top of page
Search

by Info @Editorial | August 9, 2025



Editorial


Isang nakakabiglang balita ang yumanig sa bayan ng Santa Rosa, Nueva Ecija nitong Agosto 7, 2025. 


Isang 15-anyos na estudyante ang binaril ng kanya umanong dating kasintahan na edad 18, na nagbaril din sa sarili sa loob mismo ng silid-aralan. 

Paano ito nangyari sa isang lugar na dapat ay ligtas?


Habang ang atensyon ng marami ay nakatuon sa mga pang-akademikong isyu, tila nakakaligtaan ang mas mahalagang usapin: ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante habang sila ay nasa loob ng iskul.Ang pamamaril sa loob ng paaralan ay hindi lamang simpleng krimen. Isa itong patunay ng maraming bagay: una, ang pagkabigo sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa mga gate; pangalawa, ang pangangailangan para sa mas seryosong pagtutok sa mental health ng kabataan; at panghuli, ang nakakabahalang kadalian ng access sa mga nakamamatay na armas, kahit ng menor-de-edad.


Hindi dapat naghihintay ng trahedya bago kumilos. Kailangang mayroong konkretong hakbang tulad ng regular na inspeksyon sa mga kagamitan ng estudyante, mas mahigpit na ugnayan sa mga magulang, mental health programs, at pangmatagalang polisiya na magtitiyak ng kaligtasan sa loob ng bawat klasrum.


Hindi tayo dapat maghintay ng isa pang pamamaril. Ang panawagan para sa mas ligtas na paaralan ay hindi bukas, kundi ngayon na.


 
 

by Info @Editorial | August 8, 2025



Editorial


Matapos ang mainit na usapin ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na tuluyang in-archive sa Senado, panahon na upang mas ibaling ng mga mambabatas ang kanilang atensyon sa mas mahahalagang isyu na tunay na may direktang epekto sa mamamayang Pilipino.


Ang impeachment ay isang lehitimong bahagi ng sistemang demokratiko na kailangang pagtuunan ng pansin at kasabay nito dapat ay hindi maisantabi ang iba pang mahahalagang usapin. Tulad ng mga problema sa ekonomiya, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at patuloy na suliranin sa edukasyon at kalusugan. 


Hindi maikakaila na tila nauubos ang oras at atensyon ng ilang mambabatas sa pulitika at awayan sa kapangyarihan. Ang tanong: para kanino nga ba talaga ang kanilang serbisyo?


Habang tuloy ang pagtatalo sa mga pulitikal na isyu, nananatiling hirap ang karaniwang Pilipino sa araw-araw. 


Mabagal pa rin ang pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon, at marami pa ring Pilipino ang walang access sa maayos na serbisyong pangkalusugan.


Ang desisyong i-archive ang impeachment complaint ay tila pagsasara ng isang kabanata. Ngayon, inaasahan ng publiko na ang mga mambabatas ay magpokus na sa paggawa ng batas para sa reporma sa buwis, suporta sa agrikultura, dagdag na sahod, at serbisyong panlipunan.


 
 

by Info @Editorial | August 7, 2025



Editorial


Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na tinapyasan ng halos P72 bilyon ang panukalang pondo para sa mga flood control projects sa 2026. 


Mula sa kasalukuyang P346.6 bilyon, aabot lamang sa P274.9 bilyon ang panukalang pondo para sa susunod na taon.


Bagama’t ayon sa DBM, nirerepaso pa ang panukalang pondo para sa mga naturang proyekto at posibleng maglaan pa ng karagdagang budget kung kinakailangan. 


Kaugnay nito, sa harap ng tumitinding pagbaha at epekto ng climate change, may pangamba kung sapat pa ba ang pondo upang maprotektahan ang mga komunidad. 


Ang tamang paglalaan ng pondo ay tungkulin ng gobyerno — at karapatan ng publiko na maunawaan ito.


Sa huli, kahit gaano pa kalaki ang pondo kung ito’y hindi nagagamit nang maayos at tapat, wala ring mangyayari, lubog pa rin ang bansa at malalagay sa alanganin ang buhay ng mamamayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page