top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 30, 2022


Ang petsang Setyembre 12, 2018 ay hindi malilimutan ng pamilya nina G. Aldrin Magbanua at Gng. Rosalinda Cabasag ng Cebu. Nang araw na ‘yun ay nanganganib na mawalan sila ng matutuluyang tahanan at ang pinakamamahal nilang si Rose Al Magbanua ay nahulog at hindi nakaligtas sa pinakamatinding panganib sa kanyang buhay. Si Rose Al ay pumanaw nang araw na ‘yun.


Si Rose Al, 10-anyos, ang ika-127 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}, na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Severe Sepsis (Immediate Cause); Pedriatic Acquired Pneumonia High Risk With Hypoxia (Antecedent Cause); Hypocalcemia (Underlying Cause); Osteogenesis Imperfecta (Other significant conditions contributing to death). Subalit, ayon sa kanyang mga magulang, noong pumunta sila sa ospital upang kumuha ng kopya ng kanyang Death Certificate, sinabihan sila ng doktor na hindi nila tiyak kung ano ang totoong sanhi ng pagkamatay ng kanilang anak. Si Rose Al ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 11, 2017 sa isang sports complex sa Cebu. Ang nasabing pagbabakuna ay pinamunuan ng kawani ng health center sa kanilang lugar.


Si Rose Al ay may Hypokalemic Periodic Paralysis. Ito ay nalaman ng kanyang mga magulang noong 2012, noong nagreklamo siya ng panghihina at hirap sa paglalakad. Siya ay pinatingnan sa doktor at niresetahan ng gamot para sa kanyang karamdaman upang mapunan ang kakulangan ng potassium sa kanyang katawan. Ito ay kanyang ininom nang isang taon. Dahil may sakit din siya sa bato, sinabihan ang kanyang mga magulang na mas magandang herbal supplements ang inumin niya dahil masama sa kidney ang gamot, kaya ‘yun naman ang kanilang ginawa. Narito ang mga naging karamdaman ni Rose Al mula taong 2013 hanggang siya ay pumanaw noong Setyembre 12, 2018:

  • 2013 - Nabalian ng kamay si Rose Al dahil sa pagkakadulas niya sa sahig. Kinailangang operahan ang kanyang kaliwang kamay, subalit hindi natuloy dahil mababa ang kanyang potassium level.

  • 2016 - Sumunod na nabali ang kanyang kaliwang paa dahil naapakan ito ng bata. Hindi agad siya naoperahan dahil mababa ang potassium level niya.

  • 2017 - Nagreklamo ng pananakit ng puson si Rose Al at madalas siyang umihi. Inom din siya nang inom ng tubig at nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.

  • Hunyo 28, 2017 - Dahil dito, inilapit siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu upang ipasuri at malaman kung ano ang sanhi ng mga nararamdaman niya. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, mababa ang level ng kanyang potassium, calcium at phosphorus.

  • Hulyo 5, 2017 Isinailalim sa ultrasound si Rose Al at nakitang maraming maliliit na bato sa kanyang kidney. Siya ay niresetahan ng gamot para tunawin ang mga bato niya sa kidney.

  • Setyembre 2017 at mga sumunod na buwan - Sa tulong ng isang religious organization, nasuri ng doktor si Rose Al at isinailalim sa bone scan. Ayon sa doktor, marupok ang mga buto niya at siya ay may osteoporosis imperfecta. Sa mga sumunod na buwan, nagpatuloy ang hindi magagandang nararamdaman niya. Sa kagustuhan nilang maipagamot si Rose Al, nagtrabaho nang full time ang kanyang mga magulang. Gayunman, pinaiinom lang siya ng gamot. Salaysay ng mag-asawa, “Labis ang kagustuhan naming dalhin siya sa ospital upang masuri ng doktor, subalit dahil sa sobrang kahirapan sa buhay ay hindi namin ‘yun magawa. Napakasakit na makita naming naghihirap nang ganu’n ang aming anak.”

  • Enero 2018 - Namaga ang kanyang mukha at dalawang paa at nakaluhod na maglakad. Hinang-hina siya, gayundin, siya ay nagkalagnat na may kasamang paglalagas ng buhok. Masakit din ang kanyang dibdib, mga tuhod, at mababang parte ng likod at ito rin ay namaga. Nagkaroon din siya ng bukol sa kaliwang paa. Hindi natutunaw ang gamot na kanyang iniinom. Hindi rin bumuti ang kalagayan niya at pilit niyang tinitiis ang mga nararamdamang ito.

