top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 13, 2020


Napakabigat ng responsibilidad ng mga awtoridad. Alinsabay ng pagiging mahusay nila sa kanilang propesyon, kailangan din na sila ay maingat sa pagsasagawa ng kanilang mga responsibilidad at inaasahan na nasa isip nila ang kagalingan at kabutihan ng mga taong kanilang pinaglilingkuran. Kaugnay nito, maitatanong natin kung bakit may mga awtoridad na tila hindi pansin ang pangangailangan ng ating mga kababayan kahit malubha na ang sitwasyon na kanilang inihihingi ng tulong. Nangyari ito kina Mang Felix Noel Vasquez at Aling Honey Dee De Luna Rosal ng Rizal noong dalhin nila sa isang ospital sa kanilang lugar ang kanilang anak. Ani Aling Honey:


“Noong December 6, 2017, dahil sa kanyang patuloy na pagsusuka, matinding pananakit ng ulo at tiyan na dahilan din ng pagsigaw niya sa sakit ng mga ito ay dinala namin siyang muli sa naturang ospital, subalit hindi siya naasikaso agad hanggang sa magtaray ako sa mga tao roon at saka pa lang dinala si Gillianne sa emergency room. Dahil sa kawalan ng bakanteng kuwarto ng ospital, dinala muna si Gillianne sa hydration room at binigyan siya ng swero.”



Ang dinala nilang bata sa nasabing ospital ay si Gillianne Rosal Vasquez. Siya ay 7-anyos nang namatay noong Disyembre 8, 2017 at siya ang ika-40 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago siya namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Gillianne, kasama ang kanyang ate na si Daniela R. Vasquez, ay naturukan ng Dengvaxia sa oval ng kanilang paaralan sa Rizal noong pagpasok ng 2017.

Nang sumapit ang Nobyembre 2017, napansin nina Mang Felix at Aling Honey na nag-iba ang kalusugan ni Gillianne. Madalas na diumano siyang nagkakaroon ng lagnat at iba na siya kung tumingin. Anila, “Nakakunot ang noo at patagilid kung tumingin si Gillianne. Napansin din naming laging mugto ang kanyang mga mata at naging sensitibo sa liwanag. Sinamahan din ang mga ‘yun ng pagkahilo at pagsusuka.” Dahil nilalagnat din siya, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center, sinabi ng doktor na siya ay mayroong UTI at impeksiyon sa dugo. Binigyan lang siya ng antibiotics at ang sakit naman ni Gillianne ay nagagamot at umuwi na sila sa kanilang bahay. Guminhawa naman si Gillianne, subalit nang sumapit ang huling linggo ng Nobyembre ay tumindi ang pananakit ng tiyan at ulo niya. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng paracetamol, gayunman, lalo pang lumala ang kanyang kalagayan na humantong sa kanyang kamatayan. Ito ay naganap sa iba’t ibang petsa ng Disyembre, 2017. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga kaugnay na mga pangyayari:

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 6, 2020


Ang mga atleta ay kabilang sa pinakamalulusog na mga tao. Palibhasa, sila ay may disiplina sa mga gawain na nakatutulong sa pagpapanatili ng kanilang mabuting kalusugan at magandang pangangatawan. Kabilang sa sektor ng mga kabataang atleta si John Marky Ferrer, anak nina G. Angelo at Gng. Nerie Ferrer ng Tarlac. Dahil dito, inaasahan ng mag-asawa na magiging maayos ang lahat pagdating sa kalusugan ni John Marky, subalit taliwas sa kanilang inaasahan ang nangyari. May palaro nang sinubok ang katatagan ni John Marky bilang atleta. Anang kanyang mga magulang:


“Noong February 23, 2018, bilang miyembro ng volleyball team ng Tarlac City sa xxx Athletic Association xxx ay lumuwas ang aming anak papuntang Malolos, Bulacan. Ayon sa aming anak, siya ay nagkalagnat sa kalagitnaan ng kanilang pag-e-ensayo para sa palaro noong February 25, 2018. Sinamahan ito ng pananakit ng kanyang kaliwang paa, subalit ito ay nawala rin kaya siya ay nakapaglaro rin sa opisyal na palaro.”



Dagdag pa ng mga magulang ni John Marky, “Noong March 3, 2018, pagkadating niya sa bahay, napansin naming hindi normal ang paglalakad niya dahil hinihila niya ang kanyang kaliwang paa. Tinanong namin siya kung bakit ganu’n siya maglakad, subalit sumagot lamang ang aming anak na wala raw ‘yun.”

Sana nga ay “wala lamang ‘yun,” ngunit sa kasamaang-palad, ang mga pangyayaring ‘yun ay nagsilbing sintomas ng naging malalang kalagayan ni John Marky na humantong sa kanyang kamatayan. Siya ay 11-anyos nang namatay noong Marso 16, 2018. Siya ang ika-39 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia, una noong Marso 31, 2016 sa kanilang bahay; pangalawa noong Oktubre 11, 2016 sa kanilang paaralan; at pangatlo noong Hunyo 16, 2017 sa isang health center sa Tarlac. Ayon sa kanyang mga magulang, sila ay naudyukang pumayag na mabakunahan si John Marky ng Dengvaxia dahil sinabihan sila ng mga nagturok na health workers na ito ay makabubuti sa kanya. At ito ay libre, sapagkat ito ay programa ng gobyerno, at ang bakuna ay mahal kapag pribadong klinika ang magtuturok.

