top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

Hirap makahinga at namaga ang mga paa, kasu-kasuan at ari bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 12, 2021


Ang kaarawan ng isang tao ay isa sa pinakamasasayang sandali sa kanyang buhay. Ganito ang inaasahan ni G. Arnold Silverio ng Bulacan para sa kanyang anak na si Annaliza DL. Silverio. Subalit taliwas dito ang nangyari, isang araw noong Agosto 2017. Ani G. Silverio,


“Noong Agosto 14, 2017, kaarawan niya, nawalan ng malay si Annaliza. Matapos siyang himatayin, pinagpahinga siya at naka-recover, subalit hindi nawala ang pananakit ng dibdib ni Annaliza.”


Si Annaliza DL. Silverio ay 12-anyos nang namatay noong Mayo 11, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-55 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Annaliza ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan. Ang una ay noong Hunyo 21, 2016, ang pangalawang turok ay noong Disyembre 14, 2016, at ang huling turok ay nangyari noong Setyembre 22, 2017. Ayon kay G. Silverio, noong Enero 17, 2017 ay nagsimulang dumaing ang kanyang anak na masakit ang ulo at dibdib nito. Mula noon, madalas na nitong idinadaing na masakit ang kanyang dibdib. Ani G. Silverio, “Hinahaplos ko lamang ang kanyang dibdib dahil hindi ko naman alam kung ano ang dahilan ng pananakit nito. Kapag hinahaplos ko naman ay nakakatulog siya.”


Pagkatapos nito, ang naganap na pangyayari sa itaas noong Agosto 14, 2017 ay nasundan ng paglala ng kanyang nararamdaman noong Pebrero 9, 2018. Siya ay nagsusuka at nagkaroon ng paninikip at pagbigat ng dibdib. Sumasakit din ang kanyang ulo at tiyan, kaya siya ay dinala ng kanyang ama sa ospital. Habang nasa ospital, muli siyang nagsuka at bumaba ang kanyang blood pressure, subalit hindi nalaman ng ospital ang sanhi ng mga nararamdaman niya kaya inilipat siya ng ospital noong Pebrero 10, 2018. Nagkaroon siya ng palpitation at siya ay nanatili sa nasabing ospital ng sampung araw. Nang bumuti ang kanyang pakiramdam, pinauwi na siya.


Noong mga buwan ng Marso, Abril, Mayo 2018, nadagdagan ang mga sintomas at lumala ang kondisyon ni Annaliza. Ang mga ito ay hindi na niya nakayanan, kaya siya ay binawian ng buhay noong Mayo 11, 2018. Narito ang ilan sa mga detalye ng kanyang mga naramdaman bago siya namatay:

  • Marso 10, 2018 - Napansin ng ama ni Annaliza ang kanyang pananamlay. Madalas na itong natutulog at nawalan na rin ng ganang kumain. Naging madalas na rin ang paninikip ng kanyang dibdib at madalas diumano nitong sabihin na mabigat ang kanyang dibdib. Palagi rin niyang gustong magpahinga, dala marahil ng sobrang sakit ng kanyang nararamdaman.

  • Una at pangalawang linggo ng Abril 2018 - Namaga ang mga paa ni Annaliza. Habang lumilipas ang araw ay lumala ang pamamaga ng katawan nito. Umabot na ang pamamaga sa kanyang mga kasu-kasuan. Namaga rin ang kanyang ari.

  • Abril 16, 2018 at Mayo 4, 2018 - Nagkaroon muli ng matinding pananakit sa dibdib si Annaliza. Dinala siya sa dalawang ospital at sa pangalawang ospital, doon siya in-admit, at nanatili ng dalawang linggo. Inilabas siya ng ospital noong Mayo 4, 2018. Pag-uwi nila sa bahay, hindi bumuti ang kanyang kalagayan niya dahil madalas pa rin ang paninikip ng kanyang dibdib na nauwi sa matinding pananakit. Siya na mismo ang nagsabi sa kanyang ama na dalhin siya nito sa ospital dahil hindi na diumano niya kaya.

