top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ubo, dinanas ng 10-anyos na namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 21, 2021



Hindi man palaging tuwa ang dala ng mapagpalayang katotohanan, ito ay nakapagbibigay-linaw sa mga bagay na naghahanap ng kasagutan. At sila na lumaya sa masalimuot na mundo na puno ng katanungan ay nabigyan ng kaliwanagan ng isip at nagkaroon ng kahandaan na magsagawa ng mahahalagang desisyon sa buhay. Kabilang sa kanila sina G. Ruel at Gng. Melodie Rose Gaton ng Quezon City, mga magulang ni Crystal Mae Gaton, nabakunahan ng Dengvaxia at namatay bago sumapit ang isang taon matapos ang pagkakaturok sa kanya. Ani G. at Gng. Gaton sa pagkasawi ng kanilang anak:


“Dahil palaisipan sa amin ang sanhi ng karamdaman ng aming anak na si Crystal Mae at kahit sinabihan kami sa ospital na huwag kaming magpa-autopsy dahil tatadtarin nila ang kanyang mga laman-loob, napagdesisyunan pa rin namin na humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ng aming anak para aming malaman ang naging sanhi ng kaniyang agarang kamatayan.”


Si Crystal Mae ay 10-anyos nang namatay noong Hunyo 20, 2018. Siya ang ika-64 sa mga naturukan ng Dengvaxia, na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Setyembre 14, 2017 sa kanilang barangay. Anang nanay ni Crystal Mae:


“Pumayag kaming maturukan siya dahil sa sinabi nilang makabubuti ito sa kalusugan. Sinabi pa nilang mahal ang bakunang ito kapag ibibigay ng pribadong klinika. Natuwa kami dahil sinong magulang ang hindi papayag na mabigyan ng libreng bakuna ang kanyang anak, lalo na sa aming mahihirap? Sinamahan ko pa si Crystal Mae na mabigyan ng bakuna.”


Noong Mayo 2018, nagkaroon ng pagbabago sa kalusugan ni Crystal Mae. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:

  • Mayo 3, 2018 - Nanakit ang lalamunan ni Crystal Mae. Pinainom siya ng Erythromycin, bumuti naman ang kalagayan niya.

  • May 7 at 10, 2018 - Kaunti lamang ang lumalabas na kanyang ihi at siya ay mabilis hingalin. Nag-umpisang mamaga ang kanyang mukha noong May 10, 2018.

  • May 12, 2018 - Na-confine siya sa isang ospital sa Quezon City. Sinabing may Nephrotic Syndrome siya. Nanatili siya sa ospital ng anim na araw, ngunit hindi pa rin nawala ang pamamaga sa kanyang mukha.

  • May 18 at 19, 2018 - Inilabas siya sa ospital kahit maga pa ang kanyang mukha dahil sinabi ng mga doktor na maayos naman ang resulta ng laboratory examinations niya. Kinabukasan, namaga ang tiyan at mga paa niya kaya ibinalik ulit siya sa ospital. Ayon sa doktor, normal ito bilang side effect ng mga iniinom niyang gamot. Sinabihan sila na ibalik kada linggo si Crystal Mae sa hospital para sa follow-up check-up niya. Ginawa naman nila, ngunit namamaga pa rin ang mga nasabing parte ng kanyang katawan. Bigla na lamang ding tumataas ang kanyang blood pressure.

  • Mayo 29, 2018 - Para sa kanyang tumataas na blood pressure, niresetahan siya ng doktor ng gamot kontra high-blood na Enalapril.

Sa iba’t ibang petsa sa ibaba ng Hunyo 2018, lumala ang kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan:

  • Hunyo 1, 2018 - May pasa ang braso ni Crystal Mae.

  • Hunyo 12, 2018 - Dinala ulit siya sa ospital dahil siya ay nilalagnat at inuubo. Sa mga diagnostic examination results, nakitaan ng kaunting tubig ang kanyang baga at patuloy pa rin ang pamamaga ng kanyang mukha, tiyan at mga paa. Hindi rin nawala ang pasa sa kanyang braso. Binigyan siya ng Amoxicillin para sa kanyang mga nararamdaman. Inuwi siya sa bahay dahil hindi naman sila sinabihang kailangan niyang ma-admit.

  • Hunyo 16, 2018 - Ibinalik si Crystal Mae sa ospital dahil hindi nawala ang kanyang ubo. Pinayuhan sila ng doktor na kailangan siyang ipa-2D echo ng Hunyo 21, 2018. (Hindi na ito nangyari dahil pumanaw na si Crystal Mae noong Hunyo 20, 2018.)

