top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

nagtae at nahirapang huminga bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 09, 2021



Ang bunso ay karaniwan nang itinuturing na ‘pet’ o paborito ng buong pamilya. Ang pinakabatang miyembro ng pamilya na ito ay kadalasan ding pinagtutuunan ng higit na atensiyon at pagmamahal. Ganito ang naging magandang kapalaran ni Joanina Cortes sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang na sina G. Domingo Cortes at Gng. Luzviminda Tantano, ng Mandaue City, Cebu. Ngunit ang buhay niyang ito ay hindi naglaon — ang higit pang pag-aasikaso at pagmamahal ay hindi na personal na nadama ni Joanina mula sa kanyang mga magulang sa mas mahabang panahon dahil nauwi sa trahedya ang nalalabi niyang mga sandali sa mundo.


Si Joanina ay 14-anyos nang namatay noong Mayo 10, 2018. Siya ang ika-58 sa mga naturukan ng Dengvaxia, na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Joanina ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 15, 2017. Narito ang naibahagi ng kanyang mga magulang ukol sa kanyang pagpapabakuna:


“Bago ang kanyang pagtanggap ng sinasabi nilang bakuna kontra sa dengue ay malakas, malusog at masigla si Joanina. Wala naman kaming napansing anuman na naging karamdaman niya. Hindi pa rin naman siya nadadala sa ospital dahil sa anumang karamdaman o dengue.


“Wala kaming nakita na pagbabago sa kalusugan ni Joanina matapos maturukan ng bakuna kontra dengue, subalit noong unang linggo ng Abril 2018 ay napansin naming siya ay namumutla. Nagkaroon din siya ng dysmenorrhea. Hindi lang namin ito pinansin dahil katulad pa rin naman siya ng dati na maliksi at magana kumain. Ang kaibahan lang ay matapos niyang sumayaw — dahil ito ang kanyang madalas na pinagkakaabalahan — ay pumapasok na siya sa kuwarto niya.”


Sa kabila ng nabanggit na obserbasyon ng mga magulang ni Joanina sa kanilang anak, noong Mayo 2018 ay nagkaroon ang huli ng mga sintomas na nauwi sa seryosong kondisyon na humantong sa kamatayan ni Joanina. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Mayo 5, 2018 - Nakaramdam si Joanina ng pananakit ng tiyan at pabalik-balik ito. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng pinakulong herbal plant para mawala ang sakit na kanyang nararamdaman at nawala naman ito nang bahagya.

  • Mayo 7, 2018, umaga - Nagsuka si Joanina ng mga oras na ‘yun at nagkaroon ng lagnat. Anang kanyang mga magulang, “Tumawag kami sa nagturok ng Dengvaxia sa aming anak at sinabi namin sa kanya na nagkaroon ng lagnat si Joanina. Pinayuhan naman kami ni xxx (‘di binanggit na pangalan) na bigyan si Joanina ng Biogesic. Pinainom namin si Joanina, subalit hindi naman nawala ang lagnat niya at sinabihan pa rin kami ni xxx na bigyan siya ng Biogesic. Kinausap ni xxx si Joanina at narinig naming sinasabi niya na masakit ang kanyang likod, balikat at mga paa.” Dagdag pa ni Aling Luzviminda, “Matapos mag-usap sina Joanina at xxx, nakiusap ako sa kanya na kung maaari ay dalawin niya sa aming bahay ang aking anak, pero hindi naman niya ito ginawa kahit kinuha pa niya ang address namin.”

  • Mayo 9, 2018 - Hindi pa rin nawawala ang lagnat, pananakit ng tiyan at kasu-kasuan ni Joanina, kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital. Pagpasok sa ospital, bandang alas-8:30 ng umaga, nawalan ng malay si Joanina at hindi umano makuha ng mga doktor ang kanyang BP. Nagsagawa sa kanya ng pagsusuri hanggang alas-10:00 ng umaga at bumalik naman ang malay ni Joanina. Bandang alas-12:00 ng tanghali, nagtae si Joanina; basa ito at nagreklamo siya na gusto niyang umihi pero hindi naman siya makaihi. Binigyan siya ng fluid at nilagyan ng catheter, pero wala pa rin siyang mailabas na ihi. Dahil hindi makaihi si Joanina, naging maligalig ito buong magdamag.

  • Mayo 10, 2018 - Nag-convulsion si Joanina, nilagyan siya ng tubo para tulungan siyang makahinga, subalit hindi na niya nakayanan. Bandang alas-10:00 ng umaga, sinabi ng doktor na binawian na ng buhay si Joanina. Nakita nina Mang Domingo at Aling Luzviminda na may lumabas na dugo mula sa bibig at ilong ng kanilang yumaong anak.

