top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 10, 2020


Kambal na kalbaryo— ito ang muntik nang pagdaanan ng pamilya Cariño ng Pampanga. Nalagay sa peligro ang isa nilang kapamilya na si Roshaine Cariño na ikinasawi nito, at ang isa pa ay naligtas sa parehong kapalaran dahil ang edad diumano nito ay lampas na sa kinakailangang maturukan ng bakuna. Ang bakunang ito ang pinaniniwalaan nilang sanhi ng trahedyang sinapit ng nasawi nilang anak na si Roshaine.

Anang mga magulang ni Roshaine na sina G. Romeo at Gng. Virginia Cariño:

“Ang aming anak na si Roshaine ay nabakunahan ng Dengvaxia. Una, noong April 29, 2016, pangalawa noong November 4, 2016 at panghuli noong May 5, 2017. Siya ay nabigyan ng bakuna sa xxx Elementary School (hindi pinangalanang paaralan) Minalin, Pampanga. Samantalang, ang aming anak na si Johnrev ay hindi nabakunahan dahil siya ay lampas na sa edad na kinakailangang mabakunahan.”

Maaalala natin na sa mga kasong hawak ng PAO na may kaugnayan sa nasabing bakuna, may mga hindi na menor-de-edad sa mga biktima. Sa sitwasyon ng mga Cariño, nasabi nila ito: “Naisip namin na mabuti pala at hindi na naturukan si Johnrev dahil baka kung naturukan siya ay matutulad siya kay Roshaine.”

Si Roshaine ay 13-anyos nang namatay noong Pebrero 19, 2018. Siya ang ika-23 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Nang matapos ang ikatlong turok kay Roshaine, madalas na siyang nilalagnat, sumasakit ang tiyan at ulo. Noong mga huling araw ng Setyembre, 2017, sinabi ng kanyang guro sa kanyang mga magulang ang naobserbahan nitong kakaiba niyang ikinikilos sa eskuwelahan. Si Roshaine ay gumegewang na naglalakad at naglalaway na parang na-stroke. Pagkatapos nito, nagreklamo si Roshaine ng pananakit ng ulo at paglabo ng kanyang paningin. Umusli at lumuwa na rin ang kanyang mga mata.


Pagdating ng Oktubre at Disyembre, 2017, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Roshaine. Narito ang ilan sa mga detalye ng kanyang mga pinagdaanan:


1. Oktubre 3, 2017: Isinailaim siya sa x-ray at CT scan sa ospital. Ayon sa doktor, may bukol sa brainstem ng ulo ni Roshaine. Kinakailangan diumano siyang isailalaim sa MRI para makita ang sanhi at kung saang parte ng kanyang ulo naroon ang nasabing bukol. Hindi agad napa-MRI si Roshaine dahil nag-ipon pa ng pera ang kanyang mga magulang. Hindi na bumalik sa normal ang kilos niya, ang kanyang mga mata ay lumala pa.

2. Disyembre 20, 2017: Kinumbulsiyon si Roshaine. Muli siyang isinugod sa ospital at agad na dinala sa Intensive Care Unit (ICU) dahil siya ay nahihirapang huminga at marami diumano siyang sipon dahil sa pulmonya. Nilagyan siya ng oxygen. Bahagyang naka-recover si Roshaine, subalit hindi na siya makatayo at makapagsalita. Pinayuhan ang kanyang mga magulang na ilabas na siya para hindi na mahawa pa sa sakit ng ibang mga bata, kaya sa bahay na nila siya inalagaan. Hindi na bumuti ang kalagayan ni Roshaine pagkatapos noon.

