top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 1, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa taon ng Gintong Baka.


Kaya “Gintong Baka” ang 2021 ay dahil tiyak na muling makababangon ang mundo at walang duda, magiging masagana na ulit ang ekonomiya at pamumuhay ng bawat mamamayan sa lahat ng panig ng mundo, lalo na sa ating bansa.


Samantala, kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Dahil may optimistang pananaw sa buhay, anuman ang dumating na pagsubok tulad ngayong panahon ng pandemya, nananatiling nakatayo, lumalaban, matatag at masaya ang Tandang. Ang ikinaganda pa nito sa mentalidad ng Tandang, kahit gaano ka-kumplikado ang isang bagay o pangyayari, nagagawa niya itong gawing simple at nasosolusyunan niya ito sa praktikal at epektibong pamamaraan. Kaya naman kapag may kasama kang Tandang sa buhay, umasa kang anuman ang inyong maging probema, madali itong masosolusyunan ng matalino, kampante, pratikal at napakamapamaraan na Tandang.


Sa panahon ng mga pagsubok, hindi rin basta-basta nabibigo ang Tandang dahil para sa kanila, ang mga pagsubok na ito ay magandang hamon upang lalo pang tumalas at humusay ang kapasidad na mag-isip ng mga solusyon sa mga dumarating na problema. Kaya naman habang may mahirap na suliranin, lalong tumatalino at gumagaling ang Tandang. Sa kaiisip ng mga Tandang, lalo nilang napagaganda at napabubuti ang sitwasyon matapos nilang masolusynan ang kanilang problema, na nagiging daan upang lalong yumabong, lumago at umunlad, hindi lamang ang kanilang pagkatao kundi maging ang kanilang kabuhayan.


Ang problema lang sa Tandang, minsan ay kahit umunlad at lumago ang kanilang kabuhayan, kadalasan ay wala ring natitira sa kanila dahil sa loob ng kanilang puso ay sobra silang matulungin at maawain sa kanilang kapwa, kahit hindi nila ito ipinakikita nang harapan dahil para sa kanila, ang pagiging maawain ay tanda ng kahinaan. Ayaw na ayaw ng Tandang na makikita siya ng kanyang kapwa na siya ay mahina.


Ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, kahit hindi ipinakikita sa panlabas, maawain talaga sila, kaya naman madali mo silang mahihingan ng tulong kung kayong dalawa lang ang lihim na nag-uusap kaysa humingi ka ng tulong sa kanya in public.


Ang isa pang problema sa Tandang ay hindi siya gaanong magaling mag-ipon dahil alam nilang madali siyang makagagawa ng paraan para magkapera o muling dumami ang kanyang pera na nagagawa naman niya. Kaya lang, dahil hindi siya marunong mag-ipon, hindi tumotodo ang pag-unlad ng kanyang kabuhayan.


Gayunman, kung matutunan niyang mag-ipon at hindi niya gagastusin ang kanyang savings, sa kalagitanan ng kanyang edad, mayamang-mayaman na sana ang isang Tandang.


At dahil wala sa bokabularyo ng Tandang ang seryosong pag-iipon upang yumaman, ibang paraan naman ang ibinibigay sa kanila ng tadhana o kapalaran para siya ay yumaman. Halimbawa, isang magsasaka ang naghuhukay sa kanyang bukirin, tapos walang anu-ano, nakahukay siya ng isang banga ng punumpuno ng ginto. Minsan naman ay isang driver ang nakapulot ng bag na punumpuno ng pera sa minamaneho niyang sasakyan. May pangyayari ring tinulungan niya ang matandang babae na tumawid sa kalye o nabundol ng saskayan at matapos gumaling ng nasabing matandang babae, pinamanahan siya ng limpak-limpak na salapi at malaking kayamanan.


