top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 6, 2022


Tila may madyik na dala ang ngiti, napapagaan nito ang mga pagsubok sa buhay, kung hindi man tuluyang makapawi ng lumbay. Ito ang ngiting hinahanap-hanap ng mag-asawang Randy at Cerela Ganancial ng Parañaque City. Ipinaramdam ni Rancel Mae Ganancial ang mga biyayang hatid ng maganda niyang disposisyon sa buhay sa kanyang pamilya at mga taong nakasalamuha niya. Kung nandito lang si Rancel Mae, marami pa ang sasaya at lalawak ang maaabot ng good vibes na hatid niya sa kanyang munting mundo.


Si Rancel Mae, 12, namatay noong Enero 3, 2019, ang ika-108 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan; una noong Abril 19, 2016, pangalawa noong Nobyembre 23, 2016, at pangatlo noong Hunyo 27, 2017.


Ayon sa kanyang mga magulang, “Ang aming anak ay masayahin, malambing, masigla at malusog na bata. Palagi siyang nakangiti at maganda ang disposisyon niya sa buhay. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at naospital, maliban na lamang nang nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos niyang maturukan ng bakuna kontra dengue.”


Agosto 2017, matapos ng pangatlong turok ng Dengvaxia, nag-umpisang lagnatin si Rancel Mae at palagi rin siyang nahihilo at nagsusuka. Sa eskuwelahan, matagal umano siyang makatapos ng mga gawain, kaya inilipat siya ng guro sa harapan. ‘Yun pala, nanlalabo na ang kanyang paningin. May pagkakataon din na siya ay nahimatay sa paaralan. Noong Oktubre 2017, dinala siya sa doktor dahil nawawalan siya ng ganang kumain kaya siya nangangayayat. Sa iba’t ibang doktor siya dinala dahil hindi alam ng kanyang pamilya kung ano talaga ang sakit niya. Ayon sa mga doktor, mayroon diumano siyang UTI, Anemia at Arthritis. Binigyan siya ng antibiotics para gamutin ang kanyang UTI. Noong Nobyembre 6, 2017, natumba si Rancel Mae dahil nanlabo ang kanyang paningin. Sabi niya, sa pangatlong turok ay nagsimulang manlabo ang kanyang mga mata. Kinabukasan, dinala siya sa isang ospital sa Manila upang ipasuri. Dahil wala silang makitang diperensiya, isinailalaim siya sa magnetic resonance imaging (MRI). Pagsapit ng Nobyembre 21, 2017, tuluyan na siyang nawalan ng paningin.


Pagdating ng 2018 hanggang 2019, lumala ang kanyang mga nararamdaman, naging kritikal ang kanyang kalagayan at siya ay tuluyang pumanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Marso 8, 2018 - Lumapit ang kanyang pamilya sa Public Attorney’s Office (PAO) para humingi ng tulong. Tumulong ang PAO na madala siya sa isang ospital sa Manila kung saan isinailalim siya sa iba’t ibang uri ng eksaminasyon. Nakita ng mga doktor na may malaking bukol sa kanyang ulo malapit sa utak at ‘yun ang dahilan kaya wala na siyang makita. Mga ilang araw ay inilipat si Rancel Mae sa ibang ospital sa Manila.

  • Mga sumunod na buwan - Nagtuluy-tuloy ang mga kakaibang nararamdaman niya at hindi na siya nakalabas pa ng ospital. Nanatili siya ru’n dahil iba’t ibang sakit ang dumapo sa kanya, kabilang ang intracranial verminoma, hospital acquired pneumonia, septic shock, diabetes insipidus, hypothyroidism, tracheostomy at kung anu-ano pa. Nanatili siya sa ospital nang matagal na panahon at iba’t ibang procedure ang ginawa sa kanya. Dumating sa pagkakataong inoperahan siya at isinailalim sa radiation therapy. Sinabi sa ospital na lumiit diumano ang bukol na nakita nila.

  • Disyembre 19, 2018 - Na-discharge si Rancel Mae mula sa ospital. Nakapagdiwang naman siya ng Pasko sa bahay; napansin ng kanyang pamilya ang kasiyahan sa kanya kahit wala siyang paningin. Dahil maganda ang naging resulta ng radiation therapy, sinabihan ang kanyang mga magulang na siya ay sasailalim sa chemotherapy.

