top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 17, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 17, 2023



ree

“Gumising ka na, mahal ko!” 


Ayaw pa sanang dumilat ni Gabriel dahil masakit na masakit pa ang kanyang ulo, pero parang may kung ano’ng klaseng kapangyarihan na tinataglay ang nagsalita kaya nagawa niya itong sundin. 


“Magandang umaga,” wika ni Princess. 


Lumapad ang ngiti niya nang makita niya ang babaeng mahal na mahal niya. Lumakas tuloy ang tibok ng kanyang puso. “Mas maganda ka pa sa umaga.”


Napahagikgik si Princess. Alam niyang kinilig ito. Ganu’n naman kasi talaga ito, kahit na korni ang kanyang sinasabi. Kaya naman, mahal na mahal niya ang kanyang nobya dahil nauunawaan nito ang kanyang damdamin. 


Kamusta naman ang pakiramdam mo?” Masuyong tanong nito sa kanya. 


Okey naman ako, ah. Ano bang nangyari?” Nagtataka niyang tanong. 


Bigla ka na lang hinimatay.”


“Ako?” Mangha niyang tanong. 


“Kaya tiyak na kung anu-ano'ng speculation ang lalabas niyan.”


Bahagyang tawa ang kanyang pinawalan. Naalala niya ang sinabi ni Princess dati.


Mahirap mabuhay sa mundo ng showbiz dahil laging nakasubaybay sa iyo ang lahat ng tao. Konti pagkakamali, huhusgahan na agad ang pagkatao mo.


“Baka sabihin nila buntis ako.” nag-aalalang sabi ni Gabriel. 


Natawa si Princess sa kanyang sinabi. Napangiti naman siya kahit kumikirot pa ang kanyang sentido. Pakiwari niya tuloy ay parang may gustong alisin sa kanyang memorya.  


“Basta ba ako ang ina.”


Kinilig naman siya sa hirit nito. Damang-dama kasi niya ang pagmamahal nito. “Walang ibang magiging ina ang mga anak ko, kundi ikaw lang.”


“Aba, dapat lang. Tandaan mo, may sumpaan tayo. Ikaw at ako lang.”


Siyempre, tandang-tanda niya ang kanilang pangako para sa isa’t isa at tutuparin niya iyon. Sa tingin naman kasi niya ay walang na siyang ibang kayang mahalin kundi ang kanyang nobya lang. 


Ngunit, may isang mukha na biglang nag-flash sa kanyang isipan, at 'di niya alam kung bakit. Hanggang sa bigla siyang nagtanong. “Nasaan si Baninay?”

 

Itutuloy…

 

 
 
  • BULGAR
  • Dec 16, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 16, 2023



ree

“Kailan ba kayo magpapakasal?” Nananabik na tanong ng isang reporter na si Crispy Pata. 


Siyempre hindi ito ang tunay niyang pangalan, pero mas pinili niyang gawing katawa-tawa ito para umano mas madaling matandaan. Tama naman ang kanyang desisyon dahil isa siyang certified tsismosa ng taon. 


“Gusto mo ngayon na?” wika ni Gabriel Monteverde habang nakatingin sa kanyang kasintahan na si Princess Sandoval. 


Kahit hindi pa pormal na nagsasabi ang magkasintahan, pero sobra ang kilig na naramdaman ni Princess. Tiyak naman kasi niyang hindi lang pang-showbiz ang sagot ng kanyang nobyo.  Alam naman kasi niyang mahal na mahal siya nito. At siyempre, ganu’n din ang nararamdaman niya rito. 


“Ay, hindi puwede” sagot naman ni Princess. 


“Ibig sabihin, hindi mo pakakasalan si Gabriel?” Manghang tanong ni Crispy Pata. 


Kahit kinakabahan si Gabriel, mas naniniwala siya sa pag-ibig ni Princess, kaya nasisiguro niyang hindi siya nito ipapahiya sa buong mundo. 


“Hindi tayo puwedeng ikasal ngayon dahil wala namang pari eh,” wika ni Princess habang matamis na matamis ang pagkakangiti sa kanya. 


“So ibig sabihin, handa na kayong magpakasal?” Manghang tanong ni Crispy Pata. 


“Oo naman, wala naman akong ibang gugustuhing makasama kundi si Gabriel.”


Gusto ring sang-ayunan ni Gabriel ang sinabi ng kanyang nobya, pero bigla siyang natigilan dahil may boses siyang naririnig sa kanyang utak na paulit-ulit na nagsasabi ng mga salitang “akin ka, akin ka, akin ka!


“Love…?” Tawag sa kanya ni Princess. 


Napansin ni Princess na putlang-putla si Gabriel kaya hinawakan niya ang kamay nito at laking gulat niya na sobrang lamig nito. 


“Ano’ng nangyayari?” Tanong naman ni Crispy Pata. 


Gusto sanang sagutin ni Gabriel ang katanungan iyon, pero parang binabarena na ngayon ang kanyang utak. 

 

Itutuloy

 

 

 
 
  • BULGAR
  • Dec 15, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 15, 2023



ree

UNANG LABAS.           

        

Ako si Baninay Jose, 21, ipinanganak sa Manila, pero ang aking mga ninuno ay nagmula sa Visayas. Hindi ko alam ang eksaktong lugar at hindi na rin umano importante iyon.


Ang mahalaga ay nandito kami sa Manila. 


Ibig niyang mahiwagaan sa kanyang ina, at para bang may gusto itong itago sa kanya.


Kung magkaila kasi ito ay para bang artista na nagsasabing ‘we're just friends’.


Speaking of artista, maya-maya ay nakita niya ang kanyang Senyorito Gabriel Monteverde. Tiyak na papakabugin na naman nito ang kanyang puso, paano ba naman kasi eh, napakaguwapo nito. Tall, dark and handsome, at mala Derek Ramsay kung titingnan. Ngunit para sa kanya, mas guwapo pa rin ang kanyang senyorito. 


Kaya naman kahit na isang pelikula palang ang nagagawa nito ay talagang pinapanood niya. Hindi lang dahil guwapo ito kundi dahil din sa kanyang leading lady at girlfriend nitong si Princess Sandoval. 


Bigla tuloy bumigat ang kanyang kalooban. Masyado kasing tanggap ng publiko and tandem nina Gabriel at Princess. Walong taon na rin naman kasi silang magkarelasyon kaya ang inaantay na lang ng publiko ay ang anunsyo ng kanilang kasal. 

“Kasal?” Gilalas niyang sabi sa sarili. 


Pagkaraan ay umiling-iling pa siya, at hindi niya iyon hahayaang mangyari. Mahal na mahal niya ang kanyang senyorito, kaya gusto niya, siya ang bigyan nito ng pangalan. Ngunit, magagawa niya ba iyon?


“Yes!” Sigaw niya sa kanyang sarili. Sigurado siyang mapapasakanya rin ang kanyang Senyorito Gabriel, sa ayaw at gusto nito. 

 

Itutuloy…


 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page