Anila sa pagkamatay ni Joanina, “Labis ang aming pagkagulat, lungkot at sama ng loob sa sinapit ng aming anak. Hindi namin akalain na ang “anti dengue” na ibinakuna sa kanya na sa aming paniniwala ay magpoprotekta sa kanya laban sa Dengue ay siya pang maglalagay sa matinding panganib at naging sanhi pa nga ng kanyang kamatayan.


“Nakapagtataka talaga na napakabilis na mawala sa amin si Joanina, samantalang wala naman siyang malubhang karamdaman. Nilagnat lang siya tapos tuluyan nang namatay. Ang kakaiba na nailagay sa kanyang katawan— ‘yun ay ang Dengvaxia na ayon sa mga naglalabasang balita ay nagdudulot ng malulubhang sakit. Pareho ang mga naramdaman ni Joanina sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na sumailalim na sa Forensic Examination ng Public Attorney's Office (PAO).”


Sinabi nina Mang Domingo at Aling Luzviminda na ang bunso nilang anak na si Joanina ang nagbibigay sa kanila ng lubos na kaligayahan. Ang pagkamatay naman nito ngayon ang nagbibigay sa kanila ng labis na kalungkutan. Sa paglapit nila sa PAO, para sa kaso ni Joanina, gagawin namin ang aming makakaya sa pagtatamo ng katarungan para kay Joanina at sa buo niyang pamilya upang maibsan ang kanilang kalungkutan.

 
 

at nagsuka ng dugo bago namatay.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 26, 2021



Sa mga kasong hinahawakan namin na may kaugnayan sa Dengvaxia, madalas naming naririnig sa mga magulang ng mga biktima ng nasabing bakuna ang pahayag na ito, “Hindi ipinaliwanag sa amin kung ano ang bakunang itinurok sa aming anak.” Ito ay tila babala na naririnig natin ngayon sa usaping bakuna sa COVID-19. Mulat na ang mga tao, kaya sa pagdedesisyon sa pagpapabakuna kontra COVID-19, humihingi sila ng matibay na batayan ng pagiging epektibo at ligtas ng mga available na bakuna para sa nagaganap na pandemya. Dahil sa taas ng antas ngayon ng kamalayan ng mamamayan hinggil sa mga bago at hindi pa gaanong subok na mga bakuna, masasabing nagsisilbing munting bayani ang mga batang biktima ng Dengvaxia. Isa sa mga munting bayani na ito si Marlon Jay A. Lorenzo (Kokey).


Si “Kokey”, anak nina G. Marlon at Gng. Ana Marie Lorenzo ng Nueva Ecija ay 13-anyos nang namatay noong Mayo 15, 2018 sa kanilang bahay. Siya ang ika-57 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Kokey ay naturukan ng Dengvaxia noong Abril 26, 2016 sa kanilang barangay. Nasundan ito ng pangalawang turok noong Oktubre 26, 2016. Pagkaraan nito ay nakita ng pamilya ni Kokey ang pababago sa kanyang kalusugan. Nagkaroon siya ng ubo, lagnat at nakaranas ng pagsusuka. Ang kanyang lagnat ay naging pabalik-balik din. Nawalan na rin siya ng ganang kumain at unti-unting nawalan ng sigla.


Sa iba’t ibang petsa ng mga buwan ng Abril, Hunyo at Setyembre 2017 ay ipinagamot si Kokey ng kanyang mga magulang sa iba’t ibang pagamutan upang malunasan ang kanyang mga nararamdaman. Narito ang kaugnay na mga detalye:


  • Ikatlong linggo ng Abril 2017 - Dinala ng kanyang mga magulang si Kokey sa lying in na malapit sa kanilang lugar. Binigyan siya ng gamot pero hindi umigi ang karamdaman niya. Ipinagpatuloy nila ang gamutan hanggang sa maubos ang gamot na binili nila.

