top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

sa Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 18, 2022


May mga magulang na nabiyayaan ng well-rounded na mga anak. Sila ay maraming nalalaman, hindi lamang sa academics kundi sa iba pang mga bagay, tulad ng sports at music. Mapalad ang mag-asawang John Michael at Sherly Mitra ng Laguna sa pagkakaroon ng ganitong klaseng anak, sa katauhan ni Lance Allen Mitra. Brawn and brains ang kumbinasyong kapuri-puri na nasa kanya. Ang pisikal na lakas at talino ni Lance Allen ay ipinagmamalaki nina G. at Gng. Mitra, “Ang aming anak ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay atleta at aktibong kasapi sa football team ng kanilang paaralan. Gayunman, hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral, sapagkat siya ay honor student.”


Subalit may malungkot na karugtong ang sinabi nilang ito. Anang mag-asawa, nagbago ang estado ng kalusugan ng kanilang anak. Ito ay naganap matapos maturukan ng Dengvaxia si Lance Allen. Gayundin, siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Si Lance Allen, 12, namatay noong Nobyembre 24, 2018, ang ika-103 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Lance Allen ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia, una noong Hunyo 16, 2016, pangalawa noong Marso 2, 2017 at pangatlo noong Setyembre 7, 2017 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna, nagbago ang kanyang kalusugan.

Noong Agosto 2016, sumasakit ang kanyang ulo at siya rin ay nahihilo at nagsusuka.


Pabalik-balik ang nasabing karamdaman. Pinaiinom siya ng paracetamol at bumubuti naman ang kanyang pakiramdam. Noong Hunyo 2017, nanlalabo ang kanyang paningin at sumasakit ang kanyang tiyan, at hindi na siya nakakapasok sa paaralan. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan. Nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, lumubha ang kanyang kalagayan at humantong sa maagang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye mula Setyembre 2018:

  • Setyembre - Ipinasailalim siya sa magnetic resonance imaging (MRI); may nakitang cyst sa kanyang utak. Hindi na siya nakakapasok sa paaralan.

  • Oktubre - Nag-umpisa siyang mawalan ng ganang kumain; bumagsak ang kanyang katawan. Laging sumasakit ang kanyang ulo at napapadalas ang pagkakaroon ng lagnat tuwing madaling-araw. Tulog siya nang tulog, lalo na sa tuwing sumasakit ang kanyang ulo.

  • Nobyembre 16 - Muli siyang nagkalagnat na nawawala bago mag-umaga. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw. Nanikip din ang kanyang dibdib.

  • Nobyembre 19 - Nagsuka siya, sumakit ang tiyan, sumikip ang dibdib at nahirapang huminga. Nag-nebulize siya at kinabitan ng oxygen para matulungang makahinga.

  • Nobyembre 20 - Dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan, dinala siya sa isang clinic sa Alaminos, Laguna. Dahil sa kakulangan ng pasilidad doon, ni-refer sila sa isang ospital sa Batangas, ngunit walang bakante at dinala siya sa isang ospital sa San Pablo, Laguna kung saan na-admit siya nang alas-2:00 ng hapon. Isinailalim siya sa x-ray at ayon sa resulta, may pneumonia siya. Hirap siyang huminga at dumudura ng may dugo.

  • Nobyembre 21 - Inilipat siya sa ICU bandang ala-1:00 ng hapon. Hirap siyang huminga; bahagya namang lumuwag matapos siyang maturukan ng steroids.

  • Nobyembre 22 - Inilipat siya sa ward section ng ospital dahil bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan. Muli siyang nagreklamo ng paninikip ng dibdib. Bahagyang bumuti ito nang lumamig ang temperatura ng kanyang silid.

