top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 19, 2022


Ang paglalambing ng mga anak ay nagdudulot ng saya sa mga magulang. Nagpapakita ito ng pagmamahal at nagpapahayag ng pangangailangan nila ng mga bagay na nakakatulong sa araw-araw nilang buhay bilang nakababatang miyembro ng pamilya at lipunang kanilang ginagalawan. Bagama’t kadalasan, ang paglalambing ng mga anak ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang mga magulang, sa pamilya Valdez ng Tarlac, ito ay naghahatid ng mga alaalang may matinding kalungkutan. Ang ugat nito ay ang pagyao ng malambing na miyembro ng kanilang pamilya na si Maegan Valdez.


Si Maegan, 13, namatay noong Marso 1, 2019, ang ika-122 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 18, 2016, pangalawa noong Oktubre 11, 2016, at pangatlo noong Hunyo 21, 2017. Ito ay naganap sa isang health center sa Tarlac. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Domingo at Gng. Yolanda Valdez, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig din siyang sumayaw at maglaro ng volleyball. Gayundin, kailanman ay hindi pa umano siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw.


Nagsimula noong Abril 2018 ang pagkakasakit ni Maegan. Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo at madalas humilab ang kanyang tiyan. Noong Setyembre 2018, lumabo ang kanyang kaliwang mata. Nagkaroon din siya ng kulani sa ilalim ng baba at siya ay nagkabeke. Nawala rin ang mga ito pagkatapos ng ilang araw. Noong Oktubre 2018, nagkalagnat siya at dinala siya sa isang ospital sa Tarlac, at pagkatapos masuri, napag-alaman na siya ay may urinary tract infection (UTI). Binigyan lamang siya ng gamot dahil ayon sa doktor, kaya pa itong pagalingin sa pag-inom ng gamot. Noong Disyembre 2018, siya ay matamlay, nawalan din siya ng ganang kumain at siya ay namumutla.


Pagdating ng taong 2019, narito ang ilan sa mga detalye ng mga nangyari kay Maegan hanggang siya ay pumanaw:

  • Enero 14 - Habang siya ay nasa eskuwelahan, muling humilab ang kanyang tiyan at sumakit ang kanyang ulo kaya siya ay pinauwi.

  • Enero 15 - Dinala siya sa isa pang ospital sa Tarlac at nalaman na may UTI siya at mababa ang kanyang platelet count. Sa kabila nito, sinabihan sila ng doktor na negatibo siya sa dengue infection. Na-admit pa rin siya sa ospital at taas-baba ang kanyang platelet count.

  • Enero 18 - Lumaki at tumigas ang kanyang tiyan. Matindi rin ang sakit ng kanyang tiyan, puson at sikmura.

  • Enero 20 - Base sa resulta ng ultrasound, nakita ng espesyalista na may tubig ang kanyang tiyan. Nagdumi siya nang kulay itim.

  • Enero 23 - Dinala siya sa isang pediatrician. Base sa pagsusuri, 28 ang kanyang platelet count at anim ang hemoglobin levels niya. Sinabihan sila na kailangang ilipat siya sa malaking ospital. Banat na banat na ang kanyang balat at manas ito. Sobrang sakit din ng kanyang tiyan. Dinala si Maegan sa isang ospital sa Tarlac na makakatugon sa kanyang pangangailangan. Ayon sa doktor, kailangan siyang salinan ng dugo. Hindi naman nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan. Iminungkahi ulit ng doktor na ipa-bone marrow aspiration siya, subalit hindi na nagawa dahil hindi kaya ng kanyang katawan.

  • Pebrero 7 at 11 - Nailabas si Maegan sa ospital noong Pebrero 7. Noong Pebrero 11, nanghina ang kanyang tuhod at hirap siyang makatayo. Naging mainitin na ang ulo niya at nawala ang gana niyang kumain, at tuwing kumakain siya, isinusuka niya rin ito. Namamanhid din ang kanyang paa at lumalabo na ang kanyang paningin.

