top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

SA OSPITAL AT LUMABAS ANG DUGO SA ILONG AT BIBIG BAGO NAMATAY SA DENGVAXIA


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 15, 2021



isa sa mga karamdaman na kinatatakutan ng kabataan ay ang sakit na dengue. Kaya kabilang sa sektor na ito ng mga menor-de-edad sa lipunan na natuwa nang magkaroon ng inaakala nilang pagkakataon na maligtas at mapalaya sa kapahamakan na dulot ng nasabing karamdaman. Isa sa kanila si Ronald Sibayan, anak nina G. Ronaldo at Gng. Leonila Sibayan ng Valenzuela City. Ani Aling Leonila. “Hindi ko alam na magpapabakuna si Ronald. Umuwi siya at masayang ibinalita na hindi na raw siya magkakaroon ng dengue dahil nagpabakuna siya.” Sa kasamaang-palad, ang katuwaan ni Ronald ay nauwi sa matinding kalungkutan — hindi pa rin siya nakaligtas sa dengue at maagang kamatayan.


Si Ronald ay 11-anyos nang binawian ng buhay noong Setyembre 15, 2018. Siya ang ika-85 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Ronald ay naturukan ng Dengvaxia ng isang beses noong Nobyembre 2, 2017 sa kanilang barangay health center. Mariing sinabi ng kanyang mga magulang, “Dahil hindi siya sakitin, kahit ano’ng antibiotics ay hindi pa naipapasok sa kanyang katawan, ganu’n kalusog ang aming anak.” Sa kabila nito, matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna, biglang nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Sa iba’t ibang petsa ng Enero, Abril, Mayo, Hunyo at Setyembre 2018, narito ang ilan sa mga detalye ng mga hirap na pinagdaanan ng murang katawan ni Ronald bago siya pumanaw:


  • Enero 2018 - Madalas sumakit at mangalay ang kanyang mga kamay at kasukasuan. Sumasakit din ang kanyang ulo, dumidilim ang kanyang paningin at siya ay nahihilo. Pabalik-balik ang pananakit at pangangalay ng kanyang mga kamay at kasukasuan sa mga sumunod na buwan. Dumidilim din diumano ang paningin niya sa blackboard ng kanilang eskuwelahan.

  • Abril 30 at Mayo 1, 2018 - Nagkalagnat siya. Dahil hindi bumababa ang lagnat niya kahit pinainom siya ng paracetamol, siya ay isinugod sa isang ospital sa Valenzuela City noong Mayo 1, 2018. Ayon sa mga doktor, si Ronald ay may urinary tract infection (UTI). Bumuti naman ang kanyang kalagayan kaya pinauwi na rin siya noong Mayo 5, 2018.

  • Hunyo 2018 (unang linggo) - Sumasakit na naman ang kanyang kasukasuan, nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.

  • Setyembre 9, 2018 - Muling nagkalagnat si Ronald. Pinainom siya ng paracetamol, subalit walang naging magandang epekto ito sa lagnat niya.

  • Setyembre 11, 2018 - Isinugod siyang muli sa ospital at napag-alamang siya ay may dengue infection. Anang kanyang mga magulang, “Sinabihan kami ng doktor na iuwi muna siya dahil 160 pa raw ang kanyang platelet count at isa pa, tatluhan sa isang kama ang admission ng nasabing ospital, kaya siya ay aming iniuwi. Subalit, hindi nawala ang kanyang lagnat sa magdamag kaya siya ay ibinalik namin sa ospital. Dahil bumaba sa 130 ang platelet count niya, tuluyan na siyang in-admit ng nasabing ospital.”

