top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 21, 2020


Isang girl scout si Clarissa Alcantara na tumalima sa motto na, “Be prepared” o “Laging Handa.” Bilang isa ring street dancer, may inisyatiba siyang maging bahagi ng mga programa sa pagsayaw sa kanilang komunidad at mga katulad na proyekto. Bilang masipag na mag-aaral at aktibong bata, palagi rin siyang handa sa kanyang mga aralin at aktibidad na pangkabataan—ganito si Clarissa noon, huwarang girl scout nang siya ay nabubuhay pa, gayundin nang hindi pa siya nababakunahan ng Dengvaxia. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Erwin at Gng. Lyngin Alcantara ng Baler, Aurora,

“Noong August, 2017 o pagkatapos siyang maturukan ng panghuling dose ng nasabing bakuna kontra dengue, nag-umpisang maging matamlay ang aming anak. Lagi na siyang nakahiga at bihirang lumabas ng bahay upang makipaglaro sa kanyang mga kaibigan. Malaki ang naging pagbabago sa dating masigla na Clarissa. Dati siyang street dancer at sumasali sa camping ng Girl Scout of the Philippines.


“Malusog at masiglang bata si Clarissa bago pa man siya maturukan ng bakuna kontra dengue. Siya ay mahilig sumayaw, kumanta, masipag mag-aral at maraming pangarap sa buhay.”


Si Clarissa ay 12-anyos nang namatay noong Pebrero 23, 2018. Siya ang ika-28 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Clarissa ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan. Una noong Abril 6, 2016, pangalawa noong Nobyembre 3, 2016 at panghuli noong Hunyo 20, 2017. Tulad ng nasabi na sa itaas, noong Agosto, 2017, nagkaroon ng pagbabago sa katawan at pakiramdam ni Clarissa. Noong ikalawang linggo ng Oktubre, 2017 naman, nagsimula siyang magkalagnat. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng paracetamol at nawala naman ang kanyang lagnat. Pagdating ng Disyembre, 2017, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Clarissa, narito ang ilan sa mga detalye ng mga nangyari sa kanya:


  1. Disyembre 21, 2017 - Dinala si Clarissa sa ospital at nalaman na normal naman ang lahat. Niresetahan siya ng antibiotics sa pag-aakala na may ubo lang siya dahil sa pananakit ng kanyang lalamunan.

  2. Disyembre 23 at 24, 2017 - May mga rashes na lumabas sa katawan niya at siya ay gininaw. Nagreklamo ulit siya ng pananakit ng tiyan hanggang Disyembre 25. Dinala siya sa ospital at nalaman na siya ay may Urinary Tract Infection (UTI) saka na-confine.

  3. Disyembre 26, 2017 - Nalaman na positibo siya sa dengue dahil sa pagbaba ng kanyang platelet count. Sumakit ang kanyang tagiliran mula sa kanyang balakang hanggang paa.

  4. Disyembre 27, 2017 - Sumisigaw na siya dahil sa sakit ng kanyang tagiliran. Inirekomenda ng doktor sa kanyang pamilya na isailalim sa x-ray ang balakang niya at i-ultrasound ang kanyang tiyan. Tutulungan din diumano sila ng Department of Health (DOH) at kailangan siyang ilipat ng ospital. Anang mga magulang niya:


“Kami ay nagulat sa sinabi ng doktor kaya tinanong namin sila kung bakit kailangan siyang ilipat ng hospital, sapagkat dengue ang sakit niya, na sa pagkakaalam namin ay kaya naman nilang gamutin. Pero sinabihan kami ng doktor na hindi lang dengue ang sakit ng aming anak at baka may komplikasyon din daw siya sa puso.”

  1. Disyembre 28, 2017 - Inilipat sa nasabing ospital si Clarissa. Bumuti ang lagay niya at kinabukasan ay sinabi ng doktor na wala na siyang dengue. Ngunit nang isinailalim siya sa ECG, nakitang may sakit siya sa puso.

