top of page
Search

by Info @Editorial | January 22, 2026



Editoryal, Editorial


Lumabas sa nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na laganap talaga ang katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan. 


Hindi iisang proyekto o iilang tao lamang ang sangkot—marami pang kaso ang iniimbestigahan. Ibig sabihin, bilyun-bilyong pondo na dapat panlaban sa baha ang ninakaw o sinayang.


Dahil dito, posible raw na tapos na ang kasalukuyang administrasyon pero ang imbestigasyon ay hindi pa.


Kaya kailangan ang mas mabilis at seryosong aksyon. Habang mabagal ang imbestigasyon, patuloy ding binabaha ang mga komunidad at patuloy na nagdurusa ang mamamayan. 


Tukuyin agad ang mga opisyal at kontratistang sangkot, ihain ang mga kaso, at panagutin sila—malaki man o maliit ang pangalan. Walang dapat protektado. Kung may ebidensiya, kumilos agad.


Kung walang mapaparusahan, walang saysay ang imbestigasyon. 


Ang taumbayan ay naghihintay ng resulta, hindi palusot. Panahon na para ipakita ng pamahalaan na seryoso itong labanan ang katiwalian, lalo na kung ang nakataya ay buhay at kaligtasan ng mamamayan.

 
 

by Info @Editorial | January 21, 2026



Editoryal, Editorial


Hindi na nakakagulat ang biglaang pagtaas ng presyo ng petrolyo—pero hindi ibig sabihin ay katanggap-tanggap. 


Sa bawat dagdag sa gasolina at diesel, diretso ang tama sa bulsa ng mamamayan. Tumataas ang bilihin kaya lalong lumiliit ang halaga ng kakarampot na sahod.


Palaging may paliwanag: pandaigdigang krisis, galaw ng merkado, mahina ang piso. Pero para sa ordinaryong Pilipino, iisa lang ang realidad—mas mahirap mabuhay. 

Ang tsuper, magsasaka, mangingisda, at manggagawa ang unang tinatamaan, habang tila kulang ang agarang tulong ng pamahalaan.


Kung alam nang paulit-ulit ang taas-presyo, bakit laging tila handang-handa ang langis na tumaas pero mabagal ang ayuda? Hindi sapat ang paalala ng pagtitipid kung wala namang matibay na proteksyon sa mamamayan. Kailangan ng konkretong aksyon, hindi puro paliwanag.


Ang petrolyo ay pangangailangan, hindi luho. Kapag hinayaan ang walang preno na taas-presyo, hinahayaan ding masakal ang mamamayan.


 
 

by Info @Editorial | January 20, 2026



Editoryal, Editorial


Ang patuloy na pagbaba ng proficiency rate ng mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 12 ay isang malubhang indikasyon ng pagkabigo ng sistemang pang-edukasyon. Sa mababang antas pa lamang umano nagsisimula nang bumaba ang kanilang kakayahan, at sa pagdating ng high school, ito ay halos ganap nang nawala.


Sa halip na mapalakas ang pundasyon ng pagkatuto, bakit nga ba pinahihintulutan ng sistema ang pag-akyat ng baitang kahit kulang ang mahahalagang kasanayan sa pagbasa, pag-unawa, at pagsusuri?


Ang mga kakulangang ito ay lumalalim sa bawat antas hanggang maging hadlang sa makabuluhang pagkatuto.


Ang suliraning ito ay hindi pansamantala at hindi rin simpleng usapin ng mag-aaral. Ito ay problema na may direktang epekto sa kalidad ng edukasyon at sa kakayahan ng mga kabataan na magtagumpay sa mas mataas na pag-aaral at sa lipunan.


Kung hindi agad bibigyang-pansin ang pundasyon ng pagkatuto at ang pagpapatupad ng mahigpit na pamantayan, mananatiling mababa ang proficiency— magtatapos ang mga kabataan na may diploma ngunit walang sapat na kakayahan para sa kolehiyo, trabaho, at sa buhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page