  • Nobyembre 24 - Sumikip ang kanyang dibdib, hirap siyang huminga at nagsusuka ng dugo. Sinabihan niya ang kanyang mga magulang na mahal na mahal niya ang mga ito. Nagkaroon siya ng rashes sa tiyan at alas-6:00 ng umaga, nagtae siya at naihian pa niya ang kanyang higaan. Dinala siya sa ICU, alas-8:00 ng umaga; nagwawala siya sa hirap ng kanyang kalagayan. Sinabi ng doktor na kailangan siyang itali upang mapigilan ang pagwawala niya at in-intubate rin siya. Bumaba na rin ang kanyang oxygen level. Siya ay tinurukan ng pampatulog. May ituturok ding pang-revive sa kanya, subalit tuluyan na siyang pumanaw.


Anang mag-asawang Mitra, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Masigla, aktibo at malusog siya, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang kanyang kalusugan. Papaanong ang isang atleta na hindi nababangko tuwing may laro ay biglang magkakaroon ng karamdaman na hindi alam kung saan ito nanggaling? Mula nang siya ay maturukan ng Dengvaxia, palagi siyang nasa ospital. Kung ano-anong gamot ang ibinigay sa kanya, subalit mas malakas pa rin ang epekto ng Dengvaxia vaccine sa kanya dahil hindi na siya gumaling. Pabalik-balik kami sa ospital at hirap na hirap na ang kalagayan niya. Namayat siya nang husto at lumaki ang kanyang tiyan. Naging kaawa-awa ang hitsura ng aming anak. Ang haba ng paghihirap niya bago sumuko ang kanyang murang katawan.”


Sadyang nasa katauhan ni Lance Allen ang diwa ng pagiging tunay na atleta. Lumaban talaga siya sa sakit na dumapo sa kanya hanggang sa bumigay ang kanyang murang katawan. Marami sa mga batang naturukan ng Dengvaxia ang tulad ni Lance Allen na naghirap nang husto para labanan ang dengue virus na naipasok sa kanila. Sinubukan talaga nilang kayanin at labanan ang lupit ng eksperimentong bakuna, subalit hindi nila kinaya at iginupo sila nito. Kaya naman ang aming tanggapan, sa harap ng maraming pagsubok sa pagharap sa mga higanteng katauhan na nasa likod ng nasabing bakuna ay patuloy na ipaglalaban ang kanilang kaso hanggang ang mailap na hustisya ay kanilang matamo.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 11, 2022


Walang duda na ang ating overseas Filipino workers (OFWs) ay itinuturing na mga bagong bayani ng bansa. Hindi nila alintana ang hirap at pagod sa ibayong-dagat, gayundin ang pangungulila sa mga naiwang mahal sa buhay. Malaki ang ambag ng kanilang mga sakripisyo sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng kanilang pamilya. Ngunit hindi sa lahat ng panahon, sila ang pinagmumulan ng nasabing kontribusyon para sa ating bayan; may mga sandaling sila ang kailangang kandiliin ng ating pamahalaan. Isa sa mga OFWs na nangangailangan ng pagkalinga ay si Gng. Melissa Niña B. Laurenciano ng Sorsogon, ina ni Angelo James Parejas, 15, bakunado ng Pfizer.


Narito ang ilan sa mga detalye na kaugnay sa nasabing pagbabakuna kay Angelo James, hango sa Judicial Affidavit ni Aling Melissa na may petsang Pebrero 21, 2022. Si Angelo James ay nabakunahan ng Pfizer noong Disyembre 21, 2021 at Enero 11, 2022. Ang pagbabakuna ay naganap noong una sa isang eskuwelahan sa Sorsogon at pangalawa sa isang plaza sa nasabi ring bayan. Ang kasama niya sa pagpapabakuna ay si Grace L. Delos Reyes, ate ni Aling Melissa dahil sa mga panahong ‘yun, ang huli ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Ngunit malayo man si Aling Melissa, nalaman at nakita niya ang epekto ng bakuna sa kanyang anak at isinalaysay niya na, “Nakita ko ang masamang epekto pagkatapos niyang mabakunahan ng Pfizer sa pamamagitan ng mga video call. Dahil dito, nagpasya akong umuwi ng Pilipinas para personal na makita at maalagaan ang aking anak.”


