top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

10-anyos, paulit-ulit nag-seizure at namanas ang katawan bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 19, 2021


Kapag ang bata, kahit sa murang edad pa lamang ay nakikitaan na ng galing o husay, hindi maiwasang magkaroon ng magaganda at malalaking pangarap ang kanyang mga magulang para sa kanya. Ganito sina G. Jose Ednalaguim at Gng. Mylin Echon sa kanilang anak na si Philip Jude E. Ednalaguim. Anang mag-asawa, “Marami kaming magagandang pangarap para sa aming panganay na si Philip. Malaki ang tulong niya sa aming mag-asawa dahil siya ang nagbabantay ng aming maliit na bakery kapag wala kami.”


Dagdag pa rito, bukod sa mabait at matalino rin diumanong bata si Philip, siya ay palalaro ng basketball at badminton. Subalit ang anak nilang ito na maaaring maging pastry chef o star athlete balang-araw ay hindi na nagkaroon ng pagkakataon na tumupad ng mga pangarap ng kanyang mga magulang at higit sa lahat — maipagpatuloy ang sarili niyang kuwento at kasaysayan.


Si Philip ay 10-anyos nang namatay noong Hunyo 30, 2017, at siya ang ika-52 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Philip ay unang naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 16, 2016, at pangalawa noong Enero 30, 2017 sa kanilang eskuwelahan sa Zambales. Narito ang pahayag ng kanyang mga magulang hinggil sa pagpayag nila sa pagpapaturok ng nasabing bakuna para sa kanilang anak:


“Kami ay pumayag mabakunahan si Philip ng bakuna kontra dengue gawa ng lahat naman sila sa kanilang eskuwelahan ay mababakunahan, kaya panatag kaming siya ay maturukan. Isa pa, hangad namin na mapabuti ang kalagayan niya.”

Nakitaan si Philip ng kanyang pamilya ng pagbabago sa kanyang kalusugan noong Hunyo 25, 2017. Nag-umpisang mawalan ng ganang kumain si Philip at siya rin ay tumamlay. Bihira na rin siyang lumabas ng bahay dahil palaging natutulog. Ipinagtaka ito ng kanyang mga magulang dahil palalaro diumano siya noon. Tinanong nila si Philip kung ano ang nararamdaman niya, subalit wala naman siyang sinasabi. Matapos ang tatlong araw, noong Hunyo 28, 2017, madaling-araw ay biglang nag-seizure si Philip, kaya dinala siya sa isang ospital sa Zambales para malapatan ng paunang lunas. Nagtagal sila sa nasabing ospital nang mga humigit-kumulang limang oras bago inilipat sa ibang ospital sa Zambales matapos dumating ang ambulansya ng kanilang barangay.


Tulog siya nang ilipat siya at pagdating nila roon ay nag-seizure siyang muli. Matapos siyang lapatan ng lunas, naging maayos siyang muli, pero napansin ng kanyang mga magulang na namanas ang kanyang katawan. Dalawang araw lang siya roon dahil inilipat siya sa isang ospital sa Olongapo City. Pagdating doon ay sinabihan sila na lalagyan si Philip ng catheter dahil ‘yun na lamang ang maaaring gawin para sa kanya. Ginawa naman lahat ng mga doktor ang sa tingin nila ay makakaya nila, pero bumigay din ang musmos na katawan ni Philip at siya ay binawian ng buhay noong Hunyo 30, 2017.


Narito ang naging pahayag ng mga magulang ni Philip sa kanyang pagkamatay:

“Malaking palaisipan sa amin ang kanyang biglaang pagkamatay, sapagkat wala naman kaming nalalaman na sakit ni Philip. Hanggang bandang December, 2017 ay ibinalita sa telebisyon ang ginagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa Dengvaxia. Sa aming pakikinig sa mga balita, naintindihan namin kung ano ang pinagdaanan ni Philip dahil parehas ang sintomas na nakita namin sa kanya at sa mga batang nababalitang nabakunahan ng Dengvaxia at namatay.


“Maayos ang kalusugan ng aming anak bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Malusog siya at wala siyang idinadaing na sakit sa kanyang katawan magmula nang bata siya. Kung mayroon man siyang karamdaman ay pangkaraniwang ubo at sipon lamang. Hindi kapani-paniwala na sa loob lamang ng halos isang linggo ay babawian ng buhay si Philip. Masama ang loob naming mag-asawa sa mga taong nagturok ng Dengvaxia vaccine.”