Pagdating ng Enero hanggang Pebrero, 2018, nagsimulang lumubha ang kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan noong Pebrero 23, 2018. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga kritikal na sandaling ‘yun:

  • Enero 26, 2018 - Nag-umpisa ang pabalik-balik niyang lagnat.

  • Pebrero 1, 2 at 3, 2018 - Naging malubha ang kanyang lagnat. Hindi na tumatalab ang mga ipinainom na paracetamol sa kanya. Na-admit siya ulit sa ospital. Sinalinan siya ng dugo at may pneumonia diumano siya.

  • Pebrero 6, 2018 - Lumubha ang sakit niya sa puso. Nagsimula na ring bumagsak ang supply niyang oxygen at bumaba ang kanyang blood pressure. Kinabitan din siya ng oxygen.

  • Pebrero 21, 2018 - Pagsapit ng gabi, base sa resulta ng huling x-ray niya, parang durog ang baga niya. Hirap na hirap na rin siya sa paghinga.

  • Pebrero 22 at 23, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City. Paisa-isa na ang kanyang paghinga at ayon sa doktor, kritikal na ang kanyang kalagayan kaya ay kinakailangan siyang i-intubate. Nagtaka ang mga magulang ni Clarissa kung bakit naging kritikal na ang kalagayan niya, sapagkat ang alam nila ay nagagamot naman ang sakit sa puso. May lumabas na maitim na dugo sa bibig ni Clarissa, na sinundan ng paglabas ng berdeng likido. Hindi tumigil ang paglabas ng dugo sa bibig niya hanggang sa siya ay pumanaw alas-11:00 ng gabi nang Pebrero 23, 2018.

Ayon sa mga magulang ni Clarissa: “Kailanman ay hindi pa siya nadapuan ng malubhang sakit at nadala sa hospital bukod lamang noong makaranas siya ng kakaibang pagbabago sa kanyang kalusugan matapos siyang maturukan ng bakuna kontra dengue.”


Ang komento nilang ito ay hinanapan nila ng kasagutan at ang kamatayan ni Clarissa ay nais nilang matugunan ng katarungan. Ang tulong ng PAO, ng inyong lingkod at PAO Forensic Team ay kanilang hiniling. Tulad ni Clarissa na “laging handa” noon, naiparamdam at nais naming patuloy na madama ng pamilya Alcantara na buhay ang diwa ng pagiging scout sa amin.

 
 

sa kamatayan nauwi at ‘di nagamit bilang proteksiyon vs. dengue

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 14, 2020


Ang mga sinag ng araw ay simbolo ng pag-asa. Sa panahon ng matitinding pagsubok na nagbabadya na ang lahat ay mabalot ng karimlan, ang mga sinag na ito ay nagagawa pa ring tumudla o maghatid ng liwanag sa pinakamadilim na bahagi ng buhay. Ang Ray sa pangalan na John Ray Pintor wari ay nagsilbing banaag na patuloy na sinundan, hindi lamang ng mga mata kundi ng buong puso at pagkatao ni John Ray nang siya ay nabubuhay pa. Bagama’t nakapagtapos ng elementarya, hindi niya natapos ang pag-aaral sa sekondarya dahil natapos lang niya ang unang taon. Gayunman, hindi naging hadlang ito upang mangarap siya na maging pulis. Nang siya ay 19-anyos, kumuha siya ng Alternative Learning School Program (ALS Program) ng ating pamahalaan dahil nais niyang makapagtapos at matupad ang ambisyon na maging alagad ng batas. Kaugnay nito, noong Hunyo, 2016, siya ay nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa isang pampulisyang ahensiya bilang stay-in utility personnel sa ospital nito. Masasabing tinatalunton na ni John Ray ang daan tungo sa katuparan ng kanyang pangarap nang may maganap na trahedya na buong lupit na ipinagkait sa kanya, hindi lamang ang katuparan ng kanyang hangarin, kundi pati na rin ang kanyang buhay.