  • Matapos ang Bagong Taon - Nagreklamo siya ng pananakit ng ulo at nilagnat at binigyan siya ng gamot para rito.

  • Enero 3, 2019 - Inobserbahan siya dahil sa schedule ng chemotherapy at dadalhin din siya sa ospital. Nilalagnat siya nang madaling-araw at umabot sa 40 degrees ang kanyang temperatura. Wala na rin siyang ganang kumilos at hinang-hina dahil hindi na siya sumasagot kapag kinakausap. Dinala siya sa ospital at tuluyan nang gumupo ang kanyang murang katawan.


Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ni Rancel Mae. Gaya ng nasabi namin, masigla at malusog siya at palagi siyang masaya kahit siya ay bulag na. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Kabilang ang kanyang kaso sa Dengvaxia cases na hawak namin. Isa siya sa mga batang biktima na personal naming nakita ang tapang sa paglaban para mabuhay pa. Nagmarka sa aming alaala ang mga ngiti sa mga mata ni Rancel Mae kahit ito ay bulag na. Inilarawan niya ang kanyang unti-unting pagkabulag matapos maturukan ng Dengvaxia; pero sa kabila ng pait na paglalarawan niya, naru’n ang pag-asa sa kanyang mga mata na madudugtungan pa ang kanyang hiram na buhay. Isang pag-asang natuldukan nang siya ay tuluyang bumigay matapos ang mahabang gamutan.


Ang katarungan ay hindi sapat para sa binawing buhay niya, ngunit buong sigasig naming ipinaglalaban ang kanyang kaso at tulad niyang biktima. Ito ang kaya naming ihandog sa kanila, at kay Rancel Mae, na tila isang tudla ng liwanag o “ray of sunshine” sa mga taong nabiyayaan ng pagkakataon na makasama siya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 29, 2022


Ang mga lola at lolo ay mahahalagang miyembro ng pamilya na may hindi matatawarang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanilang mga mahal sa buhay. Kapag ang kanilang mga apo ang nangangailangan ng pagkalinga, marami sa kanila ang ramdam ang bilis ng kanilang pagtalima at init ng pagtanggap sa nasabing mga apo. Kabilang sa mapagmahal na lolo si G. Luisito Briones, Sr., ng Magalang, Pampanga, lolo ni Justine Briones, na nagpalaki, sumama at gumabay sa kanya sa maikling paglalakbay nito sa buhay.


Ani G. Briones, “Ako at ang aking asawa ang nag-alaga at nagpalaki kay Justine at sa kapatid nito mula nang siya ay Grade 1 dahil ang aking anak na si Luisito Briones, Jr. at asawa nitong si Honey Rose ay nagpasyang maghiwalay. Ang ama ni Justine ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi Arabia at ang ina naman niya ay nakatira sa Angeles City.”


Si Justine, 12, namatay noong Enero 1, 2019, ang ika-107 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong June 6, 2016; pangalawa noong December 16, 2016 at pangatlo noong November 7, 2017. Ang nagsabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang lolo at ina, si Justine ay masayahin, masigla at malusog na bata. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng dengue o iba pang malubhang karamdaman, na nangangailangan siyang madala sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Noong Disyembre 25, 2018, dinalaw ni Aling Honey Rose si Justine at kapatid nito para ihatid ang kanyang mga regalo sa kanila. Aniya, wala siyang napansin na kakaiba kay Justine, bukod sa matamlay ito, ngunit kumakanta pa rin. Gayunman, sa sumunod na mga araw ng Disyembre 2018, ganito ang nangyari kay Justine:

  • Disyembre 26 - Napansin ni Mang Luisito na nahihirapang huminga si Justine na tila hinihika. Masakit diumano ang kanyang dibdib, ulo at tiyan, kaya pinainom siya ng paracetamol.

  • Disyembre 27, alas-8:00 ng umaga - Dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan, dinala siya ng kanyang lolo sa isang ospital sa Pampanga at dalawang beses na isinailalim sa x-ray. Pinauwi rin siya dahil walang kakaiba sa resulta ng x-ray.