  • Setyembre 14, 2018 - Lumubha ang kanyang kalagayan. Siya ay hindi na makakain at hirap na ring huminga. Pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, nagwala na si Ronald at gustong alisin ang mga nakakabit na aparato sa kanyang katawan. Itatali na rin sana siya dahil sa walang-humpay na pagwawala, subalit bigla siyang lumupaypay at nawalan ng malay. Ito ay matapos ding diinan ng nars ang nakakabit na oxygen mask kay Ronald. Noong bahagya siyang nakarekober, siya ay in-intubate. May mga lumabas din na dugo sa ilong at bibig niya. Iba’t ibang mga proseso na ang ginawa ng mga doktor upang maisalba ang kanyang buhay, ngunit naging kritikal ang kanyang kalagayan pagkatapos noon.

  • Setyembre 15, 2018 - Pagsapit ng ala-1:00 ng madaling-araw, sinalinan ng dugo si Ronald. Hindi ito natapos dahil nag-agaw buhay siya. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit tuluyan na siyang pumanaw.


Sa kaso ni Ronald, nangyari na naman ang kawalan ng informed consent. Anang kanyang mga magulang, “Ang aming anak ay tinurukan ng Dengvaxia nang hindi namin alam, maliban lamang nang sabihin niya na ito pagkatapos niyang maturukan.” Kaya mistula na namang inilagay ng mga awtoridad sa mga kamay ng isang menor-de-edad ang pagpapasya sa napakaseryosong bagay na may kinalaman sa kanyang kalusugan. Ang pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia nang walang pahintulot ng kanyang mga magulang ang pinaniniwalaan ng mga huli na tila naging mitsa ng maaga niyang kamatayan. Anila, “Kung hindi nabakunahan si Ronald ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi nang agaran niyang pagkamatay. Kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak.”


Pananagutan sa kapabayaan — ito ang ipinaglalaban ng pamilya Sibayan at idinulog sa aming tanggapan. Alinsunod sa kautusan ng dating Secretary of Justice noong Disyembre 2017, ang inyong lingkod, mga kasamang public attorneys, forensic doctors at staff ay agarang tumugon sa kanilang pangangailangan at patuloy na gumagawa ng karampatang aksiyong legal upang maghari ang hustisya sa bawat daing ng mga magulang at biktimang kabataan ayon sa mga nakatakda sa batas at regulasyon. Inaasahan namin na ang nabanggit na kapabayaan ay papanagutan —sa tamang panahon— sa harap ng hukuman.

 
 

walang makita, dinanas ng 12-anyos bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 08, 2021



Sa mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine na hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), muling napatutunayan ang kahalagahan ng kredibilidad, propesyonalismo at katapatan sa tungkulin, lalo na sa mga kliyente na humihingi ng tulong at serbisyo. Kapag nabahiran ang mga ito ng pagdududa, hindi masisisi ang naturang mga kliyente kung maghanap sila ng mapagkakatiwalaan at makakasama nila sa laban nang may buong katapatan, kagalingan at kagitingan upang mapalabas ang katotohanan at matamo ang katarungan. Kabilang sa nabanggit na mga kliyente si Gng. Marites Sedilla ng Zambales, ina ng yumaong si Venus Sedilla. Ani Gng. Sedilla:


“Sinabihan ako ng doktor na maaaring meningococcemia ang ikinamatay ng aking anak at kailangang ma-cremate at ilibing siya kinabukasan. Dahil nakakahawa diumano ang sanhi ng pagkamatay niya, kanilang isasara ang ospital para i-disinfect at patayin ang virus na maaaring manggaling sa aking anak. Subalit hindi naman nila isinara ang nasabing health unit sa mga sumunod na autopsy ng mga doktor ng Department of Health (DOH). Dahil palaisipan sa akin ang sanhi ng karamdaman ni Venus at kahit na-autopsy na siya ng DOH, napagdesisyunan kong humingi ng tulong legal kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta at upang isailalim muli sa Forensic Examination ang mga labi niya para malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.”

