top of page
Search

by Info @Editorial | August 24, 2025



Editorial


Tuwing tag-ulan, paulit-ulit ang senaryo, lubog ang kalsada, lumulutang ang basura, at may mga pinipilit magsalba ng buhay sa gitna ng mataas o rumaragasang baha. 

Nakakalunod hindi lamang ang tubig kundi ang galit at pagkadismaya. Hindi na lang ito tungkol sa ulan — ito’y resulta ng kapabayaan at katiwalian.


Sa wakas, kumikilos na ang pamahalaan. Inilunsad ang malawakang imbestigasyon sa bilyones na halaga ng flood control projects na pinondohan mula taong 2022. 

Lumabas ang mga umano’y ghost projects, substandard na konstruksyon, at kahina-hinalang kontrata. 


May mga lugar na binigyan ng pondo, pero walang bakas ng proyekto. May mga contractor na umano’y nakuha ang bilyun-bilyon, pero palpak pa rin ang resulta.


Kung totoo ang mga paratang, hindi lang ito simpleng kapalpakan — ito ay tahasang pag-abuso sa pondo ng taumbayan. Sa gitna ng paghihirap ng ordinaryong Pilipino, may mga kumikita mula sa pagbaha.


Kaya dapat lang na huwag tantanan.


Hindi sapat ang imbestigasyon kung walang mapapanagot. Kailangang pangalanan ang mga opisyal, kontratista, at mambabatas na may kinalaman sa kapalpakan. Hindi dapat pagtakpan. Hindi dapat pagbigyan. At higit sa lahat, hindi dapat hayaang makalusot.


Kung walang mapaparusahan, ano pa ang silbi ng imbestigasyon? 

 
 

by Info @Editorial | August 23, 2025



Editorial


Nakapanlulumo na sa halip na pag-aralin at pangarapin ang magandang kinabukasan ng kabataan, sila’y ginagamit sa kalakaran ng ilegal na droga. 


Habang ang mga kabataan ay dapat nagsisilbing pag-asa ng bayan, sila ngayon ay ginagawang kasangkapan ng mga sindikato bilang tulak ng ipinagbabawal na gamot.Ginagamit ang mga bata dahil sila’y kadalasang hindi agad pinaghihinalaan, madali pang impluwensyahan, at hindi ganap na naaabot ng legal na pananagutan. 


Sa halip na protektahan, inaabuso sila — at ang masaklap, ang mismong sistema ang madalas bulag o kunsintidor.Hindi na ito simpleng isyu ng kabataan na naliligaw ng landas. Ito ay malinaw na pagkukulang sa tamang paggabay, edukasyon, at batas. 

Nasaan ang mga magulang? Nasaan ang mga paaralan? Nasaan ang barangay, ang Simbahan, at higit sa lahat — ang pamahalaan?


Kung patuloy nating hahayaang maging tulak ang kabataan, hindi lang sila ang nawawala sa direksyon — kundi pati ang kinabukasan ng ating bayan.


Habang may kabataang ginagawang pusher, may mga matatandang dapat managot.


Iligtas ang kabataan habang may panahon pa.

 
 

by Info @Editorial | August 22, 2025



Editorial


Isang tahimik subalit mapanirang epidemya ang lumalaganap — ang pagkakalulong sa online sugal. 


Sa isang pindot lamang sa cellphone o computer, maaaring malubog ang isang tao sa mundo ng kasino, sports betting, at iba pang uri ng sugal na ngayon ay mas abot-kamay kaysa dati. 


Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang online gambling ay nagdudulot ng matinding pinsala — hindi lamang sa pananalapi kundi pati sa relasyon ng pamilya at kalusugan ng pag-iisip. 


Sa pagkalulong, nauuwi sa utang, depresyon, at minsan pa’y krimen. Ngunit sa kabila ng

bigat ng problemang ito, tila kulang pa rin ang pansin at suporta para sa mga biktima ng online gambling addiction.Ang solusyon ay hindi lamang paghihigpit — kailangan ng rehabilitasyon. 


Sa pamamagitan ng tamang edukasyon, suporta, at rehabilitasyon, maaari nating matulungan ang mga nalululong na muling makabangon at bumalik sa tamang landas.

Kasabay nito ang panawagan sa mas mahigpit na regulasyon sa mga online gambling platforms. Wala na sanang menor-de-edad na makalusot at mas marami pang ma-ban na adik sa sugal.


Kung hindi makokontrol ang isyu sa sugal, mas malaking problema ang papasanin ng lipunan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page