Tunay ngang hindi sa pag-iipon at hard work yumayaman ang tipikal na Tandang kundi sa mga biglaang suwerte. Dahil may likas na kabutihang nananahan sa kanilang puso, ginagantimpalaan naman siya ng nasa itaas ng biglaan at malalaking halaga ng magagandang kapalaran at bonggang-bonggang mga suwerte na hindi niya inaasahan.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 29, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Bukod sa pagiging perfectionist at matalino, mahilig ding mag-isip ang Tandang ng kung anu-anong mga bagay dahil para sa kanya, kapag nag-iisip siya at nag-aanalisa, sumasaya at sumisigla ang kanyang pakiramdam. Kaya naman kapag may mga suliraning dapat talakayin at pag-isipang mabuti kung paano lulutasin, kadalasan, siya ang nakatutuklas ng mahusay, kakaiba at epektibong solusyon.


Gayunman, dahil likas na matalino, mapag-isip at praktikal, ang nangyayari, isa ang Tandang sa pinakamahusay na mag-advice sa kanyang mga kasama at kaibigang may problema. ‘Yun nga lang, magaling magpayo at lumutas ng problema ng ibang tao ang Tandang, pero kadalasan, ang sarili niyang problema ay hindi niya malutas.


Ang isa pang napakagandang katangian ng Tandang, halimbawang naging kaibigan o nakasama mo siya, hindi ka niya basta-basta iiwanan hangga’t nakikita niyang namumroblema ka.


Kumbaga, bago kayo magkalayo, gagarantiyahan muna niya na kapag naghiwalay na kayo ay matitiyak na kakayanin mo at may mga nakalatag na kayong dapat gawin sa inyong paglalayo.


Sa madaling salita, ayaw ng Tandang na mang-iiwan siya nang basta-basta sa ere nang hindi alam ng iiwanan niya ang susunod na hakbang na dapat niyang gawin. Ganu’n kahusay ang Tandang—bago niya iwanan ang kanyang kaibigan, kinakasma, asawa o karelasyon, sisiguraduhin niya na ito ay nasa maayos na kalagayan.


Samantala, dahil likas na maganda ang tindig, praktikal at matalino, marami ang naghahangad na makasama ang Tandang, kumbaga sa lalaki ay may pagkasimpatiko ang Tandang at kung babae naman, siya ay may malakas na sex appeal, na nakakaintrigang masarap nga siyang makasama sa kahit na ano’ng pamamasyal o lakaran.


Ang problema lang, kapag nakasama mo na siya, mare-realize mo na maraming bagay kayong pagtatalunan at pagdedebatehan, na kadalasan ay mapapansin mong hindi siya nagpapatalo sa kanyang katwiran, kaya sa bandang huli ay lihim kayong nagkakainisan at nagkakasamaan ng loob.


Ang Tandang kasi ay kahit na nasa maling posisyon o halimbawang maling-mali na ang kanyang pananaw, hindi niya ito isusuko. Sa halip, iimbento siya ng palusot, basta’t makakalusot, kahit sukol na sukol mo na ang kanyang pangangatwiran, kung hindi ka mapagpasensiya, sa umpisa ay masarap kasama ang Tandang. Pero sa bandang huli, habang tumatagal ay unti-unti na kayong magkakasawaan at minsan pa ay nakakairita na.


