top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

at panghihina, dinanas ng 12-anyos na namatay sa Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 11, 2021



“The source of our greatest joy can be the source of our deepest sorrow.” Totoo ang quotation na ito para sa mag-asawang G. Wilson at Gng. Eutropia Martija ng Batangas City. Hindi nila makalilimutan ang ika-10 ng Hulyo, 2006 nang isinilang ang kanilang pinakamamahal na anak na si Bianca Martija, ngunit noong Hulyo 10, 2018 naman nangyari ang napakasakit na pagpanaw niya. Anang mag-asawa,


“Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Bianca, lalo na at araw ng kapanganakan niya nang siya ay binawian ng buhay.”


Si Bianca ay 12-anyos nang namatay. Siya ang ika-67 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Bianca ay tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Batangas noong Hunyo 14, 2016; Enero 24, 2017; at Agosto 3, 2017. Noong 2015 ay dati nang na-dengue si Bianca at siya ay na-confine sa isang ospital sa Batangas. Ayon kina G. at Gng. Martija, gumaling at bumalik sa malakas at masiglang pangangatawan ang kanilang anak. Gayunman, hindi pa rin nakaligtas si Bianca sa mapait na kapalaran. Mula Enero hanggang Mayo 2018, nagsimulang magkaroon ng manipestasyon sa kanyang katawan ang kanyang karamdaman. Sa mga panahong ‘yun, nagsimulang magreklamo ng pananakit ng ulo si Bianca. Nawawala naman ang pananakit ng ulo niya sa tuwing umiinom siya ng Biogesic. Nagtuluy-tuloy ang pananakit ng kanyang ulo sa mga sumunod na buwan hanggang Mayo 2018 na nabibigyang-lunas naman sa tuwing umiinom siya ng Biogesic. Subalit, pagdating ng Hunyo hanggang Hulyo 2018, pinagdaanan ni Bianca ang matinding pahirap ng kanyang karamdaman na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang mga kaugnay na detalye sa nasabing pangyayari:

  • Hunyo 9, 2018 - Nagreklamo ng sobrang pananakit ng ulo si Bianca na sinundan ng kanyang pagsusuka.

  • Hunyo 10, 2018 - Dinala siya sa klinika para ipasuri at niresetahan siya ng Dolfenal at multivitamins. Hindi pa rin nawala ang pananakit ng kanyang ulo matapos na siyang ipa-check-up.

  • Hulyo 7, 2018 - Muling nakaranas ng pananakit ng ulo si Bianca at labis ang pag-iyak niya dahil sa sobrang sakit ng kanyang ulo. Hindi na muli siya nakausap ng kanyang mga magulang. Anila, siya ay nakaihi pa sa kanyang sapin, lupaypay na at naninigas ang kanyang katawan. Agad siyang itinakbo sa isang ospital sa Batangas. Dahil hindi kaya ng kanyang mga magulang ang hinihinging bayad ng nasabing ospital, inilipat siya sa ibang ospital. Ngunit nang dumating sila roon ay sinabihan sila na hindi sapat ang pasilidad, kaya muli siyang inilipat ng ospital. Alas-3:00 madaling-araw nang makarating sila roon.

  • Hulyo 8, 2018 - Alas-7:00 ng umaga, inilipat sa ICU si Bianca. Ala-1:00 ng hapon nang siya ay isailalim sa CT scan.Pansamantala ay ‘yun ang ginawang pagsusuri sa kanya. Ayon sa mga doctor, unresponsive siya at kahit ilawan ang kanyang mga mata ay hindi siya gumagalaw.

  • Hulyo 10, 2018 - Hindi bumuti ang kalagayan ni Bianca. Ang mga magulang niya ay tinapat ng doktor na wala nang pag-asang gumaling si Bianca dahil tatlong araw na siyang brain dead. Bandang alas-6:30 ng gabi nang tanungin ang mga magulang ni Bianca ng doktor kung papayag silang tanggalin na ang kanyang life-support. Dahil sa pagpapaliwanag ng mga doktor sa kalagayan ni Bianca, pumayag sila.Pagsapit ng alas-7:30 ng gabi, tuluyan nang pumanaw si Bianca. Narito ang bahagi ng pahayag nina G. at Gng. Martija ukol sa pagkamatay ng kanilang anak:

“Nakasaad na siya ay namatay dahil sa “brain herniation” (immediate cause), “acute intraparenchymal fronto temporoparietal bleed, left” (antecedent cause). Isang masigla at malusog na bata ang aming anak. Minsan na siyang na-dengue, subalit siya naman ay gumaling at bumalik ang dating sigla ng kanyang pangangatawan. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia na itinurok sa kanya ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya, lalo at siya ay dating na-dengue. Nang dahil palaisipan sa amin ang sanhi ng karamdaman ng aming anak, napagdesisyunan naming humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ng aming anak para malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.”