  • Huling linggo ng Pebrero - Pabalik-balik ang kanyang lagnat. Siya ay nagwawala at siya ay nananakit; laking kaibahan, ayon sa kanyang mga magulang, sa dating anak nila na malambing. Noong Pebrero 28, lagi siyang naghahabol ng hininga at nahihirapan siyang matulog.

  • Marso 1 - Pinaliguan siya. Gustung-gusto niyang ngumuya ng yelo. Naiinitan siya, kaya itinututok sa kanya ang electric fan. Pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, tinanong niya ang kanyang mga magulang kung bakit mabilis ang pagtibok ng kanyang puso. Mainit ang kanyang pawis at matapos nu’n ay dumumi siya. Pagsapit ng alas-11:30 ng gabi, sabi ni G. Valdez, “Naglambing pa si Maegan sa akin. Sinabihan niya ako na kandungin ko siya para masarap ang tulog niya, na akin namang ginawa. ‘Yun na pala ang huling lambing at hiling niya sa akin dahil pagkatapos nu’n, habang kandong ko siya ay tuluyan na kaming nilisan ng aming pinakamamahal na si Maegan.”


Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Acute Myocardial Infarction” (Immediate Cause); “Probably Secondary To Anemia” (Antecedent Cause); “Probably Secondary To Blood Dyscrasia” (Underlying Cause).


Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Maegan. Hindi siya sakitin, at nang minsan siyang nagkasakit ay diretso na ito sa kanyang pagpanaw. Hindi namin maiwasang mag-isip kung anong klaseng gamot ang naiturok sa aming anak at ikinamatay pa niya ito.”


Ang higit pang nagpapasakit ng kanilang kalooban, anila, “Wala kaming masagot sa kanya sa tuwing tinatanong niya kung ano’ng nangyari sa kanya at bakit hindi siya gumagaling.”

Namatay si Maegan na hindi nila nabigyan ng kasagutan. Hindi na sila papayag na ang hustisyang nararapat kay Maegan ay hindi rin matugunan, kaya lumapit sila sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division. Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang ang hindi mauwi sa muli nilang pagkabigo ang hindi nila pagsuko sa labang ito.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 12, 2022


Hindi man nakakapagsalita, nakakikilos at halos pinanawan na ng pakiramdam dahil sa sakit na dumapo sa kanya, nagagawa pa ring lumuha ng mga mata niyang siyang tanging daan ng pagpapahayag ng kanyang saloobin.


Ano kaya ang nais niyang sabihin, mga kataga ng pagmamahal at pasasalamat sa kanyang mga mahal sa buhay? Ano kaya ang kanyang mga habilin, katotohanan at katarungan sa mapait at maaga niyang pagpanaw? Ang mga luhang ‘yun ay dumaloy sa halos comatose nang si Trisha Mae Solamo, Dengvaxia vaccine, at 10-anyos nang bawian ng buhay noong Marso 3, 2019.


Si Trisha Mae ang ika-121 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Trisha Mae ay naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 19, 2017 sa isang health center sa Marikina City. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Rosalio at Gng. Marlene Solamo ng Marikina City, kasama niyang naturukan ang nakakatandang kapatid na si Jan Karl Solamo. Anila, si Trisha Mae ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay masipag mag-aral at mahilig makipaglaro sa kanyang mga kaibigan sa kanilang lugar. Dagdag pa nila, “Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay nagkasakit na humantong na sa kanyang pagpanaw. Hindi rin siya nagka-dengue infection.”


Noong Oktubre 2018, nagbago ang ugali ni Trisha Mae. Anang kanyang mga magulang, “Siya ay naging bugnutin, mainitin ang ulo at tulog nang tulog. Siya ay nagreklamo rin ng pananakit ng ulo, tiyan at batok. Siya ay pinapainom namin ng paracetamol sa tuwing nakakaranas siya ng mga karamdamang ito at bumubuti naman ang kanyang kondisyon.”