Kasama sa ikinasasama ng loob nina Mang Jose at Gng. Mylin ang kawalan ng pagpapaliwanag tungkol sa nasabing bakuna na itinurok sa kanilang anak. Bago ito nabakunahan, wala rin diumanong blood testing o screening na naganap upang malaman kung maaaring mabakunahan ng Dengvaxia si Philip. Ang mga kaugnay ritong safety protocols ay nararapat sanang naisagawa, lalo pa’t hindi pa nagkakaroon ng dengue si Philip. Naniniwala sina Mang Jose at Gng. Mylin na may naganap na kapabayaan sa pagbabakuna kay Philip. Anila:


“Kung hindi nabakunahan si Philip ay nabubuhay pa sana siya ngayon at maipagpapatuloy pa namin ang mangarap na makaahon kami sa kahirapan. Kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Inilapit nila sa PAO, sa inyong lingkod at sa PAO Forensic Laboratory Division ang laban nila sa naganap na kapabayaan at trahedyang sinapit ni Philip. Ang kaso ni Philip ay kabilang na ngayon sa mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia na aming pinagsisikapan na mabigyan ng katarungan.

 
 

Pamilya ng 18-anyos na namatay sa Dengvaxia, todo-alala para sa isa pang anak na nabakunahan din

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 12, 2021


Hindi maintindihan ng mag-asawang Pedro at Maribeth Mainit kung bakit sinabihan sila noon ng doktor sa ospital na pinagdalhan sa anak nilang si Micaella Kayla Mainit na mag-aaway sila nito kung babanggitin nila sa kanya ang Dengvaxia. Sa kasamaang-palad ay wala na sa buhay na ito si Micaella Kayla, ngunit ang sinabing ‘yun ng naturang doktor ay nagbibigay pa rin ng alalahanin sa kanila. Hindi lamang dahil may kaugnayan ang pangyayaring ‘yun ang pagkakasakit at pagkamatay ni Micaella Kayla, kundi ito ay nagdudulot din sa kanila ng pagkabalisa tungkol sa pagkakaturok din sa isa pang anak nila na si Kenneth ng nasabing bakuna. Anila, baka magaya si Kenneth sa naging kapalaran ng kanyang nakatatandang kapatid.


Si Micaella Kayla ay 18-anyos nang namatay noong Abril 28, 2018. Siya ang ika-51 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Setyembre 6, 2017 sa kanilang eskuwelahan sa Makati. Ang kanyang mga magulang ay pumayag na maturukan si Micaella Kayla at Kenneth ng Dengvaxia dahil sinabihan sila na ang nabanggit na bakuna ay makabubuti sa kanya. Ani G. at Gng. Mainit, “Bilang mga magulang na walang ibang hangad kundi ang mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga anak, pinabakunahan namin sina Micaella Kayla at Kenneth ng nasabing libreng bakuna mula sa Department of Health (DOH).”


Noong unang linggo ng Oktubre 2017 ay nag-umpisa nang mawalan ng ganang kumain si Micaella Kayla. Siya rin ay tumamlay at nangayayat. Bihira na rin siyang lumabas ng bahay dahil palagi siyang natutulog at noong unang linggo ng Disyembre 2017, nakaranas siya ng pananakit ng kasu-kasuan, ulo at tiyan at pagdudumi, gayundin, siy ay nagsusuka. Noong pangalawang linggo ng Disyembre 2017, inereklamo ni Micaella Kayla na naduduling diumano siya at nasisilaw ang kanyang mga mata sa liwanag. Nagkaroon din siya ng lagnat at nagreklamo ng pananakit ng ulo. Dahil dito, siya ay pinatingnan sa isang ophthalmologist sa pag-aakalang sakit sa mata ang problema niya. Siya ay sinukatan at binigyan ng salamin, subalit hindi bumuti ang kanyang kalagayan, sa halip ay hindi naibsan ang reklamo niyang pagkahilo at pagsusuka. Pinainom siya ng paracetamol, pero hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Noong huling linggo ng Disyembre 2017, naging pabalik-balik ang lagnat ni Micaella Kayla at hindi rin nakatulong ang pag-inom ng paracetamol. Pagdating ng 2018, lumala ang kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga detalye ng kaniyang mga naranasan sa iba’t ibang petsa ng Enero at Abril 2018:


  • Enero 23, 2018 - Nag-seizure siya. Mataas ang lagnat niya at nagreklamo siya ng pananakit sa kasu-kasuan. Namamaga rin ang paligid ng kanyang mga mata, kaya agad siyang isinugod sa isang ospital sa Maynila. Isinailalim siya sa iba’t ibang mga pagsusuri at ayon sa mga doktor ay may Lupus siya at sinalinan siya ng dugo. Nanatili siya sa nasabing ospital hanggang Pebrero 10, 2018. Pagkatapos ay na-discharge siya, samantalang niresetahan siya ng mga gamot habang siya ay nagpapalakas sa kanilang bahay.

