top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MALAMANG MAY TAGA-MALACAÑANG NA MAY MASAMANG BALAK SA PERA NG BAYAN KUNG TOTOONG MAY MGA BLANGKO SA 2025 GAA NA PINIRMAHAN NI PBBM -- Ibinulgar ni ex-P-Duterte na base raw sa hawak niyang mga dokumento patungkol sa pinirmahan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na 2025 General Appropriations Act (GAA) ay marami raw nakalagay sa 2025 national budget na mga programa at proyekto ng pamahalaan ang blangko, na ‘ika ng dating presidente ay mistulang binigyan daw ng mga senador at kongresista si PBBM ng blangkong tseke at siya na ang bahalang maglagay dito ng halaga.


Kung totoo ang ibinulgar ni ex-P-Duterte, eh, lalabas na may mga tao sa Malacañang na may masamang balak sa pera ng bayan, period!


XXX


DAPAT ISAPUBLIKO NG MALACAÑANG ANG MGA NILALAMAN NG 2025 GAA -- Matapos sabihin ni Executive Sec. Lucas Bersamin na fake news ang ibinulgar ni ex-P-Duterte patungkol sa mga blangkong sections sa 2025 GAA, ay sinabi naman ni PBBM na kasinungalingan daw ang isiniwalat ng dating presidente dahil hindi raw niya pipirmahan ang 2025 GAA kung may mga blangkong pagkakagastusan dito.


Para matapos na ang isyung iyan, dapat isapubliko ng Malacañang ang lahat ng nilalaman ng 2025 GAA para magkaalaman na kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang sinungaling sa kampo nina PBBM at ex-P-Duterte, boom!


XXX


DAPAT MAYORYA SA OPOSISYON MANALO SA SENATORIAL ELECTION PARA MAY BABATIKOS SA MGA MALING POLISIYA NG MARCOS ADMIN -- Mismong si PBBM na ang nagsabi na mahirap daw sa ngayon na ibaba ang presyo ng per kilo ng bigas.


Kumbaga, siya na rin ang umamin na huwag nang umasa ang mamamayan na matutupad ang promise niya noon na gagawin niyang P20 per kilo ng bigas kapag siya ang naging presidente.


Sa darating na halalan, dapat majority na manalo sa senatorial election ay mula sa hanay ng oposisyon para kapag mayorya ng mga senador ay hindi “hawak sa leeg” ng Malacañang ay may babatikos sa presidente.


Puna kasi natin, dahil majority ng mga senador ay kaalyado ni PBBM kaya walang bumabatikos sa kanya tungkol sa napako niyang pangakong P20 per kilo ng bigas, period!


XXX


KAPAG SA KAPAKANAN NG MGA PULITIKO, AMBILIS UMAKSYON ANG SC PERO SA KAPAKANAN NG MGA TSUPER AT OPERATOR NG JEEP ANG KUPAD – Ang bilis ng aksyon ng Supreme Court (SC) sa pagbibigay ng temporary restraining order (TRO) sa mga pulitikong diniskuwalipika ng Comelec para maisama ang kanilang mga pangalan sa balota upang matuloy ang kanilang mga kandidatura, pero pagdating sa TRO na matagal nang hinihiling ng mga tsuper at operator ng mga traditional jeepney para ideklarang unconstitutional ang Public Utility Vehicle Modernization Program ay hanggang ngayon walang aksyon ang SC.


Diyan makikita na kapag sa kapakanan ng mga pulitiko simbilis ng kidlat umaksyon ang SC, pero kapag sa kapakanan ng mga tsuper at operator ng jeepney, ang kukupad, mga “nganga,” boom!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 20, 2025



Fr. Robert Reyes

Sunud-sunod ang mga rally ngayong buwan ng Enero. Katatapos lang ng malaking rally ng Iglesia ni Cristo sa Luneta noong nakaraang Enero 13. 


Sumunod naman ang isa pang rally sa EDSA Shrine. Rally ito ng tatlong grupo na naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Merong rally noong Sabado, Enero 18. Tulad ng rally noong nakaraang Miyerkules, rally din ito na sumusuporta sa impeachment ni VP Sara. 