Noong Disyembre 2018, muli niyang naranasan ang mga nabanggit na sintomas. Isinusuka rin niya ang kanyang kinakain. Pagdating ng Enero hanggang Marso 2019, ganito ang mga naranasan niya bago siya tuluyang bawian ng buhay:

  • Enero 19 - Nagkalagnat si Trisha Mae. Siya rin ay tulog nang tulog. Humina siya at nag-umpisang mangayayat.

  • Enero 26 Dinala siya sa isang ospital sa Marikina City, kung saan siya sinuri at nalaman na siya ay may UTI at lalo siyang nanghina. Siya rin ay nagsusuka. Niresetahan siya ng antibiotics at umuwi na rin sila sa bahay.

  • Enero 28 at sumunod na linggo - Hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Ito ay labis na ikinabahala ng kanyang mga magulang, ganundin ang mga pagbabago sa kanyang kalusugan. Siya ay dinala sa isang ospital sa Quezon City. Sa isolation room, siya ay niresetahan ng antibiotics para sa kanyang UTI. Nang sumunod na linggo, nagpatuloy ang kanyang lagnat; hindi ito bumababa sa kabila ng mga gamot na pinaiinom sa kanya. Sinabayan ito ng matinding pananakit ng kanyang ulo at pagsusuka.

  • Pebrero 4 - Isinailalim siya sa x-ray at nalaman na may pneumonia siya. Ang kanyang kaliwang mata ay namaga rin. Siya ay nag-seizure at nanigas ang kanyang katawan. Hindi na siya makausap nang maayos at umuungol na lang tuwing siya ay kinakausap. Pagkatapos, siya ay nawalan ng malay sa loob ng tatlong araw. Siya ay isinailalim sa CT Scan at base sa resulta, mayroon siyang Hydrocephalus at TB Meningitis. Makalipas nito, bumalik ang pagtugon ng kanyang katawan. Siya ay nagising, subalit siya ay palagi nang natutulog. Lumipat din sa kanan ang pamamaga ng kanyang mata.

  • Pebrero 17 - Inoperahan siya sa ulo at hindi na siya muling nagising. Ayon sa doktor, halos comatose na siya. Umabot din sa 170/140 ang blood pressure niya at mataas ang kanyang lagnat. Nakakagalaw at nakakaramdam pa rin siya, bagama’t nakapikit na lang. Nakita rin ng kanyang mga magulang ang pagdaloy ng kanyang mga luha.

  • Marso 1 - Pinainom siya ng gamot, subalit isinuka niya ito. Siya ay dehydrated at nangulubot ang kanyang balat. Base sa hitsura niya, brain dead na siya. Nang hawakan ng kanyang mga magulang ang kanyang ulo, malamig ito.

  • Marso 2 at 3 - Bumaba ang blood pressure niya at mabilis ang tibok ng kanyang puso. Noong Marso 3, bumagsak na ang kanyang kondisyon, may lumabas na puting bula sa kanyang ilong. Bumaba nang bumaba ang kanyang BP at siya ay nag-agaw buhay. Sinubukan siyang i-revive, subalit wala na silang nagawa at tuluyan na siyang namatay noong Marso 3, 2019.


Ayon kina G. at Gng. Solamo, “Napakasakit ng pagpanaw ni Trisha Mae. Siya ay masigla, aktibo at malusog na bata, kaya nakakapagtaka na bigla siyang nagkasakit at ikinamatay pa niya ito. Hindi namin maiwasang mag-isip kung ano’ng klase ng gamot ang naiturok sa aming anak at ganu’n ang nangyari sa kanya.


“Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna kay Trisha Mae. Bukod pa rito, sa sinabi nila na ang bakuna ay magsisilbing proteksyon laban sa dengue, lalo na sa mga nagkaroon na ng dengue. Hindi ipinaliwanag ng mga empleyado ng aming health center ang maaaring maging epekto ng bakuna sa kalusugan ng aming anak. Dengvaxia lamang ang naiturok sa kanya bago siya makaramdam ng pagbabago sa kanyang kalusugan, kaya kailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga nagbakuna sa aming anak. Labis ang pighati na aming nararamdamang mag-asawa ngayon. Ganundin ang aming pagkabahala dahil ang kuya niya ay nabakunahan din ng Dengvaxia.”