  • Setyembre 12, 2018 - Umaga noon, habang pinalalayas sa kanilang inuupahang bahay ang pamilya, sumigaw si Rose Al na masakit ang kanyang mga buto at hindi na niya kaya. Dinala siya ni Aling Rosalinda sa isang health center upang kumuha ng endorsement sa isang ospital sa Cebu. Dumating sila sa ospital at si Rose Al ay na-admit nang alas-2:30 ng hapon. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, nag-seizure siya at nangitim ang kanyang mga paa pataas sa kanyang ulo hanggang sa iginupo na siya ng kanyang kalagayan at siya ay nawalan na ng hininga. Sinubukan pa siyang i-revive, pero tuluyan na siyang pumanaw.


Salaysay ng mag-asawa, “Bagama’t nagkaroon ng problema ang aming anak sa kanyang kalusugan dahil mababa ang kanyang potassium, hindi pa siya nagkaroon ng dengue infection. Siya ay malambing, mapagmahal at masiglang bata sa kabila ng mga nararamdaman niya sa katawan.


“Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Rose Al. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata. Nakakapagtaka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Lalong lumala ang kanyang mga nararamdaman sa katawan dahil sa low potassium na namana niya mula sa kanyang ama. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aming anak.”


Sa kanyang murang edad, naranasan ng yumaong si Rose Al ang maging matiisin. Kuwento ng kanyang mga magulang, “Maraming tiniis si Rose Al na sakit sa kanyang katawan, subalit tiniis niya ang lahat nang ‘yun dahil naaawa siya sa aming mag-asawa na palaging naghahanap ng malalapitan, mapagamot lamang namin siya sa kanyang karamdaman na lalong lumala nang dahil sa Dengvaxia vaccine.”


Ang kuwentong ito ng pagtitiis na nauwi sa pagbubuwis ng buhay ni Rose Al ay kailangan nang matuldukan. Sa kahirapan ng kanyang mga magulang ay natutong magtiis ni Rose Al kahit masama ang kanyang mga nararamdaman. Sa kanyang murang edad, natuto siyang tanggapin nang maluwag ang kanyang sakit na pinalala pa ng naturang bakuna. Kaya kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division na kanilang nilapitan ay patuloy na nagpupunyagi sa labang pangkatarungan para kay Rose Al at sa mga tulad niyang biktima.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 23, 2022


Ang Araw ng mga Puso ay sikat na pagdiriwang sa mga taong nagmamahalan. Gayunman, may mga taong kahit pinagbubuklod ng pagmamahal ay may mapapait na alaala na may kaugnayan sa Valentine’s Day. Kasama rito ang pamilya Caidlang na iniwan ng kanilang pinakamamahal na anak na si Jovanni Carl Caidlang, nang ito ay pumanaw, isang araw pagkaraan ng Pebrero 14 noong taong 2019.


Si Jovanni, anak nina G. Conrado at Gng. Negressa Caidlang ng Cebu, 13, namatay noong Pebrero 15, 2019, ang ika-126 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jovanni ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 10, 2017 sa gymnasium ng kanilang barangay sa Cebu City. Ang nasabing pagbabakuna ay pinamunuan ng kawani ng health center sa kanilang lugar. Noong Nobyembre 2018, sumakit ang ulo ni Jovanni at kusa naman itong nawala. Nang dumalaw sa kanyang burol ang kanyang kaklase, nalaman ng kanyang mga magulang na may pagkakataong nahihilo si Jovanni habang nasa eskuwelahan.


Sinabi pa ng kaklase niya, minsan ay nagsuka siya dahil sa sobrang sakit ng ulo. Noong Disyembre 30, 2018, ipinarating sa mga magulang ni Jovanni ng kapatid ni G. Conrado (Patricia Dela Cruz) na ang kanilang anak ay nahilo at nawalan ng balanse noong Disyembre 28, 2018, nang ito ay pansamantalang namalagi sa bahay ni Patricia.


Pagdating ng taong 2019, narito ang nangyari kay Jovanni, hanggang ay bawian siya ng buhay noong Pebrero 15, 2019:

  • Enero 4 at 8 - Masakit ang kanyang ulo. Siya rin ay nanghihina, nahihilo at sumasakit ang buto sa likod at mga kasu-kasuan sa kanang paa. Nagsuka rin siya at naulit ang mga sintomas na ito noong Enero 8 at muli siyang nagsuka.

  • Enero 10 - Dinala siya sa isang ospital sa Cebu. Sabi ng doktor, maaaring may hyper-acidity si Jovanni, kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito na kanyang iinumin sa loob ng dalawang linggo at bumuti naman ang kalagayan niya sa nasabing panahon. Subalit bumalik ang pananakit ng kanyang ulo at panghihina. Mula nang makaramdam siya ng mga sintomas, madalas din siyang matulog nang nakahubad dahil naiinitan siya kahit hindi naman mainit ang panahon.

  • Pebrero 9 - Apat na beses siyang nagsuka at sumasakit ang kanyang ulo. Nahihilo rin siya, nanghina, sumakit at nangangalay ang kanyang likod pababa hanggang sa paa.