Nang sumapit ang Agosto 2017, nagsimulang makaranas si John Marky ng pabalik-balik na lagnat. Pagkatapos nito ay naganap ang naikuwento sa itaas na pangyayari noong sumali siya sa isang palaro, at sinundan ng mga karagdagang sintomas ng palalang karamdaman na naganap sa iba’t ibang petsa ng Marso 2018 na nakasaad sa ibaba, bago bawian ng buhay si John Marky:

  • Marso 6, 2018 - Muling nakaranas ng pabalik-balik na lagnat na sinamahan ng panginginig ng kanyang katawan.

  • Marso 10, 2018 - Dinala si John Marky sa isang health center sa Tarlac.

  • Marso 11, 2018 - Nagreklamo ulit siya ng pananakit ng kaliwang paa at hirap sa paglalakad. Nagdugo rin ang kanyang ilong at siya ay nagsuka. Hindi na nawala ang pananakit ng kanyang paa.

  • Marso 13, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Tarlac, parehong paa na niya ang sumasakit at ang buong katawan niya ay mainit. Dinala siya sa ICU at sinabihan ang kanyang mga magulang na siya ay may pneumonia. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng tiyan. Mayroon ding dugo ang kanyang plema tuwing siya ay nauubo at may lumabas pang rashes sa buo niyang katawan.

  • Marso 14, 2018 - Hindi gumanda ang kanyang kalagayan. Siya ay kinabitan ng oxygen dahil hirap siyang huminga at mataas din ang kanyang lagnat.

  • Marso 15, 2018 - In-intubate si John Marky. Siya ay nagreklamo ng pananakit at panghihina ng katawan. Siya ay nagwawala dahil siya ay namimilipit sa sakit ng kanyang tiyan at mga paa. Alas-6:00 ng gabi, sinabihan ng mga taga-ospital ang mga magulang ni John Marky na kailangan siyang ilipat dahil malaki na ang bayarin nila roon. Nang gabi ring ‘yun ay lumipat sila ng ibang ospital.

  • Marso 16, 2018 - Bumagsak na ang kalagayan ng kalusugan ni John Marky. Sa tuwing siya ay sina-suction, may lumabas na plema na may kasamang dugo mula sa kanyang bibig. Sabi ng mga doktor, kritikal na ang kanyang kalagayan. Alas-11:00 ng umaga, pagkatapos makipaglaban para sa kanyang buhay ay tuluyan nang pumanaw si John Marky.

Sa pagkamatay ng kanilang anak, nasabi nila G. at Gng. Ferrer ang sumusunod:

“Maayos ang kalusugan ng aming anak bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Isa siyang atleta, masigla at aktibong bata, subalit nagbago ang lahat nang mabakunahan siya dahil naging sakitin na siya. Malusog si John Marky at hindi naman siya kinakitaan ng anumang uri ng karamdaman sa tuwing siya ay isinasailalim sa medical examination dahilan na rin sa kanyang pagiging volleyball player sa aming lugar.

“Palaisipan sa aming mag-asawa kung anong klaseng gamot ang ibinigay nila kay John Marky para makitil ang kanyang buhay sa murang edad.”

Ang kagustuhan nina G. at Gng. Ferrer na malaman ang katotohanan sa nasabing palaisipan at matamo ang katarungan sa naging kamatayan ni John Marky ang dahilan upang hingin nila ang tulong ng PAO Forensic Team, PAO at inyong lingkod. Patuloy kaming tumatalima sa mga ganitong hiling, lalo na sa mga kasong karamihan ay mga kabataan ang naging biktima. Sila ay mga produktibong miyembro ng lipunan. Kahit sila ay nasa kabilang buhay na, hindi namin sila kayang biguin, at ang kinakatawan nilang bagong henerasyon na katulong sana sila sa pagsulong nito ngayon.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 30, 2020


“Wala na akong kasamang mangangarap,” ito na marahil ang isa sa masasakit na pahayag na narinig namin mula sa mga kliyente ng Public Attorney’s Office (PAO). Bagama’t salat sila sa materyal na mga bagay, sagana naman sa mga pangarap na nagbibigay sa kanila ng inspirasyon. Ngunit paano na kung pati ang pangangarap ay naghahatid na sa kanila ng kalungkutan sa halip na katuwaan? Nasa ganitong sitwasyon ngayon si Aling Fausta Gasilla. Aniya:


“Maraming magagandang pangarap sa buhay ang aking anak na si Christine, kaya labis ang aking pagdadalamhati sa kanyang biglaang pagkawala. Sa kanya ako humuhugot ng lakas dahil madalas niya akong sabihan na kapag siya ay nakapagtapos ng pag-aaral ay matutulungan na niya ako at hindi ko na kailangan pang maglabada. Labis ang aking kalungkutan dahil wala na akong kasamang mangangarap.”