Ani Aling Melissa, nagsimulang magkaroon ng lagnat at pananakit ng ulo ang kanyang anak noong Enero 19, 2022, walong araw matapos ang second dose ng bakuna. Pinainom naman siya ng paracetamol ng kanyang ate, subalit hindi siya nawalan ng lagnat. Dahil dito, aniya, “Noong ika-23 ng Enero, sinabihan ko si Ate Grace na dalhin na sa ospital si Angelo James dahil nagsasalita siya mag-isa nang hindi maintindihan, nangingisay at nagha-hallucinate na habang kami ay magka-video call.”


Habang nasa naturang ospital si Angelo James, lumala diumano ito, kaya sinabihan ni Aling Melissa ang kanyang ate na iuwi na ang kanyang anak. Nawala aniya ang hallucinations nito, pero nangingisay pa rin at hindi nakakapagsalita, pero nakakakain na siya ng mga prutas at malalambot na pagkain. Naikuwento ni Aling Melissa ang sumunod na pangyayari:


“Noong ika-10 ng Pebrero, nahihirapan na siyang dumumi kaya pinabili ko si Ate Grace ng suppository at siya naman ay nakadumi. Kinagabihan, umiyak siya at tinuro ang tiyan niya nang tanungin ni Ate Grace kung ano ang masakit sa kanya. Sumasakit na rin ang kanyang mga paa at binti kaya nagpasya akong ipadala siya sa provincial hospital kinabukasan. Kitang-kita ko ang lahat ng paghihirap niya dahil magdamag ko siyang binantayan.”


Sa nasabing ospital, nagsimula na siyang magwala, mangagat at manakit. Hindi na rin siya nakakatulog kaya tinuturukan siya ng pampatulog. Noong Pebrero 11, sinuri siya ng mga doktor at sumailalim siya sa laboratory tests at x-ray.


Masakit na katotohanan ang nabatid sa naging resulta ng mga laboratory tests. Sabi ni Aling Melissa, “May T/C Meningitis daw ang aking anak kaya sinabihan si Ate Grace na ipa-CT Scan siya.”


Dagdag pa niya, “Sinabihan ng doktor si Ate Grace na normal ang resulta ng CT scan, ngunit walang ibinigay sa aming kopya ng resulta na nagsasabing okay nga ang resulta. Pagkatapos makuha ang resulta ng CT scan, sinabihan kaming ilipat na si Angelo James sa isang ospital sa Legazpi City, Albay upang magamot. Kinakailangan din daw sumailalim sa MRI ng aking anak.”


Nailipat si Angelo James sa ICU noong Pebrero 18, ngunit patuloy na lumala ang kalagayan niya. Nagwawala pa rin siya kaya itinali ang kanyang mga kamay at paa. Ang kalagayan niyang ito ang nakapagpasya kay Aling Melissa na umuwi ng Pilipinas at humingi ng tulong sa aming tanggapan. Bukod kay Angelo James, nais niya ring matulungan ang dalawa pa niyang mga anak na sina Mhyelzha Yna at Sofia Francis na kasama na sa 5 hanggang 11-anyos na babakunahan.


Tumalima ang inyong lingkod, kasamahan kong public attorneys at mga doktor ng PAO Forensic Laboratory Division sa mga kahilingan ni Aling Melissa. Binigyan ng mga gamot si Angelo James ng aming mga doktor. At para naman kina Mhyelzha Yna at Sofia Francis, tinulungan namin si Aling Melissa na makapagsampa ng kaso sa husgado para mapatigil ang pagtuturok sa mga 5 to 11 year-olds. Sa espasyo sa ibaba ng artikulong ito, binibigyang-daan ang mga hinaing ni Aling Melissa. Mula pa rin ang mga ito sa kanyang Judicial Affidavit:


“Bukod sa galit, sobra akong nag-aalala, sapagkat ayaw kong pabakunahan ang aking mga anak kontra COVID-19 dahil experimental pa lang ang gamot. Nalaman ko lang na nabakunahan si Angelo James noong second dose na at nang nag-post ang ate ko sa Facebook na nagpabakuna sila nang araw na ‘yun. Tama na sanang ako ang nabakunahan, sapagkat kinakailangan sa aking trabaho sa abroad. Nakalulungkot ang nangyari sa aking anak dahil sumunod lamang naman ang ate ko sa regulasyon ng gobyerno, pero napasama pa ang kalusugan niya. Ang masakit pa nito, damit, kumot, suklay at sabon lang nabigay ng DOH kahit nanghingi ako ng tulong sa kanila, gayundin kahit nag-viral ang videos na nai-post ko sa Facebook tungkol sa nangyari kay Angelo James. Isa akong OFW at nagdesisyon pang umuwi dahil sa sinapit ng anak ko, ano ang ipantutustos ko sa sakit at hospital bills niya?

Malusog, maliksi at aktibo siyang bata bago maturukan. Kung alam kong mababakunahan siya, sana ay napigilian ko ang pagbabakuna sa kanya ng Pfizer. Nawalan na ng saysay ang kanyang pagbabakuna dahil wala na siya sa sarili at matinong pag-iisip ngayon. Hindi ito makatarungan kaya sana, matigil na ang pagbabakuna sa mga bata.”

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 4, 2022



Walang hindi gagawin ang mga magulang para sa kanilang pamilya, matustusan lamang ang mga pangangailangan at iba pang kaya nilang ibigay sa kanilang mga mahal sa buhay. Ganito rin ang damdamin ni G. Joel Fernandez Corpuz ng Cainta, Rizal. Sa nagaganap na pagbabakuna ng pamahalaan katuwang ang Department of Health (DOH) sa ilalim ng Emergency Use Authorization (EUA) sa mamamayan na nakatakdang bigyan ng bakuna kontra COVID-19, ani G. Corpuz, “Tama nang ako ang nabakunahan sapagkat kailangan ko ‘yun sa aking trabaho bilang barbero. Subalit sa mga anak ko, ayaw ko muna hanggang mayroon na sanang masusing pag-aaral.”


Ang tinutukoy niyang mga anak ay sina Joyce Ann, 17, at Lesley Jane, 8. Bagama’t may pag-aalala at hindi maluwag sa dibdib ni G. Corpuz na mabakunahan si Joyce Ann, pinayagan niya ito at sinamahang magpabakuna. Si Joyce Ann ay nagparehistro para mabakunahan laban sa COVID-19, sapagkat aniya, palagi siyang hinihingan ng vaccine card tuwing siya ay nagtutungo sa eskuwelahan kung mayroon siyang kinakailangang kunin at siya ay nasa Senior High na. Kaya naman, si Joyce Ann ay naturukan ng bakunang Pfizer noong Pebrero 7, 2022. Ani ni G. Corpuz,


“Noong araw matapos siyang mabakunahan, napansin naming wala siya sa sarili at kung ano-ano ang sinasabi niya. Hindi rin siya makatulog at nag-iba talaga ang mga pagkilos niya at lubha kaming nabahala. Dahil sa mga napansin naming kakaiba sa kanya, kinunan siya ng video ng kanyang tiyuhin. Makikitang nagwawala siya at talagang wala na siya sa sarili.”


Nag-viral ang nasabing video, ngunit nalulungkot si G. Corpuz dahil aniya, wala man lang lumapit sa kanila mula sa DOH. Itinuturing niyang pagsunod sa regulasyon ng gobyerno ang naganap na pagbabakuna sa kanyang anak pero aniya, “Ang kalusugan ni Joyce Ann ay napasama na. Mula sa isang malusog na bata ay nagkaroon ng malubhang karamdaman.”


Dahil dito, dinala nila si Joyce Ann sa isang ospital sa Antipolo City. Ayon sa written diagnosis, nagkaroon siya ng “Acute Encephalopathy prob secondary to (1) post vaccine, (2) viral, (3) metabolic, (4) sleep deprivation.” Ni-refer sila sa isang ospital sa Quezon City para sa karagdagang pagsusuri, ngunit hindi na sila nagtungo ru’n dahil aniya, “Natatakot kami na baka kung ano na naman ang maiturok sa kanya ‘pag dinala namin siya ru’n.”