  • Disyembre 28 at 29 - Hindi nagbago ang kalusugan ni Justine. Sumasakit pa rin ang kanyang ulo, tiyan at dibdib, at hirap siyang huminga. Kinabukasan, dinala ulit siya sa naturang ospital. Niresetahan siya ng gamot para sa ubo at lagnat, at saka pinauwi. Pagdating sa bahay, oras-oras na hinihika si Justine. Pinapausukan siya, subalit hindi nawala ang kanyang hika. Nagpatuloy ito hanggang sa sumunod na araw.

  • Disyembre 3 - Magkasabay na hinihika at sumasakit ang ulo ni Justine. Sumakit din ang kanyang dibdib. Hirap na hirap siya at nagtatalon sa sobrang sakit. Nagsabi siya sa kanyang lola na hindi na niya kaya ang sakit na nararamdaman; nawalan siya ng malay. Nakadumi at nakaihi na rin siya sa kanyang salawal. Dinala siya muli sa nabanggit na ospital, kung saan nilagyan siya ng tubo at sinabihan ang kanyang pamilya na kailangan siyang ilipat sa ibang ospital na kanila namang ginawa. Sa nilipatang ospital, pinump si Justine at sinabihan ang kanyang lolo na ililipat na siya sa intensive care unit (ICU). Ipinaalam ng kanyang lolo sa kanyang mga magulang ang kanyang kalagayan.


Sinabi nito na ayon sa doktor, nasa 20-30% lamang ang tsansang mabuhay si Justine. Naging hysterical ang ama ni Justine nang malaman ang sinapit ng anak. Samantala, si Aling Honey Rose naman ay dali-daling pumunta sa nilipatang ospital. Aniya, “Du’n ko nakita ang sobrang paghihirap ni Justine. Sobrang hirap siya habang nasa ICU hanggang sa tuluyan siyang pumanaw nang alas-11:55 ng umaga noong January 1, 2019.”


Anang kanyang ina at lolo, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Justine. Pumanaw siya nang Bagong Taon kung saan ang bawat pamilya ay dapat nagsasaya. Masigla at malusog siyang bata, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Ang higit pang ikinasasakit ng loob ng lolo ni Justine ay ang pagbalewala ng desisyon niya sa pagtuturok ng Dengvaxia. Hindi niya umano pinirmahan ang consent form, ngunit binakunahan pa rin siya at nalaman lamang ito nang siya ay magtapos sa elementarya dahil ibinigay ang kanyang Dengue Vaccine Immunization Card.


Dahil dito, mariin siyang naninindigan na kailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Justine. Sa dulo ng laban para sa paninindigang ito, inaasahan niya at ng buo niyang pamilya na sa tulong ng aming tanggapan ay makakamit nila ang katarungan.

Isa na namang buhay ang nawala dahil sa kapabayaan ng ilang tao na sana’y nangangalaga sa kalusugan ng mga kabataan. Tulad ng paninindigan ng pamilya ni Justine na lumaban sa mga higanteng kalaban, magpapatuloy ang aming tanggapan sa pagbibigay ng tulong-legal hanggang sa makamit ng mga batang ito ang hustisyang nararapat para sa kanila.


 
 

sa Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 22, 2022


Ang pagkakaroon ng mga anak ay maituturing na malaking biyaya. Para sa mag-asawang William at Sheila Regalado ng Pagsanjan, Laguna, ang kanilang anak na si Alexa Regalado ay biyaya na naghahatid sa kanila ng katuwaan at pag-asa na may dalang higit pang saya at kaunlaran sa kanilang pamilya. Kay ganda ng bukas na mababanaag kay Alexa. Ang sumusunod na paglalarawan ay mula sa kanyang mga magulang na buong giliw at pagmamalaking sinabi na,


“Si Alexa ay masayahin, masigla at malusog na bata. Bukod sa siya ay consistent honor student, mahilig at magaling din siyang tumugtog ng violin, maglaro ng chess at maggantsilyo.”


Gayunman, ang mga salitang binitiwan ng mag-asawa ay may nakalambong na matinding kalungkutan. Hapis itong hindi naiibsan ng pagdaan ng panahon, bagkus ay nagsisilbi pang pasakit ang pagdating ng bawat araw na nagpapaalala na wala na ang kanilang nag-iisang anak na binawi sa napakasakit na paraan, at mula sa mga kamay na tigmak ng kapabayaan.


