top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 8, 2022


Ang buhay ng bawat bata ay mahalaga, sapagkat sila ang kayamanan ng kanilang mga magulang. Lahat sila ay may kabuluhan sa buhay at ang magpapatuloy ng kasaysayan. Alam at tanggap ito ng lahat ng mga magulang. Gayunman, may mga pagkakataon na may mga magulang na hindi maiwasang magkaroon ng hinanakit dahil tila napagdamutan ng kapalaran at hindi naging kasing-palad ng ibang bata ang kanilang anak. Isa sa mga magulang na ito si Gng. Elvira G. Tongco ng Malabon City, ina ni Kylie Zsaren G. Tongco, Dengvaxia vaccinee.


Aniya, “Hindi ko maiwasang mag-isip kung ano’ng klaseng gamot ang naiturok sa aking anak at ikinamatay pa niya ito. Sa katunayan, magkakasunod na nagka-dengue ang aking anak, ang kanyang pamangkin noong 2018 at pinsan nitong taong kasalukuyan. Ang pamangkin niya ay nagpagaling lamang sa bahay, samantalang pinagpala namang gumaling sa ospital ang kanyang pinsan. Kung silang hindi naturukan ng Dengvaxia ay nakaligtas sa dengue, paano nangyari sa aking anak na nagka-dengue at naging dahilan ng kanyang pagpanaw sa kabila ng tatlong beses na pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia na sinasabi nilang bakuna kontra dengue? Napakalaking palaisipan nito sa akin at sa iba pa naming mga kaanak.”


Si Kylie, 12, namatay noong Pebrero 10, 2019, ang ika-117 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Tatlong beses siyang nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan; una, noong Abril 7, 2016; ikalawa, noong Oktubre 4, 2016; ikatlo, noong Hunyo 27, 2017. Ani Gng. Tongco, si Kylie ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Dagdag pa niya, “Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na kinakailangan siyang maospital, maliban sa pagkakaroon niya ng pneumonia noong siya ay 6-anyos at nang siya ay nagkaroon ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw pagkatapos niyang maturukan ng bakuna kontra dengue.”


Noong Enero 30, 2019 ay nagkalagnat, ubo at sipon si Kylie at siya ay nagka-UTI (urinary tract infection). Dinala siya ng kanyang ina sa isang klinika sa Malabon City. Bumuti naman ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw pagkatapos siyang painumin ng mga gamot na inireseta ng doktor. Sa kabila nito, noong Pebrero 7, 2019, malata at mahinang umuwi galing sa paaralan si Kylie. Siya ay mayroong matinding lagnat, mayroon din siyang matinding sipon at ubo, at sumuka ng plema at laway. Napansin din ng kanyang ina na may rashes siya sa dibdib, likod at binti. Ang mga sumunod na araw ng Pebrero 2019 ang mga huling sandali ni Kylie bago siya pumanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Pebrero 8 - Masakit ang kanyang ulo at tiyan.

  • Pebrero 9 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila. Hirap siyang huminga dahil sa kanyang matinding ubo at pananatili ng pananakit ng kanyang ulo at tiyan. Nagpositibo rin siya sa NS1.

  • Pebrero 10 at 11 - Dahil hindi masyadong namo-monitor ng mga doktor si Kylie, iniuwi siya ng kanyang nanay sa kanilang bahay. Habang sila ay nasa daan, “nagkulay ube” si Kylie at hirap siyang huminga at magsalita na “parang umaatras ang kanyang dila.” Siya ay lantang gulay na at nakaranas ng hallucination. Nang siya ay dumumi, kulay itim ito. Nang napansin ni Gng. Tongco na pahina nang pahina si Kylie, dinala siya muli sa isang ospital sa Malabon City. Anang kanyang ina, “Parang bibigay na ang katawan ng aking anak. Tatlong beses siyang sinubukang i-revive. Noong ikalawa at ikatlong beses ay umagos ang dugo sa kanyang bibig hanggang siya ay tuluyan nang pumanaw.” Base sa ante-mortem diagnosis na may petsang Pebrero 11, 2019, si Kylie ay namatay sa Dengue Shock Syndrome.