  • Pebrero 11, 12 at 13 - Noong Pebrero 11, muli siyang dinala sa ospital. Iminungkahi ng doktor na kailangan siyang i-CT scan, na siya namang nangyari noong Pebrero 12, 2019. Nalaman ang resulta nito noong Pebrero 13, 2019 na diumano ay may tubig ang kanyang utak. Pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, dinala ulit siya sa ospital. Pagkadating nila ru’n, nagsuka siya ng dugo. Makalipas ang ilang sandali, muli siyang nagsuka ng dugo, pero mas malapot na at nagkukulay itim na ito. Pagsapit ng hating gabi ay in-admit na siya sa ospital.

  • Pebrero 14 - Hindi niya makontrol ang kanyang pagkilos. Nasisilaw din siya kahit hindi naman maliwanag ang paligid. Labis ding masakit ang kanyang paa at pagsapit ng gabi, hindi na siya makatayo. Nagpupumiglas din siya at nais nang umuwi. Unti-unti na rin siyang hindi nakakakilala. Pagsapit ng alas-11:00 ng gabi, sabi ng neurologist, kailangan siyang operahan. Inilipat siya ng ospital na may mas mababang bayad. Habang sila ay nasa ambulansya, may mga lumabas na pantal sa kanya na nawala rin, pero pagdating sa emergency room, bumalik ito at nangitim ang kanyang mga labi.

  • Pebrero 15 - Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, habang siya ay nasa emergency room, ni-revive siya. Ilang sandali lamang ay sinabihan ng doktor ang mag-asawang Caidlang na si Jovanni ay tuluyan nang pumanaw.


Salaysay ng mag-asawa, “Si Jovanni ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Kailanman ay hindi pa siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, bukod nitong kamakailan, kung saan malubha siyang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Bukod pa ru’n, hindi pa siya nagkaroon ng dengue infection. Siya ay malusog, malambing, mapagmahal at masiglang bata. Siya ay mahilig sumayaw at wala siyang tanging kagustuhan kundi ang magbigay ng ligaya sa aming tahanan. Kaya napakasakit para sa aming pamilya ang pagpanaw ni Jovanni.”


Ang Dengvaxia cases ay puno ng mga totoong kuwento ng matitinding paghihirap ng mga biktima at ng kanilang naiwang mga pamilya. Sabi ng mga magulang ng yumaong si Jovanni, “Kung ano’ng hirap na naranasan niya ay dobleng sakit ng loob na naranasan namin dahil wala kaming magawa para tulungan siya. Kung puwede lang na kami na lang ang makaramdam ng kanyang sakit ay kukunin namin ito para hindi mahirapan ang aming anak.”


Hindi man makakasapat bilang pampawi ng hirap ng kalooban nina G. at Gng. Caidlang, buong sigasig naming itinataguyod ang kaso ni Jovanni na inilapit nila sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division.


Sa abot ng aming makakaya bilang kanilang mga manananggol, hindi namin hahayaan na ang maikling kuwento ng buhay ni Jovanni ay magtapos sa hapis kundi sa tagumpay na nag-uumpisa sa tatag ng kaloobang lumaban para sa katarungan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 16, 2022



Ang tao ay itinuturing na pinakamataas na uri ng nilalang sa mga nilikha ng Maykapal. Kaya napakasakit na makita ang isang bata na tila naaapektuhan, kung hindi man nakokontrol ng isang bagay ang kanyang pag-uugali na maituturing na malaking bahagi ng kanyang pagkatao. Ganito ang nangyari kay Genalyn Ababao.


Si Genalyn ay 14-anyos at namatay noong Marso 16, 2019, ang ika-125 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Genalyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Hunyo 30, 2016; pangalawa noong Disyembre 13, 2016 at pangatlo noong Hunyo 28, 2017 sa kanilang paaralan. Noong Hunyo 30, 2016, matapos ng unang dose ng Dengvaxia ay sumakit ang ulo niya. Nawala rin agad ito pagkatapos ng ilang sandali, ngunit bumalik noong ikatlong dose niya, kung saan nagbago ang kanyang pag-uugali. Noong Hulyo 5, 2017, naging bugnutin siya, naging palamura at mainitin ang ulo.

Ayon sa kanyang ina na si Gng. Jennifer Ababao ng Bulacan, “Magalang at mabait ang aking anak bago pa man siya maturukan ng Dengvaxia. Pero nang matapos ang pangatlong dose niya ng bakuna ay nag-iba ang pag-uugali niya. Maging ang pagligo niya sa anumang oras ay naging madalas. Ang katwiran niya, siya ay naliligo kahit dis-oras ng gabi dahil naiinitan siya. Kahit hindi naman mainit ang panahon noon ay naiinitan pa rin daw siya.”