  • Abril 11, 2018 - Nagka-seizure ulit siya, nangisay at tila wala sa sarili, mataas din ang lagnat niya, kaya agad siyang isinugod ulit sa pinagdalhang ospital sa kanya sa Maynila. Tumaas ang blood pressure niya at nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at pag-ubo.

  • Abril 17, 2018 - Dinala si Micaella Kayla sa ICU ng ospital para maprotektahan at maiwasang mahawa sa sakit ng iba. Nang gabing ‘yun, nagreklamo siya ng pananakit at pamamanhid sa ibabang bahagi ng kanyang katawan. Nag-umpisa ring mamaga ang kanyang dalawang paa.

  • Abril 18, 2018 - Nagreklamo siya ng sobrang pananakit ng ulo at tiyan. Mga ilang sandali lamang ay na-comatose na siya. Nang araw na ‘yun ay in-intubate siya.

  • Abril 19, 2018 - Isinailalim siya sa CT scan; nakitaan ng pagdurugo ang ulo ni Micaella Kayla at hindi na siya muling nagising. Sinabihan ang kanyang mga magulang na susubukan siyang pagalingin sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot dahil hindi diumano niya kakayanin kung ooperahan siya.

  • Abril 28, 2018 - Tuluyan nang pumanaw si Micaella Kayla.


Sa pagpanaw ng kanilang anak, narito ang bahagi ng mga saloobin ng kaniyang mga magulang,


“Maayos ang kalusugan ni Micaella Kayla bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Malusog siya at walang idinaraing na sakit sa kanyang katawan magmula nang bata siya. Kung mayroon man siyang karamdaman ay pangkaraniwang ubo at sipon lamang. Kaya para sa amin, hindi kami naniniwalang magkakaroon siya ng mabigat na karamdaman.


“Maraming magagandang pangarap sa buhay ang aming anak, kaya labis ang aming pagdadalamhati sa kanyang biglaang pagkawala. Dahil hindi kami naniniwalang namatay ang aming anak sa sakit na sinasabi ng mga doktor, humingi kami ng tulong sa opisina ng Public Attorney’s Office (PAO). Nais ko ring banggitin na hindi pa nagkakaroon ng dengue si Micaella Kayla bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang Dengvaxia.”


Noong nabubuhay pa si Micaella Kayla, kasama siya ng kanyang mga magulang sa pangangarap na makaahon sila sa kahirapan. Ngayon, kasama kami ng kanyang mga magulang sa kanilang laban sa pagtatamo ng hustisya para sa kanya.

 
 

Hirap huminga at nanakit ang katawan bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 5, 2021


Mainit na napag-uusapan ang tungkol sa iba’t ibang anti-COVID vaccines na nilikha dahil sa nagaganap na pandemya. Kaugnay nito, may mga tao na nag-aalala tungkol sa kaligtasan ng nasabing bakuna dahil sa trahedyang naranasan ng mga naging biktima ng Dengvaxia. Dahil dito, nagkakaroon ng “vaccine hesitancy,” at sa PAO ito isinisisi ng ilang personalidad na konektado sa naganap na indiscriminate vaccination ng nasabing anti-dengue vaccine. Muli kong lilinawin, ang PAO at inyong lingkod ay hindi laban at hindi tumatanggi sa mga bukana na subok na ang bisa at kaligtasan. Bakit sa PAO isinisisi ng nasabing mga personalidad ang pag-aalinlangan sa pagpapabakuna ng anti-COVID vaccine? Dahil ba wala silang matibay na depensa sa mga kasong isinampa sa kanila? Kung nais nilang bumalik ang tiwala ng publiko sa mga bakuna, ipakita nila at ng mga kinauukulan na ang hustisya na nararapat sa mga nasabing biktima ay maipagkakaloob sa kanila. Sa pamamagitan nito, maipababatid ang mensahe na ang pamahalaan ay hindi sumasang-ayon sa kawalan ng ganap na pag-iingat sa pagturok ng Dengvaxia, at higit sa lahat, laging pahahalagahan nito ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.


