top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

Ilang laman-loob ng 13-anyos na namatay sa Dengvaxia, ‘di ibinalik, natirang organs, pinaghalu-halo lang sa katawan

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 8, 2021


Line veto! Ito ang sigaw at hiling na pamaskong regalo mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga batang binakunahan ng Dengvaxia na hanggang ngayon ay lumalaban sa bagsik ng side-effects nito. May budget sa GAA 2021, pero binabawalan ng dalawang senador ang PAO na magpasuweldo at magpagamit ng pasilidad ng office para sa Forensic Laboratory Division Personnel nito.


Nasa ating kultura, maging sa ating batas ang pagpapahalaga sa mga yumao. Ang paggalang na ito ay inihahandog natin sa kanilang mga labi at alaala. Kaya naman kapag taliwas dito ang nangyayari, matinding emosyon at labis na pagkadismaya sa kawalan ng pagpapahalaga ng mga kinauukulan ang nararamdaman ng mga pamilyang naiwan ng mga yumao. Ito ay naranasan nina G. Marlon at Gng. Damasa Juevesano. Anila:


“Sobrang masama ang loob namin sa ginawa ng mga doktor ng DOH na nagsagawa ng autopsy sa aming anak. Hindi nila ipinaliwanag ang proseso ng gagawing autopsy. Nito lamang na isagawa ang muling pag-autopsy sa mga labi ng aming anak ay laking gulat kong makita na pinaghalu-halo ng mga doktor ng DOH ang mga laman-loob ng aming anak at ang mga ito ay hindi ibinalik sa dapat nilang kalagyan. Ang ibang mga organs ay hindi ibinalik sa katawan ng aming anak at ito ay hindi nila sinabi sa amin.”


Ang anak na tinutukoy ng mag-asawa ay si Gladimeir Juevesano, 13-anyos nang namatay noong Pebrero 25, 2018. Siya ang ika-46 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Gladimeir ay naturukan ng Dengvaxia sa isang barangay health center sa Cebu noong Agosto 4, 2017. Ani Aling Damasa tungkol sa nasabing pagbabakuna:


“Ako bilang isang health worker ay inatasan, kasama ng iba pang mga barangay health workers, ng mga doktor ng DOH sa amin na ilista ang pangalan ng mga batang may edad siyam hanggang 14 dahil sila raw ay babakunahan kontra dengue. Kasama po sa inilista ang pangalan ng aming anak. Ang nasabing bakuna ay proteksiyon daw kontra dengue at kapag sa pribadong klinika isasagawa ang nasabing pagbabakuna ay mahal daw ito. Dahil sa pag-aakalang makabubuti ito sa kalusugan ng aming anak, nagpasya kaming pabakunahan siya.”


Noong ikatlong linggo ng September, 2017, nagkaroon si Gladimeir ng pabalik-balik na lagnat at hirap siya sa paghinga. Nabawasan ang gana niyang kumain at siya ay nangayayat. Lumala ang kondisyon niya mula Enero 4, 2018 hanggang Pebrero 2018. Narito ang ilan sa mga detalye:


  • Enero 4 - Sa isang ospital sa Cebu, pagkatapos siyang maturukan ng antibiotics dahil diumano siya ay may pneumonia, biglang bumagsak ang kanyang kalusugan. Nilagnat ulit siya ng napakataas. Nawalan na siya ng lakas na tumayo at ganang kumain. Bumaba ang kanyang platelet, siya diumano ay may dengue fever.


  • Enero 8 - Dahil hindi nagbago ang kanyang sitwasyon, inilipat si Gladimeir ng ospital ng kanyang mga magulang kung saan inulit ang kanyang laboratory tests. Ayon sa mga resulta, hindi maganda ang kalagayan niya. Sinalinan siya ng platelet at dugo. Ang platelet count niya noon ay 13. Isinailalim din siya sa bone marrow aspiration at sinabing siya ay may Aplastic Anemia.


  • Enero 9 - Sinalinan ulit siya ng dugo dahil ang platelet count niya ay bumaba pa.


  • Enero 29 - Hindi naging maganda ang resulta ng follow-up check-up niya. Dahil ayaw niyang magpa-admit sa ospital, inuwi siya sa bahay.


