top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

nagka-Pneumonia, nag-nose bleed at nagsuka ng dugo bago namatay sa bakuna



ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 17, 2021



Nagsampa ng dagdag na magkakahiwalay na 16 kaso sibil ang 16 magulang ng mga namatay na biktima noong Miyerkules sa Quezon City Regional Trial Court. Kaugnay nito, may 66 para sa patay at 2 survivors ang naunang isinampa sa tulong ng Special Panel of Public Attorneys.

Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming Tanggapan, may mga magulang na hindi na natapos sa pag-aalala sa maaaring sapitin ng kanilang mga anak. Tila isang mahabang kalbaryo ang tinatahak nila habang pasan sa kanilang mga balikat ang bigat ng pagdurusa sa namatay nilang anak na naturukan ng Dengvaxia, ganundin ang pagkabahala sa maaaring sapitin na trahedya ng iba pa nilang mga anak na vaccinees.


Ganito ang pinagdaraanan nina G. Angelito Amiel R. Panugan, Sr. at Gng. Anecita R. Cristobal ng Las Piñas City, mga magulang ng yumaong si Angelito Amiel Panugan, Jr. at nina Rhinjay at Christine Joy Panugan. Tatlong anak kasi nila ang naturukan ng Dengvaxia at isa rito ay yumao na.


Si Angelito Amiel, 16, ay binawian ng buhay noong Setyembre 21, 2018. Siya ang ika-93 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Narito ang bahagi ng salaysay nina G. at Gng. Panugan hinggil sa pagkakabakuna kay Angelito Amiel at dalawa pa nilang mga anak:


“Si Angelito ay naturukan ng bakuna kontra dengue noong Agosto 2017 sa klinika ng kanyang paaralan. Ang nasabing pagtuturok ay nasaksihan ng aming anak na si Rhinjay C. Panugan ay isang beses naturukan ng Dengvaxia sa klinika ng kanyang paaralan.


Ang isa pa naming anak na si Christine Joy Panugan ay tatlong beses naturukan ng nasabing bakuna.”


Nagsimula ang pagbabago sa kalusugan ng dati ay masayahin, masigla at malusog na si Angelito Amiel noong Hunyo 19, 2018. Galing siya noon sa simbahan nang magreklamo siya ng pananakit ng ulo at hindi na rin siya makalakad dahil masakit ang kanyang mga paa. Siya ay nagreklamo rin ng hirap sa paghinga. Dahil dito, isinugod siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Las Piñas City at nakita na mataas ang creatinine level niya kaya siya ay isinailalim sa emergency dialysis. Siya ay na-confine hanggang Hunyo 21, 2018. Sa mga araw na ‘yun ay nanghina, nagkalagnat at nagsusuka siya. Patuloy din niyang inirereklamo ang pananakit ng kanyang kaliwang paa.


Makalipas ang ilang panahon, dahil nabunot ang catheter para sa dialysis na nakakabit sa leeg ni Angelito Amiel, siya ay ibinalik sa pinagdalhang ospital sa kanya sa Las Piñas City. Hindi pa rin siya makatayo, siya ay nagkalagnat, nagreklamo ng pananakit ng kanyang tagiliran at nagsusuka.


Nawalan din siya ng ganang kumain. Bago ang sana’y paglabas ni Angelito Amiel ng ospital ay nagka-pneumonia siya, kaya hindi ito natuloy. Hirap din siyang makahinga kaya kinabitan siya ng oxygen. Matapos humupa ng kanyang lagnat, siya ay nakalabas din ng ospital. Sa mga sumunod na linggo ay patuloy pa rin ang dialysis niya na ginagawa ng dalawang beses kada linggo.


Pagdating ng Setyembre 2018, lumubha ang kalagayan ni Angelito Amiel hanggang sa bawian siya ng buhay. Narito ang kaugnay na mga detalye:


  • Setyembre 17 - Hindi na naman siya makalakad. Muling lumabas ang dugo sa ilong at bibig niya.

  • Setyembre 19-21 - Nagsuka siya ng dugo, kaya muli siyang dinala sa ospital sa Las Piñas City. Hirap siyang huminga at nagreklamo na mainit ang kanyang pakiramdam.

  • Hindi bumuti ang kanyang kalusugan sa mga sumunod na araw. Hindi rin tumitigil ang pagdurugo ng kanyang ilong at pagsusuka ng dugo at palagi niyang inirereklamo ang pananakit ng kanyang kaliwang paa.

