top of page
Search

ni VA / Eddie M. Paez Jr. @Sports | February 22, 2024



ree

Nakamit  ng Filipino Olympian pole vaulter na si Ernest John "EJ" Obiena ang kanyang unang gold medal ngayong 2024 sa Memorial Josep Gašparac tournament na idinaos sa Croatia noong Martes,araw naman ng Miyerkules dito sa Pilipinas. Nagawang ma-clear ni Obiena ang baras na itinaas sa 5.83 meters upang gapiin ang kanyang mga nakatunggali kabilang na sina Pedro Buaró (5.73m) ng Portugal at Oren Trey Oates (5.61m) ng Estados Unidos(US) na siyang kumopo ng silver at bronze ayon sa pagkakasunod. Ito ang unang titulo ni Obiena ngayong taon at habang naghahanda sya para sa darating na 2024 Olympic Games sa Paris, France. "Indoor season finally kicks off," ani Obiena sa kanyang post sa  social media platforms. "5.83 for the title here... Thank you for having us and putting on a great atmosphere."Nakatakda namang magtungo si Obiena sa Germany para sa susunod na torneong kanyang sasalihan - ang  Istaf Indoor event.   





Samantala, matagumpay na nakapagparamdam ng husay si Christian "Ian" Perez sa pandaigdigang arena nang pumangatlo ang Pinoy sa Professional Darts Corporation Pro Tour: Players' Championships Leg 4 sa Leicester, England.


Dinaig ni Perez ang anim na mga de-kalibreng kalahok tungo sa semifinals ng malupit na torneo. Kasama sa listahan sina Danny Lauby Jr. (USA, 6-5, round-of-128), Martin Schindler (Germany, 6-3, round-of-64), Ricardo Pietreczko (Germany, 6-1, round-of-32) at ang mga dating world champions na sina Wales Gerwyn Price (6-4, round-of-16).


Matinding balikwas ito ng darterong kilala rin sa bansag na "The Titan" sa unang tatlong paligsahang nilahukan niya sa Tour sa England sa nagdaang dalawang linggo. Sa nabanggit na mga paligsahan, tatlong dikdikang labanan ang dinaan niya pero inalat siya sa check-out kaya hindi nakausad mula sa unang round ang 42-taong-gulang na pambato ng Koronadal City.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | February 5, 2024


ree

Gumawa ng kasaysayan si Rianne Mikhaela Malixi nang iposte ng Pinay pride ang pinakamababang round sa prestihiyosong 6th Women's Amateur Asia Pacific (WAAP) sa greens ng Siam Country Club sa Thailand noong Sabado.


Isang umuusok na 9-under-par 63 strokes ang pinakawalan ni Malixi sa round 3 ng paligsahan para makapasok sa record books ng mabangis na kompetisyon sa Pattaya. 


Ang eagle-aided na round ng 16-taong-gulang na numero unong lady parbuster ng Pilipinas sa WAAP ay naging susi rin upang makasibad si Malixi sa pangalawang puwesto matapos mapako sa labas ng top 10 sa unang 36 na butas ng bakbakan.


Mayroon siyang kabuuang iskor na 14-under-par 202 pagkatapos ng 54 butas ng paglalakbay.


Kung makakapasok muli sa podium, ito na ang pangalawang pagkakataon na mapapabilang sa winners' circle si Malixi dahil taong 2022 na pumangatlo siya rito. Hindi ito imposible dahil sa kasalukuyang pamatay na porma ngayon ng pambato ng bansa.


Sariwa si Malixi sa paglahok sa dalawang torneo sa Australia kung saan kapwa may ibinaon siyang impresibong resulta. Nagkampeon siya sa Australian Master of the Amateurs at top 10 naman sa Australian Amateurs. Kasalukuyang nasa pang-42 na baitang ng World Rankings ang dalagita. Ito ay dahil na rin sa tatlong titulo at 20 "top 10" finish)


Sa paligsahan pa rin sa Thailand pa rin, kasalukuyang tumatrangko si Chun Wei Wu ng Taiwan dahil sa kartadang 18-under-par 198 strokes may 18 holes na lang ang natitira.


Isang palo naman sa likuran ni Malixi ay sina Yahui Zhang (China) at Hyosong Lee (South Korea) na kapwa may tig- 13-under-par 203 strokes.


 

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | October 20, 2023



ree

Nalampasan ni Rubilen Amit ang unang dalawang mga balakid sa kanyang tangkang pagtumbok ng makasaysayang pangatlong trono matapos daigin ang dalawang kinatawan ng Asya sa ginaganap na World 10-Ball Women's Championships sa Klagenfurt, Austria.


Bagamat maagang nakalamang ang kalaban, 0-1, maaga pa rin namang tinalo ni "Bingkay" Amit si South Korean Jin Hye Ju sa iskor na 7-3 sa kanyang unang pagsubok para rin masungkit ang winner's purse na $50,000.


Pero nanganib naman ang paglalakbay ng Cebuana nang makaharap niya agad sa

tunggaliang nasasaksihan sa rehiyon ng Carinthia si World Pool Billiards Association no. 1 at defending champion Chieh Yu Chou ng Taiwan. Nagkumahog sa kabuuan ng match-up si Amit, 1-4 at 4-6, pero hindi ito basta nagpakaldag at naitakas ang panalo, 7-6.


Susunod na haharapin ng 2009 at 2013 world champion mula sa Pilipinas si Taiwanese Wang Lin Wan sa winners' qualification round. Isa pang panalo at uusad na si Amit, 42-anyos, sa knockout stage ng paligsahang nilimitahan lang sa 48 sa pinakamababangis na mga lady cue artists sa buong daigdig at naglalaan ng kabuuang cash pot na $150,000.


Ganito na rin ang sitwasyon ni Chezka Centeno, 24-taong-gulang na reyna ng 2022 Asian Women's 9-Ball, kapag hinarap nito ang mapanganib na si Allison Fisher ng Great Britain. Nauna rito, pagkatapos na makakuha ng opening round bye, nilagpasan ni "The Flash" Centeno, tubong Zamboanga at 2019 SEA Games 10-Ball gold medalist, ang hamon ng Intsik na si Xiaoting Pan, 7-4.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page