top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 8, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1920, 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Sa pakikipagrelasyon, bagama’t hindi gaanong seryoso sa buhay, sadyang masarap kasama ang Unggoy at maging kaibigan dahil tiyak na walang boring na sandali kapag kayo ay magkasama. Gayundin, siguradong walang lungkot na sandali, sa halip, mas marami ang puro saya at kahit may problema ka at nakasama mo ang isang unggoy, tiyak na makalilimutan mo ang iyong problema dahil nakakalibang na kasama ang isang Unggoy.


Dagdag pa rito, hindi lang masarap at nakalilibang kasama ang Unggoy, bagkus, kapag kasama mo siya, magaan din ang loob mo at parang forever friends kayo, kaya kahit wala sa plano mo, masasabi mo sa kanya nang hindi sinasadya ang mabibigat mong problema. Kapag naman ito ay narinig mo na sa kanya, kusang gagaan ang iyong loob at ang problema mo ay mararamdaman mong unti-unti nang nasosolusyunan dahil bukod sa mahusay magpayo, madali mong maipatutupad ang mga praktikal na advice ng Unggoy upang masolusyunan mo agad ang anumang mabigat na problemang iyong iniinda sa kasalukuyan.


Ang mahirap lang sa Unggoy, kahit ibulalas at sabihin mo sa kanya ang laman ng puso mo, hindi niya magagawang magsabi sa iyo ng mga sikreto niya, ganundin ng mga bagay na iniinda at pinoproblema niya. Kumbaga, mahusay lang siyang magbiro, magpatawa at magpayo para balewalain at kalimutan mo ang iyong problema, pero ang totoo, kapag siya ang namroblema, hindi niya ito sasabihin sa kanyang mga kaibigan at kasama. Sa halip, pipiliin niyang ilihim ito at ‘wag nang pagusapan dahil para sa kanya, ang personal niyang buhay ay mananatiling lihim at siya lang dapat ang lumutas sa anumang suliraning kanyang kinakaharap.


Ngunit dahil likas na matalino, praktikal at mahusay magdala ng mga suliranin, bihirang-bihira kang makakakita ng Unggoy na namumroblema sa buhay dahil kadalasan, bukod sa laging masaya, lagi rin silang relaks at easy-easy sa anumang uri ng problema. Halimbawa, ang nangyayari ngayon sa mundo dulot ng Covid-19 pandemic, hindi nila ito gaanong iniinda dahil para sa kanila, alam nilang ang lahat ng suliraning ito ay lilipas at matatapos din sa malapit na hinaharap.


Ganu’n ka-optimistic at katiwa-tiwala ang Unggoy sa mga pangyayaring nagaganap sa kanyang buhay, kaya bihira kang makakakita ng Unggoy na itinuwad ng suliranin at sumuko. Sa halip, mas marami kang makikitang Unggoy na pa-easy-easy kahit may problema ang kanilang pamilya, bansa o mundo, ito ay hindi nila talaga gaanong iniinda.


Sa pag-ibig, mas enjoy ang Unggoy kung ang relasyon ay magsisimula sa biruan, pagkakaibigan at tawanan, hanggang sa unti-unting mauwi sa harutan at romansahan. Kapag ganu’n ang sitwasyon, higit na nagiging masaya ang Unggoy at asahan mong ito ay magtatagal at maaaring panghabambuhay na.


Sa compatibility, tugmang-tugma ang Unggoy at Daga dahil kapwa sila mahilig lumutas ng masasalimuot na problema kahit gaano pa ito kabigat. Dagdag pa rito, eksakto ring uunlad at yayaman ang pagsasama ng Unggoy at Daga dahil bukod sa kapwa sila praktikal, pareho silang materyoso at mahusay gumawa ng malaking halaga ng salapi at kaya nilang itago at ipunin ito hanggang sa dumami nang dumami.


Hangang-hanga naman ang Unggoy sa reserba pero buo ang loob na ugali ng Dragon, habang gusto naman ng Dragon ang katalinuhan at praktikalidad ng Unggoy, kaya sila ay talaga namang compatible sa isa’t isa.


Bukod sa Dragon at Daga, tugma rin sa Unggoy ang Kuneho, Tupa o Kambing, ganundin ang Aso, Baka at Kabayo. Lahat ng nabanggit na hayop ay tunay na hahanga sa katalinuhan at pagiging maharot ng Unggoy.


Samantala, kapag nakasama ng Unggoy ang nasabing mga hayop, sila ay magdaragdag naman ng ibayong suwerte at magandang kapalaran sa Unggoy, hindi lamang ngayong 2020 kundi sa buong buhay at kapalaran ng Unggoy.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 6, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1920, 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Bukod sa pagiging masayahin, ang mga Unggoy ay may malawak na pag-iisip, praktikal at malaya, kaya naman mapapansing bihira kang makatatagpo ng Unggoy na malungkutin at namumroblema. Para sa kanila, ginawa at nangyari ang buhay sa mundong ito para magsaya, lumigaya at magpakasarap sa ani ng mga bungang pinagpaguran mo sa buong maghapon.


Sa sandaling napapansin ng Unggoy na ang sitwasyon ay maaaring magbigay sa kanya ng kalungkutan, madalas ay agad-agad siyang tatakas o iiwas sa nasabing sitwasyon o pangyayaring magdadala sa kanya sa kalungkutan. Dahil tulad ng nasabi na, wala sa bokabularyo ng Unggoy na manatili sa sitwasyong ikalulungkot at magiging dahilan ng kanyang pagluha.