Maliban sa katotohanan, hindi na kailangang sabihin pa na napakahalaga rin ng katarungan na siya ring hiling pa ng mag-asawang Martija na makamit sa tulong ng inyong lingkod at PAO. Kaya naman kasama na ngayon ang kaso ni Bianca sa aming mga ipinaglalaban sa hukuman. Para sa mga Martija, hindi na mabubura pa ang mapait na kasaysayan na nakatala sa mga petsang Hulyo 10, 2006 at Hulyo 10, 2018. Gayunman, para sa kaso ni Bianca, patuloy naming gagawin ang lahat ng aming makakaya sa legal na pamamaraan, upang isang araw na nakatakda ang paghahari ng katarungan ay maibsan ang pait na hatid ng nasabing mga petsa sa mga Martija.

 
 

balat bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 04, 2021



MahiIlig siyang sumali sa mga patimpalak sa kanilang paaralan. Hindi man palaging nagwawagi, nagkakaroon siya ng panahon na muling magsanay, maghanda at sumali upang muli ring magkaroon ng pagkakataon na magwagi. Ngunit ang huling laban na kanyang sinalihan ay hindi niya napagtagumpayan at hindi na rin siya nakasali muli upang makabawi. Ang huling laban na ito ay laban niya sa buhay at ang munting mandirigma ay si Trishanne T. Casona, nabakunahan ng Dengvaxia. Siya ay anak nina G. Jivy Casona at Gng. Marilyn Teleron ng Cebu City.


Si Trishanne ay 10-anyos nang namatay noong Hunyo 21, 2018 sa isang ospital sa Cebu City. Siya ang ika-66 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Trishanne ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 15, 2017 sa kanilang health center. Noong Disyembre 2017, nag-umpisa siyang makaranas ng pananakit ng ulo. Nagpabalik-balik naman sa buong buwan ng Enero 2018 ang pagsakit ng kanyang tiyan, na ayon sa kanyang mga magulang ay nawawala naman kapag nilalagyan nila ng efficascent oil.


Gayunman, noong Hunyo 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Trishanne, naging kritikal ang kanyang kalagayan at siya ay pumanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye sa sinapit ni Trishanne:

  • Hunyo 18, 2018 - Alas-7:00 ng gabi, muli siyang nakaranas ng pananakit ng ulo. Ayon sa kanyang mga magulang, siya ay umiiyak, sumisigaw at nanghihina sa sakit ng kanyang ulo. Sumuka rin siya at pagkatapos nito ay tumirik ang kanyang mga mata at nanigas ang kanyang panga. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu City. Mababa umano ang kanyang blood pressure. Dahil kulang sa pasilidad ang nasabing ospital, sinabihan sila na lumipat sa ibang ospital na kanila namang sinunod. Agad na kinabitan doon si Trishanne ng oxygen at nakatulog pagkalipas ng ilang sandali. Alas-10:00 ng gabi, pilit siyang ginising ng kanyang mga magulang para kausapin. Siya ay sumasagot tuwing kinakausap, subalit hindi na niya maimulat ang kanyang mga mata. Matamlay at wala na siyang lakas noon.

  • Hunyo 19, 2018 - Alas-4:00 ng madaling-araw, ginising ni Trishanne ang kanyang ama upang magpatulong na dalhin siya sa banyo dahil naiihi siya. Binuhat siya ni Mang Jivy dahil hindi na siya makatayo at hindi maibaluktot ang kanyang mga paa. Mahinang-mahina na siya at nagreklamo ulit ng pananakit ng ulo at tagiliran. Sa buong araw na ‘yun, palagi siyang balisa at hindi makausap nang maayos. Hindi na niya makilala ang kanyang pamilya at parang hindi na siya nakakakita. Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi ay napakataas ng kanyang lagnat. Nangitim na rin ang kanyang labi at sinabayan ng kanyang convulsion at na-comatose na siya. Dahil sa kamahalan ng singil ng napaglipatang ospital, nagpasya ang kanyang mga magulang na muli siyang ilipat ng ospital.