Ang anak niyang si Christine Joy Gasilla Asuncion ay 12-anyos nang namatay noong Marso 15, 2018. Siya ang ika-38 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Christine ay naturukan sa kanilang paaralan ng nasabing bakuna noong Hunyo 22, 2016. Narito ang pahayag ni Aling Fausta ukol sa pagkakabakuna kay Christine noong araw na ‘yun:


“Bago maturukan si Christine Joy, mayroon siyang pinapirmahan na papel na ipinadala ng eskuwelahan. Siya raw ay babakunahan kontra sa dengue. Noong araw na bakunahan siya, sinamahan ko siya sa kanyang eskuwelahan. Tinanong ko sa nagtuturok ng bakuna kung para saan ‘yun, ang tugon naman niya ay para sa proteksiyon laban sa dengue. Sa paniniwalang makabubuti kay Christine ang nasabing bakuna, pumayag akong maturukan siya.”

Noong mga unang linggo ng Pebrero 2018, nagsimula siyang makaramdam ng pananakit ng tiyan, ulo, kasukasuan, lalamunan at ng buo niyang katawan, gayundin, siya ay nilagnat at nagsusuka. Pinainom ni Aling Fausta si Christine ng Biogesic at medyo bumaba naman ang lagnat nito. Subalit, pagkatapos nito ay naging pabalik-balik na ang lagnat, pananakit ng tiyan at buo niyang katawan. Napansin din ni Aling Fausta na naninigas ang tiyan ni Christine na parang kinakabagan. Nilagyan niya ng "Acete de Manzanilla" ang tiyan ni Christine, at nawala nang bahagya ang pananakit pero nang sumunod na mga araw ay hindi na siya makadumi. Binilhan siya ni Aling Fausta ng prutas na makatutulong para makadumi. Bagama’t nakadumi si Christine, isang beses lamang ito.

Marso, 2018 ang naging kritikal na panahon sa nalalabing mga araw ni Christine. Narito ang kaugnay na mga pangyayari hinggil dito:

· Marso 9, 2018 – Dinala ni Aling Fausta si Christine sa isang ospital sa Quezon City dahil namimilipit ang huli sa sakit ng tiyan. Tinanggihan sila roon dahil wala diumanong doktor at hindi sa kanila pina-check-up si Chrstine. Ayon kay Aling Fausta, “Dahil sa naglalabasang balita na ang mga ospital ng gobyerno na mayroong priority lane para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia, binanggit ko na may bakuna si Christine pero ang sabi nila ay huwag intindihin ang Dengvaxia dahil wala ‘yung kinalaman sa sakit ng aking anak.” Hindi tinanggap sa nasabing ospital si Christine at iniuwi siya sa kanilang bahay.

· Marso 13, 2018 ̶ Lumala ang kondisyon ni Christine, kaya dinala siya sa isa pang ospital sa Quezon City. Palaging binabanggit ni Aling Fausta na nabakunahan ng Dengvaxia si Christine, pero tulad ng sinabi sa naunang ospital na pinagdalhan, walang kinalaman ang Dengvaxia sa sakit ng kanyang anak. Sa dalawang araw na pamamalagi sa naturang ospital, nalaman ni Aling Fausta na may leukemia diumano si Christine. Aniya, “Nagtaka ako kung papaano magkakasakit ng leukemia si Christine, samantalang masigla siyang bata at hindi pa na-ospital kahit kailan.” Dahil sa nasabing sakit, lumalaki ang atay at lapay ni Christine, kaya malaki rin ang tiyan nito.

· Marso 15, 2018 ̶ Pumanaw si Christine. Naiwan niya ang kanyang buong pamilya na nagdadalamhati, ngunit handang ipaglaban ang kanyang naging kamatayan. Ani Aling Fausta:


“Maayos ang kalusugan ni Christine bago siya maturukan ng bakuna kontra dengue. Isa siyang masigla at aktibong bata, subalit nagbago ang lahat nang mabakunahan siya dahil naging sakitin na siya.


“Ano’ng klaseng gamot ang ibinigay nila kay Christine para makitil ang kanyang buhay sa murang edad? Dahil hindi ako naniniwalang namatay ang aking anak sa sakit na sinasabi ng mga doktor, napagdesisyunan kong humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ng aking anak para malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Akin ding hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa kanyang pagkamatay.”

Agad na isinagawa ng PAO Forensic Team ang nasabing examination at patuloy naman ang serbisyo-legal na ibinibigay ng aming tanggapan, ng inyong lingkod at kasamang mga public attorneys. Makikita sa kaso ni Christine na naganap na naman ang pangyayari na bagama’t mayroong tinaguriang priority lane para sa Dengvaxia vaccinees, hindi pa rin binigyan ng halaga ang sinasabi ng magulang ng biktima. Tila iba ang pakahulugan ng mga ospital na pinagdalhan kay Christine sa salitang “priority,” at ‘yun ay kabaligtaran ng agarang aksiyon at medikasyon ̶ ito at iba pang mga legal na rason ay sapat na mga dahilan upang ipaglaban ang kaso ni Christine.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page