top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 22, 2020


ree


Itinumba ng mga Pinay chessers ang mas pinapaborang Khazakstan sa pangsiyam at huling yugto upang selyuhan ang pangalawang puwesto sa elimination pati na ang tiyak na tiket papunta sa quarterfinals ng malupit na 2020 Asian Nations Online Chess Championships.

Pinakawalan nina Woman International Master Jan Jodilyn Fronda at WIM Bernadette Galas ang kanilang bangis sa torneong umiiwas pa rin sa pandemya tungo sa pagpoposte ng tagumpay kontra kina International Master Guliskahn Nakhbayeva (board 2) at Woman FIDE Master Meruert Kamalidenova (board 4) ayon sa pagkakasunod-sunod samantalang naitakas ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna ang tabla sa harap ng hamon ni FM Bibisara Assaubayeva sa bakbakang top board para sa 2.5-1.5 na tagumpay ng Pilipinas. Tanging si WGM Gulmira Dauletova ang nakasikwat ng panalo para sa 3rd ranked na Khazakstan.

Noong round 8 naman, sa 2.0-2.0 na tabla nauwi ang pakikipagharap ng mga Pinay laban sa 8th seed na Mongolia habang noong round 7, dumapa sila sa pre-tournament favorite na India, 1.0-3.0.

Sa kabuuan ng eliminasyon, kartadang anim na panalo, isang talo at dalawang tabla na may katumbas na 13 match points ang naidikit sa rekord ng Pilipinas para sa pangalawang puwesto. Nanguna ang India (16 match points) habang inokupahan ng Iran (13), Vietnam (12), Mongolia (12), Indonesia (12), Sri Lanka (11) at Kyrgyzstan (11) ang mga sumunod na puwesto upang makasulong rin sa gitgitang round-of -8.

Si Galas ang topnotcher para sa Pilipinas dahil sa kanyang naipong pitong puntos habang nakadikit sa kanya si Frayna na may 6.5 puntos sa paligsahang umakit ng 31 bansa.

Ang kuwento sa kababaihan para sa Pilipinas ay halos katulad din ng naging kampanya nina GM Mark Paragua, GM Rogelio Barcenilla, IM Paulo Bersamina, GM John Paul Gomez at IM Haridas Pascua na nakapasok na rin sa knockout round matapos na sumegunda sa qualifiers.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 12, 2020


ree


Winalis nina Grandmaster Rogelio Barcenilla Jr. at international Master Paulo Bersamina ang kani-kanyang mga karibal sa unang tatlong rounds at maayos namang nakasuporta sina GM Mark Paragua at GM John Paul Gomez upang itulak ang Pilipinas sa unahan ng pulutong ng ginaganap na iwas-COVID-19 na Asian Online Chess Cup.

Sa patuloy ng paglaganap ng chess sa internet na epektibong paraan sa pag-iwas sa Covid 19, naramdaman nina Nidal Ahmed (Palestine), Aram Khedr Adm Chekh (Syria) at FM Tinnakrit Arunnuntapanich (Thailand) ang bangis ni Barcenilla (rating: 2463) sa board 2 habang nakaldag ni Bersamina (rating: 2286) sa board 3 ang Palestinong si Khaleel Sharaf, Syrian IM Bashir Eiti at Thai Tupfah Khumnorkaew.

Nag-ambag din ng tigalawang panalo at isang tabla sina Paragua (rating: 2573) sa board 1 at Gomez (rating: 2470) sa board 4 upang tulungan ang Pilipinas (pang-apat sa pinakamalakas na koponan) na mabokya ang Palestine at Syria (4-0) at makaladkad ang Thailand (3-1) na naging sapat para sa paghawak ng trangko kasosyo ng tatlong iba pang bansa sa Asya.

Tatlong iba pang bansa ang hindi naman nagpapabaya at kasama rin sa lead pack ng Pilipinas dahil sa pare-pareho pang malinis ang kanilang mga rekord: 2nd seed Khazakstan, 3rd ranked Iran at no. 9 sa pre-tournament favorite na Mongolia.

Nakabuntot din ang World Online Chess Olympiad champion at topseed India, 5th ranked Bangladesh at 8th seed Indonesia na pare-parehong umiskor dalawang panalo at isang tabla.

Halagang $20,000 ang nag-aabang sa mga bansang mamamayagpag sa torneo. Mula sa 39-bansang kalahok sa men’s division, ang unang walong finishers ng elimination round ay sasabak sa knockout phase ng paligsahan. Dito na malalaman kung aling bansa ang maghahari.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 11, 2020


ree


Nahablot ng tikas ni Roberto “Superman” Gomez ng Pilipinas ang pangalawang puwesto sa preliminary stage upang makapasok sa isang dosena - kataong knockout phase ng iwas coronavirus na Cue It Up Poison VG 10-Ball Online Championships.

Hindi pinaporma ng 42-taong-gulang na manunumbok mula sa Zamboanga ang mga karibal na Amerikanong sina Joseph Korsiak at Greg Hogue para maselyuhan ang kanyang upuan sa susunod na yugto ng umiinit nang bakbakan.

Si Gomez ay kumamada ng dalawang panalo sa tatlong laro gayundin ang 15 racks run at 171 balls run sa labanan sa Pool 6 tungo sa pagiging segunda sa likod ni Tyler Styler na isa pa ring pambato ng U.S.A.

Nakaharang sa landas ni Gomez papunta sa trono si Polish cue master Wojtek Szewczyk. Magtatagpo ang dalawa sa Match 3 ng do-or-die na parte ng paligsahan.

Piling mga manlalaro sa iba’t-ibang parte ng mundo lang ang naimbitahan sa paligsahan. Ang makinang na rekord ng Pinoy ang naging tulay niya tungo sa bakbakan. Si Gomez ay naging hari ng gitgitang 2018 Derby City Classic Bigfoot Challenge, segunda sa malupit na 2010 World Cup of Pool, pangalawa noong 2007 World Pool Billiards Association (WPA) 9-Ball bagamat hindi siya seeded sa main draw, 2017 Chinook Winds Open champion at 2011 Beijing Open runner-up. Siya lang ang tanging kinatawan ng lahing-kayumanggi sa online na tagisan ng husay sa pagtumbok.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page