Pagsapit ng Enero hanggang Pebrero, 2018 ay lumubha ang kondisyon ni Roshaine, na humatong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilang detalye sa mga nangyari sa kanya:


1. Enero 25, 2018: Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri sa ospital. Pagkatapos makita ng doktor ang resulta ng MRI ni Roshaine, sinabihan ang kanyang mga magulang na mabilis ang paglaki ng bukol sa ulo niya sa loob lamang ng tatlong buwan. Nakitaan din ng doktor ng pagtutubig sa ulo niya. Hindi umano matatanggal ang bukol sa ulo ni Roshaine, ngunit maaari siyang makasama ng kanyang mga magulang nang walong buwan hanggang isang taon kung matatanggal ang tubig sa kanyang ulo. Subalit sinabi rin ng doktor na kung matanggal man ang tubig sa ulo niya, parang lantang gulay pa rin siya kaya nagpasya na lamang ang mga magulang niya na iuwi siya upang makasama siya kahit sa maikling sandali.


2. Pebrero 19, 2018: Hindi bumuti ang kalagayan ni Roshaine at nagpatuloy rin ang kanyang lagnat. Parang lantang gulay na siya hanggang sa siya ay binawian ng buhay nang araw na ‘yun. Lumabas ang mga pantal sa kanyang katawan, tumigas at lumobo rin ang kanyang tiyan pagkatapos niyang pumanaw.

Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, lumapit sa aming tanggapan at sa inyong lingkod ang mag-asawang Cariño. Anila:


“Ang bakuna na ipinagmamalaki nilang proteksiyon laban sa dengue ay ang parehong dahilan ng biglaang pagkamatay ni Roshaine. Naging kaawa-awa ang kanyang kalagayan, dagdag pa rito, ang kawalan namin ng pera kaya hindi namin siya nabigyan ng sapat na pangangalaga. Ayon sa mga balita, dapat pala ay matutukan ang batang nabakunahan ng Dengvaxia. Para sa aming mahihirap na kailangang kumayod nang kumayod para sa aming ikabubuhay, mahirap na kami ay pumunta sa ospital dahil hindi naman kami aasikasuhin doon. Isa pa, wala naman silang nabanggit na ganito noong bakunahan si Roshaine. Kaya naman napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay ni Roshaine. Kasama na rito ang aming hiling na mabigyan kami ng tulong legal para maipaglaban naming mag-asawa ang kamatayan ng aming anak.”

Katotohanan at katarungan — ang kambal ding mga mithiin na patuloy na ipinaglalaban ng aming tanggapan, kasama ang PAO Forensic Team, para kay Roshaine at sa katulad niyang mga biktima. Nagkakatulungan o complementary ang dalawang adhikain na ito—sabay naming isinusulong hanggang sa magliwanag ang lahat at kumiling ang timbangan ng hustisya para sa ibang biktima. Patuloy ang daing ng mga biktima na lumalaban pa ngayon.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 3, 2020


Ang paghingi ng saklolo ang huling mga salita na narinig ng isang ama mula sa kanyang anak bago ito pumanaw. Matindi ang pagnanais ng una na masagip sa kamatayan ang pinakamamahal niyang anak, ngunit huli na ang lahat. Napakasakit na alaala ito hindi lamang sa isang ama kundi sa lahat ng nagmamahal sa naturang bata na nagngangalang Lea delos Santos, lalo pa at maaari naman sanang naiwasan ang masaklap na pangyayari na pinaniniwalaang kumitil sa kanyang buhay.



Si Lea, anak nina G. Lito at Gng. Jennifer delos Santos ng Maria Aurora, Probinsiya ng Aurora, ay 11-anyos lamang nang namatay noong Pebrero 13, 2018. Siya ang ika-22 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.

Tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia si Lea sa kanilang eskuwelahan. Una, noong Abril 15, 2016, pangalawa noong Oktubre 25, 2016 at panghuli noong Abril 26, 2017. Noong mga huling linggo ng Disyembre, 2017 ay nag-umpisa siyang maging matamlay. Bihira na siyang lumabas ng bahay hindi kagaya dati na nakikipaglaro pa siya ng volleyball sa kanyang mga kaklase. Noong Enero 28, 2018, nag-umpisa nang magkasinat si Lea. Patuloy ang pagiging matamlay niya at ayaw na niyang umalis ng bahay, natutulog na lamang siya dahil masakit diumano ang kanyang ulo at katawan. Hindi na bumalik ang kanyang sigla, palagi na siyang matamlay at mapusyaw. Noong Pebrero 1, 2018, isinailalim siya sa hematology test at urinalysis. Ayon sa doktor, mababa diumano ang red blood cells ni Lea at may kaunting bakterya diumano na nakita sa ihi niya. Ipinainom ng kanyang mga magulang ang iniresetang gamot ng doktor sa kay Lea, ngunit hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Noong Pebrero 3, 2018, nag-umpisa nang tumaas ang kanyang lagnat at nag-umpisa na rin siyang magreklamo ng pagkahilo at pagsusuka. Napapadalas din ang pagdudura niya sa hindi malamang kadahilanan. Sobrang matamlay na si Lea noon at hindi na siya nakakakain nang maayos.

Noong Pebrero 9, 12, at 13, 2018 ang naging kritikal na mga sandali ni Lea na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga nangyari kay Lea:


1. Pebrero 9, 2018 - Na-confine si Lea at hindi na nawala ang pananakit ng kanyang ulo at hirap sa paghinga. Nag-umpisa siyang magkapantal sa buong katawan at namanas ang kanyang mukha at mga paa.


2. Pebrero 12, 2018 - Alas-5:00 ng hapon nang salinan ng dugo si Lea, dahil ayon sa doktor ay anemic siya. Pagkatapos masalinan ng dugo, alas-9:00 ng gabi ay biglang nag-iba ang lagay ni Lea. Hindi na siya mapakali na tila hindi alam kung ano ang gustong gawin. Pasado alas-11:00 ng gabi, bigla na lamang niyakap ni Lea ang kanyang ama sabay sambit nito: “Papa, papa, wala na akong makita. Tulong, tulong!” Dali-daling pumunta sa nurse si G. Delos Santos upang humingi ng saklolo, subalit sinabihan lamang siya ng nurse na patulugin si Lea. Hirap na hirap na huminga si Lea at hindi pa rin ito mapakali sa higaan niya.


3. Pebrero 13, 2018 - Alas-2:30 ng madaling-araw, habang nakayakap si Lea sa kanyang ama ay bigla siyang nagsuka ng dugo na may kasamang plema. Akala ni G. Delos Santos noong una ay tulog lamang si Lea, subalit nang tingnan niya ang mukha ng anak ay hindi na ito dumidilat. Tinawag agad ni G. Delos Santos ang mga nurse upang humingi ng saklolo. Sinubukan nilang i-revive si Lea, subalit sa kasamaang-palad ay tuluyan na itong pumanaw.

Sa kanilang pagmumuni-muni sa pagkamatay ng kanilang mahal na anak, nasabi nila G. at Gng. Delos Santos ang mga sumusunod:


“Labis ang hinagpis na aming pinagdadaanan dahil sa biglaang pagkawala ni Lea. Masigla at malusog na bata ang aming anak at punumpuno ng pangarap sa buhay. Napakasakit dahil sa pag-aakala naming makakapagbigay ng proteksiyon sa kanya ang bakuna kontra dengue ay pumayag kaming maturukan siya, subalit ‘yun din pala ang kikitil sa kanyang buhay.

“Ang bakuna na ipinagmamalaki nilang proteksiyon laban sa dengue ay ang parehong dahilan ng biglaang pagkamatay ni Lea. Kaya naman napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya. Kasama na rito ang aming hiling na mabigyan kami ng legal na tulong para maipaglaban naming mag-asawa ang kamatayan ng aming anak.”

Ang PAO, ang inyong lingkod at ang PAO Forensic Team ay agad na tumalima sa nabanggit na mga kahilingan. Ang masusing forensic examination ay naisagawa na, ang legal assistance naman para sa kaso ng yumaong si Lea ay patuloy na ipinagkakaloob ng PAO at ng inyong lingkod.