  • Mayo 10, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at pagdating du’n, bigla siyang nagsuka ng dugo, hanggang sa siya ay bawian na ng buhay.


Sa pagkamatay ni Annaliza, narito ang pahayag ng kanyang ama:


“Malusog at masiglang bata ang aking anak bago siya maturukan ng bakuna kontra dengue. Nais ko lamang banggitin na hindi sakiting bata si Annaliza, at dagdag pa rito, hindi pa siya nagkakaroon ng dengue o anumang malubhang karamdaman bago pa siya maturukan ng Dengvaxia.


“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito sa aking anak at iba pang mga bata. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Buo ang loob ng pamilya Silverio na mapanagot sa batas ang mga naturang tao na nagkaroon ng kapabayaan, kaya idinulog nila sa PAO ang nangyari kay Annaliza. Ang kaso ni Annaliza ay kasama na sa tinaguriang Dengvaxia cases na ipinaglalaban sa hukuman ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, special panel of public attorneys, mga doktor at staff ng PAO Forensic Laboratory Division at aming mga tagasuporta. Bukod sa pagtatamo ng katarungan, nagiging inspirasyon din namin ang pagiging masakripisyo ng mga Silverio para sa kabutihan ng buo nilang pamilya. Ani G. Silverio,


“Kung hindi nabakunahan si Annaliza ay nabubuhay pa sana siya ngayon. Maipagpapatuloy din namin ang mangarap na mapag-aral naming mag-asawa si Annaliza at makaahaon kami sa kahirapan. Ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa ibang bansa para maitaguyod ang pag-aaral niya at dalawa pa niyang kapatid.”


Bagama’t hindi na personal na magiging bahagi ng katuparan ng kanilang pangarap bilang pamilya si Annaliza, sisikapin namin na sa abot ng aming makakaya at sa pamamagitan ng aming mandato at legal na mga pamamaraan ay mapangiti si Annaliza sa kinaroroonan niya ngayon. Ngiti na dala ng tagumpay ng katarungan — ito ang nais naming maibigay kay Annaliza.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 5, 2021


Sina G. Marlon at Gng. Glerolyn Chavez ay kabilang sa mga magulang na naniniwalang dahil sa kawalan ng eksaminasyon sa pagtuturok ng Dengvaxia, kawalan din ng doktor sa naganap na pagbabakuna at dahil din itinuturing nilang kapabayaan dito ay nasawi ang mahal nilang mga anak. Partikular sa kanilang anak na si Marl Aaron P. Chavez, ani Mang Marlon at Aling Glerolyn:


“Kung hindi nabakunahan si Marl Aaron ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi ng agaran niyang pagkamatay. Hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang Dengvaxia. Siya rin ay kailanman hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa na-ospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.


“Nais din naming banggitin na si Marl Aaron ay naturukan ng Dengvaxia nang walang isinasagawang eksaminasyon at hindi rin doktor ang nagsagawa ng pagbabakuna sa aming anak. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito.”


Si Marl Aaron ay 11-anyos nang namatay noong Abril 13, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-54 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago siya namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Marl Aaron ay naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 14, 2016 sa kanilang eskuwelahan. Nasundan ito ng pangalawang turok noong Enero 9, 2017 at ang huling turok noong Agosto 29, 2017. Makalipas ang halos apat na buwan ay nagsimula nang sumakit ang kanyang dibdib. Narito ang ilan pa sa mga naramdaman ni Marl Aaron:

  • Enero 8, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Cavite. Niresetahan siya ng antibiotics at gamot sa ubo, subalit pagkalipas ng isang linggo ay wala pa ring pagbabago sa kanyang kondisyon, kaya muli siyang ibinalik sa nasabing ospital. Ipinagpatuloy lang ang inireseta nilang gamot at ginawan siya ng X-ray at PPD test.

  • Enero 20, 2018 - Isinugod siya sa emergency room ng isang pagamutan sa Cavite at hindi na siya makahinga. Dinala siya sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at kinuhanan ng dugo para sa dengue test. Negative naman ang resulta ng kanyang test, pero walang pagbabago sa kondisyon ng kanyang kalusugan.