  • Pebrero 5 - Sa ospital para sa kanyang follow-up check-up, bumaba ulit ang platelet ni Gladimeir kaya siya ay pina-admit. Dahil wala silang sapat na pera, inilipat siya ng ospital, ngunit hindi siya na-admit doon dahil puno na ito kaya inuwi siya sa kanilang bahay.


  • Pebrero 21 - 23 - Naging malubha ang kanyang kondisyon at hindi na nawala ang kanyang lagnat. Noong Pebrero 21, isinugod siya sa ospital. Noong Pebrero 23, inilipat siya sa ICU. Siya ay balisa na at sinabihan niya ang nurse na iuwi na lang siya dahil hindi na kaya ng kanyang katawan.


  • Pebrero 24 - 25 - Labis na siyang humina. Nagkakaroon ng sugat-sugat sa kanyang bibig na kapag nagdugo ay hindi na tumitigil. Hirap na hirap na rin siyang huminga kahit todo na ang oxygen niya. Naging kritikal ang kalagayan niya kinabukasan. Tuluyan na siyang in-intubate na siya namang kagustuhan niya. Humingi pa siya ng tulong sa kanyang mga magulang na i-pump ang dibdib niya dahil gustung-gusto niyang huminga, pero hindi na talaga kinaya ng kanyang katawan. Siya ay namatay alas-9:00 ng umaga noong Pebrero 25, 2018.


Pagkamatay ni Gladimeir, ipinagtapat ni G. Juevesano ang sumusunod:

“Pagkamatay ng aming anak, dagling may lumapit sa amin na doktor at kami ay hiningan ng pahintulot na isailalim sa autopsy ang aming anak. Sa pag-aakalang taga-PAO ang mago-autopsy sa aming anak, pumirma ako sa nasabing pagbibigay ng konsento. Habang ino-autopsy ang aming anak, may lumapit sa amin na abogado ng PAO at sinabi sa na ang opisina ng PAO ay hindi na mago-autopsy dahil mga tao na ng DOH ang kasalukuyang nago-autopsy sa aming anak. Ang aking kapatid ang humingi ng tulong sa PAO nang araw ding ‘yun, kaya laking-gulat namin nang malaman na mga tao ng DOH ang nag-o-autopsy sa aming anak.”


Dahil sa nangyaring ‘yun at sa naisalaysay sa itaas na pagkahalu-halo ng internal organs ni Gladimeir, ang mag-asawang Juevesano na ang humingi ng tulong sa PAO upang isailalim muli sa forensic examination ang mga labi ng kanilang anak. Mahusay, mapitagan, maingat at masinop na naisagawa ng PAO Forensic Team ang serbisyong kanilang hiniling. Ang ganitong uri ng paglilingkod — na libre ring ipinagkakaloob ng PAO — ang aming ipinaglalaban para sa mga katulad ng pamilya Juevesano na nangangailangan ng serbisyo ng mga kawani ng PAO Forensic Laboratory Division.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 18, 2020


Karapatan ng mga empleyado na makapagtrabaho nang may dangal. Ang karangalang ito ay tinatanggal sa forensic doctors at kasama nilang mga kawani ng Public Attorney’s Office Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) na ginigipit ang suweldo at benepisyo ng isang senador sa tulong ng kapwa niya senador na tinalakay natin sa nakaraang artikulo. Bukod sa suweldo ay tinatanggalan sila ng karapatan na legal na makinabang sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na legal ding nakalaan sa aming buong tanggapan. Sila ay mga permanente at regular na empleyado ng PAO, ngunit dahil tinanggalan ng karapatan sa MOOE ang PAO-FLD, ang epekto nito ay ang pag-alis sa kanila ng karapatan sa basic na pangangailangan ng mga empleyado tulad ng ilaw, tubig, mesa, papel, ballpen at tulad na kagamitan sa opisina. At dahil tinatanggalan sila ng suweldo at karapatan na legal na makinabang sa MOOE na nasa budget na ng PAO para sa pagpapatakbo at pagsagot sa pang-araw-araw na pangangailangan, masasabing tinatanggalan talaga sila ng trabaho sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan na kung tawagin ay constructive dismissal.