Sa darating na Enero 25, magkakaroon ng rally ang mga nais gunitain ang alaala at kontribusyon ni dating Pangulong Cory Aquino na nagdiriwang ng kanyang ika-92 kaarawan, at pagkaraan ng anim na araw susundan ito ng isa pang rally. Magtatapos ang Enero sa isang rally sa Enero 31, na umabot ng limang rally sa isang buwan. Tungkol naman saan ang mga rally na ito? Tunay bang rally ang lahat ng ito o merong mga rali-ralihan.


Hindi natin huhusgahan ang anuman sa mga rally na nabanggit. Ngunit sa naging karanasan natin sa mga nagdaang limang dekada ng mga sari-saring pakikibaka at pamamahayag sa katotohanan at pagsulong sa katarungan at kalayaan, maaari nating sabihing nakita at naranasan na natin ang lahat ng uri ng rally, pagtitipon at pag-oorganisa.


Pag-usapan na lang natin ang iba’t ibang rally ng bawat dekada, mula dekada 70 hanggang kasalukuyan.


Dekada 70. Madaling malaman noon kung ang rally ay panig o laban sa administrasyon dahil malinaw kung sino ang kalaban. Bagama’t iba-iba ang pamamaraan at paniniwala ng mga grupong organisado at lumalaban, malinaw sa karamihan kung ano ang mga problemang umuugat sa bansang sumailalim sa Batas Militar. Buong tapang na lumaban ang mga organisadong grupo. Maraming nakulong, natortyur, nawala at lumayo, nag-eksilyo sa ibang bansa.


Nagamit ang mga sundalo at kapulisan para takutin at supilin ang mga kumikilos para sa katotohanan at katarungan. Normal na ang paggamit ng batuta, fire hose, teargas at ang pag-arestong walang warrant. Nahati ang mga grupo sa tinatawag na demokratikong kaliwa at dulong kaliwa. Meron ding gitna at kanan. Sumama at nakilahok ang mga simbahan mula Katoliko hanggang Protestante, Aglipayan at mga sari-saring sekta.


Laging nakaabang ang Iglesia ni Cristo. Bahala na kayong alamin kung saang bahagi ng “political spectrum” pumaloob ang mga simbahan mula dulong kaliwa, demokratikong kaliwa, sentro, kanan at dulong kanan. Kung sa kulay naman, naroroon na ang mga dilawan, pulahan, mga bughaw at puti at marami pang iba.


Mahirap, mapanganib ngunit puno ng makabuluhang hamon ang dekada 70.

Dekada 80. Tumindi ang mga rally. Lumitaw at nagsalita ang isang Cardinal Jaime Sin.


Kasama tayo sa isang maliit na pangkat ng kapariang laging pinatatawag ng cardinal upang pag-aralan ang mga nangyayari at maging handang gawin ang anumang sa tingin ng mahal na cardinal ay nararapat at naaayon sa banal na kalooban ng Diyos. At sa dekada 80 naganap ang pinakaunang mapayapang debolusyon ng EDSA People Power Revolution.


Umalis ang diktador at ang kanyang pamilya at naranasan ng lahat ang panahon ng kapayapaan at katahimikan. Wala nang Batas Militar: curfew, ASO (arrest seizure order), o warrantless arrest (basta magustuhang arestuhin o arestado maski na walang warrant), ‘tortyur at mahabang pagkakakulong’ sa Bicutan, Crame, Aguinaldo at iba pang mga kampo ng military at pulis, nabawasan ngunit nagpatuloy pa rin ang mga nawawala o winawala ng kapulisan o militar na pinaghihinalaang kasapi ng mga grupong kalaban ng estado (enemies of the state).


Dekada 90. Nagpatuloy ang katahimikan sa ilalim ng isang organisadong sundalong presidente. Ngunit nagkaroon ng malalaking rally sa dulo ng kanyang administrasyon.


Ang isang rally ay para baguhin ang Konstitusyon upang pahabain ang kanyang pag-upo sa Malacanang. Ang pangalawang rally ay ang malawakang pagtutol sa pananatili ni FVR.


