top of page
Search

by Info @Editorial | November 27, 2025



Editorial


Ipinapanawagan na palayain na ang Ayuda program mula sa kamay ng mga pulitiko.

Sa deliberasyon sa panukalang pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa taong 2026, pinuna ang malalaking pagtaas ng cash ayuda tuwing taon ng eleksyon, partikular noong 2022 at nitong 2025. 


Kinuwestiyon din ang pagdaraos ng malalaking pagtitipon para sa distribusyon ng ayuda kung saan present ang mga solon at iba pang politician. 


Ang tulong na para sana sa mahihirap ay tila nagiging props sa kampanya — may tarpaulin na may mukha at pangalan ng mga epal na pulitiko na para bang galing sa bulsa nila ang ayuda.


Hindi ito tama. Hindi ito makatarungan.


Kaya sana, simula 2026, dapat tiyaking DSWD lamang ang may kontrol sa pamimigay ng ayuda — walang mayor, congressman, o sinumang pulitiko na makikialam sa listahan, schedule, o mismong distribusyon.


Gawin nang digital o direkta ang pag-release ng ayuda. Walang pila sa opisina ng pulitiko, walang pagpapa-selfie.



Dapat ding magpatupad ng malinaw at mabigat na parusa laban sa pulitikong gagamit sa programa sa anumang dahilan o paraan.


Kailangang maging mas bukas sa publiko — ilabas ang listahan, at proseso para iwas-manipulasyon lalo na ang korupsiyon.


Ang ayuda ay karapatan ng mamamayan, hindi “regalo” ng pulitiko. At tungkulin ng DSWD na siguraduhin itong nakararating sa nangangailangan nang walang bahid ng pulitika.

 
 

by Info @Editorial | November 26, 2025



Editorial


Ipinapanukala ang pagbibigay ng pensyon sa lahat ng Pilipinong edad 60 pataas. Ibig sabihin, nais na tuluyan nang alisin ang kasalukuyang requirements ng “indigency” o pagiging mahirap sa umiiral na batas.


Bagama’t may mga senior citizen na may mga anak nang nagtatrabaho, o may naipundar na bahay at mga gamit bago nagretiro, marami pa rin sa kanila ang walang ipon at hirap tustusan ang pang-araw-araw na pagkain at gamot. 


Kaya’t makatarungan lamang na matulungan din sila ng gobyerno.

Ngunit dapat maging maingat. Malaking pondo ang kailangan para rito, at kung walang malinaw na pagkukunan, maaaring maapektuhan ang ibang serbisyo-publiko. 

Hindi sapat na maganda ang layunin — kailangan itong suportado ng matibay na budget at maayos na sistema.


Kailangan ding siguruhing malinis at mabilis ang proseso ng pamamahagi. Huwag nang pahirapan ang mga lolo’t lola sa sangkaterbang requirements at pila.


Hindi rin dapat mabahiran ng katiwalian o magamit sa pamumulitika.

Hindi dapat ipagkait ang tulong sa mga nakatatanda. Matagal na silang nag-ambag sa lipunan. Ang pensyon ay hindi regalo, kundi pagkilala sa kanilang pinaghirapan.


Aprub ang panukala, basta’t ipatutupad ito nang responsable, malinaw, at kayang panindigan ng pamahalaan... huwag paasahin ang mga lolo’t lola.

 
 

by Info @Editorial | November 25, 2025



Editorial


Sa panahong patuloy na hinaharap ng bansa ang laban sa katiwalian, kapuri-puri ang aktibong pakikiisa ng ating mga senior citizen sa pagsusulong ng tapat na gobyerno at pagpapanagot sa mga kurakot. 


Sa kanilang edad at karanasan, sila ang patunay na ang laban kontra-korupsiyon ay hindi lamang para sa iilan — ito ay laban ng lahat ng mamamayan.Hindi maikakaila na ang mga nakatatanda ay taglay ang mahabang pananaw sa kasaysayan ng ating lipunan. Nasaksihan nila ang mga panahong lumubog at muling bumangon ang bayan dahil sa maling pamamalakad at pag-abuso ng ilang lider. 


Kaya naman ang kanilang presensya sa mga rally at iba pang sama-samang pagkilos laban sa mga korup ay lalo pang nagpapalakas sa boses ng sambayanan lalo na ng mga kabataan.  Ang kanilang kampanya ay inspirasyon sa mas nakababatang henerasyon upang maging mas mapanuri at mas mulat. 


Sa kanilang paglahok, ipinapakita ng ating mga lolo’t lola na hindi hadlang ang edad upang makapag-ambag para sa magandang kinabukasan. Sila ay paalala na ang integridad ay hindi dapat isinusuko, at ang pag-asa para sa mas tapat na pamahalaan ay dapat na laging pinanghahawakan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page