Si Alexa, 12, namatay noong Disyembre 14, 2018, ang ika-106 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 11, 2016 at pangalawa noong Oktubre 17, 2016 sa kanilang paaralan. Ibinahagi ng kanyang mga magulang:


“Si Alexa ay hindi pa kailanman nagkaroon ng malubhang karamdaman, hindi siya nagka-dengue at hindi pa na-ospital, bukod lamang noong isang taon siya dahil sa hika at nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.”


Noong Hunyo 2016, napansin ng kanyang mga magulang na siya ay nangayayat, palaging pagod, tulog nang tulog at walang ganang kumain. Pagdating ng 2017, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Alexa:

  • Hunyo 2017 - Masakit ang kanyang ulo, kasu-kasuan at tiyan.

  • Unang linggo, Hulyo 2017 - Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Laguna dahil sa pabalik-balik na pananakit ng kanyang tiyan, balakang at mataas na lagnat. Dahil hindi malaman ang sanhi ng mga ito, isinailalim siya sa tuberculosis (TB) screening at typhoid fever test. Ayon sa doktor, negative siya sa TB at typhoid fever, subalit binigyan pa rin siya ng mga gamot para sa TB at typhoid fever dahil maaari umanong hindi lumabas sa eksaminasyon ‘yun. Isang linggo siyang na-admit sa nasabing ospital. Tatlong linggo rin siyang naggamot para sa TB at typhoid fever, subalit hindi bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Huling linggo, Agosto 2017 - Dinala si Alexa sa isang ospital sa Quezon City. Isinailalim siya sa blood test at napag-alamang may leukemia diumano siya. Agad siyang isinailalim sa chemotherapy nang isang beses sa isang buwan. Sa kabila nito, pabalik-balik pa rin ang pananakit ng kanyang ulo at tiyan, at nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.

  • Disyembre 2017 - Lumobo si Alexa, naglabasan din ang mga stretch marks niya.


Mula Agosto 2018 hanggang Disyembre 2018 ang mga huling sandali sa buhay ni Alexa. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Agosto - Nag-umpisa ang lingguhan niyang chemotherapy.

  • Oktubre - Hindi na tumatalab ang mga gamot na pinaiinom kay Alexa. Lumala ang pananakit ng kanyang tiyan, ulo, balakang at iba pang bahagi ng kanyang katawan. Hanggang sa hirap na siyang makalakad at naka-wheelchair na lang. Mula Agosto hanggang Disyembre 2018, tatlong beses na nag-relapse ang leukemia ni Alexa.

  • Disyembre 1 - Muli siyang dinala sa nasabing ospital sa Quezon City at nanatili na siya ru’n. Hindi na bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Disyembre 14, madaling-araw - Umabot sa 150 bpm ang pagtibok ng puso ni Alexa at kung anu-ano na ang kanyang sinasabi hanggang naninigas na ang kanyang bibig at dila, at hindi na makapagsalita nang maayos. Naging kritikal ang buhay niya sa sumunod na mga oras at pagsapit ng halos alas-3:00 ng hapon, tuluyan na siyang binawian ng buhay.


Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Alexa, lalo na’t siya ay nag-iisa naming anak. Siya ang tanging nagbibigay sa aming mag-asawa ng buhay at lakas. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.


“Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa kanya. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kanyang kalusugan, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad na malaman ang maaaring idulot nito sa kanya. Hindi rin doktor ang nagbakuna sa aming anak.”


Ang kasong ito ay kasama na sa mga kasong ipinagkatiwala sa amin ng mga magulang ng mga biktima ng Dengvaxia. Kabilang si Alexa sa aming ipinaglalaban para makamit ang katarungang tila mailap pa sa kasalukuyan. Si Alexa at tulad niyang mga biktima ay naisakripisyo dahil sa kapabayaan ng mga pinagkatiwalaang awtoridad. Napakahalaga ng buhay, kaya dapat maging mapagmasid ang lahat sa anumang panganib sa kalusugan ng mga mamamayan na maaaring maging sanhi ng maagang kamatayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page