Ipinanganak si John Ray noong July 14, 1996 at namatay noong Enero 11, 2018. Siya ang ika-27 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.



Noong Setyembre 15, 2017, si John Ray, bilang empleyado ng nabanggit na ospital ay naturukan ng Dengvaxia vaccine. Ayon sa kanyang ina na si Gng. Purisima B. Pintor, “Ang pagpapabakuna ng aking anak ay nalaman ko lamang noong siya ay namatay na. Ipinaalam lang po sa akin sa pamamagitan ng Dengue Vaccine Immunization Record na nakalakip sa kanyang record sa ospital.”

Noong Oktubre, 2017, nagsimula ang mga sintomas ng malubha niyang karamdaman. Siya ay nilagnat at nagka-trangkaso (flu) ng tatlong araw habang siya ay nasa trabaho, kaya siya ay nagpasuri sa ospital kung saan siya nagtatrabaho. Noong Nobyembre 12 hanggang 14, 2017, sa kanilang bahay sa Cavite, idinaing niya ang naramdaman niyang abdominal at chest pain. Napakataas din ng kanyang lagnat na umabot sa humigit-kumulang 40 degrees Celsius. Noong Nobyembre 16, 2017, kinuha siya ng ambulansiya upang dalhin sa ospital na pinagtatrabahuan niya kung saan libre siyang masusuri at magagamot. Sa loob ng nasabing ambulansiya, si John Ray ay hinimatay dahil sa matinding sakit na kanyang nararamdaman. Dahil dito, dumaan muna sila ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Maynila at nang bumuti-buti ang pakiramdam niya, dinala na siya sa ospital na kanyang pinagtatrabahuan. Siya ay na-confine hanggang Nobyembre 20, 2017. Ang initial finding sa kanya, siya diumano ay tinamaan ng dengue.

Pagkalabas sa ospital, sa kanilang bahay ay patuloy ang kanyang mataas na lagnat at pananakit ng tiyan at dibdib. Noong Nobyembre 28, 2017 hanggang Disyembre 1, 2017, ibinalik siya sa ospital na kanyang pinagtatrabahuan dahil wala pa ring pagbabago sa kanyang kondisyon. Gayunman, noong Disyembre 18, 2017, pinilit ni John Ray na dumalo sa kanilang Christmas party upang makipagsaya sa kanyang mga katrabaho. Ang mga petsang Disyembre 23, 2017, Enero 2, 4 at 9, 2018 ang mga naging kritikal na sandali sa buhay ni John Ray na humantong sa kanyang kamatayan noong Enero 11, 2018. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga pangyayaring ‘yun:

1. Disyembre 23, 2017 - Ipinaalam ni John Ray sa kanyang pamilya na kumonsulta muli siya sa doktor at ang sabi sa kanya ay may nana sa kanyang lalamunan dahil umano sa tonsillitis. Idinaing din niya ang kanyang tiyan, dibdib at masakit na gilagid. Simula noon, nahirapan na siya kumain at makapagsalita.

2. Enero 2, 2018 - Ibinalik siya sa ospital na kanyang pinapasukan dahil hirap na hirap na siyang magsalita, kumain at huminga.

3. Enero 4, 2018 - Sinabi ng doktor na lalagyan nila ng tubo sa bibig si John Ray, ngunit hindi pumayag ang kanyang ina. Ang paliwanag ng doktor, hirap na diumano si John Ray sa paghinga at kulang na ang pumapasok na oxygen sa kanyang katawan.

4. Enero 9, 2018 - Bumiyahe ang pamilya ni John Ray papunta sa isang mas malaking ospital sa Maynila, ayon na rin sa payo ng doktor ni John Ray dahil kulang sa kagamitan ang ospital nila.