Ang nasabing mga empleyado ay tao, hindi sila mga daga. Maging ang daga ay nangangailangan ng lungga, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Panahon ngayon hindi lamang ng malalakas na ulan kundi ng pandemya na naglagay ng mga buhay natin sa balag ng alanganin. Sa panahong walang kasiguruhan ay tila sinisiguro naman ng naturang dalawang senador na mawalan ang nasabing mga kawani ng PAO-FLD ng hanapbuhay. Hindi ba ito ay sukdulang panggigipit at kawalan ng paggalang sa batas, na sa pagkakataong ito ay nagbibigay-proteksiyon sa aming mga ipinaglalabang empleyado at kliyente? Kung tatanggapin natin na "duplication" lang ang PAO ng NBI at SOCO, ano ang CHR na may forensics and medico-legal services na may budget na P320-M ngayong tayong 2020? Bakit PAO lang na may specialized forensic laboratory ang ipinasasara sa pamamagitan ng pagbabawal na magpasuweldo at magpagamit ng office supplies? Ang SOCO ay para sa mga krimen— patayan, barilan etc.


Ang PAO Forensic Laboratory ay para sa mga kasong hawak ng PAO at kliyente nito mapa-kasong civil o criminal man. Ang NBI at SOCO ay para sa prosecution. Ang CHR ay para sa mga kasong laban sa militar at pulis. May kani-kanyang mandato ang PAO, NBI, PNP-SOCO at CHR sang-ayon sa R.A. No. 9745 o Anti-Torture Act.


Sa araw na isinusulat ang artikulong ito, patuloy ang aming mga legal na aksiyon para sa kinakaharap naming pagsubok na naipahayag sa itaas. Hindi kami maaaring tumigil dahil makatwiran at makatarungan ang aming ipinaglalaban tulad ng aming laban para sa kaso ni Julius Kenneth Baquiran.


Si Julius ay 16-anyos nang namatay noong Marso 29, 2018. Siya ang ika-45 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan noong Hunyo 23, 2016.


Noong Hunyo 2017 at Marso 26, 2018, narito ang ilan sa mga naramdaman ni Julius: Hinimatay siya sa bahay at sinabayan ng panginginig. Ang lagnat niya ay pabalik-balik, naging biglang mainitin ang ulo niya, naging sakitin at nakaranas ng pananakit ng ulo. Noong Marso 27, 28 at 29, 2018 ay patuloy na lumubha ang kalagayan ni Julius, at ito ay humantong sa maaga niyang pagpanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Marso 27, 2018 - Isinugod siya sa isang ospital sa Laguna. Hindi nawala ang kanyang mga idinadaing na pananakit ng katawan, hirap sa paghinga at minsan ay isinisigaw na lang niya ito.

  • Marso 28, 2018 - Inilipat si Julius sa mas malaking ospital sa Laguna. Siya ay agad na dinala sa emergency room at idiniretso sa ICU. Lumubha ang kanyang kalagayan, dumami ang kanyang rashes sa katawan, lalong namaga ang kanyang mga paa at labi. Labis din ang pananakit ng kanyang katawan at nagpabalik-balik ang kanyang lagnat. Kinagabihan, in-intubate si Julius dahil siya ay hirap nang huminga. Lalong lumala ang kanyang kalagayan at siya ay nagwawala habang kinakabitan ng tubo, kaya tinalian siya sa mga kamay at hinawakan sa mga paa.

  • Marso 29, 2018 - Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, nag-umpisang mag-agaw-buhay si Julius. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, ngunit sa kasamaang-palad, siya ay binawian ng buhay.


Sa pagkamatay ni Julius, narito ang pahayag ng kanyang ama na si G. Francis Baquiran:

“Dahil hindi ko pa alam kung siya ba ay nabakunahan ng Dengvaxia, tiningnan ng mga tauhan ng nasabing hospital ang kanilang database at nakumpirma na si Julius ay nabakunahan ng Dengvaxia. Ako ay pinayuhan ng mga doktor na i-autopsy ang aking anak. Ipinaliwanag muna sa akin na wala silang kukuning organ kay Julius, maliban sa tissues na kailangan nilang pag-aralan. May team daw silang kasama sa pag-autopsy sa aking anak pati na rin ang SOCO.