  • Enero 29, 2018 - Na-confine siya sa isang ospital at matapos ang ilang pagsusuri ay sinabi ng doktor na siya diumano ay may “mediastinal germ cell tumor”. Halos dalawang araw siya sa Intensive Care Unit (ICU) upang bigyang lunas ang kanyang paghinga. Dinala rin siya sa isolation room dahil madalas na ang daing niya na hirap ang kanyang paghinga, masakit ang kanyang tiyan at namamaga ang kanyang mukha.

  • Pebrero 7, 2018 - Isinagawa ang biopsy sa kay Marl Aaron, ganundin ang radiation therapy upang makatulong diumano sa pagpapaliit ng kanyang tumor at para rin makahinga siya nang maayos. Nilagyan siya ng tubo sa baga para sipsipin ang tubig mula rito. Makatutulong din diumano ito sa kanyang paghinga. Sinabihan din ang pamilya ni Marl Aaron na kailangan niya diumano ng chemotherapy.


Pagdating ng huling linggo ng Marso 2018 hanggang pangalawang linggo ng Abril 2018, lalo pang naging seryoso ang lagay ni Marl Aaron, at ito ay humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang mga kaugnay na detalye tungkol dito:

  • Marso 28, 2018 - Paulit-ulit ang ginagawang blood test at pagsasalin ng dugo kay Marl Aaron sa isang ospital sa Quezon City. Matapos ang tatlong araw na chemotherapy, hindi na bumaba ang lagnat niya. Hindi na rin siya makakain nang maayos. Madalas ang kanyang pagsusuka, pagtatae at pag-ubo. Patuloy ang pagbigay ng antibiotics sa kanya pero wala pa ring epekto. Hindi na siya nawalan ng lagnat na umaabot ng 40 degrees pataas.

  • Abril 12, 2018 - Dumugo ang kanyang ilong at pati ang kanyang mga mata ay may bahid na ng dugo. Ginawan siya ng blood culture test at ang resulta diumano ay may infection siya sa dugo.

  • Abril 13, 2018 - Inilipat ng treatment room si Marl Aaron at sinalinan ng dugo kahit nilalagnat at hindi nagtagal ay sumuka siya ng dugo. Dumadaing siya na may bara diumano ang lalamunan niya at hindi siya makahinga. Kinausap si Aling Glerolyn ng doktor, kulang diumano ang hangin sa dugo ni Marl Aaron at maaaring maging dahilan upang bumigay ang puso niya anumang oras. At kung mangyari ‘yun ay kailangan ni Aling Glerolyn na lumagda sa isang kasulatan na pumapayag siyang lagyan ng tubo si Marl Aaron upang makahinga ito. Nangyari nga ang sinabi ng doktor kaya pumayag si Aling Glerolyn na lagyan siya ng tubo upang mabuhay lamang. Sinubukan nilang lagyan ng tubo si Marl Aaron, subalit hindi na kinaya nito. Alas-3:20 ng hapon nang araw na ‘yun ay idineklarang wala nang buhay si Marl Aaron.


Ang naging kamatayan ni Marl Aaron ay isang kuwento ng trahedya na nagdulot ng torture sa kanyang murang katawan hanggang sa bawian siya ng buhay. Patuloy na pahirap naman ang mga alaala nito sa kalooban ng kanyang mga magulang. Ang lahat ng ito ang nagdala sa kanila sa PAO upang mabigyang katarungan ang pagkamatay ni Marl Aaron. Kasama na ngayon sa ipinaglalaban ng PAO, ng inyong lingkod, ng special panel of public attorneys, at ng mga doktor at staff ng PAO Forensic Laboratory Division ang kaso ni Marl Aaron.