Si Venus, 12, ay binawian ng buhay noong Marso 30, 2018. Siya ang ika-84 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Venus ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Marso 29, 2016, pangalawa noong Nobyembre 7, 2016 at pangatlo noong Hunyo 29, 2017 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang ina, “Si Venus ay masayahin, masigla at malusog na bata. Siya ay hindi nagka-dengue. Hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa na-ospital bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.” Subalit, ani Gng. Sedilla, matapos maturukan si Venus ng nasabing bakuna, biglang nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Noong 2018, mula Enero hanggang Marso, naganap ang trahedya sa buhay ng pamilya Sedilla nang magkaroon ng iba’t ibang sintomas si Venus ng malubhang karamdaman na nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:


  • Enero 2018 - Labis ang dugo na lumabas kay Venus noong siya ay dinatnan ng buwanang dalaw, nakakagamit siya ng halos 20 pirasong pads kada araw. Nagtagal ang kanyang buwanang dalaw ng apat na araw. Nangingitim na animo’y luto ang dugong lumabas mula kay Venus.

  • Pebrero 5, 2018 - Sumakit ang kanyang dibdib, sikmura at nahirapan din siyang huminga. Dinala si Venus sa isang health unit sa Zambales, sinuri at niresetahan siya ng gamot. Gayunman, pabalik-balik ang kanyang lagnat sa loob ng limang araw.

  • Marso 2018, ikatlong linggo - May rashes na kumalat sa buo niyang katawan. Ang mga ito ay anyong pinaso ng sigarilyo.

  • Marso 28, 2018 - May mga lumalabas na bulutong tubig sa kanyang noo, leeg at kamay. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo at paninikip ng dibdib. Madalas niyang inirereklamo ang mga ito.

  • Marso 29, 2018 - Kumalat ang bulutong tubig sa kanyang mukha. Ani Gng. Sedilla, may mga namamahay na dugo sa bulutong tubig ng kanyang anak at sa tuwing napipisa, may lumalabas na dugo. Nagkalagnat na rin si Venus.

  • Marso 30, 2018, alas-5:30 ng hapon - Walang tigil ang paglabas ng dugo sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Siya ay nagsusuka at umiihi ng dugo, nagdurugo rin ang kanyang ilong at gilagid. Isinugod si Venus sa isang health center, matapos siyang resetahan ng gamot ay pinauwi sila sa kabila ng pagpupumilit ni Gng. Sedilla na i-admit sa center si Venus. Pagkalipas ng dalawang oras, habang sila ay nasa bahay, nagsabi siya sa kanyang ina na wala siyang makita at siya ay nagduduwal. Labis din ang paninikip ng kanyang dibdib, kaya agad siyang isinugod sa center, subalit hindi na siya umabot ng buhay. Sinubukan pa siyang i-revive ng doktor, ngunit pumanaw na talaga si Venus.

Bukod sa hirap na pinagdaanan ni Venus bago bawian ng buhay, hindi rin maiwasan ni Gng. Sedilla na maalala ang ilang mga pangyayari na nagbibigay ng karagdagang hapdi at bigat sa kanyang kalooban. Aniya, “Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aking anak. Hindi rin inasistihan ng isang doktor ang pagtuturok sa kanya ng nasabing bakuna.” Inamin din niya na hindi siya sang-ayon sa naganap na pagtuturok ng naturang bakuna. Pagtatapat niya, “Ang katotohanan, mismong anak ko ang pumirma ng consent form para maturukan siya ng Dengvaxia.”


Si Gng. Sedilla, ang ina na hindi nabigyan ng sapat na impormasyon at tulong; ang yumaong si Venus naman ang anak na sa murang edad ay may kakulangan sa kakayahang magkaroon ng matalinong pagpapasya. Ang naging bunga nito ay nauwi sa trahedya na maaaring hindi na mapawi sa puso at gunita ng mga Sedilla. Sa abot ng aming makakaya sa PAO, sa kasong inilapit ni Gng. Sedilla, patuloy kaming nagpupunyagi sa laban sa hukuman, hindi lamang upang makamit ang katarungan kundi upang ang mga katulad na pangyayari ay hindi na maulit pa sa ating kasaysayan.