Sa Dengvaxia cases, ang laban ng aming tanggapan at ng PAO Forensic Team ay hindi lamang para sa mga yumaong biktima tulad ni Trisha Mae kundi para rin sa surviving vaccinees na gaya ng nakakatandang kapatid niya. Nakakalungkot lang isipin na ang mga Dengvaxia survivors at kanilang mga magulang ay nanatili ang takot sa kung ano ang kahihinatnan ng kanilang pagkakaturok.


Kaya naman ang laban ng mga batang namatay ay laban din ng mga batang patuloy na dinadala ang maaaring maging epekto ng eksperimentong bakuna na naiturok sa kanila. Patuloy kaming nagpupunyagi para sa karampatang hustisya para sa lahat sa kanila.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 5, 2022


Sa tinaguriang Dengvaxia cases, narinig namin ang pinakamatamis at pinakamagiliw na paglalarawan ng mga magulang sa kanilang mga anak, ngunit mula rin sa kanilang mga bibig ang pinakamasakit na pagbabahagi ng sinapit ng kanilang pinakamamahal na yumaong mga supling. Isa sa kanila si Gng. Sherry Mae A. Samorin ng Cebu City.


Narito ang bahagi ng kanyang matamis, ngunit mapait ding gunita sa kanyang kaisa-isang anak na si Zwitsal Samorin, pumanaw na Dengvaxia vaccinee:


“Si Zwitsal ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig sumayaw at bilugan ang kanyang katawan at hindi pa nagkaroon ng malubhang sakit. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nang siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw. Kahit siya ay nagkaroon na ng dengue bago maturukan, hindi naman siya naging kritikal. Monitoring lang ng fluids ang ginawa namin. Bakit nang mabakunahan siya ng Dengvaxia ay nagkasakit na siya?”


Si Zwitsal, 14, ay namatay noong Pebrero 23, 2018 sa isang ospital sa Cebu City. Siya ang ika-120 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Zwitsal ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 18, 2017 sa isang health center sa kanilang lugar. Ang kanyang pagkakasakit ay nagmula noong Agosto 2017. Pabalik-balik ang kanyang lagnat at pananakit ng ulo. Noong Setyembre 2017 hanggang Oktubre 2017, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Zwitsal hanggang sa lumubha ang kanyang kalagayan:

  • Setyembre 13 at 22 - Maliban sa pabalik-balik na lagnat, nagkaroon siya ng pagsusuka at ubo, sakit ng ulo at tiyan, kaya siya ay dinala sa isang ospital sa Cebu City. Sinabing nagkaroon siya ng Dengue kahit ayon kay Gng. Samorin ay wala naman silang isinagawang tests. Kaya kung ito ay totoo, ito umano ang pangalawang dengue ni Zwitsal; siya ay nagka-dengue na noong Setyembre 2016. Binanggit ni Gng. Samorin sa doktor na naturukan siya ng Dengvaxia. Aniya, “Hindi nila ako pinansin. Paulit-ulit kong sinasabi na palaging sumasakit ang ulo at tiyan niya at nagsusuka siya, pero pinalabas pa rin kami sa ospital noong September 22, 2017.”

  • Setyembre 25 at Oktubre 4 - Pumasok siya sa eskuwelahan noong Setyembre 25, pero pinauwi siya dahil nagkalagnat at sumakit na naman ang kanyang ulo, tiyan at nagsusuka pa rin siya. Sa bahay, natulog lamang siya at inobserbahan siya. Napansin ng kanyang pamilya na nagkaroon siya ng allergic reactions sa ininom niya na paracetamol. Namamaga ang kanyang mukha, kaya dinala siya sa isang ospital sa Cebu City noong Oktubre 4, 2017. Nalaman na siya ay may Sepsis Chronic Anemia at sinabihan sila na dapat siyang sumailalim sa 2D Echo dahil mabilis ang tibok ng kanyang puso. Niresetahan siya ng paracetamol na kaiba sa iniinom niyang Tempra para sa lagnat dahil sa kanyang allergic reactions. Binigyan din siya ng antibiotics para sa sepsis at iron supplement para sa kanyang anemia at umuwi na sila.