  • Hunyo 19 at 20, 2018 - Sumakit ang kanyang tiyan.Kinabukasan, nadagdagan ito ng pananakit ng mga binti at nanghihina na siya kahit kumain siya ng marami. Dinala siya sa ospital at bandang hapon, sumisigaw at nagwawala siya dahil sa sakit ng kanyang tiyan. Pagkatapos, nawalan siya ng malay at inilipat sa ICU at in-intubate. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at alas-3:30ng hapon nang Hunyo 20, 2018, tuluyan na siyang pumanaw.

Anila G. Ruel at Melodie Rose Gaton sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Napakasakit para sa amin ang pagpanaw ni Crystal Mae. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan.”


Humingi sina G. at Gng. Gaton ng tulong sa aming tanggapan para sa libreng serbisyo-legal at upang mapasailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team ang mga labi ni Crystal Mae, sa kabila ng pagpipigil sa kanila ng isang doktor. Katulad ng mga magulang ng mga yumaong biktima, ang mag-asawang Gaton ay matibay na nanindigan sa kanilang desisyon sa paglapit sa amin. Ang tiwalang patuloy nilang ibinibigay sa aming kakayahan at kredibilidad ay nagsisilbing inspirasyon sa amin upang patuloy ring ipaglaban ang mga kaso ng kanilang yumaong mga anak na biktima hanggang sa matamo ang katarungan na nararapat sa kanila.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 15, 2021



Walang kasing-sakit para sa mga magulang na makita ang matinding dinaramdam ng kanilang mga anak. Nagmamarka sa kanilang alaala at patuloy na sumusugat sa puso ang manipestasyon ng nasabing karamdaman sa katawan at pag-uugali ng kanilang mga anak. Ganito ang karanasan nina G. Danilo at Gng. Sheryll M. Bautista ng Taguig City sa kanilang anak na si John Lloyd M. Bautista, na naturukan ng Dengvaxia. Narito ang bahagi ng kanilang mapait na alaala sa sinapit ni John Lloyd:


“Namula ang kanyang mga mata na tila dumudugo at nangitim ang mukha, mga kamay at paa niya. Lumala ang kanyang kondisyon dahil tila nawala siya sa sarili. Kung anu-ano ang kanyang sinasabi.”


Si John Lloyd ay 14-anyos nang namatay noong Marso 31, 2018. Siya ang ika-63 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Narito ang pagkakaalala ng mga magulang ni John Lloyd sa pagkakabakuna sa kanya:


“Noong Nobyembre 2017, nag-ikot sa aming lugar ang mga barangay health workers ng Taguig City at sinabing mayroong libreng bakuna laban sa dengue. Ibinalita na lamang sa amin ni John Lloyd na nagpalista siya at Nobyembre 16, 2017 umano siya babakunahan sa health center. Sinabi rin niya na kailangang may kasamang magulang. Noong Nobyembre 16, 2017, sinamahan ko si John Lloyd sa health center. Bago bakunahan, tinanong lang ako ng isang doktor kung may sakit ang aking anak. Bawal daw kasi ang bakuna sa may mga sakit. Matapos nito ay tinurukan si John Lloyd ng isang nurse.”


Kalagitnaan ng Disyembre 2017, namaga ang itaas na bahagi ng ilong ni John Lloyd. Nag-umpisa rin siyang mahilo, sumakit ang ulo at mga kasukasuan. Pinatingnan siya ng kanyang mga magulang sa health center at siya ay binigyan ng gamot at gumaling naman. Pagdating ng 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni John Lloyd at naging seryoso ang kanyang kondisyon na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang iba’t ibang petsa mula Enero hanggang Marso 2018, hinggil sa ilan sa mga detalye ng mga nangyari kay John Lloyd:

  • Enero 2018 - Nag-umpisa siyang magkaroon ng sinat. Pinainom siya ng gamot, ngunit bumabalik ang kanyang sinat tuwing gabi. Ayon sa mag-asawa, dahil nabalitaan nila ang tungkol sa panganib ng Dengvaxia, dinala siya sa health center para matingnan at mabigyan ng kaukulang lunas.

  • Pebrero 2018 - Tuloy-tuloy ang kanyang lagnat kahit umiinom siya ng gamot. Nagsimula ring sumakit ang kanyang tiyan, ulo, likod at batok at nagsuka. Kahit anong kainin o inumin ay isinusuka niya. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Taguig. Nagsagawa roon ng laboratory examinations, negative diumano siya sa lahat.

  • Pebrero 27, 2018 - Pinatingnan siya sa isang ospital sa Pasig City. Sinabi ng kanyang mga magulang na naturukan siya ng Dengvaxia at nagsagawa ng mga laboratory examinations. Sinabi ng doktor na gastritis o ulcer diumano ang sakit ni John Lloyd. Nagreseta siya ng gamot na pang-isang linggo, pagkatapos ay pinauwi na sila.

