top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 8, 2026



Never daw mawawala ang pagmamahal sa ex… MARVIN, AMINADONG HIRAP NA ‘DI MAINLAB ULI KAY JOLINA

Photo: IG _korina



Malakas pa rin talaga ang kilig sa tambalang Marvin Agustin at Jolina Magdangal.

Matapos nga ang kanilang reunion movie na Ex Ex Lovers na ipinalabas last year, muling pinagsama ng TV5 ang sikat na tambalan nu’ng ‘90s na MarJo sa bagong romcom serye ng Kapatid Network titled Mommy Guard na magsisimula na sa September.


Sa pagkanta pa lang ni Jolens sa Tara Kapatid! 2026 Midyear Media & Trade Celebration na ginanap sa TV5 Studio nu’ng Huwebes, tapos ay binigyan ng flowers ni Marvin sa stage, ramdam na ang kakaibang chemistry nila, na for sure, mas sasabog pa sa kanilang mga pakilig scenes sa Mommy Guard.


Kaya nga ang tanong namin sa dalawa, paano ba nila “gina-guard” ang mga puso nila para hindi na muling ma-in love sa isa’t isa ngayong magsasama silang muli.


Si Marvin ang unang sumagot ng, “‘Yan nga po ang pinakamahirap na pinagdaraanan ko bilang magkakatrabaho kaming love team. Kasi nga kanina nu’ng kumakanta lang, ang hirap na,” sabay birong nasa studio ang mga anak nila, na ang tinutukoy ay ang mga anak ni Jolina.


At kahit hindi sila nagkatuluyan in real life, sabi ni Marvin ay hindi naman daw magbabago ang pagmamahal niya kay Jolens, mapa-personal o career man, kaya siguro ramdam pa rin ang magic tuwing nagkakasama sila.


Sabi naman ni Jolina, thankful siya dahil kahit nag-evolve na ang love team nila at may kani-kanya na silang buhay ngayon ni Marvin, marami pa rin ang sumusuporta at kinikilig sa kanila at tinatanggap ang kanilang onscreen partnership.


Samantala, naitanong din namin kay Jolina ang reaksiyon naman ng mister niyang si Mark Escueta sa balik-tambalan nila ni Marvin.


Aniya, very supportive si Mark ever since nagbalik-tambalan sila sa movie. In fact, ang mister pa nga raw ang nagtatanong sa kanya kung gusto niyang magpunta sa resto ni Marvin para roon kumain at magkita sila dahil alam daw ni Mark ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya.


At kahit daw ang mga anak niyang sina Pele at Vika ay tuwang-tuwa rin kapag napapanood ang mga cute scenes nila ni Marvin.


Kaya naman, hindi pa man nagsisimula ang Mommy Guard, sure na sina Marvin at Jolina na may mga nag-aabang na sa kanilang first romcom sa TV5.





Kung dati, todo-gastos… 

ANDREA, TUMATANDA NA RAW, MARUNONG NANG MAGTIPID



AMINADO ang sinasabing bagong TV5 Princess na si Andrea Brillantes na tumatanda na siya dahil 23 yrs. old na siya ngayon kaya nagma-mature na rin siya.


Nakausap namin ang bidang aktres sa A Secret in Prague na katambal ni Enrique Gil sa nasabing serye sa ginanap na Tara Kapatid! 2026 Midyear Media & Trade Celebration at pinuna nga namin ang kapansin-pansing maturity ni Andrea hindi lang sa kilos at pananalita kundi pati sa mga sagot niya sa interbyu.


Sabi naman ng napakaseksing aktres, natural lang na mag-mature na nga siya dahil 23-anyos na siya ngayon.


Pero ang malaking sign daw siguro ng maturity niya ay ‘yung marunong na siyang magtipid ngayon at hindi na basta bili na lang nang bili ng mga magustuhan niya unlike noon na as a K-Pop fan ay panay ang bili niya ng mga K-Pop merchandise.


Good news din ang sinabi ni Andrea na marunong na siyang mag-invest ngayon. Tama naman, hindi kasi habampanahon ay bata, sexy at in demand siya.

Sabi nga, strike while the iron is hot and save for the rainy days.





Bongga! ‘Pag lasing si guy, si exotic girl ang hanap… GUWAPONG ANAK NG MALE INFLUENTIAL PERSONALITY AT SEXY STAR, SA FAMILY HOME SA POSH SUBDIVISION PA NAGSE-SEX




  • Da who, blind item


BLIND ITEM:


As promised, ito na ang part 2 ng aming blind item kahapon tungkol sa guwapong anak ng influential male personality na nakabuntis ng isang ‘di pa naman kasikatang sexy star.


Bunso pala sa magkakapatid ang nakabuntis na guwapong guy, kaya naman ganu’n na lang ang pagka-shocked ng mudrakels niya na sa hitsura niyang ‘yun, eh, para raw silang kape’t gatas ng kanyang nabuntis na sexy star, na bagama’t maganda nga ang katawan, eh, ‘di naman pambato ang face card.