  • Setyembre 21 - Alas-12:30 ng tanghali, nawalan siya ng boses. Tumirik din ang kanyang mga mata at naghabol siya ng paghinga. Nag-agaw buhay siya at sinubukang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng ala-1:00 ng hapon ay tuluyan siyang pumanaw.


Anang mag-asawang Panugan:

“Napakasakit para sa aming mag-asawa ng biglaang pagpanaw ni Angelito Amiel. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia — na dapat ay magbibigay sa kanya ng proteksiyon— biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Hindi namin akalain na ito ang magiging ugat ng kanyang maagang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak bago siya dapuan ng sakit na kumitil ng kanyang buhay sa murang edad.”


Idinulog ng mag-asawang Panugan ang kaso ni Angelito Amiel sa aming tanggapan.


Bagama’t natapos na ang forensic services na hiniling nila at naisagawa na ng PAO Forensic Team, tuluy-tuloy pa rin ang serbisyong legal na ibinibigay ng inyong lingkod at kasamang mga abogado sa kaso ni Angelito Amiel. Hindi lamang ang alalahanin sa isang anghel na ito ang nagpapahirap sa kalooban nila G. at Gng. Panugan. Anila:


“Sa ngayon ay iniisip pa namin ang dalawa pa naming anak na nabakunahan din ng parehong bakuna. Sa araw-araw na dumaraan na nakakaramdam ng pagkahilo ang aming dalawa pang anak, nababahala kami na maaaring mangyari muli sa kanila ang nangyari kay Angelito Amiel. Lubha itong nagdudulot sa amin ng alalahanin.”


Para sa tatlong mga anghel na nabanggit ang laban ng aming Tanggapan na pangkatarungan para sa pamilya Panugan!


 
 

Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 10, 2021



Ang pangalang “Emmanuel” ay may kahulugan na “Ang Dios ay sumasaatin”. Sa buwan ng taglamig o Disyembre, nagugunita ang batang si Emmanuel o si “Jesus” na isinilang sa hamak na sabsaban. Ngunit may mga magulang na may mga alaala tungkol sa pumanaw nilang mga anak na habambuhay nang magmamarka sa kanilang isipan. Ang mga gunitang ito ay kaugnay sa higit pang pahirap sa katawan at damdamin na sinapit ng nasabing mga yumao nang ang mga ito ay pilit na inaagaw ang mga sandali upang maidugtong sa kanilang mga buhay. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Gualberto at Gng. Theresa Lirazan ng Makati City. Anila,

“Isang taon matapos maturukan ng bakuna kontra dengue si Emmanuel o noong Agosto 2018 nang magreklamo siya na palaging mainit ang kanyang nararamdaman kaya madalas gusto niyang maligo. Pitong araw siyang tulog, subalit nakikita lamang naming lumuluha siya habang nakapikit.”


Ang nabanggit na bata ay si Emmanuel Lirazan, 11-anyos na binawian ng buhay noong Setyembre 30, 2018. Siya ang ika-92 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Emmanuel ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 18, 2017 sa isang health center sa Makati City. Ayon kina G. at Gng. Lirazan si Emmanuel, “Kailanman ay hindi nagkaroon ng malalang karamdaman at naospital maliban na lamang nitong kamakailan. Ngunit matapos siyang mabakunahan ng kontra dengue ay nagbago ang kanyang kalusugan.” Ang detalye nito na nangyari noong Agosto 2018 ay nakasulat sa itaas. Noong Setyembre 10, 2018, nagreklamo ng pananakit ng lalamunan si Emmanuel. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center. Ayon sa doktor, siya ay mayroong tonsillitis kaya niresetahan siya ng Co-Amoxiclav.


Bumili at pinainom siya nito at nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Emmanuel sa mga sumunod na mga araw na ito ng Setyembre 2018:


  • Setyembre 11 - Alas-4:00 ng madaling-araw, nagreklamo siya ng paninikip ng dibdib at naulit ito ng alas-8:30 ng umaga. May lagnat siya kaya dinala siya sa isang ospital sa Makati City. Siya ay pinakalma ng doktor at binigyan ng gamot na pampahupa ng mabilis na tibok ng puso dahil nakaranas siya ng palpitations. Ayon sa doktor, siya ay may severe tonsillitis. Ginawan sila ng referral para sa isa pang ospital sa Makati City; kapag naulit diumano ang paninikip ng kanyang dibdib ay kinakailangang madala siya sa nasabing ospital.