Nang sambitin ni Lea noon sa kanyang ama na wala na siyang makita at malabo na ang mga mata kaya siya ay humihingi ng tulong, maaalalang siya ay hirap na hirap na rin noong huminga. Sa kabila nito, sinabihan lamang ng nurse ang nagpapasaklolo niyang ama na patulugin lamang siya. Ang tugon sa ganito kakritikal na tagpo sa buhay ni Lea at sa tulad niyang mga biktima, ganundin sa pinakaugat nito na higit na mabigat na kapabayaan sa kasaysayan ng pagbabakuna ng mga “viruses”, samantalang clinical trial phase 3 pa sa bansa, kundi man sa mundo ay hindi ang simpleng pagpikit ng mga mata lamang. Napakahalaga na manatiling dilat sa katotohanan ang ating kamalayan upang hindi malagay sa kompromiso ang katarungan na ating ipinaglalaban.

 
 

patay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 26, 2020


Kahanga-hanga ang mga bata na patuloy pa ring nagsisikap na umunlad sa buhay sa kabila ng pagkakaroon ng kondisyon sa kanilang pisikal na katawan na nagdudulot (o nagbabadyang magdulot) ng limitasyon sa kanilang mga kakayahan. Isa si Melvin Karl G. Elipane sa kapuri-puring mga batang ito. Ayon sa salaysay ng kanyang ina na si Gng. Janet G. Elipane:



“Noong si Melvin ay pitong buwan pa lamang, ang kanyang physical na kundisyon, lalo na ang kanyang mga mata ay hindi normal kaya pinasuri namin siya sa isang ospital sa Cabanatuan City kung saan dumaan siya sa CT scan examination. Subalit ang doktor na sumuri sa kanya ay hindi masabi kung ang bagay na nasa kanyang utak ay tumor o ugat lamang.


“Nang sumapit siya sa pitong taon, ipinasok namin at nag-aral siya sa isang paaralang elementarya sa Nueva Ecija.”

Si Melvin ay nagpunyagi upang maging normal na estudyante. Nais man nating palakpakan ang kanyang pagsusumikap, wala nang puwang ito sa mundong ating ginagalawan dahil wala na siya rito at kung papalakpak man tayo, maaaring ito ay malulunod lamang sa mga daing ng yumaong si Melvin, na kanyang ipinararating sa pamamagitan ng kanyang mga pagpaparamdam.


Si Melvin ay ipinanganak noong Nobyembre 6, 2004 at pumanaw noong Disyembre 5, 2016. Siya ang ika-21 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.

Siya ay binakunahan ng Dengvaxia noong Mayo 8, 2016 at Nobyembre 24, 2016 sa isang Rural Health Unit sa Nueva Ecija, sang-ayon sa “Dengue School-Based Immunization Program” ng Department of Health. Makalipas ang dalawa hanggang tatlong buwan matapos ang unang pagbabakuna, halos araw-araw ay nakararanas si Melvin ng pagsakit ng ulo. Subalit, nagagawa pa rin niyang makapasok sa eskuwelahan at makipaglaro sa kanyang kaibigan makaraang makainom ng gamot para sa sakit ng ulo. Gayunman, may pagkakataon na nagigising si Melvin sa madaling-araw dahil sa paninigas ng kanyang leeg. Tumitirik din ang kanyang mga mata at namamanhid ang kanyang katawan. Sa kabila nito, nasasabi pa rin niya kung ano ang kanyang nararamdaman at nanatiling gising ang kanyang diwa. Ang ganito niyang kalagayan ay tumatagal ng halos 20 minuto.

Sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre, 2016, nagpatuloy ang mga pagbabagong nararamdaman ni Melvin, naging seryoso ang kanyang kalagayan na humantong sa kamatayan. Narito ang ilan sa mga nangyari kay Melvin:

  • Nobyembre 21-23, 2016 - Hindi na nakapasok sa eskuwelahan si Melvin dahil nahihilo siya.