  • Hunyo 20, 2018 - Alas-2:00 ng madaling-araw, sinabi ng mga doktor sa nilipatan nilang ospital na kritikal na ang kondisyon ni Trishanne at wala na ring magagawa kahit operahan pa siya. Tinanong na rin ng mag-asawa na kung muling atakihin si Trishanne ay payag ba sila na ipa-revive pa ang kanilang anak. Sa buong araw na ‘yun, hindi na gumagalaw si Trishanne at nakatirik na ang kanyang mga mata. Kahit ilawan diumano ang mga ito ng doktor ay hindi na talaga gumagalaw.

  • Hunyo 21, 2018 - Alas-5:00 ng hapon, inilipat siya sa ICU. Bandang alas-10:00 ng gabi, biglang nagbago ang kanyang kulay at siya ay nag-umpisang manilaw. Namuti ang kanang mukha at ang kaliwang bahagi naman ay namula at nangitim na rin. Lumabas din ang mga ugat sa katawan niya na nagmistulang balat ng ahas. Si Trishanne ay parang lantang gulay at hindi na siya gumagalaw. Ilang minuto lamang ang lumipas ay tuluyan na siyang pumanaw. Ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Spontaneous Intracerebral Bleed (Immediate Cause); Ruptured Arteriovenous Malformation (Antecedent Cause).

Narito ang bahagi ng pahayag nila Mang Jivy at Aling Marilyn sa pagkamatay ni Trishanne:


“Si Trishanne ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Siya ay malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at sumali sa iba’t ibang patimpalak sa kanilang paaralan, kaya napakasakit para sa amin ang pagpanaw niya. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang mabakunahan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan, lalo na at sa loob lamang ng tatlong araw ay naging kritikal ang kanyang kalagayan hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw nang hindi namin alam ang dahilan.


Inihahanap nina Mang Jivy at Aling Marilyn ng kasagutan ang dahilan ng kamatayan ng kanilang anak, at ang trahedya na sinapit nito ay ninanais nilang mabigyan ng katarungan. Ang mga dahilang ito ang nagdala sa kanila sa aming tanggapan. Ang inyong lingkod, special panel of public attorneys, buong puwersa ng PAO Forensic Laboratory Division, at aming mga kasama sa adbokasiya ay tila sumasali rin sa patimpalak na may kambal na gantimpala ng katotohanan at katarungan. Handog namin ito sa munting mandirigma, ang yumaong si Trishanne, at mga katulad niyang biktima na nasakripisyo ang mga buhay at pangarap dahil sa naganap na trahedya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 28, 2021



May mga magulang na may napakapait na kapalaran sa pagkakaroon ng mga anak na maaga na ngang nawalay sa kanilang piling ay nagkaroon pa ng masasakit na pangyayari na nagpahirap sa kanila at kanilang pamilya bago namatay. Ganito ang naranasan nina G. Joseph at Gng. Annalyn Llantero ng Albay sa kanilang anak na si Ar-jay Llantero. Nais man nilang ipadama kay Ar-jay ang kanilang pagmamahal at pagdamay sa pamamagitan ng mga yakap ay hindi nila noon magawa. At kahit sa huling pagkakataon sana ay maipagdiwang nila ang kaarawan nito, subalit ito ay ipinagkait din sa kanila. Anila:


“Lagi siyang humihingi ng maiinom na malamig na tubig dahil sa matinding init na nararamdaman niya sa buong katawan. Nang dahil sa init na nararamdaman niya ay ayaw niyang magpahawak o madikit man lang sa kahit kanino. Lalong masakit na isipin na dalawang araw na lamang sana ay magdidiwang na siya ng kanyang ika-13 kaarawan ngunit hindi niya na ito naabutan.”


Si Ar-jay ay 12-anyos nang namatay noong Hunyo 24, 2018. Siya ang ika-65 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Ar-jay ay nabakunahan ng tatlong beses ng Dengvaxia noong Hunyo 16, 2016; Enero 10, 2017; at Setyembre 18, 2017. Ayon kay Aling Annalyn, “Bago siya naturukan ng Dengvaxia vaccine ay hindi pa siya nagkaroon ng dengue o anumang malalang karamdaman na kinailangan ng pag-confine sa isang ospital. Sa katunayan ay isa siyang masayahin, malikot at malusog na bata.”