  • Marso 2, 2018 - Bumalik sila John Lloyd sa pinuntahan nilang ospital sa Pasig dahil hindi siya gumaling kahit umiinom siya ng gamot. Nagreseta ang doktor ng mas malakas na gamot para sa dalawang linggo at sinabihan ang kanyang mga magulang na obserbahan ang kanilang anak. Lumala ang kanyang kondisyon dahil tila nawala siya sa sarili at kung anu-ano ang kanyang sinasabi. Araw-araw din siyang sumisigaw dahil sa sakit ng ulo. Hindi na naibalik sa ospital si John Lloyd dahil sa kakulangan sa pera.

  • Marso 24, 2018 - Inuwi si John Lloyd sa Pio Duran, Albay dahil na rin sa kagustuhan niya na sa bahay ng kanyang lolo magpagaling. Unti-unti siyang humina at hindi na makapagsalita at nakahiga na lamang. Nahirapan na rin siyang huminga kaya dinala siya sa isang ospital doon. Sinabi sa mga magulang ni John Lloyd na nagka-pneumonia ito. Apektado na rin diumano ang kanyang puso at bato.

  • Marso 31, 2018 - Bumuti ang lagay ni John Lloyd, ngunit nang araw na ito, matapos siyang saksakan ng antibiotic, bigla siyang nanginig. Namula ang kanyang mga mata na tila dumudugo at nangitim ang mukha, mga kamay at paa niya. Nagalit ang mga magulang ni John Lloyd dahil mabuti ang lagay ng kanilang anak bago siya turukan ng gamot, kaya inilabas nila ito sa ospital. Naiuwi pa nila si John Lloyd sa bahay ngunit namatay siya matapos ang humigit-kumulang kalahating oras.

Narito ang bahagi ng pahayag nina G. at Gng. Bautista hinggil sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Labis ang aming pagkagulat, lungkot at sama ng loob sa sinapit ng aming anak. Malakas, masigla at masayahing bata ang aming anak bago pa siya ay maturukan ng nasabing bakuna. Sa katunayan, hindi pa siya nagkakaroon ng malubhang sakit gaya ng dengue o nadala man lang sa ospital bago siya maturukan ng bakuna laban sa dengue. Nagbago lamang ang kanyang kondisyon matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna. Kaya malakas ang aming paniniwala na may kinalaman ito sa kanyang kamatayan.”


Ang paniniwalang ito ang nagdala kina G. at Gng. Bautista sa aming tanggapan upang mabigyan ng katarungan ang nangyari kay John Lloyd. Katapat ng kanilang matatag na paniniwala ang matitibay na ebidensya ng aming tanggapan sa pagsulong sa kaso ni John Lloyd hanggang sa makamit ang hustisya para sa sinapit niya.

 
 

sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 08, 2021



Sa gitna ng matitinding pagsubok sa buhay, kailangan ng ating kapwa ang pagdamay. Ngunit may mga magulang na may anak na nagkaroon ng malulubhang karamdaman, na sa halip na tulong ang natanggap ay paninisi— halos ipagtabuyan pa sila ng kanilang hiningan ng tulong. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Julie Braga at Gng. Helen Casaljay ng Antipolo City, mga magulang ni Jocelyn Braga, nabakunahan ng Dengvaxia. Anang mag-asawa hinggil sa naging karanasan nila sa isang pampublikong ospital sa Manila:


“Nakiusap kaming tanggapin nila ang aming anak dahil hinang-hina na siya at sinabihan nila kaming late kami sa pagpunta dahil stage 4 cancer na raw. Hindi nila kami inasikaso at sinabihan pang kasalanan namin ang paglala ng sakit ng aming anak dahil mas sinunod namin ang kagustuhan niyang hindi siya dalhin sa ospital. Ipinaalam namin na si Jocelyn ay dalawang beses na naturukan ng Dengvaxia, kaya kami ay nakiusap na suriin nilang mabuti ang aming anak. Sinabihan kami ni Dr. Xxx (‘di pinangalang doktor) na walang kaugnayan ang Dengvaxia at panggulo lang kung babanggitin ko pa ulit ito bilang sanhi ng paglala ng sakit ng aming anak. Wala na raw silang magagawa sa bukol sa tiyan ni Jocelyn dahil malaki na ito, kaya ni-refer na lang kami sa isang pulmonologist.