 
 

at nagkapantal pagkamatay


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 1, 2021


Taong 2017, bumulaga sa sambayanang Pilipino ang Senate Blue Ribbon Hearing sa pangunguna ng Chairman nito na si Senator Richard “Dick” Gordon, kung saan tumambad ang mga ebidensiya na nagkaroon ng mass indiscriminate inoculation without screening and blood test sa mga batang edad 9-12 mula noong taong 2016. Naganap ang trahedyang ito sa Gitnang Luzon (Regions 3), Calabarzon (Region 4-A), Metro Manila at Cebu (Region 7).


Noong Nobyembre 2017, lalong bumigat ang ebidensiya ng nag-presscon ang Sanofi Pasteur na gumawa ng bagong bakuna na hindi pala ito inirerekomenda sa mga hindi pa nagkaka-dengue o ‘seronegatives’. Ang screening ay mahalaga para hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga biktima.


Walang informed consent dahil hindi rin ipinaalam sa mga magulang at tinurukan na may apat na identified and expected risk ang naturang pagtuturok ayon sa deklarasyon ng Sanofi sa Food and Drugs Administration.


Dahil sa nasabing pag-iimbestiga ng Senate Blue Ribbon hearing, lumipas ang ilang buwan at ipinatigil ang pagtuturok na naging dahilan ng pagsasampa ng mga kaso na may kinalaman sa Dengvaxia na aming hinahawakan sa Public Attorney’s Office (PAO) alinsunod sa Department of Justice Order noong Disyembre 14, 2017.


May mga magulang ng mga biktima na nakararamdam na sa halip na maliwanagan sa sinapit ng kanilang anak, tila naliligaw o nadaragdagan pa ng kaguluhan ang kanilang isipan sa ibinibigay na paliwanag sa ospital kung saan dinala ang kanilang anak upang malunasan ang iniindang karamdaman. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Reynante at Gng. Virginia Eustaquio ng Parañaque City. Anila, “Ilang sandali lamang matapos pumanaw ang aming anak, sinabihan kami ng doktor na leptospirosis ang sanhi ng kanyang pagpanaw. Hindi kami makapaniwala sa sinabing sakit ng aming anak dahil sa kabuuan ng inilagi namin sa nasabing ospital ay hindi nabanggit ng mga doktor ang nasabing sakit ng aming anak. Wala rin kaming napansing sugat at hindi siya lumusong sa baha na maaaring maging sanhi ng nasabing sakit.”


Ang nabanggit na anak nina G. at Gng. Eustaquio ay si Maribel Eustaquio, 18, na binawian ng buhay noong Agosto 30, 2018. Siya ang ika-83 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Maribel ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Agosto 2016 sa kanyang dating paaralan sa Parañaque City at pangalawa noong Nobyembre 16, 2017 sa kanilang barangay health center. Ibinahagi ni Gng. Eustaquio ang insidente ng pagkakabakuna sa kanilang anak:


“Noong una ay ayaw kong pumayag na mabakunahan siya ng Dengvaxia, subalit sinabi niya na kailangan siyang mabakunahan, base na rin sa direktiba ng mga guro sa kanyang paaralan. Hinggil sa nasabing pangalawang bakuna niya kontra dengue, bilang miyembro ng 4Ps ay inobliga akong pabakunahan ng Dengvaxia ang aming anak.”

Noong Disyembre 16 o 17, 2017, unang nagreklamo ng pananakit ng ulo at puson si Maribel. Kinagabihan ay nagtae rin siya ng dugo, pero bumuti ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na buwan ngunit siya ay nagkapasa. Madalas din siyang naduduwal at nag-umpisang mawalan ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pangangayayat. Pagdating ng 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, naging kritikal ang kanyang kalagayan at humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga detalye sa nangyari kay Maribel:


  • Mayo 2018 - Muling sumakit ang kanyang puson at hirap siyang umihi. Pabalik-balik na rin ang pananakit ng kanyang ulo.