5. Enero 10, 2018 - Na-admit si John Ray sa mas malaking ospital sa Maynila kung saan agad-agad siyang nilagyan ng tubo dahil hirap na talaga siyang huminga.

6. Enero 11, 2018 - Sa mismong mga salita ni Gng. Pintor: “Bandang madaling-araw, namatay po ang aking anak at ito ay nagdulot sa amin ng labis na pighati at sakit ng kalooban, lalong-lalo na po noong malaman ko na ang aking anak ay naturukan ng Dengvaxia dahil sa ipinakita sa akin na Dengue Vaccine Card.”

Maging sa panahon ng pagdadalamhati ng pamilya ni John Ray, patuloy nilang sinusundan ang banaag na nasilayan nito sa pagtupad sana ng kanyang pangarap. Ang banaag na ito ang kanilang tanglaw patungo sa PAO upang malaman ang katotohanan hinggil sa kamatayan ni John Ray at makamit ang katarungan para sa kanya, sa tulong ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, at PAO Forensic Team. Kasama kami ngayon ng pamilya Pintor sa pakikipaglaban sa hustisya para kay John Ray at patuloy na pinatatatag ng paniniwala na ang katotohan na susi ng katarungan ay mababantad din sa liwanag.

 
 

ulo at batok, na-ICU pa bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 7, 2020


Naguguluhan diumano ang isang doktor kung bakit magkakasabay ang pananakit ng iba’t ibang parte ng katawan ng kanyang batang pasyente, samantalang wala namang nakitang problema sa diagnostic tests at CT scan results nito, bukod sa posibilidad na may bakterya sa kanyang utak. Sinabi ng ina ng huli na naturukan ito ng Dengvaxia. Ang tugon ng doktor ay wala diumanong koneksiyon dahil matagal na panahon na ang lumipas mula nang maturukan ang nasabing bakuna ang pasyente. Ang pangyayaring ito ay naranasan din ng marami sa aming kliyente sa tinaguriang Dengvaxia cases.


Bukod sa deklarasyon ng Sanofi na nakasulat sa ibaba, makatutulong din sa pagbibigay-linaw sa isyung ito ang sinabi ni Dr. Susan Mercado, isang medical and public health expert. Aniya: “Kung ang namatay ay walang kinalaman sa bakuna “directly” or “indirectly” ̶ bakit napakaraming mga batang edad 9-12 namamatay sa iba’t ibang lugar? Normal ba ‘yan? Wala po akong maalala sa kasaysayan ng bansa na ganito... Ano po ang explanasyon sa mga pagkamatay ng mga bata ̶ ng mga nagsasabi na wala itong kinalaman sa Dengvaxia?”

Ang naturang batang pasyente ay si Wiljen Alcontin, ang anak nina G. Wilson at Gng. Theresa Alcontin ng Cebu City ay 9-anyos nang namatay noong Enero 26, 2018. Siya ang ika-26 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Wiljen, dating mag-aaral sa Cebu City, ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa nasabing lugar noong Agosto 12, 2017.


Noong Disyembre 27, 2017, nagsimulang makitaan ng mga sintomas si Wiljen. Siya ay nagkalagnat at naging matamlay, nagpabalik-balik ang lagnat niya, kaya siya ay ipinagamot sa isang ospital sa Cebu City noong Enero 4, 2018. Napag-alaman na mayroon siyang Urinary Tract Infection (UTI) kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito at inuwi sa bahay. Nang pinainom siya ng gamot, bigla siyang nakaranas ng pananakit ng ulo kaya ibinalik siya sa ospital noong Enero 5, 2018 at binigyan siya ng mefenamic acid. Dahil walang naging magandang pagbabago sa kalagayan niya, isinailalaim agad siya sa CT scan, ngunit wala namang nakitang problema sa kanyang ulo. Dahil masakit pa rin ang ulo niya, ipina-aadmit siya, ngunit dahil walang bakanteng kuwarto, inilipat siya sa ibang ospital. Pagdating doon, nag-umpisang sumakit ang tiyan, ulo, batok at likod ni Wiljen. Sa ward ay binigyan siya ng Mannitol, pansamantalang bumuti ang kalagayan niya, ngunit bumalik ulit ang pananakit ng tiyan, batok at likod niya.