Chika pa ng source, hindi makinis at maputi ang girl, as in exotic beauty siya, kaya nga takang-taka si mudrakels kung bakit na-in love ang kanyang guwapong anak sa sexy star.


Ang siste, kapag nalalasing daw si guwapong anak, ang pangalan ng exotic girl ang lagi nitong tinatawag. At nabuking pa ni mudrakels na sa family home pa nila sa isang posh subdivision sa Manila dinadala ng kanyang bunso ang sexy star para du’n sila mag-chuck-chack-tienes!


Kaya nga, malamang, du’n nabuo ang unang apo ng influential male personality at ng kanyang misis, na lokang-loka dahil tila nagayuma ang kanyang bunsong anak.


Ang ipinagtataka ng aming source, sa laki ng connection at impluwensiya ng kanilang pamilya, bakit hindi nila mahanap ang sexy star na nagtago na sa takot ngang ipalaglag ng pamilya ng guy ang kanilang magiging anak?


Oh, well, ang bongga talaga ng blind item na ‘to, kaya abangan n'yo uli ang part 3 bukas!

 
 

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 8, 2026



JM De Guzman - Instagram

Photo: JM De Guzman / IG



Ang daming pumuri sa freshness at magandang pangangatawan ngayon ni JM de Guzman nang dumalo siya sa Tara, Kapatid! Midyear Media and Trade Celebration ng TV5 last Thursday.


Halos lahat ay nagkaisa sa pagsasabing mas gumuwapo at mas bumata pa siyang tingnan.


When asked kung paano niya ito ginawa, sey ng aktor, “Nagdasal po ako.”

Pero siyempre, bukod sa prayers ay talagang nag-focus daw siya sa pagwo-workout. 

Biro pa niya, nagsumbong siya sa best friend niyang si Emman, ang misteryosong karakter sa pinagbibidahan niyang serye sa TV5 na My Bespren Emman (MBE).


“Nagsumbong ako na ‘Emman, ang laki-laki ko na. Sana po, magka-jawline ako, Emman, best friend naman kita,’” natatawang sey ni JM.


Samantala, sobrang thankful ng aktor nang i-offer sa kanya ng TV5 ang serye na tumatalakay sa redemption and faith ng lead character na ginagampanan niya.

“Sobrang thankful ko simula nu’ng natanggap ko ‘tong project na ‘to. Before ko kasi s’yang matanggap, medyo nag-i-struggle ako sa spiritual life and spiritual connection ko with God.

“Pero habang ginagawa namin ‘to, kinakausap-kausap ko si Emman (God), how I prepared for the role,” pahayag ng aktor.


Habang ginagawa raw ang serye ay natuto siyang mag-meditate at magdasal.

“Nag-meditate talaga ako and prayed para magkaroon din ng connection kay God. I did it every day before shoot and kung nasa bahay lang ako, before I sleep,” aniya.


“And masarap s’ya sa pakiramdam and nagkakaroon ako ng clarity,” dagdag niya.

Para naman sa kapareha niya sa serye na si Shaina Magdayao, itinuturing din niyang answered prayer ang proyektong ito.


“I kept on repeating that this is an answered prayer. Kasi, alam n’yo naman po, lumaki na po ako sa harapan n’yong lahat, na gumagawa ng mga pelikula at saka mga teleserye na kagaya nito.


“And then, I don’t know, for some reason siguro, nu’ng naging teenager (ako), nawala ru’n ‘yung focus. S’yempre, napunta sa mga love story and ‘yung iba-iba pang mga kuwento na ibinibigay natin sa manonood.


“So, when this was offered to me, I felt that it was an answered prayer,” sey ni Shaina.

“Tapos, may bonus pa nga na tumagal kami nang ganito katagal, na umabot pa sa Book 2 kaya it’s beautiful to be able to be given this opportunity na gumawa ng ganitong klaseng show na, gaya nga po ng sabi ninyo, wala na tayong mga napapanood na ganito,” dagdag niya.


Now part of TV5’s Hapon Champion lineup and also available to Kapamilya audiences, My Bespren Emman continues to build a loyal multiplatform following through its story of friendship, family, resilience, and second chances.


 
 

ni Beth Gelena @Bulgary | August 8, 2026



27-anyos na, ‘di pa handa, Richard… BARBIE, MAY KONDISYON BAGO MAGKAANAK

Photo: Barbie Imperial sa Hello Outside World / YT



Ibinahagi ni Barbie Imperial sa unang episode ng Hello Outside World (HOW) ng ABS-CBN Entertainment sa YouTube (YT) na malayo na ang narating niya mula nang maging unang na-evict sa Pinoy Big Brother: 737 (PBB737) noong 2015.


Hindi raw naging hadlang ang maagang eviction. Sa halip na umuwi sa Bicol, nanatili siya sa Maynila at tinanggap ang iba’t ibang acting projects para matulungan ang kanyang pamilya.