  • Hunyo 9, 2017- Dinala si Kokey sa isang district hospital, ngunit hindi siya tinanggap dahil kulang ito sa pasilidad. Itinakbo siya ng kanyang mga magulang sa ibang ospital sa Cabanatuan City at in-admit siya ng 15 araw. Habang siya ay ginagamot, sinabi ng mga doktor na tumitingin na nagkaroon siya ng paglaki ng puso. Nagkaroon siya ng pamamanas at nagsuka rin ng dugo. Umigi naman ang pakiramdam niya hanggang sa siya ay nakalabas na sa ospital, subalit kailangan niyang uminom ng gamot para sa puso at pampaihi. Kada 21 araw ay kailangan din siyang mabigyan ng antibiotics at itinuturok ito sa kanya sa nabanggit na ospital sa Cabanatuan City. (Kalaunan ay bumibili na lang ng antibiotics ang kanyang mga magulang at pinatuturukan siya sa lying in na malapit sa kanilang lugar.) Nang makauwi sila sa kanilang bahay matapos ma-cofine si Kokey sa ospital ay umangat ang kanyang balikat at bumaba ang kanyang timbang. Nawalan na rin siya ng ganang kumain.

  • Setyembre 22, 2017 - Nahirapang huminga si Kokey. Nagtatae at nilalagnat din siya kaya siya ay dinala sa isang district hospital. Sa emergency room, mababa ang kanyang blood pressure. Ito ay natala na 50/70 kaya inilipat siya ng ospital kung saan nanatili siya ng 15 araw at napansin ng kanyang mga magulang na namanas na ang kanyang buong katawan. Pabalik-balik din ang kanyang lagnat at malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Nakalabas si Kokey sa ospital matapos umigi ang kanyang pakiramdam, ngunit ipinagpatuloy ang pagpapainom sa kanya ng gamot.


Tulad ng nakasaad sa itaas, si Kokey ay namatay noong Mayo 15, 2018. Nang araw na ‘yun, alas-2:00 ng madaling-araw, inubo, nilagnat, sumakit ang likod at tiyan ni Kokey. Minasahe siya ng kanyang mga magulang hanggang sa maibsan ang nararamdamang sakit. Alas-9:00 ng gabi, sumakit ulit ang tiyan ni Kokey. Dumumi siya ng dalawang beses, na ayon sa kanyang mga magulang ay “mabaho” at nagpapawis din siya nang malamig. Pagkahiga ni Kokey para matulog, bigla siyang bumangon at sinabi niya na nahihirapan siyang huminga at nanginig siya ng mga limang segundo hanggang sa binawian na siya ng buhay.


Anang kanyang mga magulang sa pagkamatay ni Kokey, “Napakasakit para sa amin ang pagpanaw ni Kokey. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog naman niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Nais din naming liwanagin na hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aming anak bago siya maturukan at walang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan ni Kokey kundi ang Dengvaxia.”


Noon, may paboritong pelikula ang mga bata na naging fantaserye rin sa telebisyon na pinamagatang “Kokey”. Maaalalang ang karakter na si Kokey ay isang maamo at mabait na alien na napunta sa Earth. Marahil, ang magagandang katangiang nito ang naging dahilan sa pagpapalayaw kay Marlon Jay ng Kokey. Ngunit ang Kokey na ito na naging biktima ay hindi kathang-isip lamang kundi totoong tao na naisakripisyo ang kabataan at pangarap. Dahil dito, totohanan din at walang humpay na pagtulong sa usaping legal at forensic science/medicine ang aming handog kina G. at Gng. Lorenzo hinggil sa inilapit nila sa amin na kaso ni Kokey.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 19, 2021



Lahat ng kanilang makakayanan ay gagawin ng mga magulang upang mapabuti ang kanilang mga anak. At sa panahon na nalalagay sa panganib ang kanilang mga anak, higit na pagsisikap at pagpupursigi ang kanilang ginagawa, maisalba lamang sila sa kapahamakan. Ganito ang ginawa nina Argel Sam R. Racuya at Lara Nina R. Garces sa kanilang anak na si Kianah Mae G. Racuya.


Si Kianah Mae ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 20, 2017 sa kanilang barangay health center. Dapat ay susundan ng pangalawang turok noong Pebrero 26, 2018, subalit ayon sa kanyang mga magulang, “Hindi na namin itinuloy ‘yun dahil natakot na kami dahil sa mga naglabasang balita tungkol sa masamang epekto ng Dengvaxia.” Kaugnay nito, siniguro nila na nabibigyan ng vitamins at napapakain ng gulay at prutas si Kianah Mae. Palagi rin nila itong pinaiinom ng tubig. Anang mag-asawa, “Talagang binigyan namin siya ng sapat na atensiyon para malabanan ang nasa katawan niyang bakuna kontra dengue. Hindi naman namin siya kinakitaan ng pananamlay o kawalan ng gana sa pagkain. Malusog pa rin naman siya kaya naging panatag ang kalooban namin.” Kung nagtuloy-tuloy ang mga nasabing positibong obserbasyon nila sa kalusugan ng kanilang anak, posibleng kasama pa rin nila ngayon si Kianah Mae. Subalit, ang mga naramdaman pala nitong sakit ng tiyan at ulo noong Pebrero 2018 ay pagbabadya na ng magiging seryoso niyang kondisyon, na humantong sa kanyang kamatayan.


