. 


Kailangang matutunan ng lahat na ilagay ang kamay sa dibdib upang manalangin at mangakong mahalin at ipagtanggol ang bansa. Pagkatapos ilapat ang kanang kamay sa dibdib, huwag itong ilahad sa aktong paghingi o paglimos kundi pag-aralang ikuyom at itaas na palaban upang ipakita ang tapang at paninindigan sa pagsulong ng kanyang dangal at karapatan.


Hindi madaling linisin ang bansa at palayain sa pananakal ng mga dinastiya. Hindi rin madaling baguhin ang kamalayan at kultura ng pagsandal, paghingi, pag-asa at paglilimos, ang kultura ng ayuda na pinaiiral at pinalalaganap ng mga dinastiya. Subalit, kayang unti-unting pag-aralang magtrabaho, magtiyaga, magkapit-bisig, magtulungan at magkapit-kamay, manalangin at ilapat ang kanang kamay sa dibdib.


Hindi madaling gamutin ang nakasanayang kahinaan at takot. Ngunit hindi imposibleng matutunang mahalin at magtiwala sa Diyos, makiisa sa kapwang maliit at mahirap upang iwasan at iwaksi ang paghingi, pag-asa at paglilimos sa panginoong may pera’t lupa. 


At darating ang panahon na mababawasan hanggang mawala ang kamay na nakalahad na nanlilimos at mapapalitan ito ng kamaong nakataas, naninindigan at umaasang lalaya ang bansa sa paniniil ng kapatid sa kapatid, kabayan sa kabayan at babalik ang pagkakapantay-pantay sa bansang nagising sa bangungot ng mga dinastiya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page