Dagdag pa niya, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Kylie. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya. Ako ay inabutan lamang ng isang papel upang magbigay ng pahintulot hinggil sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata ay pinirmahan namin ang nasabing papel. Isa pa, ito ay kontra dengue kaya pumayag ako. Subalit ito ay sa pag-aakala na makabubuti ang nasabing bakuna sa kanya. Hindi naman nila ako sinabihan sa maaaring maging epekto nito sa kanya. Kaya maliwanag na ako ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot ng gamot na ito sa kalusugan ng aking anak.”


Malinaw sa pangyayaring ito sa kaso ni Kylie na hindi nailatag ng mga awtoridad sa kanyang mga magulang ang buong katotohanan sa nasabing bakuna. Napakahalaga ng pagbibigay ng kabuuang impormasyon at katotohanan upang magkaroon ng matalinong pagpapasya na may kaugnayan sa kalusugan at kaligtasan sa kapahamakan na maaaring kaharapin.


Ang pagsasabi ng katotohanan sa maaaring idulot ng isang gamot na pinag-aaralan pa lamang ang bisa ay isang obligasyong hindi dapat isantabi ng mga taong may mandatong pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan. Mas maingat pa sana sila, sapagkat ang mga tuturukan nila ay mga kabataan na pag-asa ng ating bayan. Dahil muling naisakripisyo ang katotohanan, muling may naganap na kawalan ng katarungan sa nabuwis na buhay sa katauhan ni Kylie. Ipinagkatiwala ng pamilya Tongco sa PAO ang pakikipaglabang legal para sa kaso ni Kylie. Sa abot ng aming makakaya, palalaguin namin ang kanilang tiwala sa pagkamit ng hustisya para sa kanilang anak na pumanaw sa isang trahedya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 1, 2022


Ang kahalagahan ng isang pirasong papel na personal na nilagdaan ay hindi mapasusubalian. Ito ay isang mensahe na paulit-ulit na naaalala sa Dengvaxia cases na hinahawakan ng aming tanggapan. Sina G. Amorando at Gng. Concepcion Picones ng Binangonan, Rizal ay kabilang sa mga magulang ng mga biktima na may mapait na alaala sa pagkakaturok ng nasabing bakuna sa kanilang anak na si Sandara Picones.


Ani G. at Gng. Picones, “Kami ay inabutan lamang ng aming anak ng papel upang magbigay-pahintulot hinggil sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata, pinirmahan namin ito.”


Ang kanilang pahintulot ay nag-ugat sa kanilang tiwala sa mga awtoridad na pinaniniwalaang may kasanayan sa medisina at pampublikong kalusugan, ganundin ay may mabuting hangarin sa nabanggit na pagbabakuna. Ngunit sa kasamaang-palad, ang ipinagkaloob nilang tiwala ay nasira at maraming buhay ang nawala.


Si Sandara, 14, namatay noong Pebrero 1, 2019, ang ika-116 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Sandara ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 21, 2016, pangalawa noong Oktubre 4, 2016, at pangatlo noong Hunyo 13, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon pa sa mga magulang ni Sandara, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Dagdag pa nila, “Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue bago siya mabakunahan.”


Pagdating ng Marso 2018, nagsimula ang kalbaryo ng pamilya Picones dahil sa trahedyang nangyari kay Sandara na nauwi sa kanyang pagkamatay noong Pebrero 1, 2019. Narito ang ilang mga detalye:

  • Marso - Nagkalagnat at sumakit ang tiyan at ulo ni Sandara. Inuubo at nagtatae rin siya at madalas siyang magkaroon ng kuliti. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa health center ng Binangonan, Rizal. Sinuri at niresetahan siya ng amoxicillin at ambroxol.

  • Abril - Muli siyang pinatingnan sa doktor. Bumuti ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na buwan.

  • Agosto - Bumalik ang kanyang ubo. Nahihilo siya at masakit ang kanyang ulo. Dinala siya muli sa health center at parehas na klase ng gamot ang inireseta sa kanya. Pabalik-balik pa rin ang mga nararamdaman niyang sakit.

  • Nobyembre - Nag-umpisa siyang mawalan ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pagpayat. Lumuwa rin ang kanyang mata. Dahil hindi nawawala ang kanyang ubo, dinala siya sa isang ospital sa Binangonan, Rizal at isinailalim sa x-ray. Base sa resulta, mayroon siyang pneumonia. Matapos niyang inumin ang mga iniresetang antibiotics, bumuti naman ang kanyang kalagayan.

  • Disyembre - Nawawalan siya ng balanse at parang nasusubsob. Nagreklamo rin siya na naduduling. Madalas ding sumakit ang kanyang ulo at tiyan; madalas din ang kanyang pag-ubo.