Si Kianah Mae ay 13-anyos nang namatay noong Mayo 8, 2018 sa isang ospital sa Cebu City. Siya ang ika-56 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Pagkatapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia noong Agosto 20, 2017, at maganap ang mga pangyayaring nabanggit sa itaas, sa mga sumusunod na petsa ng Mayo 2018, nagkaroon ng pagbabago sa katawan ni Kianah Mae. Ang mga ito ay lubhang nakaapekto sa kanyang kalusugan at nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na pangyayari:


  1. Mayo 5, 2018, tanghali - Sumakit ang ngipin ni Kianah Mae, may tumubo diumano na wisdom tooth. Sinabi ng kanyang mga magulang, normal lamang na may maramdaman na sakit kapag may tumutubo na wisdom tooth.

  2. Mayo 6, 2018, madaling-araw - Sumakit ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga. Lumalabo rin ang kanyang paningin at siya ay nahihilo. Inireklamo rin niyang namamanhid ang kanyang mga kamay. Ipinahilot niya ang mga ito na hinilot naman ng kanyang mga magulang at pagkatapos nu’n ay nawalan na siya ng malay. Hinimas-himas ng kanyang mga magulang ang buong katawan niya ng efficascent oil hanggang sa bumalik ang malay niya. Nagpatawag ang kanyang mga magulang ng ambulansya upang may masakyan sila papunta sa ospital, ngunit habang hinihintay nila ito ay nawalan ulit ng malay si Kianah Mae. Inireklamo niya ang pananakit ng kanyang dibdib. Hinilot siya ng kanyang mga magulang hanggang sa bumalik ang malay niya, at dinala na siya sa isang ospital sa Cebu City. Nilagyan siya ng oxygen dahil hirap siyang huminga, subalit nang malagyan siya ng oxygen, nagsuka siya at nagkaroon ng mga bula sa kanyang bibig. Sinabihan ng mga doktor ang kanyang mga magulang na siya ay ilipat sa isang ospital kung saan ay mas mabibigyan siya ng masusing monitoring, at para malaman ang dahilan kung bakit hindi siya makahinga. Pagdating ng alas-8:00 ng umaga, inilipat siya ng ospital. Walang makuhang blood pressure sa kanya at ayon sa mga doktor, mababa diumano ang oxygen sa kanyang dugo kaya nahihirapan siyang huminga at nananakit ang kanyang dibdib. Dahil dito, nilagyan si Kianah Mae ng tubo. Inilagay na rin siya sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU) ng nasabing ospital dahil hindi na bumuti pa ang kalagayan niya. Sa PICU ay patuloy siyang inobserbahan at isinailalim sa laboratory tests.

  3. Mayo 8, 2018 - Hindi na kinaya ni Kianah Mae ang kanyang paghihirap. Binawian siya ng buhay sa petsang ito. Narito ang pahayag nina Mang Argel Sam at Aling Lara Nina sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Papaanong ang hindi pa naoospital at nagkakaroon ng dengue na bata at walang sinasabing anumang karamdaman at kumpleto ng bakuna ay mamamatay ng dalawang araw lamang matapos madala sa ospital? Para sa amin, isa itong malaking palaisipan dahil sa isang iglap lamang ay mawawala ang kaisa-isa naming anak. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito kay Kianah Mae at sa iba pang mga bata. Naghanap kami ng libreng bakuna, subalit ‘yun ang naging mitsa ng buhay ng aming kaisa-isang anak. Kung alam lang namin na kamatayan ang dala nito kay Kianah Mae, hindi sana kami pumayag na mabigyan at maturukan siya nito kahit ito ay libre. Bibigyan namin ng hustisya ang kamatayan ng aming nag-iisang anak.”


Para sa pagkamatay ng kanilang nag-iisang anak, walang sasapat na bilang ang kayang tumumbas sa sakit na naramdaman at patuloy na sumusugat sa damdamin nina Mang Argel Sam at Aling Lara Nina. Gayunman, lumapit sila sa aming Tanggapan dahil anila, “Kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak.” Dahil dito, kasama nila ang PAO at DOJ Prosecutors ngayon upang mapanagot sa batas kung sinuman ang mga responsable sa pagbabakuna nang walang habas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page