Ngunit kung matututunan ng Tandang na hindi igiit ang kanyang posisyon o katwiran, kapag napapansin niyang siya ay mali o hindi niya seseryoshing talunin sa debate ang kanyang kausap, mas magiging produktibo at maligaya ang bawat relasyon na kanyang papasukin.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 27, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Rooster o Tandang ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Bukod sa pagiging perfectionist, matalino, palaisip at mautak, ang isa pa sa mga pangunahing ugali ng Tandang ay ang mapagpilit sa mga bagay na nais niyang makamit. Sa anumang bagay, lalo na sa pakikipagdebate ay sadyang hindi patatalo ang Tandang. Kadalasan, kapag nasusuong siya sa pakikipagtalo, hahalughugin talaga niya ang lahat ng silid-aklatan at magre-research siya ng mga bagay-bagay na pinagtatalunan upang mapatunayan niya na siya ang tama. Kaya naman sa pang-araw-araw na buhay ay halos ganundin ang Tandang—kapag siya ay nasa bingit ng kabiguan, hindi niya ito agad matanggap at pinaniniwalaan. Sa halip, naghahanap talaga siya ng dahilan kung bakit nangyari sa kanya ang negatibong bagay na ito. Dahil hindi siya basta-basta naniniwala, hinahanapan talaga niya ng rason at ebidensiya ang anumang nagaganap sa kanyang buhay, kaya walang tigil sa pag-andar ang kayang isip na halos walang kapaguran.


Kung magagawa lamang ng Tandang na simplehan ang mapag-usisa niyang utak at kumplikadong isipan, malayung-malayo ang mararating niyang tagumpay at pag-unlad. Kaya lang, tulad ng nasabi na, malabo itong mangyari dahil bihira sa Tandang ang nag-iisip nang simple lang o walang kumbinasyon. Sobrang hilig kasi niya na resolbahin ang mahihirap na sitwasyon na kadalasang nasosolusyunan naman, ‘yun nga lang, kumakain ng mahabang panahon at nagtatagal ang isang proyekto, kaya makikita na sobrang daming gawain ang naumpisahan niya, pero hindi naman natapos.


Kung magkakaroon ng asawa, karelasyon o kahit kasama sa buhay ang Tandang tulad ng Baka na mabilis magpasya at simple kung mag-isip, siguradong magiging matagumpay at maligaya ang buhay at ang kapalaran ng Tandang.


Dagdag pa rito, hindi naman gustong magpasikat, pero ang nakatutuwa, laging sikat at kilala ang Tandang sa lipunan kanyang ginagalawan. Sa katotohanan, marami ang lihim na nagkakagusto sa kanya dahil may likas at kakaiba siyang sex appeal. Kumbaga, kapag pumasok na ang Tandang sa isang silid, kahit hindi pa siya tumitilaok, agad nang napapansin ng mga narooon ang kakaiba niyang tindig at matikas na pangangatawan. Kaya naman bihira kang makatatagpo ng Tandang na hindi kilala sa isang grupo o lipunan.


Isa rin sa pangunahing katangian ng Tandang ay ang pagiging mahusay humawak ng mga tao at mag-utos. ‘Yun nga lang, minsan ay nakakasamaan niya ng loob ang ilan sa kanyang mga kasamahan sa trabaho dahil grabe siya kung mag-demand. Tulad ng naipaliwanag, madalas na sinisigurado ng Tandang na perfect at walang mali ang kanilang ginagawa o anumang mahalagang proyketo ang inatang sa kanyang balikat.


Bagama’t may pagka-istrikto at gusto niyang mahusay at magaling ang lahat ng kanyang mga ginawa at nais niyang maging mahusay ang kanyang mga tauhan, kaya naman kahit na naisakatuparan o nagawa na nila ang kanilang maganda at mahusay na proyekto, sa isang sulok ay walang nakaaalam na hindi pa rin masaya ang Tandang dahil iniisip niyang may kulang pa sa proyketong natapos ng kanilang grupo.


Kung ang iba ay sobrang saya na sa napakahausay na accomplishment na nagawa nila, may isang tao na hindi gaanong masaya at ito ay ang Tandang na sobrang mapaghanap ng napakadakilang resulta sa kanyang ginagawa, anumang proyekto o asignatura, samantalang sa katotohanan ay wala namang sobrang perfect na bagay sa mundo.


Kung maiisip lamang ng Tandang na hindi dapat gawing perpekto ang lahat ng bagay at okey lang na may mali at kaunting kapintasan, sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, isa na sana siya sa mga hayop na napakaligaya at sobrang matagumpay.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page