  • Nobyembre 24, 2016 - Sa kabila ng nararamdaman niyang pagsakit ng ulo, pinilit pa rin niyang pumasok sa eskuwelahan dahil iniisip niya na baka magkaroon sila ng examination. Nang umuwi galing sa eskuwelahan, sinabi niya na nahihilo siya matapos mabakunahan ng Dengvaxia. Ayon kay Gng. Elipane, “Masyado ang naging galit ko dahil hindi nila ako sinabihan na magkakaroon ng pangalawang pagbabakuna ayon sa “immunization program” at hindi nila alam na ang aking anak ay masama ang pakiramdam nang bakunahan nila ulit.”

  • Nobyembre 25, 2016 - Namamanhid noon ang katawan ni Melvin, nagsusuka rin siya at nahihirapan huminga. Isinugod siya sa ospital sa isang distrito ng Nueva Ecija, subalit tinanggihan siya dahil kailangan umano siyang ma-x-ray, subalit wala silang pasilidad doon. Binigyan sila ng referral sa isang ospital sa Cabanatuan City dahil nangingitim na ang mga labi niya. Tiningnan siya ng pediatrician at sinabi sa kanyang ina na may kaunting plema siya. Pinabili ng gamot ang kanyang ina at pagbalik ay binigyan si Melvin ng Dextrose IV Fluid. Makalipas ang ilang sandali, inilipat na siya sa isang kuwarto. Napansin ng kanyang ina na parang puno ng laway ang bibig ni Melvin at bulol kung magsalita.

  • Nobyembre 27, 2016 - Si Melvin ay muling nakaranas ng paninigas ng leeg, ang kanyang mga mata ay tumitirik at hirap na hirap huminga kaya siya ay binigyan ng injection upang bumuti ang kanyang paghinga. Binigyan din siya ng oxygen at antibiotics. Ayon sa isang nurse, sinabi ng isang doktor na ang utak niya ay nahawahan o nagkaroon na ng impeksiyon. Habang lumilipas ang mga araw, ang kondisyon ni Melvin ay palala nang palala. Madalas na siyang sumusuka ng tila plemang may dugo. May tubong inilagay sa kanyang bibig upang matulungan ang kanyang paghinga. Madalas na ring sumakit ang kanyang ulo at tiyan, gayundin, namamaga na ang ugat sa kanyang ulo.

  • Disyembre 3-5, 2016 - Dumumi si Melvin ng dugo at nagpatuloy ito hanggang sa mamatay siya noong Disyembre 5, 2016. Hindi nagbigay sa pamilya ni Mevin ng anumang medical certificate o record kaugnay sa pagkamatay ng huli.

Nagdadalamhati man si Gng. Elipane, nilakasan pa rin niya ang kanyang loob at dumulog sa aming tanggapan upang makamit ang hustisya para kay Melvin. Nais din niyang mabatid ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito kaya binigyan niya kami ng pahintulot na makuha ang medical records sa mga nasabing ospital at hukayin ang kalunus-lunos na labi ni Melvin upang magkaroon ng masusing forensic examination. Kagyat na isinagawa ng PAO at PAO Forensic Team ang kaukulang aksiyon.


Bagama’t may kondisyong may kapansanan (Person with Disability) si Melvin, naipakita niya ang kanyang kakayahan bilang ulirang mag-aaral at nagsisikap sa buhay. Kung naging ulira rin sana sa pagganap sa kanilang tungkulin ang mga kinauukulan, hindi sana naibuwis ang buhay ni Melvin. At dahil hindi na maibabalik ng “sana” ang buhay niya, patuloy naming isinasagawa sa PAO ang mga legal na hakbang upang maibalik sa alaala man lamang ni Melvin ang “nararapat” para sa kanya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page