 
 

Namanas ang iba't ibang parte ng katawan at lumaki ang atay bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 26, 2021


Sa paghawak namin ng mga kasong may koneksiyon sa Dengvaxia vaccine, isa sa mga naging malaking palaisipan sa mga magulang ay ang pagbabago ng kalagayan ng kalusugan ng naturukan nilang mga anak. Ang bakunang inaasahan na magpapatatag ng resistensiya ng kanilang mga anak ay siya pang pinaniniwalaan nila na naging sanhi ng matindi nilang sakit, kumplikasyon at kamatayan. May kaugnayan dito ang sinabi ng mag-asawang Alberto Aberia at Maria Rosario Lariosa hinggil sa nangyari sa anak nilang si Aldrid Aberia. Anila:


“Ang ipinagtataka namin ay bakit nagkaroon ng grabeng sakit si Aldrid, samantalang napakalusog naman niyang bata? Nagsimula lamang siyang makaramdam ng pagkahilo noong matapos na siyang mabakunahan ng Dengvaxia vaccine. Malusog siya at walang idinadaing na sakit sa kanyang katawan mula nang bata siya. Sa katunayan ay kumpleto ang kanyang mga bakuna. Kung mayroon man siyang karamdaman ay ‘yung kanyang asthma at nakakaya naman ito ng kanyang katawan.”


Si Aldrid ay 11-anyos nang namatay noong Mayo 4, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-53 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Aldrid ay naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 26, 2017 sa isang health center sa Las Piñas. Sa pagkakabakuna sa kanya, sabi ng kanyang mga magulang, “Walang magulang ang aayaw na mabigyan ng proteksiyon ang kanyang anak mula sa dengue, lalo pa nga at programa ng gobyerno ang pagpapalaganap ng nasabing bakuna.”


Narito ang mga naranasan at naging karamdaman ni Aldrid bago siya binawian ng buhay:

  • Enero 18, 2018 - Sumakit ang kanyang ulo at nahihilo rin siya.

  • Pebrero 6, 2018 - Dahil sa pabalik-balik niyang pagkahilo, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Maynila. Isinailalim siya sa laboratory examinations at sinabi na mayroon diumanong dengue si Aldrid. Nanatili sila sa ospital ng tatlong araw hanggang sa bumuti ang kalagayan niya at pinalabas na siya ng ospital.

  • Pebrero 18, 2018 - Siya ay nagsuka, nahilo at namaga ang mga mata, ganundin ang kanyang kanang pisngi, kaya muli siyang itinakbo sa pinagdalhan sa kanyang ospital sa Maynila. Namanas ang kanyang mga paa, lumaki ang kanyang tiyan at bayag. Ang sabi sa ospital, mayroong diperensiya ang kanyang kidneys, kaya ‘yun ang binabantayan nila. Nagtagal sila sa nasabing ospital ng 10 araw.

  • Marso 2-4, 2018 - Ni-refer sila sa isang ospital sa Quezon City dahil wala diumanong Nephro sa naturang ospital sa Maynila. Habang nasa ospital na ito, unti-unting nawala ang manas ni Aldrid, subalit hindi lumiit ang kanyang tiyan. Ang sabi sa ospital ay lumaki diumano ang kanyang atay kaya malaki ang kanyang tiyan. Nanatili sila roon hanggang si Aldrid ay binawian ng buhay noong Mayo 4, 2018.


Sa pagkamatay ni Aldrid, narito ang sinabi ng kanyang mga magulang:

“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa aming anak na si Aldrid at ng iba pang mga bata. Kung hindi nabakunahan si Aldrid ay nabubuhay pa sana siya ngayon at maipagpapatuloy pa namin ang mangarap na maski papaano ay mapag-aral namin siya at makahaon kami sa kahirapan. Kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Aldrid. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Buo ang kalooban ng mga magulang ni Aldrid na panagutin ang mga taong responsable sa pagkamatay niya. At sa pagsasagawa ng mga legal na hakbang na makatutulong upang makamtan ang katarungan sa naganap na kapabayaan, ang Public Attorney’s Office, ang inyong lingkod, ang special panel of public attorneys at mga doktor at kawani ng PAO Forensic Laboratory Division ay kasama ng pamilya ni Aldrid sa kanilang laban.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page