Bahagyang nawala ang pananakit ng ulo niya, subalit doon naganap ang pagtatapat ng doktor sa naisalaysay na sa itaas na reaksiyon niya sa magkakasabay na pananakit ng mga parte ng katawan ni Wiljen, at ang kanyang paniniwala sa kawalan diumano ng koneksiyon ng kaso ng kanyang naturang pasyente sa naiturok ditong Dengvaxia.

Naging kritikal ang mga petsang Enero 11, 12, at 26, 2018 sa buhay ni Wiljen. Narito ang mga detalye ng mga sandaling ‘yun na humantong sa kanyang kamatayan:

1. Enero 11, 2018 - Muling sumakit ang kanyang tiyan. Pinainom siya ng gamot para rito, ngunit walang naging magandang epekto. Pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, hindi na bumabangon, sumasagot o kumikibo si Wiljen at nakatingin na lamang siya. Nang subukan siyang ibangon sa pagkakahiga, bigla siyang nag-seizure. Hindi na dumilat ang kanyang mga mata, subalit nakagagalaw pa siya.

2. Enero 12, 2018 - Muli siyang nagka-seizure, alas-4:00 ng madaling-araw at dahil doon, in-intubate siya. Hindi na siya kumikibo at hindi na magising. Habang tulog, panay ang kanyang paglalaway at paghihilik. Alas-8:00 ng umaga, sinabihan ng mga doktor ang mga magulang ni Wiljen na kailangan siyang dalhin sa ICU dahil kritikal na ang kondisyon niya. Dahil wala silang sapat na pera para mailipat ICU ng ospital na ‘yun si Wiljen, napilitan silang dalhin siya sa mas murang ospital kung saan bandang alas-2:00 ng hapon nang mailipat siya sa ICU roon.


Bago pa man nailipat ng ospital si Wiljen, comatose na siya. Gayunman, muli siyang isinailalim sa CT scan at x-ray bago inilipat ng ospital at base sa resulta ng CT scan, ang kanyang utak ay namamaga. Nanatili siya sa ICU nang 14 araw habang siya ay isinasailalim sa maraming tests. Hindi na rin tuluyang gumising si Wiljen.

3. Enero 26, 2018 - Alas-9:00 ng gabi, nag-umpisa nang humina at bumagal ang pagtibok ng puso niya. Sa mga salita ng kanyang mga magulang, narito ang kanyang mga huling sandali:


“Sinubukang ibalik ang normal na pagtibok ng kanyang puso matapos siyang injection-an ng dalawang beses ng mga doktor. Maya-maya ay nawawala ang pagtibok ng kanyang puso na nangangailangan ulit ng pag-revive ng mga doktor sa aming anak. Nagpatuloy ito ng halos dalawang oras hanggang sa sumapit ang alas-10:50 ng gabi nang tuluyan siyang pumanaw.


Ito ay matapos namin siyang sabihan na isuko na ang laban at magpahinga na siya dahil sa labis na hirap ng pinagdadaanan niya.”

Pagmamahal kay Wiljen na malusog at masiglang bata bago siya maturukan ng nasabing bakuna; habag sa sinapit nito at panghihinayang sa kanyang buhay na dapat ay lumago pa dahil sa kanyang hilig sa pag-aaral at mga pangarap sa buhay ̶ ang mga ito at ang maipaglaban ang pagkamatay ng kanilang anak ang nagdala kina G. at Gng. Alcontin sa PAO upang hilingin ang tulong ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, at PAO Forensic Team. Muli, kami ay rumesponde at patuloy nilang magiging kaalakbay hanggang sa makamit ang katarungan para kay Wiljen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page