  • Setyembre 13 - Alas-3:00 ng hapon, muling nanikip ang kanyang dibdib at dinala siya sa ospital na binanggit sa referral ng naunang ospital na pinagdalhan sa kanya. Sa nasabing ospital, siya ay sinuri at niresetahan ng gamot at pinauwi rin. Bandang alas-10:00 ng gabi, nagsuka si Emmanuel. Isinakay siya ng ambulansiya at pitong beses pa ulit siyang nagsuka ng kulay itim. Nakaramdam din siya ng pananakit ng sikmura.

  • Setyembre 14 - Na-admit siya sa isang ospital sa Makati. Pagkalipas ng limang oras, pinauwi rin sila; may acid reflux lang diumano siya. Sa kanilang bahay, naramdaman ng kanyang mga magulang na malamig ang kanyang katawan. Siya ay uhaw na uhaw at palaging gustong uminom ng tubig. Hindi rin siya makatulog nang nakahiga na patag sa higaan at siya ay parang nalulunod ang pakiramdam.


Narito ang ilan pa sa mga naranasan ni Emmanuel bago siya iginupo ng kanyang mga naging karamdaman at tuluyang namatay:


  • Setyembre 15 - Sumakit ang kanyang tiyan. Gusto niyang dumumi, pero wala siyang mailabas. Dalawang araw na siyang hindi makadumi, kaya isinugod muli siya sa isang ospital sa Makati at nabigyan siya ng gamot para rito. Nakadumi naman siya, ngunit kulay itim) at bumagsak ang kanyang blood pressure. Laking-gulat ng kanyang mga magulang nang sabihin ng doktor na kritikal na kanyang lagay dahil may stage 5 dengue infection umano siya. Siya ay in-intubate at dahil hindi siya tumitigil sa pagwawala, tinurukan siya ng pampakalma. Nawalan siya ng malay at nangyari ang nakasulat sa itaas tungkol sa pitong araw niyang pagkakatulog.

  • Setyembre 21 at 22 - May lumabas na dugo sa kanyang tainga. Kinabukasan na niya muling naidilat ang kanyang mga mata.

  • Setyembre 25 - Pabalik-balik ang kanyang lagnat. Matapos siyang suriin ng doktor, tumaas naman ang kanyang platelet count. Gayundin, siya ay nakaihi at nakadumi. Natuwa ang kanyang mga magulang dahil tumaas na ang kanyang platelet count. Kinabukasan, laking-gulat nila nang sabihan sila na kritikal na ang kondisyon ni Emmanuel.

  • Setyembre 29 at 30 - Ayon sa doktor, puno na ng tubig ang kaliwang baga niya. Muling bumagsak ang kanyang platelet count at hindi na siya makaihi. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at tuluyan siyang pumanaw noong Setyembre 30, 2018. Anang mag-asawang Lirazan, “Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia, na dapat ay magbibigay sa kanya ng proteksiyon, bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang maagang kamatayan.”


“Napakasakit para sa aming mag-asawa ng biglang pagpanaw ng aming anak. Malambing siya at kahit nasa ika-anim na baytang na siya ay nagpapakandong pa sa amin. Pero ngayon, nawala na ang aming bunsong anak,” hinagpis pa nila na ramdam na ramdam namin ang tila sariwa pang mga sugat na iniwan sa kanila ng pagyao ng pinakamamahal nilang si Emmanuel.


Ano nga ba ang maibibigay natin sa mga magulang na sobrang nami-miss at hinahanap ang paglalambing ng kanilang yumaong anak? Wala tayong maaaring maibigay sa kanila kundi ang katarungan na nararapat para sa kanilang yumaong mahal sa buhay. Nawa ay maibsan nito ang pait na dulot ng katotohanan na ang hiling nilang lambing mula mismo kay Emmanuel ay hinding-hindi na magkakaroon ng katuparan sa buhay na ito.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 03, 2021



Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hinahawakan namin, may mga magulang at iba pang mga mahal sa buhay ng mga naturukan ng nasabing bakuna na aminadong ang naturang vaccinees ay nagkaroon na noon ng karamdaman. Gayunman, hindi ‘yun humantong sa kritikal na kalagayan — sa katunayan, ito ay nalunasan. Isa sa kanila si John Paul Dumaplin, anak nina G. Nelson at Gng. Gloria Dumaplin ng Laguna. Ayon kina G. at Gng. Dumaplin,

“Noong una siyang nagkasakit, binigyan lamang ng Gatorade at K-Lyte at bumuti na ang kanyang kalagayan. Subalit nang dahil sa Dengvaxia vaccine na naiturok sa kanya ay nawala siya sa amin.”


