top of page
Search

by Info @Editorial | January 27, 2026



Editoryal, Editorial


Sa kabila ng matataas na pader at mahigpit na seguridad, patuloy na nakapapasok sa mga kulungan ang iba’t ibang uri ng kontrabando—mula sa ilegal na droga, armas, alak, hanggang sa cellphone. 


Ang mas masaklap, ang mga bagay na ito ay hindi lamang basta naipupuslit; madalas ay may basbas ng mga taong dapat sana’y tagapangalaga ng kaayusan.


Ang presensya ng kontrabando sa loob ng kulungan ay malinaw na salamin ng malalim na katiwalian sa sistema ng hustisya at pamamahala sa mga piitan. Paano magkakaroon ng cellphone ang isang bilanggo kung walang kasabwat sa labas o loob ng kulungan? 


Paano nagiging sentro ng ilegal na operasyon ang isang lugar na dapat ay nagsisilbing institusyon ng pagbabago at disiplina?


Higit sa lahat, pinapalala ng kontrabando ang problema ng kriminalidad. 

Sa halip na magsilbing daan tungo sa rehabilitasyon, nagiging lugar pa ito ng mas matinding krimen. Patuloy ang bentahan ng droga, ang pananakot, at maging ang pagplano ng krimen—lahat ay isinasagawa sa loob mismo ng mga rehas.


Hindi sapat ang paminsan-minsang raid o pagpapalit ng hepe ng kulungan. Ang kailangan ay tunay na reporma: mas mahigpit na pagbabantay, maayos na sahod at pagsasanay sa mga guwardiya, at higit sa lahat, walang kinikilingang parusa sa sinumang mapapatunayang sangkot—maliit man o mataas ang posisyon.


 
 

by Info @Editorial | January 26, 2026



Editoryal, Editorial


Hindi pa campaign period, pero kumikilos na ang mga gustong kumandidato sa 2028. May biglaang pag-iingay, may pahayag na akala mo’y public service pero halatang pang-positioning. Hindi na ito sikreto—maaga ang galaw.


Ang problema, kapag maaga ang galaw, dapat mas maaga rin ang tanong. Ano ba talaga ang nagawa ng mga ito bago sila nagparamdam? Nasaan sila noong mahirap ang sitwasyon at walang kamera? Hindi sapat ang presensya sa social media o ang paulit-ulit na paglabas sa balita para sabihing karapat-dapat mamuno.


Sanay na ang mga Pilipino sa ganitong estilo ng pulitika: paunti-unting pagpapakilala hanggang maging normal na ang ideya ng kanilang pagtakbo. Kapag nasanay ang publiko, bumababa ang pamantayan. Doon nagiging delikado ang katahimikan ng mga botante.


Hindi kasalanan ang mangarap ng mas mataas na posisyon. Pero kasalanan ang gamitin ang serbisyo-publiko bilang entablado para sa pansariling ambisyon. Kung seryoso ang mga nagpaparamdam ngayon, mas mabuting magsimula sila sa malinaw na pananagutan, hindi sa maagang pagpapakitang-gilas.


Habang papalapit ang 2028, isang paalala ang dapat manatiling malinaw: ang boto ay hindi gantimpala sa kasikatan, kundi tiwala na dapat paghirapan. At ang tiwalang iyan, hindi dapat hinihingi—dapat pinatutunayan.

 
 

by Info @Editorial | January 25, 2026



Editoryal, Editorial


Ang domestic violence sa pagitan ng mag-asawa ay krimen, hindi simpleng away. Walang dahilan—selos, galit, kahirapan, o alak—na puwedeng magbigay-katwiran sa pananakit, pananakot, o pagkontrol sa asawa. Kapag may nasasaktan, may inaabuso, mali iyon. 


Maraming biktima ang nananahimik dahil sa takot at hiya. Pinipili nilang magtiis para sa mga anak o para hindi masira ang pamilya. Pero ang totoo, ang karahasan ang mismong sumisira sa pamilya. Ang mga batang lumalaki sa marahas na tahanan ay natututong matakot, manahimik, o tularan ang maling asal. Walang batang dapat makakita ng pananakit bilang normal.


Hindi lang bugbog ang domestic violence. Kasama rito ang pagmumura, pagbabanta, pagkontrol sa pera, pagbabawal makipag-usap sa iba, at pamimilit.


May batas para protektahan ang mga biktima, pero walang silbi ang batas kung hindi ito ginagamit. Kailangang kumilos ang barangay, pulis, at lokal na pamahalaan nang mabilis at seryoso. 


May pananagutan din ang komunidad. Ang pananahimik ay pagkampi sa umaabuso. Kung may alam o hinala ng domestic violence, dapat makialam at tumulong sa tamang paraan. 


Panahon nang itigil ang kulturang kinukunsinti ang karahasan sa loob ng tahanan. Ang pag-aasawa ay hindi lisensya para manakit. Kung gusto nating may matibay na pamilya at ligtas na lipunan, walang lugar ang domestic violence.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page