  • Enero 2, 7, 10, 2019 - Muli siyang dinala sa nabanggit na ospital sa Binangonan, Rizal noong Enero 2 dahil sa pagluwa at pagduduling ng kanyang mga mata. Nadala siya sa isang ospital sa Maynila noong Enero 7, may ubo pa siya na may plema. Sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangan siyang i-CT scan. Na-discharge siya sa naturang ospital noong Enero 10.

  • Enero 21 - Nabasa ng isang ospital sa Pasig ang resulta ng CT scan na isinagawa sa kanya noong Enero 14. Ayon sa resulta, may bukol diumano siya na nangangailangang operahan agad. Hindi makapagpasya agad ang kanyang mga magulang kaya sa mungkahi ng doktor ay inuwi muna siya. Nag-umpisa siyang mahirapang maglakad.

  • Pebrero 1, alas-7:00 ng umaga - Nag-seizure siya, dinala siya sa nabanggit na ospital sa Binangonan, Rizal. Sinabihan sila ng doktor na wala silang sapat na pasilidad para matugunan ang kanyang kondisyon. Naninigas din ang katawan niya at bumubula ang kanyang bibig at kritikal na siya. Matapos ang ilang ulit na pag-seizure, tuluyan siyang binawian ng buhay, alas-11:00 ng umaga. Sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Cranial Herniation” (Immediate Cause); “Cranial Tumor” (Antecedent Cause).

Anang mag-asawang Picones, “Napakasakit ng pagpanaw ni Sandara. Siya ay masigla at malusog na bata, kaya nakapagtatakang bigla siyang nagkasakit at ikinamatay pa niya ito.

“Hindi namin maiwasang mag-isip kung ano’ng klaseng gamot ang naiturok sa kanya.”


Ang terminong “First, do no harm” ay bahagi ng ethical rules sa larangan ng medisina. Subalit, sa kaso ng mga Picones at tulad nilang mga magulang, hindi lamang ang nasawing mga anak ang nasaktan kundi pati silang mga naiwan. Patuloy silang nasasaktan ng mga kinauukulan na dapat ay kanilang nasasandalan.


Isinalaysay nina G. at Gng. Picones na, “Sa tuwing sinasabi na nabakunahan ng Dengvaxia ang aming anak ay hindi kami sinasagot at pinapansin ng mga doktor na pinagsasabihan namin.” Mahalagang impormasyon ito sa nabanggit na mga doktor upang bigyan ng ibayong pansin ang kalagayan ni Sandara. Ngunit ipinagwalang-bahala lamang nila ito. Ang ganitong asal ay walang lugar sa larangan ng paglilingkod-bayan o maging sa araw-araw na pamumuhay. Bilang kanilang mga manananggol, hindi namin ito pababayaang lumawig pa, ganundin ang kawalan ng katarungan na nangyari kay Sandara at sa tulad niyang mga biktima.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 24, 2022


Batid natin ang magandang epekto ng pagsasayaw dahil ito ay maituturing na ehersisyo na nakabubuti sa kalusugan. Nakakatuwa rin itong gawin kasama ng mga kapamilya o kaibigan — tunay na nakakapagpatatag ito ng katawan at samahan. Bilang magaling na dancer sa kanilang lugar at paaralan, naranasan ni Jarmie Alim, anak nina G. Ruel at Gng. Lucila Alim ng Antipolo City, ang tuwa na hatid ng pag-indak. Marami pa sanang mga galaw sa pagsasayaw ang magbibigay-saya at maghuhubog sa kanya bilang dancer, ngunit maikling panahon lamang ang inilagi ni Jarmie sa dance floor ng buhay.


Si Jarmie, 13, namatay noong Enero 25, 2019, ang ika-115 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jarmie ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Abril 28, 2016 sa kanilang paaralan. Anila G. at Gng. Alim,“Si Jarmie ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig sumayaw at madalas nakikilahok sa sayawan sa aming lugar at sa kanyang paaralan. Hindi siya nagka-dengue at kailanman ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”


Nagkaroon ng pagbabago kay Jarmie noong Mayo 2017. Naging matigas at mainitin ang kanyang ulo, at mahirap utusan bagama’t hindi naman siya dating ganu’n. Pagdating ng Enero 2019, nadagdagan pa ang mga nararamdaman niya at lumala ang kanyang kondisyon hanggang siya ay pumanaw. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Enero 20 - Nanakit ang kanyang kanang tuhod at nagkalagnat siya. Naninikip din ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga.