Ang pahayag kong ito ay isa lamang paglilinaw dahil tila nais nilang iligaw ang isipan ng sambayanan. Gayunman, ang kontrobersiya na pilit nilang iniuugnay sa inyong lingkod, sa PAO Special Panel of Public Attorneys, mga doktor at staff ng PAO Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) ay hindi nakaaapekto sa aming masigasig na pagganap ng aming mandato at kautusan ng Department of Justice (DOJ), partikular sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia. Kaugnay nito, may mga labi na ng 161 na naturukan ng Dengvaxia at namatay ang sumailalaim sa forensic examination ng PAO-FLD (as of January 2021). Ang 100 na criminal complaints sa DOJ ay sumasailalim na sa preliminary investigation, at counterpart na 100 civil cases ay inihahanda na ng PAO Special Panel of Public Attorneys upang maisampa sa Regional Trial Court ng Quezon City. Para sa lahat ng mga ito, kay Mark A. Secondez at katulad niyang mga biktima, tuluy-tuloy lamang ang aming sigasig.


Si Mark ay 12-anyos nang namatay noong Abril 24, 2018. Siya ang ika-50 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Mark ay naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 23, 2016 sa kanilang eskuwelahan. Ayon sa mga magulang niyang sina G. Romualdo at Gng. Rosalie Secondez ng Rizal, “Maayos ang kalusugan ni Mark bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Masigla siyang bata na mahilig maglaro ng basketball. Kami ay naudyukang pumayag na maturukan siya ng bakuna kontra dengue dahil kami ay sinabihan na ang nasabing bakuna ay makabubuti sa kanya. Pinabakunahan ko ang dalawa sa aking mga anak na sina Mark at Angel ng nasabing libreng bakuna mula sa Department of Health.”


Sa iba’t ibang petsa ng Abril 2018, narito ang ilan sa mga naranasan ni Mark bago siya binawian ng buhay:

  • Abril 19, 2018 - Sumakit ang tiyan ni Mark, at animo ay nasusuka pero wala naman siyang isinusuka. Nilagnat siya kaya pinainom siya ng paracetamol. Nawala naman ang kanyang lagnat.

  • April 20, 2018 - Sumakit ang kanyang kaliwang tuhod kaya pinainom siya ng Mefenamic Acid. Nawala naman ang pananakit, subalit matapos ang limang oras, muling bumalik ang pananakit na nagpatuloy nang mga sumunod na araw.

  • April 22, 2018 - Nagkaroon siya ng kulani sa kanyang kaliwang singit. Namaga na rin ang kanyang kaliwang tuhod.

  • April 23, 2018 - Siya ay pinatingnan sa doktor. Masakit ang tiyan niya, kaya binigyan siya ng Buscopan, Pedia Lite at Maalox na pinainom naman lahat sa kanya ng kanyang mga magulang, subalit hindi naibsan ang kanyang nararamdamang sakit, sa halip, lalo pang lumubha ang kanyang kalagayan. Nagsimula na siyang magsuka ng parang plema pero wala naman siyang ubo. Nahirapan na siyang huminga at hingi siya nang hingi ng tubig.

  • Abril 24, 2018 - Dinala siya sa ospital, pero bago siya dalhin doon, sumasakit na ang kanyang buong katawan at hirap na hirap na rin siyang huminga. May lumabas pang rashes sa kanyang mga hita. Nilagyan siya ng oxygen at sinimulang bombahin ang kanyang dibdib. Tumagal ang pagbomba nila sa dibdib ni Mark ng 30 minuto, subalit hindi na nakayanan pa ni Mark at siya ay binawian ng buhay ng alas-3:00 ng madaling-araw ng Abril 24, 2018. Anang kanyang mga magulang sa kanyang pagkamatay:

“Maraming magagandang pangarap sa buhay ang aming anak, kaya labis naming ipinagdadalamhati ang kanyang biglaang pagkawala. Palaisipan sa aming mag-asawa kung anong klaseng gamot ang ibinigay nila kay Mark para bawian siya ng buhay sa kanyang murang edad.


“Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa kanya. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia na itinurok sa aming anak ay magbibigay-proteksiyon sa kanya. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.


Naniniwala sina G. at Gng. Secondez na may kapabayaang naganap sa nasabing pagbabakuna kay Mark, katulad diumano ng kawalan ng pagsusuri kung angkop sa kanya ang Dengvaxia. Dahil dito, nais nilang mapanagot sa batas ang mga responsable sa pagkamatay ni Mark, sa tulong ng PAO, ng inyong lingkod at PAO-FLD. Hindi namin sila bibiguin, patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin, alinsunod sa aming mandato at pagpapahalaga sa dignidad ng tao — maging sa kanila na sumakabilang buhay na.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page