Ngunit bandang Nobyembre 2017, nagkaroon ng pagbabago sa kalusugan ni Ar-jay; nawalan siya ng ganang kumain, nangayayat, sumakit ang batok, leeg, balikat at likod. Umuubo rin siya at nahihirapang lumunok kaya gumagamit siya ng straw para hindi siya mahirapang uminom ng tubig. Dinala siya sa isang health center sa Pampanga upang ipasuri at sabi roon ay mayroon siyang pulmonya. Binigyan si Aling Annalyn ng reseta na agad niyang binili at ipinainom kay Ar-jay sa loob ng isang buwan. Ngunit hindi bumuti ang kanyang kondisyon; ang ubo niya lamang ang nalunasan. Dahil sa paglala ng karamdaman ni Ar-jay, napilitan siyang tumigil sa pag-aaral mula Nobyembre 2017 hanggang Abril 2018. Binigyan siya ng konsiderasyon ng kanyang mga guro — ipinasa siya at binigyan ng diploma ng kanyang paaralan kahit hindi siya nakadalo sa kanilang graduation. Simula noong Nobyembre 2017 hanggang bago siya pumanaw ay nakaratay siya sa kanyang higaan.


Pagdating ng Mayo 2018 hanggang Hunyo 2018, lumala ang kondisyon ni Ar-jay at nauwi ito sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga pangyayari:

  • Mayo 2018 - Umuwi sina Aling Annalyn at Ar-jay sa Albay, lalong lumala ang karamdaman ng huli. Matindi ang kanyang panghihina at hindi na siya makagalaw. Patuloy din ang pananakit ng kanyang mga balikat, leeg, batok at likod. Hindi na siya makapagbuhat ng mga bagay-bagay. Hindi na rin siya makatayo kaya pinapagamit na siya ng diaper para sa kanyang pag-ihi at pagdumi. Pina-confine siya sa isang ospital sa Albay. Pagkatapos manatili roon ng tatlong linggo, inilabas sa ospital si Ar-jay dahil ayon sa doktor, bumuti na ang kalagayan nito. Siya ay na-diagnose na mayroong Koch’s Pneumonia,Right Pleural Effusion, Consolidation, Status Post Dengvaxia Vaccine. Makalipas ang ilang araw ay ibinalik siya sa ospital at lalong lumala ang mga sintomas na kanyang naramdaman.

  • Hunyo 24, 2018 - Napansin ni Mang Joseph na nangingitim si Ar-jay. Ginigising niya ang kanyang anak, ngunit tila wala nang malay kaya isinugod niya ito sa ospital. Pagdating doon ni Aling Annalyn, naabutan niya si Ar-jay na nakaratay sa pediatric ward. Si MangJoseph ang nagpa-pump ng ambu-bag para tulungang makahinga si Ar-jay na sa panahong ‘yun ay nangingitim na. Napakataas ng kanyang lagnat at mataas din ang kanyang blood pressure. Nang araw na ‘yun ay pumanaw si Ar-jay.


Narito ang pahayag ng mag-asawang Llantero sa pagkamatay ng kanilang anak:


“Siya ay malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at ayaw umabsent sa eskuwela, kaya napakasakit para sa amin ang pagpanaw ni Ar-Jay. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago siya maturukan ay napakalusog naman niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Ang pagdududa naming ito ay lalong tumibay nang ilagay ng doktor na si Ar-jay ay na-diagnose na mayroong Koch’s Pneumonia, Right Pleural Effusion, Consolidation, Status Post Dengvaxia Vaccine.”

Ayon pa kina G. at Gng. Llantero, ang masayahing bata na si Ar-jay ay nangarap maging pulis. Hindi lamang diumano ito pansarili, sapagkat ito ay naisip ni Ar-jay na isang paraan upang maiahon niya ang kanyang pamilya sa kahirapan. Kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division na hiningan ng tulong ng kanyang mga magulang ay sumasaludo kay Ar-jay sa kanyang kagitingan at kabutihan ng puso. Kasabay ng pagsaludo naming ito ang pangako na sa abot ng aming makakaya ay ipaglalaban namin ang kanyang kaso sa legal na proseso hanggang ang tagumpay ay matamo.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page