“Sobrang masama ang loob ko sa ginawa ng mga doktor doon at Department of Health na nagsabi sa akin na ipa-autopsy ko ang aking anak. Kami ay pumayag para malaman kung ano ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay. May pinirmahan akong dokumento na nagbibigay-pahintulot na bigyang awtoridad ang isang tao na maging saksi sa gagawing autopsy dahil ako ay lutang na noon. Laking-gulat namin na hindi na pinapasok ang saksi kung saan isinagawa ang autopsy. Hindi rin kami pinakitaan ng kahit anong ebidensiya sa isinagawang autopsy.


Dahil pakiramdam kong napagsamantalahan nila ang aking kalituhan ay nagkaroon ako ng pagdududa sa resulta at sa isinagawang autopsy sa mga labi ni Julius ay nagpasya akong humingi ng tulong sa PAO upang isailalim sa Forensic Examination ang kanyang mga labi at para malaman kung ano ang ginawa ng mga doktor ng DOH na unang nag-autopsy. Humingi rin ako ng tulong na legal para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking anak.”


Ang mga sinabi ni G. Baquiran ay malakas na tinig na nagbibigay-linaw sa matinding pangangailangan ng mga maralita sa PAO-FLD — na may kakayahan sa pagbibigay ng libre at epektibong forensic services, at patuloy nilang kasama para sa katotohanan at katarungan.

 
 

9-anyos, hirap magsalita at huminga, lumabas pa ang puting likido sa bibig bago nag-dead-on-arrival sa ospital

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 11, 2020


Ang salitang prerogative ay tumutukoy sa kaukulan o tanging karapatan na magsagawa ng mga aksiyon na makatwiran at makatarungan. Kaya naman inaasahan na alinsunod sa batas ang isang aksiyon na isinagawa gamit ang nasabing prerogative. Ngunit bakit hindi naaayon sa wastong kahulugan ng salitang ito ang ginawa ng isang senador sa 2021 budget ng Public Attorney’s Office (PAO), kung saan apektado ang PAO Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) employees, na tinalakay sa nakaraang artikulo?


Protektado ng batas, halimbawa ng ating Konstitusyon ang karapatan ng nasabing mga permanenteng kawani ng PAO-FLD sa kanilang suweldo at iba pang benepisyo.


Nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 1 ng ating Konstitusyon na “Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan o ari-arian ang sinumang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinumang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.” Ngunit bakit tila balewala sa nasabing senador ang magiging epekto nito sa mga pamilya at kaso ng PAO na itinataguyod ng mga naturang PAO-FLD employees? Bakit tila sila ay pinag-iinitan? Dahil ba sila ang itinuturing na “holders of evidence”? Sila ang tinaguriang holders of evidence ng isang magiting na Pilipinang doktor na si Dr. Rolaiza Singayao, na bagama’t nagtatrabaho sa Oman ay ramdam na ramdam ang malasakit at dinig na dinig ang makabayang tinig sa pamamagitan ng pagsusuporta sa Dengvaxia cases, at lahat ng mga kliyente ng PAO na nangangailangan ng aming paglilingkod. Ani Dr. Singayao, “Protect the holders of evidence on the 159 Dengvaxia deaths.” Batid ni Dr. Singayao ang kahalagahan ng papel ng mga ginigipit na PAO-FLD doctors at kasama nilang mga kawani, gayundin ang nasabing senador. At dahil ba sa kabatirang ito kaya siya gumawa ng paraan upang sagkaan at hindi mabigyang-daan ang pagpipresenta ng mahahalagang ebidensiya na may kaugnayan sa Dengvaxia? Ipaglalaban namin hanggang Kataas-taasang Hukuman, kung kinakailangan, ang karapatan ng aming PAO-FLD employees na kasalukuyang niyuyurakan. Ang laban namin para sa kanila ay laban sa lahat ng kliyente ng PAO na nangangailangan ng kanilang forensic services, tulad ng mga labi noon ni Enjay Ivon M. Serrano.