  • Enero 21 - Dinala siya sa isang ospital sa Antipolo City at sinuri ang kanyang tuhod. Binigyan siya ng mga gamot na Celecoxib at Prednisone matapos makitang namamaga ang kanyang kanang tuhod at pinauwi rin sila. Pinainom siya ng nasabing mga gamot at bahagyang nakatulong ang mga ito at nakatulog siya. Pagsapit ng gabi, nang mawala na ang epekto ng gamot, bumalik ang sakit ng kanyang tuhod at hindi na naman siya makatulog.

  • Enero 22 - Dinala siya sa isa pang ospital sa Antipolo City at kinabitan siya ng dextrose at oxygen. Mataas ang lagnat niya at may lumabas na mga rashes sa kanyang mukha na kumalat sa kanyang katawan. Hindi na rin siya makagalaw dahil sa labis na pananakit ng kanyang tuhod at hirap sa paghinga. Ayon kina G. at Gng. Alim, “Dahil hindi inaasikaso nang maigi ng ospital ang aming anak, humiling siya na ilipat sa ibang ospital na siya naman naming ginawa.”

  • Enero 23 - Si Jarmie ay inilipat sa isang ospital sa Quezon City. Nagwawala siya dahil siya ay gutom na gutom na. Tinatanggal din niya ang mga aparato sa kanyang katawan at dahil sa pagwawala ay itinali siya at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri gaya ng x-ray, CT scan atbp. Lumala ang paninikip ng kanyang dibdib at pananakit ng paa. Magdamag siyang hindi nakatulog.

  • Enero 24 - Gutom na gutom siya at kung anu-ano na rin ang mga sinasabi. Humiling pa siya na itakas siya sa ospital. Ayon sa doktor, puti na ang baga ni Jarmie at kumalat na ang impeksiyon sa kanyang paa. Nabanggit ng kanyang mga magulang na baka dala ng Dengvaxia vaccine ang mga nararamdaman ni Jarmie, ngunit sabi ng doktor, walang kaugnayan ang bakuna sa mga ito. Pagsapit ng tanghali, in-intubate si Jarmie matapos turukan ng pampatulog. Kinabitan din siya ng hose sa ilong kung saan may lumalabas na dugo. Hindi na muling nagising si Jarmie. Subalit, ayon sa kanyang mga magulang, “Minsan ay kita ang pagluha ng kanyang mga mata.” Bandang alas-5:00 ng hapon, nawalan ng tibok ang kanyang puso. Na-revive siya at pagsapit ng alas-7:00 ng gabi, sinalinan siya ng dugo. Anang mga doktor, kumalat na ang impeksiyon sa kanyang kanang paa.

  • Enero 25 - Pagsapit ng alas-5:30 ng madaling-araw, nag-agaw-buhay si Jarmie. Sinubukan siyang i-revive, ngunit pagsapit ng alas-6:00 ng umaga, tuluyan na siyang pumanaw.


Walang kasing sakit para sa mag-asawang Alim ang pagkamatay ni Jarmie. Sa kabila ng kanilang pighati, hindi mawala sa isip nila ang sinabi ng doktor hinggil sa posibilidad na magreklamo ang mga Alim.


Narito ang bahagi ng tugon ni G. Alim, “Karapatan naman namin ‘yun. Binanggit ng doktor na kung sakaling magreklamo kami ay mag-e-mail kami sa kanya para kung tanungin siya ay alam niya ang isinasagot. Naging pabaya ang mga taong nagbakuna kay Jarmie. Inabutan lamang ako ng aking anak ng papel upang magbigay ng pahintulot sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata ay pinirmahan ko ang nasabing papel at pumayag naman ako.”


Tapos na ang pag-indak ni Jarmie sa dance floor ng buhay, ngunit walang wakas ang pananagutan ng mga pumutol ng kanyang pagsasayaw hangga’t hindi nabibigyang-katarungan ang trahedyang naganap sa kanya.


Mahirap man sa kanila ang pagkawala ng pinakamamahal ng anak, buo ang loob ng mag-asawang Alim na ipaglaban ang katarungan na nararapat para sa kanilang anak. Ang PAO at PAO Forensic Team na hiningan nila ng tulong ay kasama nila sa labang ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page