Nagpatuloy ang nabanggit na pagbabago ng ugali ni Genalyn sa mga sumunod na buwan at taon. Dagdag pa ni Gng. Jennifer, “Lagi nang mainit ang kanyang ulo. Nawala na ang dating mabait at magalang na bata. Nang tanungin namin kung bakit naging mainitin ang kanyang ulo, tanging sulyap lamang sa amin ng kanyang ama ang itinugon niya.”


Pagdating ng taong 2019, ganito ang nangyari kay Genalyn sa iba’t ibang petsa ng Marso, hanggang sa tuluyan na siyang bawian ng buhay noong Marso 16, 2019:

  • Marso 12 at 13 - Nagkalagnat siya, sinamahan ito ng pananakit ng tiyan at ulo. Nagreklamo rin siya ng pangangalay ng binti. Siya ay pinainom ng gamot at umayos naman ang kalagayan niya kinaumagahan (Marso 13).

  • Marso 14 - Kinombulsiyon siya bandang alas-7:00 ng umaga. May lagnat siya at masakit din ang kanyang ulo at tiyan. Siya ay nagsusuka ng maitim na likido na nagkukulay berde. Gayundin, siya ay dumumi ng basag. Nagreklamo siya ng pangangalay ng parehong binti at pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, nanigas ang kanyang kaliwang braso. Bumabalik-balik ito pagkalipas ng lima hanggang sampung minuto. Siya ay kinombulsiyon sa pangalawang pagkakataon at pagkatapos nu’n ay hindi na siya makausap ni Gng. Jennifer. Bandang alas-10:30 ng gabi, sinusuntok niya ang kanyang dibdib dahil hirap siyang huminga. Sinasabunutan din niya ang kanyang sarili sa hindi malaman na dahilan. Dahil sa mga nararamdaman niya, dinala siya ni Gng. Jennifer sa isang ospital sa Baliuag, Bulacan at isinailalim sa CBC test. Base sa resulta, normal naman ito, at ni-refer siya sa isang ospital sa Malolos, Bulacan para maisagawa ang kumpletong pagsusuri sa kanya. Pagsapit ng alas-11:00 ng gabi, inilipat siya sa nasabing ospital at isinailalim ulit siya sa CBC test, urinalysis at x-ray.

  • Marso 15 - Lumala ang kanyang kondisyon. Naging pabalik-balik ang kanyang kombulsiyon at hindi pa rin siya makausap ni Gng. Jennifer. Sa tuwing kinakausap siya ay lumuluha lamang siya. Dahil palala nang palala ang kanyang kondisyon, inilipat siya sa ICU ng ospital alas-2:00 ng hapon. In-intubate si Genalyn, tumutulo na lamang ang kanyang luha at may lumabas na likido sa kanyang ilong at bibig. Pagsapit ng gabi, lumala ang kanyang kalagayan.

  • Marso 16, alas-4:00 ng madaling-araw - Hirap na hirap siyang huminga. Inaangat niya ang kanyang dibdib sa tuwing humihinga. Nag-agaw buhay siya pagsapit ng alas-5:00 ng madaling-araw. Siya ay sinubukang i-revive, subalit pagdating ng pasado alas-6:00 ng umaga, tuluyan nang nilisan ni Genalyn ang kanyang mga mahal sa buhay.


Ani Gng. Jennifer, “Sa panahong namalagi kami sa ospital, sinabihan kami ng doktor na maaaring may tubig sa baga, impeksyon sa dugo o viral infection ang aking anak, kaya siya ay biglang nagkasakit at naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


“Si Genalyn ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Kailanman ay hindi pa siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, bukod nitong kamakailan kung saan malubha siyang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Bukod pa rito, hindi pa siya nagkaroon ng dengue infection dahil siya ay malusog at masiglang bata. Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Genalyn. Hindi ko akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.”


Ang mahilig mag-aral, gumuhit at kumanta na si Genalyn ay nangarap maging guro at doktor dahil gusto niyang tumulong na makaahon ang kanyang pamilya sa mahirap na buhay. Isinalaysay ni Gng. Jennifer na, “Mahirap man ang aming kalagayan, nairaraos naming mag-asawa ang kanyang pag-aaral. Kaya nakakapagtaka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang kanyang kalusugan at pag-uugali. Sa napakaikling panahon ay agad nawala sa amin ang aking anak.”


Hindi naabot na pangarap at nawalang buhay ng anak mismong minumutya — ang lahat ng ito ay hindi na maibabalik pa sa pamilyang Ababao. Ngunit ang katarungan para sa sinapit ni Genalyn ay amin pa ring inilalaban sa PAO at ng PAO Forensic Laboratory Division na makamit, sapagkat hindi sinusukuan ang laban para sa mga biktimang tulad ni Genalyn— pumanaw na labis na naapektuhan ang katauhan ng trahedyang pinagdaanan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page