top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PARANG INAMIN NI BERSAMIN NA MAY MGA BLANGKO NGA SA MGA SECTION NG 2025 GAA DAHIL MASYADONG DEFENSIVE -- Sinabi ni Executive Sec. Lucas Bersamin na kung may kukuwestiyon daw sa Supreme Court (SC) tungkol sa mga sinasabing blangkong sections sa pinirmahang 2025 General Appropriations Act (GAA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay wala raw pananagutan dito ang Presidente at ang Malacanang.


Kumbaga, parang inamin na rin ni ES Bersamin na may mga blangko nga sa 2025 GAA, kasi masyado siyang defensive, period!


XXX


RATING NG SENADO AT KAMARA, BAGSAK, PRO-MARCOS SENATORS AND

CONGRESSMEN MGA PABIDA LANG -- Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) ay parehong bumagsak ang rating ng Senado at Kamara.


Pulos kasi pabida ang ginagawa ng pro-Marcos senators at congressmen, kaya ‘yan ang resulta, bagsak ang rating ng Senado at Kamara, boom!


XXX


MAY ‘TULOG’ SA KANILANG MGA KALABAN ANG MGA ALKALDE SA METRO MANILA NA HINDI MAGANDA ANG PERFORMANCE -- Pasok sa top 10 performing mayor ng Social Pulse Philippines sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Pasig City Mayor Vico Sotto, Pasay City Emi Calixto-Rubiano, Manila Mayor Honey Lacuna, Makati City Mayor Abby Binay, Valenzuela City Wes Gatchalian, Paranaque City Mayor Eric Olivarez, Navotas City Mayor John Rey Tiangco, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at Marikina City Mayor Marcy Teodoro.


Kaya ‘yung ibang mayor sa Metro Manila na hindi nasama sa top 10 performing mayor, may ‘tulog’ ang mga ‘yan sa kanilang mga kalaban sa pagka-mayor, kasi kung pagbabasehan ang survey na ito ng Social Pulse Philippines, hindi kagandahan ang kanilang performance o hindi pala sila performing mayor, period!


XXX


ISRAEL AT HAMAS SA PALESTINE ANG DAPAT PINURI NI ROMUALDEZ, HINDI SI PBBM -- Pinuri ni Speaker Martin Romualdez si PBBM sa pagkakalaya ng 17 Pinoy seamen na binihag ng mga Houthi terrorists sa Yemen.


Teka, bakit si PBBM ang pinuri ni Romualdez, eh, ano bang nagawa ng Marcos admin para palayain ang mga kababayan natin na hinostage?


Ang nais nating ipunto rito, dapat ang purihin ni Romualdez ay ang Israel at Hamas sa Palestine, kasi kung hindi sila nagdeklara ng ceasefire, malamang hindi pa palalayain ng mga Houthi terrorists ang mga Pinoy seaman, boom!


 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | Jan. 25, 2025




Hello, Bulgarians! Prepare to go beyond borders with unbeatable travel deals and exclusive offers at the 32nd Travel Tour Expo (TTE).


Sa nakalipas na tatlong dekada, itinatag ng TTE ang sarili bilang ultimate travel and tourism event. Ang edisyon ng taong ito ay nangangako na malampasan ang mga nakaraang event, na nagtatampok ng higit sa 300 exhibitors at inaasahang higit sa 100,000 ang bilang ng mga dadalo.


Mula sa abot-kayang mga flight hanggang sa mga curated tour package at luxurious accommodation, ang TTE ay may nakahanda para sa bawat badyet, at dahil ang event ay pinaghandaan ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA), ang mga dadalo ay magkakaroon ng pagkakataong makakuha ng expert travel advice at samantalahin ang mga eksklusibong deal para sa parehong domestic at internasyonal na adventure.


Binigyang-diin ng pangulo ng PTAA na si Evangeline Tankiang-Manotok ang mga pakinabang ng pakikipagtulungan sa mga professional travel agencies. “This is the perfect spot to avail of amazing deals, explore new destinations, and plan your dream getaway. Bring the whole family there’ll be games, raffle prizes, and fun for everyone during the three-day event,” sabi niya.


“The great thing about the TTE is you will find everything under one roof -- airlines, resorts, cruise tours, and more. So many options to choose from and you can even opt to pay by installment, depending on your bank,” dagdag pa ni PTAA PRO Chal Lontoc-del Rosario.


Ang mga tiket sa TTE ay P100 para sa general admission at P80 para sa mga senior citizen at mga indibidwal na may kapansanan.


Gaganapin ang 32nd Travel Tour Expo sa Pebrero 7-9, 2025, sa SMX Convention Center.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Jan. 25, 2025



Bistado ni Ka Ambo

‘Make America Great Again’.


Ayon sa artificial intelligence chat, ito ay isang political slogan ni US President Donald Trump.


Pero, ito ay mayroon ding bahid ng ideolohiya.


------$$$---


Ang paggamit ng “great again” bilang political slogan ay nauna nang ginamit ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.


Orihinal si Apo Macoy sa kanyang kampanya noong 1965: “This Nation Can Be Great Again”.


---$$$---


MALINAW ang ideolohiya ni Trump at matandang Marcos.


Imbes na isang siglo na magagamit ng US ang mga military base sa teritoryo ng Pilipinas, pinaikli niya ito at sinagkaan sa loob lang ng 25 taon. 


----$$$--


TULAD ni Trump na prayoridad ang interes at soberanya ng Pilipinas, iyan mismo ang prayoridad ng matandang Marcos kung saan, idineklara at pinanindigang neutral o “non-aligned nation” ng Pilipinas, tulad sa itinatadhana ng Konstitusyon.


----$$$--


KASAMA si ex-FL Meldy, tinanggap nang maayos ng mga dakilang lider ang kanilang pagdalaw.


Hindi malilimutan ang pakikitungo sa mag-asawang Marcos nina Mao Tse Tung ng China; Moamar Kadhafy ng Libya at maging ng mga lider ng USSR at United States.


----$$$--


ISINULONG ng matandang Marcos ang 11 industrial projects upang gawing industriyalisado ang Pilipinas.


Kabilang sa proyekto ang Bataan Nuclear Power Plant na magpapababa sa singil sa elektrisidad at aakit sa mga foreign investor.


----$$$--


SA sobrang inggit at insecurity ng ilang bansa katuwang ang mga traydor na pulitiko, sosyalista at komunista at sa bandang huli — ang imperyalista — kinuyog nila ang liderato ng matandang Marcos.


Nang mawala sa Malacañang si Apo Macoy, idinikta at kinontrol na ng mga dayuhan ang takbo ng buhay ng Pinoy at gobyerno ng Pilipinas.


 ----$$$--


WALA tayong masasabi kung puwedeng ikumpara kay Trump si PBBM o maihalintulad man lamang siya sa kanyang ama.


Hindi kasi malinaw ang slogan na Bagong Pilipinas.


----$$$--


HINDI naman naidikit ng mga propagandista ang Bagong Pilipinas sa orihinal na slogan na “This Nation Can Be Great Again” na kinopya ni Trump.


Mahalagang sundan ni PBBM ang ideolohiya ng kanyang ama na katuwang na nililok ng mga bumubuo ng Presidential Center for Special Studies sa Malacañang Library.


----$$$--


HINDI dapat magpadikta ang Pilipinas sa malalaking bansa para lamang dumipensa kontra China.


Kailangan pa ring manatiling may dignidad at integridad ang Republika ng Pilipinas.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page