Inamin niyang umabot sa puntong na-bitter siya nang mapanood ang mga video ng ilang dating housemates na may masasamang sinabi tungkol sa kanya.


Tinanggap niya kahit ang mahihirap at mapangahas na roles sa Maalaala Mo Kaya (MMK) at Ipaglaban Mo (IM), hanggang sa nabigyan ng malaking break bilang leading lady sa Precious Hearts Romances Presents: Araw Gabi noong 2018.


Mula sa pamumuhay malapit sa riles sa Bicol, nakapagpatayo siya ng mas malaking bahay at naitaguyod ang kanyang ina at kapatid.


Aniya, hindi siya nakaramdam ng sobrang bigat bilang breadwinner dahil nagsisikap pa rin ang kanyang pamilya na kumita.


Itinuturing niya ang kanyang mommy na matalik na kaibigan at pangunahing sandalan sa tuwing napapagod o nahaharap sa pagsubok.


Aniya, hindi siya tinuruan ng kanyang ina na magkimkim ng sama ng loob laban sa kanyang estranged father.


Pangarap din daw niyang maging ina balang-araw. Mahilig siya sa mga bata at gusto rin niyang magkaroon ng sariling anak, ngunit hindi pa siya nagmamadali sa edad na 27.

Tungkol naman sa pagiging ina, sinabi ni Barbie na isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa siya handa ay ang kanyang pag-aalala sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, lalo na sa healthcare, edukasyon at sistema ng pamahalaan.


Aniya, gusto niyang matiyak na magiging maganda ang mundong kalalakihan ng kanyang magiging anak bago siya magpasya na bumuo ng sariling pamilya.





Naging tatay sa edad na 51…

SMOKEY, UMAMING HIRAP SA ANAK NA AUTISTIC



NAGING emosyonal si Smokey Manaloto nang ibahagi niya ang tungkol sa kanyang anak na si Kiko sa panayam sa kanya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).

Ikinuwento niya na matagal niyang pinangarap maging ama at natupad lamang ito sa edad na 51.


Inilarawan niya ang pagsilang ng anak nilang si Kiko bilang isang ‘welcome accident’ na nagbigay ng malaking saya at saysay sa kanyang buhay. 


Ibinunyag niyang nasa autism spectrum si Kiko. Ayon kay Smokey, may mga hamon sa pagpapalaki ng batang nasa ganitong sitwasyon, ngunit lalo niyang pinahahalagahan ang bawat maliit na milestone ng kanyang anak dahil napakalaking tagumpay ito para sa kanilang pamilya.


Habang nagsasalita tungkol kay Kiko, naging emosyonal siya at sinabing… “My son is diagnosed with autism. He’s in the spectrum and it’s tough, pero every milestone… ‘yung maliliit na bagay na nagagawa ng anak, para sa amin, napakalaking bagay na.”


Sa pinakamatinding bahagi ng panayam, halos maiyak siyang nagsabi, “Mahal na mahal ko talaga ang anak ko, kahit ano pa s’ya.”


Ipinakita ng kanyang pahayag ang kanyang walang kondisyong pagmamahal at buong pagtanggap sa kanyang anak, na naging inspirasyon sa maraming magulang na may mga anak na nasa autism spectrum.





Singer, kabado para sa sariling buhay… 

GLOC-9, PINAGBAWALAN NANG KANTAHIN ANG UPUAN 



PINAGBAWALAN si Gloc-9 na kantahin ang kanyang kantang Upuan sa ilang events, ayon sa rapper nang makapanayam siya ni Kara David sa programang i-Listen.


Ayon sa kanya, may nagsasabi ng “‘Wag mong kakantahin ‘yun, ah.”

Napapaisip siya kung karapat-dapat pa ba niyang kantahin ang sarili niyang mga obra.


Inamin niyang minsan ay pakiramdam niya, tila hindi niya napapanindigan ang mensahe ng kanyang kanta kapag hindi niya ito kinakanta.


Mas inuuna niya ang kaligtasan at ang kanyang pamilya. 

Sey niya, “Iniisip ko na lang kasi, gusto kong umuwi sa anak ko. Baka kasi ‘pag kinanta ko, ‘di ako makauwi sa anak ko.”


Ipinaliwanag din ni Gloc-9 na ang Upuan ay isinulat upang magmulat sa mga isyung panlipunan at kawalang-katarungan.


Samantala, sinabi ni Kara na hangad niyang manatiling ‘sandata’ ang kanta upang mamulat ang mga tao sa mga problemang kinakaharap ng lipunan.


Sa parehong panayam, ibinahagi rin ni Gloc-9 na ang inspirasyon sa pagsulat ng Upuan ay nagmula sa kanyang mga karanasan bilang nursing student sa mga pampublikong ospital, kung saan nasaksihan niya ang matitinding paghihirap ng mga pasyente at kanilang pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page