  • Oktubre 20, 2017 - Isinailalim siya sa 2D Echo sa isang ospital sa Cebu City. Nagtagal ang kanyang pag-inom ng antibiotics sa loob ng 15 araw. Ang iron supplement ay araw-araw niyang iniinom. Bumuti ang kalagayan niya sa tulong ng mga naturang gamot. Gayunman, pabalik-balik pa rin ang kanyang lagnat at sakit ng ulo at tiyan, kaya sa loob ng isang linggo ay tatlong araw lang siya nakakapasok sa paaralan.


Noong Nobyembre 2017 hanggang unang bahagi ng 2018 ang mga huling araw ni Zwitsal at pagsapit ng Pebrero ng naturang taon, siya ay binawian ng buhay. Narito ang ilang mga detalye:

  • Nobyembre 18 - Nagsabi siya sa kapatid ni Gng. Samorin na masakit ang ulo niya at sinabihan siya nito na matulog na ginawa naman niya.

  • Nobyembre 19- Hindi niya maigalaw ang kaliwang parte ng katawan niya at sumasakit ang kanyang ulo. Maputla rin ang kanyang katawan at parang na-paralyze ito. Nakaihi siya sa kanyang higaan at hindi na siya makabangon. Dinala siya sa ospital at kinuha ang clinical history niya at sinabi ng kanyang ina na mayroon siyang Sepsis Chronic Anemia. Inobserbahan siya at sinabing paralyzed si Zwitsal. Pinayuhan sila na ilipat siya sa ibang ospital dahil walang ICU ru’n. Sa pinaglipatang ospital, nakita sa CT Scan na mayroon siyang blood clot sa ulo na may laking 7mm. Ni-request agad ng neurosurgeon na maoperahan si Zwitsal. Noong Nobyembre 19, 2017, siya ay inoperahan at paulit-ulit pang inoperahan. Sumailalim siya sa anim na operasyon. Bago siya mamatay, nagtagal siya ng 89 araw sa ospital.

  • Pebrero 23, 2018 - Pumanaw si Zwitsal. Isinalaysay ni Gng. Samorin na “Ang orihinal na kopya ng Certificate of Death ni Zwitsal ay nasa ospital pa dahil hindi ko pa nababayaran ang bill na nagkakahalagang P1,643,980.75.”


Napakasakit para sa pamilya ni Zwitsal ang kanyang pagpanaw. Ang nagpapabigat pa sa pinapasan ng kanyang pamilya ay damang-dama sa mga salita ng kanyang ina, “Niloko pa ako ng DOH na tutulungan nila akong mabayaran ang napakalaking bill namin sa ospital, kaya ibinigay ko sa kanila ang mga dokumento ng aking anak na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik. Mabuti na lang, nakuhanan ko ng larawan ang Dengvaxia card dahil kung hindi, wala na akong ebidensya na naturukan siya ng Dengvaxia. Nang magpadala ang PAO ng Demand Letter, hindi na umusad ang sinasabi nilang proseso para sa release ng financial assistance. Kung talagang totoo sa kanila ang pagtulong sa akin, isang taon nang patay ang aking anak, pero hindi pa rin nila ako tinutulungan. Nakapag-babang luksa na ako, pero wala pa rin ang sinasabi nilang tulong.”


Sa mga may pandama pang mga pinatutungkulan ni Gng. Samorin, tila hapdi ng latigo ang maaaring dumapo sa kanila. Sa kanila, lalo na sa mga awtoridad na tila manhid na, latigo ng batas ang nararapat, bagama’t sa inutang nilang mga buhay ay walang makakasapat na katapat. Tamang hustisya ang hiling ng pamilya ni Zwitsal at handa ang PAO na sila ay tulungang makamit ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page