  • Hunyo 25, 2018 - Mas kapansin-pansin ang kanyang kawalan ng ganang kumain. Lalo siyang pumayat at tumamlay, madali rin siyang mapagod at nagpatuloy ang mga ito sa mga sumunod na buwan.

  • Agosto 26, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo at tiyan, pagsusuka, pagtatae at hirap sa paghinga.

  • Agosto 27, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila. Ayon sa mga doktor, siya ay may UTI, niresetahan siya ng mga gamot at sinabihan sila na maaari na siyang iuwi. Nagpumilit ang mag-asawang Eustaquio na i-admit si Maribel, ngunit wala silang nagawa kaya siya ay inuwi na. Napakataas pa rin ng lagnat ni Maribel. Pagkainom niya ng niresetang gamot, mas hirap na siyang huminga at siya ay hinihingal.

  • Agosto 29, 2018 - Isinugod siyang muli sa isang ospital sa Las Piñas. Mataas ang lagnat niya, nahihilo at ayon sa kanya ay parang kinakain ang kanyang laman. Madilaw din ang kanyang mga mata, namamanas ang mga paa at nangingitim ang kanyang labi. Sa pagdaan ng siyam na oras, hindi pa rin siya nakakaihi at ayon sa kanyang tiyahin, nang magpatulong si Maribel upang umihi ay hindi na siya makalakad at makatayo nang maayos hanggang siya ay natumba. Hindi rin diumano inaksiyunan ng mga nars ang hiling ng kanyang tiyahin noong magpasaklolo ito hinggil sa pangingitim ng mga labi ni Maribel.

  • Agosto 30, 2018 - Dahil nasa emergency room pa at hirap na hirap na si Maribel, nakiusap ang kanyang mga magulang na ilipat siya sa isang kuwarto, ngunit sinabihan sila ng doktor na ilipat na lang siya sa ibang ospital kung gugustuhin nila. Alas-6:00 ng hapon, inilipat siya sa ICU at nagreklamo siya ng labis na hirap sa paghinga. Kinabitan din siya ng catheter upang matulungan sa kanyang pag-ihi, subalit wala pa ring lumalabas na ihi sa kanya. Pagsapit ng alas-8:30 ng gabi, hindi na niya maigalaw ang itaas na bahagi ng kanyang katawan. Nang mag-agaw buhay na siya, kinabitan siya ng ambu-bag at sinubukang i-revive. Habang ginagawa ang mga ‘yun, bumulwak ang dugo sa bibig niya hanggang sa tuluyan na siyang pumanaw. Napansin ng kanyang mga magulang ang mga pantal na nagsilabasan sa kanyang buong katawan.


Sa pagkamatay ni Maribel, ang nakapagpabigat pa sa pinagdadaanan ng kanyang pamilya ay ang naging karanasan nila sa ospital. Anila, “Marami silang trabaho subalit kinakailangan lamang bigyan nila ng pansin ang mga pasyente nang maayos. Hindi ‘yung kapag humihingi kami ng tulong sa kanila ay sinasabihan pa nila kami na sila raw ang doktor at hindi kami.”


Ang mga nabanggit ang nagdala sa kanila sa aming Tanggapan upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Maribel. Sa abot ng aming makakaya, ipaglalaban namin ang hustisya na nararapat sa kanila. Hustisya na hanggang ngayon ay patuloy na ipinaglalaban ng inyong lingkod kasama ang mga piling abogado ng aming tanggapan upang makamit ng mga biktima at kanilang pamilya. Makakaasa ang mga pamilyang ito na hindi kami titigil hanggang hindi napapanagot sa batas ng tao ang mga may kagagawan ng krimeng ito.


Ang panalangin ng nakararaming Pilipino, Samahan ng Mga Magulang Anak ay Biktima ng Dengvaxia (SMBAD) at kami sa PAO ay huwag na sanang maulit ang health disaster na ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page