Si Enjay Ivon ay 9-anyos nang namatay noong Abril 9, 2018 sa isang ospital sa Cavite. Siya ang ika-44 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Enjay Ivon ay anak ni Aling Vaneza Masalig, ngunit sa kanyang lola na si Aling Virginia Masalig siya nakatira tuwing siya ay may pasok sa eskuwelahan.


Oktubre 2017, nabigyan ng papel na pinapipirmahan hinggil sa Dengvaxia si Aling Virginia, bagama’t napirmahan ito ay naiwan niya sa isang mesa. Nang maturukan si Enjay Ivon sa kanilang eskuwelahan, hindi niya agad sinabi ito sa kanyang lola, pero nagsabi siya kinaumagahan. Kanyang ipinakita kay Aling Virginia ang parte ng balikat na naturukan ng Dengvaxia at nakita ang turok at pantal sanhi ng pagbabakuna.


Pinagalitan ni Aling Virginia ang kanyang apo sa pagpapaturok. Mga pangalawang linggo ng Disyembre 2017, nag-umpisang makaranas si Enjay Ivon ng pananakit ng ulo. Dinala siya sa doktor, ngunit wala namang nakitang abnormalidad sa kanya. Noong huling linggo ng nasabing buwan nang siya ay magkatrangkaso. Umabot ng dalawang araw ang trangkaso niya na nawawala naman sa tuwing pinaiinom siya ng paracetamol.


Sinabayan ‘yun ng pananakit ng ulo na para umanong binibiyak ito sa sakit. Noong Pebrero 2018, madalas na matamlay at nanghihina si Enjay Ivon. Pagdating ng Marso 2018 hanggang Abril 9, 2018, lumala ang kondisyon ni Enjay Ivon, at ito ay humantong sa kanyang kamatayan. Nakalahad sa ibaba ang ilan sa mga kaugnay na detalye:


  • Huling linggo ng Marso 2018 - Sumakit na naman ang ulo at tiyan ni Enjay Ivon, at siya ay nagsusuka rin ng malapot at may halong kulay berdeng likido. Umiitim din ang paligid ng kanyang mga mata. Naging pabalik-balik na ang matinding pananakit ng kanyang ulo, tiyan at pagsusuka.

  • Abril 4 at 5, 2018 - Buong araw na nakaranas ng matinding pananakit ng ulo at pagsusuka si Enjay Ivon. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga. Nagpatuloy ito hanggang Abril 5, 2018 kung saan nagsuka siya ng tatlong beses.

  • Abril 9, 2018 - Alas-9:00 ng gabi nang siya ay nagreklamo ulit ng matinding pananakit ng ulo. Siya ay nagsusuka at pautal-utal kung magsalita. Sinabihan din niya ang kanyang pamilya na napapagod at nahihirapan na siya. Ilang sandali lamang ay bigla siyang naduwal at naghabol ng hininga. Biglang tumulo ang puting likido sa kanyang bibig. Tila nagngingitngit si Enjay Ivon at hirap nang magsalita at huminga. Pagkatapos nito ay huminga siya nang malalim at biglang nahiga. Bahagyang nakamulat ang kanyang mga mata at hindi na gumagalaw kahit ano’ng pilit siyang gisingin nang panahong ‘yun. Dahil doon, agad siyang isinugod ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Cavite. Pagkadating sa nasabing ospital, kinabitan siya ng suwero at sinubukang i-revive, subalit sinabi ng mga doktor na siya ay dead-on-arrival.


Ipinagkatiwala ng mga magulang ni Enjay Ivon ang pagsusuri sa mga labi nito sa mga kawani ng PAO-FLD kung saan ang mga doktor nito, at si Atty. Erwin P. Erfe, MD, ang siyang may karapatan at kakayanan na tumestigo sa korte hinggil sa sinapit ng kanilang anak at iba pang mga biktima.


Ang inyong lingkod naman, kasama ang special panel of public attorneys ang patuloy na magtatanggol sa mga karapatang legal ng pamilya ni Enjay Ivon na ngayon ay naghahabla at aming sinasamahan sa paglaban sa ngalan ng hustisya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page