Si Jocelyn ay 14-anyos nang namatay noong Hunyo 13, 2018 sa isang ospital sa Marikina City. Siya ang ika-62 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 29, 2016 sa isang eskuwelahan at nasundan ng pangalawang turok noong Enero 9, 2017 sa isang health facility. Narito ang pagkakaalala ng mag-asawa sa pagkakaturok kay Jocelyn:


“Nalaman lang namin na naturukan ng Dengvaxia ang aming anak noong siya ay naka-confine na. Nakita ng kanyang mga guro ang kanyang litrato na naka-post sa kanyang FB account habang siya ay naka-confine sa ospital at pinakuha nila sa aming anak na si Jerald ang kopya ng kanyang Immunization Record.”


Noong Agosto 2017, nagkaroon siya ng mga sintomas at lumala ang kanyang kondisyon. Narito ang ilan sa mga detalye:

  • Agosto 2017 - Sumakit ang tiyan ni Jocelyn. Pinainom siya ng nilagang dahon ng guyabano at nawala naman ang sakit ng tiyan niya. Naninilaw din ang kanyang balat.

  • Oktubre 13, 2017 - Pinasuri sa isang ospital ang bukol niya sa ovary at kailangan umano siyang maoperahan. Bago siya operahan, inuuntog niya ang kanyang ulo at sinasabunutan. Inaawat siya ng kanyang mga magulang, pero ang sabi niya ay sobrang sakit ng tiyan at ulo niya.

  • Oktubre 20, 2017 - Inoperahan si Jocelyn, sinabihan ang kanyang pamilya na kailangan ipa-biopsy ang nakuha sa ovary niya dahil sobrang laki ng nakuhang bukol. Tinanggal ang kanyang ovary at matapos ang operasyon, sinabihan ang mga magulang ni Jocelyn na kailangang maghanap ng doktor dahil kailangang sumailalim sa chemotherapy si Jocelyn. Subalit hindi muna sila naghanap ng doktor dahil ang sabi ni Jocelyn ay papasok na lang muna siya sa eskuwela dahil ayaw na niyang lumiban pa. Kailangan diumano muna niyang tapusin ang klase niya dahil gusto niyang makapagtapos at saka ituloy ang gamutan niya kapag tapos na ang klase niya. Maayos na rin umano ang pakiramdam niya, kaya sinunod nila si Jocelyn dahil ayaw nila na itong ma-stress dahil sabi diumano ng doktor nang siya ay matapos na maoperahan ay bawal siyang ma-stress.

Sa mga petsa sa ibaba naging kritikal ang kalagayan ni Jocelyn at nauwi sa kanyang kamatayan:

  • Marso at Mayo 2018 - Sumasakit na naman ang kanyang operasyon. Pinilit siya ng kanyang mga magulang na pumunta ng ospital. Sabi ng doktor, mayroon lang siyang kabag kaya binigyan lamang siya ng gamot para sa kabag at pagsusuka. Umuwi na sila at tiniis niya ang pagsakit-sakit ng kanyang tiyan hanggang sa nagtapos na siya ng Grade 6. Pagkatapos ng kanyang graduation, nanghina na siya. Dinala siya sa isang ospital sa lugar nila at pinayuhan silang pumunta sa isang ospital sa Manila kung saan mas kumpleto ang pasilidad. Subalit ayaw silang tanggapin doon dahil nalaman nilang naoperahan sa ibang ospital si Jocelyn. Doon din naganap ang pangyayaring hindi pag-asikaso sa kanila na nailahad na sa itaas, at pag-refer sa kanya sa isang pulmonologist noong Mayo 26, 2018. Doon ay in-intubate si Jocelyn.

  • Mayo 29, 2018 - Pinauuwi na si Jocelyn dahil baka mahawa pa diumano siya sa sakit.

  • Hunyo 2, 6, at 13, 2018 - Inilabas siya sa ospital noong Hunyo 2, 2018. Noong Hunyo 6, 2018, naka-schedule siya para sa kanyang follow-up check-up, subalit hindi na niya kayang bumiyahe. Anang kanyang mga magulang:

“Magmula noong October 2017 ay palagi nang nagrereklamo na mainit ang loob ng katawan ng aming anak. Bukod pa roon, nahihirapan daw siyang magbasa dahil madilim ang kanyang nakikita. Nagpatuloy ang mga nararanasan niyang ito hanggang sa siya ay tuluyan nang pumanaw noong June 13, 2018.”


“Si Jocelyn ay hindi nadadala sa ospital mula pagkabata maliban na lamang nitong huling pagka-confine niya. Siya ay malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at ayaw umabsent sa eskuwela.”


Ang paglalarawang ito kay Jocelyn ay iniwan sa amin ng kanyang mga magulang. Hindi na ito mabibigyan ng buhay, maipinta man ito ng magaling na pintor. Gayunman, bilang manananggol, pinagsisikapan naming mabigyan ng katarungan ang sinapit na trahedya ng batang kanilang inilarawan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page