Dahil dito, iniisip ng iba na ang Unggoy ay hindi gaanong seryoso sa buhay dahil kapag sila ay medyo nahihirapan na kung saan ang magiging resulta nito ay hindi na siya magiging masaya, tulad ng nasabi na, madaling sumusuko at kusang umaayaw ang Unggoy.


Hindi rin siya mapagpasensiya at madali siyang mainip, lalo na kung naghihintay siya sa bagay na alam niyang malabo at hindi talaga darating. Ibig sabihin, bukod sa walang tiyaga sa mga bagay na nakaiinip at mabusisi, hindi rin umaasa ang Unggoy sa biglaang suwerte dahil para sa kanya, ang lahat ng bagay ay dapat isagawa at paghirapan bago tuluyang mapitas ang bunga ng sarap at kaligayahan.


Kaya naman sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, bukod sa pagiging praktikal, ang Unggoy ay isa sa mga hayop na mahusay o magaling gumawa ng pera. Ibig sabihin, kung gugustuhin niya, marami siyang paraan upang madaling magkapera.


Dagdag pa rito, dahil tuso at matalino, ayaw na ayaw ng Unggoy na siya ay iisahan o paglalamangan dahil kapag nangyari ito, hindi titigil ang Unggoy hangga’t hindi ka niya napaghihigantihan.


Karamihan sa mga Unggoy ang nagiging dakilang payaso o tapagpatawa, pintasero at mahilig pumuna, stockbrokers o negosyante, abogado at diplomat. Puwede rin sa kanila ang propesyong pagsusulat na umiimbento ng mga istorya o kuwento na hindi naman totoo.


At dahil likas na praktikal at matalino, sinasabi ring sa anumang trabaho o gawaing pasukin ng Unggoy, nagagawa niyang pagbutihin ito, kaya kadalasan ay kinikilala, tinatanghilik at hinahangaan ang kanilang mga nilikha.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 4, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1920, 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa Animal Sign na Monkey o Unggoy.


Sinasabing bagama’t mapagpatawa, masayahin at kumikero, ang problema sa isang Unggoy, minsan ay hindi niya gaanong sineseryoso ang buhay at pangyayari, kaya kadalasang matatagpuan sila na bahagyang uunlad ang buhay pero mawawala rin.

Kumbaga, magkakaroon siya ng karangalan, pero ito ay pababayaan niya lamang kaya hindi mananatili ng mahabang panahon. Kung matutunan ng Unggoy na magseryoso at magmahal sa mga bagay na nasa sa kanya na, magiging malayo talaga ang mararating ng niya—yayaman siya at tiyak na magtataglay ng dambuhala at malalaking karangalan.


Dahil laging aktibo, hindi lamang ang pag-iisip kundi pati ang buong pagkatao, hindi pupuwede sa isang Unggoy ang walang ginagawa, iniisip o pinagkakaabalahan, kaya naman hindi siya nakikisama o sadyang nilalayuan niya ang mga tao at sitwasyong “boring” at “kill-joy” sa makulay at masayahin niyang buhay.


Dagdag pa rito, imposibleng tumagal ang Unggoy na makisama sa taong tahimik.

Gayundin, hindi puwede sa kanya ang gawaing nag-iisa o walang ginagawa sa tahimik at walang katao-taong lugar dahil para sa Unggoy, ang buhay ay ginawa para i-celebrate at ipagdiwang.


Dahil bukod sa pagiging masayahin at punumpuno ng tiwala sa kanyang sarili, bihira kang makakakita ng Unggoy na nag-iisa, bigo sa buhay at malungkutin. Dahil ito ang mga sitwasyong sadyang sobrang kinaiinisan ng Unggoy, mapadpad man siya sa ganu’ng sitwasyon, tiyak na aalis siya agad doon.


Kadalasan, dahil may tiwala sa sarili at alam niyang isinilang ang tao upang magdiwang, bukod sa hindi siya pumapayag na hindi mangyari ang kanyang gusto, hindi rin siya papayag kapag nakakakita siya ng malungkot at nag-iisa sa kanyang mga tauhan, pamilya, kaibigan at kasama dahil para sa kanya, dapat lahat ay masaya. Ang kanyang tunay na pilosopiya ay isinilang tayo upang ipagdiwang ang maikling buhay at karanasan natin sa mundong ito.


Minsan, taglay din ng Unggoy ang pagiging tuso at matalino, kaya sakaling may parte man ng “napulot na saging sa gilid ng dagat” si Matsing at Pagong, tulad ng nasabing kuwentong pambata, tiyak na hindi papayag si Matsing na malamangan ni Pagong.


Ang problema nga lamang, dahil hindi naman laging pumapabor kay Unggoy ang kapalaran, dahil sa pagiging tuso, ginagantihan siya ng mga nakatutuwang pangyayri ng tadhana. Pero dahil halos balewala sa kanya ang mga bagay-bagay, sa halip ay alam niyang isinilang ang tao para maging masaya, sa mga kabiguang nangyayari sa kanyang buhay at dinadanas ng Unggoy, madali siyang nakaka-recover dahil hindi naman talaga niya gaanong iniinda ang anumang negatibong pangyayari sa kanyang buhay.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page