Ang nabanggit na viral video ni Joyce Ann ang nagsilbing tulay nila sa PAO. Ayon kay G. Corpuz, “May mga nakapanood ng nasabing video at sinabihan akong humingi ng tulong sa PAO dahil sila ang tumulong sa mga nagsampa ng kaso para ipatigil ang pagtuturok sa mga batang edad 5 hanggang 11.”


Sinabi niya na, “Nanghingi kami ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para sa kaso ni Joyce Ann at isa ko pang anak na si Lesley Jane, na kasama na sa 5-11 year-olds na susunod na babakunahan.” Bilang tugon ng aming tanggapan, pinuntahan ng mga doktor ng PAO si Joyce Ann sa bahay at siya ay kinausap at sinuri. Binigyan din siya ng mga gamot. Sa kaso ni Lesley Jane, tinulungan sila ng PAO na makapaghain ng petisyon sa husgado para mapatigil ang kanilang pagtuturok sa mga batang edad 5 hanggang 11. Emosyonal na ipinahayag ni G. Corpuz ang sumusunod, “Hiniling ko kay Chief Acosta na tulungan akong mapigilan ang pagbabakuna kay Lesley Jane. Ayaw kong maging eksperimento muli ang katawan ng isa ko pang anak. Hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kung mangyari kay Lesley Jane ang nangyari kay Joyce Ann.”


Sa nangyaring pagbabakuna kay Joyce Ann, may pamilyar kaming narinig na mga salita at damdamin mula kay G. Corpuz. Tila alingawngaw mula sa mga palahaw at hinanakit ng mga magulang ng mga biktima sa Dengvaxia cases ang aming napakikinggan.


Ayon sa kanyang Judicial Affidavit, nais niyang iparating sa DOH na ipatigil muna ang pagtuturok sa mga bata. Aniya, “Masyado pa silang bata para labanan ang maaaring masamang epekto ng bakuna tulad ng nangyari sa aking anak. Hindi ligtas ang bakunang itinuturok nila.”


Hindi umano niya hahayaan na maranasan ng nakababatang anak ang sinapit ng Ate Joyce Ann niya. Ngayon na nagkaroon ng masamang epekto sa kalusugan nito ang bakunang Pfizer, hinahanap niya ang kalinga ng mga awtoridad. Aniya, “Wala man lang taga-DOH na nagpaabot ng tulong sa akin. Nasaan ‘yung pagkalinga nila sa kalusugan ng mga Pilipino? Wala silang pakialam kung hindi ang magturok nang magturok.” Kay dilim na hinaharap ang tila naaaninag ni G. Corpuz. Aniya, “Isa lamang akong barbero, ano ang ipantutustos ko sa sakit ng aking anak? Malusog siyang bata bago maturukan. Napilitan lamang siyang magpabakuna dahil kailangan ito sa kanyang paaralan. Sa kagustuhan niyang makapag-aral nang face-to-face at hindi siya pagbawalang pumasok sa paaralan, pinili niyang magpabakuna. Subalit kung hindi bubuti ang kalagayan niya, paano siya makakapag-aral? Ano ang silbi ng pagpili niyang mabakunahan para makapasok sa paaralan?”


Muling tinatanggap ng inyong lingkod at mga kasama kong mga manananggol at doktor ng PAO ang panibagong hamon ng mga kasong idinudulog ngayon ng mga tulad ni G. Corpuz sa aming tanggapan. Sa ngalan ng katarungan at lubos na pagmamalasakit sa mga anak ng Inang Bayan, wala kaming uurungan!


Muli kaming maninindigan para tulungan ang mga magulang na walang ibang hangad kundi mabigyan ng proteksiyon ang kanilang mga anak laban sa lahat ng balakid sa kanilang kalusugan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page