Si John Paul, 13, binawian ng buhay noong Setyembre 26, 2018. Siya ang ika-91 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si John Paul ay naturukan ng Dengvaxia ng dalawang beses; una noong Abril 19, 2016, at pangalawa noong Nobyembre 22, 2016 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, bago pa man maturukan ng nasabing bakuna si John Paul ay hindi pa siya naospital bukod na lamang noong Enero 2015 nang ma-confine siya sa isang ospital sa Batangas dahil mababa diumano ang kanyang potassium level na naging sanhi ng kanyang pagka-paralyze. Siya ay niresetahan noon ng K-Lyte na gamot. Pagkatapos ng isang linggo, sinabihan sila ng doktor na maaari nang umuwi ng bahay. Anila G. at Gng. Dumaplin,

“Ang aming anak na si John Paul ay isang masayahin, masigla at malusog na bata. Kailangan lang naming i-monitor ang kanyang potassium level. Hindi na rin siya muling naospital pagkatapos maospital noong 2015. Ngunit matapos siyang mabakunahan ng kontra-dengue ay nagbago ang kanyang nararamdaman at naging madalas nang mababa ang kanyang potassium level.”


Noong Hunyo 2018, na-paralyze si John Paul. Hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan. Bumubuti naman ang kanyang kalagayan pagkatapos niyang uminom ng Gatorade at K-Lyte na gamot. Subalit naging pabalik-balik ang mga nasabing sintomas hanggang sa siya ay binawian ng buhay.


Dalawang araw ng Setyembre 2018 ang naging kritikal sa buhay ni John Paul. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Setyembre 25 - Nakaramdam si John Paul ng sobrang pag-init sa katawan. Gusto niyang maligo at punasan ng malamig na tubig ang kanyang katawan. Nagreklamo rin siya ng pananakit sa tagiliran, ulo at tiyan, at siya ay nagsuka. May mga pasa rin sa kanyang hita. Pagsapit ng hatinggabi ng nasabing araw, muli siyang na-paralyze. Isinugod siya sa isang ospital sa Cabuyao City kung saan sinuri ang kanyang dugo at nakitang mababa ang kanyang potassium level. Kailangan siyang i-confine sa Intensive Care Unit (ICU). Dahil walang ICU ang nasabing ospital, inilipat siya sa isang ospital sa Batangas City. Siya ay nanatili sa emergency room dahil walang available na kama sa ICU.

  • Setyembre 26 - Hindi na siya makapagsalita. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri gaya ng Electrocardiogram (ECG). Alas-11:00 ng umaga, siya naipasok sa ICU at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, tumirik ang kanyang mga mata. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, nahihirapan na siyang huminga at naging kritikal na siya. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, tuluyan nang pumanaw si John Paul. Narito ang bahagi ng salaysay nina G. at Gng. Dumaplin sa sinapit na trahedya ng kanilang anak:

“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia vaccine kay John Paul at sa iba pang mga bata. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aming anak. Kung hindi nabakunahan si John Paul, nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi nang agaran niyang pagkamatay. Kaya kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak. Nakakatulong siya sa amin sa araw-araw na gawain kaya nakakalungkot para sa amin nawala na lamang siya nang ganu’n.”


Hindi maitatakwil ang labis na paghihirap ni John Paul bago siya bawian ng buhay. Anang kanyang mga magulang, “Mabait siyang bata ngunit nang siya ay may sakit ay nakakapagmura siya kapag siya ay nahahawakan dala ng matindings sakit sa katawan na kanyang nararanasan.” Ang kalagayang ito at iba pang paghihirap na dinanas ni John Paul ang higit pang nagpapabigat sa dibdib nina G. at Gng. Dumaplin na iniinda nila hanggang ngayon.


Ang aming tulong legal sa PAO at forensic services ng PAO Forensic Team na kanilang hiniling ay ibinigay namin. Patuloy din ang aming pagpupunyagi na makamit ang katarungan para kay John Paul. Nawa ang mga ito ay makagaan sa kanilang pasanin hanggang sa aming matamo ang hustisyang nararapat para sa kanilang pinakamamahal na yumaong panganay na anak.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page