Dekada ngayon. Patindi at parami nang parami ang mga rally. Nakabalik ang mga pinalayas. Dumami ang mga trapo at dinastiya. Nagkampihan ang mga pulitiko sa ‘pagsipsip’ sa pondo ng bayan. Nagkaisa sa malawakang tila panlilinlang at paggamit ng salapi (ayuda) para pahinain at patayin ang mulat at kritikal na pananaw at kamalayan ng lahat, lalo na ang nakararaming mahihirap. Natuto na rin ang mga trapo na gumawa ng kanilang rally, gamitin ang mga simbahang tila bukas na magpagamit at tumanggap ng anumang pabuyang kapalit.


Sa mga magaganap na rally makikita naman kung ano ang totoo at hindi, malaya o sapilitan, bunga ng paninindigan at prinsipyo o bayaran, mababaw o walang malalim na pag-unawa sa problema o may matalas na pagsusuri at pag-uunawa sa mga problema at sa mga sanhi at ugat ng mga ito.


Kailangang-kailangan ang mga rally na totoo at pang-taumbayan. Mag-ingat tayong magamit, maloko o mabudol. Usung-uso na ito noon at lalung-lalo na ngayon.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAHIL SA DAMI NG KURAKOT SA PAMAHALAAN KAYA NALUBOG SA UTANG ANG ‘PINAS -- Ibinulgar ni senatorial bet, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na “nalunod” daw sa utang ang Pilipinas dahil sa talamak na corruption sa pamahalaan.


Sa totoo lang, wala namang ibang dapat sisihin sa pagkalubog ng ‘Pinas sa utang kundi ang mayoryang botante kasi ang paulit-ulit nilang ibinobotong mga pulitiko ay ‘yung may mga sikat na pangalan na nagpapanggap na mga lingkod-bayan, pero ang katotohanan ay mga kurakot, period!


XXX


‘PINAS, RANK 2 SA SOUTHEAST ASIA SA MAY PINAKAMARAMING KURAKOT NOONG 2023 -- Hindi naman talaga maitatanggi na talamak ang corruption sa pamahalaan at napatunayan iyan sa inilabas na datos ng "Our World in Data" na sa kanilang research patungkol sa political corruption index sa Southeast Asia noong year 2023, panahon na ito ng Marcos administration, ay lumabas na ang bansang number 1 sa katiwalian ay ang Cambodia, at ang Pilipinas ang rank 2 sa corruption.


Iyan ang dahilan kung bakit maraming mahihirap na Pinoy, kasi nga maraming kurakot sa pamahalaan. Eh last year (2024), ano na kaya ang ranking ng ‘Pinas sa corruption? Abangan!


XXX


KAPAG NAG-IMBESTIGA ULI ANG QUADCOMM, VP SARA, MAGIGISA NA NAMAN SA ISYUNG GUMASTA NG P211M SA SCHOOL BUILDINGS PERO 22 LANG ANG NATAPOS -- Naglabas na statement ng Commission on Audit (COA) na sa panahon daw ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio bilang kalihim ng Dept. of Education (DepEd) ay naglabas daw ito ng DepEd funds na higit P211 million at ibinayad sa mga piling kontratista para sa pagpapagawa ng 98 eskwelahan, pero ang ginawa lang daw ng mga contractor ay 22 school buildings.


Dahil sa ibinulgar na iyan ng COA ay asahan na ni VP Sara at mga dati niyang tauhan sa DepEd na kapag nag-imbestiga uli ang Quad Committee ng Kamara, magigisa na naman silang lahat sa isyung ito, period!


XXX


FAKE NEWS PALA ANG SINABI NI COMELEC CHAIRMAN GARCIA NA WALANG PROBLEMA SA PANIBAGONG PAG-IIMPRENTA NG MGA BALOTA, PERO MERONG MALAKING PROBLEMA -- Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, spokesperson ng Comelec, namomroblema ngayon ang komisyon kung sasapat ang kanilang pondo para sa printing ng balota ng May 12 national and local elections dahil umabot daw sa P260 milyon ang kabuuang nasayang na pondo ng poll body dahil sa na-print na 6 milyong balota na hindi na puwedeng gamitin dahil sa inisyung temporary restraining order ng Supreme Court (SC) sa mga diniskuwalipikang kandidato.


Kung ganu’n, fake news pala ang naunang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na wala raw problema sa gagawing pag-iimprenta uli ng mga balota, eh ‘yun pala ay may malaking problema, at ito nga ay ang pondo sa panibagong pag-iimprenta ng mga balota, boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page