top of page
Search
  • BULGAR
  • Jan 15, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 15, 2024



ree

“Makukuha ko rin ang gusto ko,” nakangising sabi ni Baninay habang sinasabi ang mga katagang iyon. 


Sa ngayon, gagamitin muna niya ang katawan ni Princess para kamuhian ng publiko ang tunay na Princess. Sa mata ng nakararami, siya si Princess, at dahil hindi na makikita ng publiko na magkasama sila ni Gabriel, kailangan niyang magpaawa sa lahat.


Hindi man niya makuha ang pag-ibig ni Gabriel sa ngayon, nasa kanya naman ang simpatiya ng publiko. Tiyak pa niyang iba-bash nang iba-bash ang tunay na Princess. 


“Ngunit, maaapektuhan kaya sila?” Dudang tanong niya sa kanyang sarili. 


Sa ilang taon ni Princess sa showbiz industry, alam niyang gamay na ng dalaga kung paano dedmahin ang mga bashers.


“Kung hindi na talaga ‘ko mahal ni Gabriel, matatanggap ko naman, eh. Kaso makapangyarihan ang babaeng ipinalit niya sa akin,” wika niya sabay hagulgol. 


Kailangan niyang magmukhang kaawa-awa sa paningin ng lahat. 


“Ibig bang sabihin ay mayaman at maimpluwensyang babae ang bago ni Gabriel?” Interesadong tanong ng isang sikat na showbiz reporter.


Iyon nga lang ay hindi niya alam ang pangalan nito, pero tiyak niyang ito ang tinatawag na Ateng.  


“Hindi, may alam siya sa black magic. Ginayuma niya lang ang boyfriend ko,” wika niya sabay hagulgol. 


Muli ay mistulang nagkaroon ng madaming bubuyog sa paligid. Panay ang bulungan, kaya naman para may mapatunayan siya, ipinakita niya sa projector ang hitsura ni Baninay. 


“Siya po ang kinalolokohan ng nobyo ko ngayon. Sige nga, sabihin n'yo sa akin na maiinlab ba si Gabriel sa babaeng ‘yan?


“Siya ang babae?” Hindi makapaniwalang tanong ng mga ito. 


“Ay, ang pangit!” Pagdaragdag pa ng mga ito. 


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Jan 11, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 11, 2024



ree

Sabi ng isip ni Gabriel, hindi si Princess ang kanyang kaharap kaya dapat lang niya itong itulak. Ngunit hindi niya ito magawa, at para bang may kung ano’ng klaseng kapangyarihang taglay ito kaya hindi niya ito magawang saktan. 


“Ako ito, love.”


Bigla siyang nanigas nang marinig niya ang sinabi nito. Buong suyo nitong binigkas ang katagang “love” na parang hirap na hirap, at dinig na dinig niya ang boses ng kanyang pinakamamahal na babae na walang iba kundi si Princess. 


“Iba ang mukha mo,” wika nito habang nakatitig sa kanya. 


“Hindi mo ba nakikita sa mga mata ko na ako ang tunay mong mahal?” Masuyo nitong tanong sa kanya. 


Hindi siya agad nakapagsalita dahil talagang si Princess nga ang nakikita niya habang nakatitig sa mga mata nito. 


“Gabriel, maniwala ka sa akin.” 


“Huwag kang maniwala sa kanya. Ako si Princess,” 

Bigla niya itong nilingon habang naniningkit ang kanyang mga mata at sabay sabing, “napakasinungaling mo!” Gigil niyang sabi.


Bigla naman itong namutla at napaatras, hindi ito makapaniwala. Ngunit, pagkaraan ng ilang sandali ay nakabawi rin ito sa pagkabigla. 


“Bakit ka maniniwala sa sinasabi niyan eh, kitang-kita mo naman kung sino ang tunay na Princess at Baninay dito.”


“Marahil nga ikaw si Princess sa paningin ko, pero hindi ikaw ang nakikita ng puso ko.” 


Kahit iba ang hitsura ni Princess hindi pa rin niya ito napigilang yakapin. Mahal na mahal niya ito, kaya wala siyang pakialam kung sino ang nakikita ng kanyang mga mata.


Ang mahalaga ay ang isinisigaw ng kanyang puso. 


“Ano’ng nangyari?”


“Nandito na ako sa katawan niya mula nang magising ako.”


“At magiging ganyan ka na habambuhay! Pangit, maliit, at payatot.” wika ng nagpapanggap na Princess. 


“Bumalik ka na sa dati mong hitsura.” Sambit ni Gabriel.


“Bakit? Dahil hindi mo kayang sikmurain na ganyang mukha ang makita? Nandito naman ako, ako na lang ang mahalin mo.”


“No way!” Buong diin niyang sabi, at sabay yakap sa tunay na Princess, para ipakita rito na ito ang mahal niya. 


“Kung ganu’n, papatayin ko na lang ang may ari ng katawan na ito!” Galit nitong sabi sabay takbo palayo sa kanila.

 

Itutuloy…

 

 

 

 

 
 
  • BULGAR
  • Jan 10, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 10, 2024



ree

“Baninay!”


Kung emosyon agad ang kanyang pinairal, nakatitiyak si Baninay na Princess mabibigkas niyang pangalan. Talaga kasing ikinabigla niya ang presensya nito, at hindi niya alam kung papaano ito nakalabas. 


“Huwag ka na magsinungaling pa!” Wika ni Princess habang nanlilisik ang mga mata.


Nakatitiyak siyang matinding galit ang nararamdaman ng dalaga ngayon. “Ikaw si Baninay, at ako si Princess!” Dagdag pa nito. 


“Kalokohan!”


“Ano bang sinasabi mo r’yan, iha?” Tanong ng matandang babae. 


“Mama, ako ang anak n’yo. ‘Di ko alam kung paano nangyari, basta nang magising ako, eto na ko.”


“Ha?”

“Huwag ka ngang maniwala sa kanya, ma! Nagsisinungaling lang ‘yan. Isang malaking kalokohan lang ang kanyang sinasabi. Paano naman mangyayari iyon, magic?” 


“Iyon nga, ewan ko kung ano’ng kasamaan ang ginawa mo at bakit ako nandito ngayon.


Basta nakasisigurado ako na sinadya mo ito para maagaw mo sa akin si Gabriel.”


“Akin siya, so bakit ko siya aagawin sa’yo?” naghahamong tanong pa nito sa kanya. 


“Ano’ng nangyayari rito?” 


Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang boses ng kanyang pinakamamahal. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natakot siya sa presensya nito. 


“Miss na miss na kita mahal ko,” wika niya saka tumakbo patungo kay Gabriel. 


Balak niya sana itong yakapin. Kapag kasi nabulungan niya ito, hindi ito basta-basta maniniwala sa sinasabi ng tunay na Princess. 


“Huwag kang magpapayakap sa kanya, Gabriel,” buong diing sabi ni Princess. 


“Baninay?” 


“Ako ito, Gabriel. Ako ang mahal mo, hindi ang babaeng ‘yan.”


“Napakasinungaling mo, Baninay!”

“Ikaw si Baninay, ‘di ba?”


“Ako ‘to si Princess, pero ewan ko kung bakit na-trap ako sa katawan ng babaeng ‘yan.”


“Ano?”

“Mahal mo ko, hindi ba?”


Hindi malaman ni Gabriel kung ano ang kanyang isasagot. Samantalang desidido naman ang dalagang iparamdam kay Gabriel, kaya tumalon siya at naglambitin sa leeg nito at sabay halik sa kanyang pinakamamahal. 

 

Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page