top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 21, 2022


Ang kalayaan ay bahagi ng ating pagkatao, ngunit may mga pagkakataon sa ating buhay na nagiging balakid sa pagsasakatuparan nito. Sina Gng. Charlyn Ann Gregorio at Reynalyn Almachar, mag-inang taga-Pampanga, ay sinubok ng mga kadahilanang sumagka sa kanilang pagiging malaya.


Si Gng.Charlyn ay naging person deprived of liberty (PDL) at si Reynalyn ay nagkaroon ng matinding karamdaman na nauwi sa isang trahedya. Kapwa sila napagkaitan ng pagkakataon na buong laya na mapaunlad ang kanilang mga sarili at pamilya. Gayunman, kay Gng. Charlyn ay may banaag pang nakikita para sa magandang bukas, subalit kay Reynalyn, ang kagandahan ng bukas na naghihintay sa kanya ay hindi na niya masisilayan sa mundong ito kundi sa kabilang buhay.


Si Reynalyn, 14, ay namatay noong Abril 8, 2019. Siya ang ika-130 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Acute Respiratory Failure (Immediate); Acute Respiratory Distress Syndrome (Antecedent); Pneumonia High Risk (Underlying); at Pulmonary Tuberculosis Disease (Other significant conditions contributing to death).


Ipinagkatiwala ni Gng. Charlyn ang pangangalaga kay Reynalyn sa lola nito na si Gng. Annalyn M. Burlas ng Pampanga. Nasa pangangalaga na ni Gng. Annalyn si Reynalyn mula pagkabata at dahil nakulong ang kanyang ina sa isang pasilidad na nasa pamamahala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) mula noong Marso 18, 2019 hanggang Setyembre 23, 2019. Ayon kay Gng. Annalyn, si Reynalyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Pampanga noong Abril 8, 2016, Oktubre 21, 2016, at Hunyo 28, 2017. Noong Hunyo 2017, dumaing si Reynalyn ng pananakit ng likod hanggang balakang. Sa tuwing humihinga, parang hinihika siya. Namanas din ang kanyang mukha, hita at paa, at siya ay nagkalagnat. Gayunman, gumaling siya makalipas ang tatlong araw.

Noong Enero 2019 hanggang Marso 2019, nadagdagan ang mga naramdaman ni Reynalyn:

  • Enero 5 - Pabalik-balik ang lagnat at pananakit ng ulo ni Reynalyn. Nawawala naman ito sa tuwing pinapainom siya ng paracetamol.

  • Marso, ikalawang linggo - Niregla siya at tumagal ito ng isang linggo. Ayon sa kanyang lola, “Labis ang regla niya dahil tumatagos ito sa kanyang napkin. Tumagal ng tatlong araw ang kanyang labis na pagregla.”

  • Marso 26 - Namanas ang mukha niya. Nagreklamo rin siya ng labis na pananakit ng ulo.

  • Marso 29 at 30 - Bandang alas-10:00 ng umaga, dinala siya ng kanyang lola sa isang ospital sa Pampanga upang patingnan sa espesyalista. Ayon sa doktor, may impeksiyon sa dugo si Reynalyn. Dapat ay i-a-admit siya, subalit dahil ayaw niya, inuwi siyang muli sa bahay at niresetahan ng antibiotics. Pagsapit ng alas-12:00 ng tanghali, hindi siya makakita at hindi niya maigalaw ang kanyang paa, kaya muli siyang itinakbo sa ospital. Isinailalim siya sa x-ray at base sa resulta, kumalat na diumano ang kanyang tuberculosis (TB) infection. Dahil kulang ang pasilidad ng nasabing ospital, ini-refer sila sa ibang ospital na kanila namang ginawa. Muli siyang isinailalim sa x-ray at nalaman na may kumplikasyon sa puso si Reynalyn, kung saan ang puso niya ay nabalutan ng plema. Dinala siya sa isolation room at pinainom ng antibiotics at muli siyang niregla. Noong Marso 30, 2019, muli siyang isinailalim sa x-ray; pareho ang resulta nito.


Ang unang linggo ng Abril 2019 ang naging kritikal na mga araw ni Reynalyn, na humantong sa kanyang kamatayan:

  • Abril 2 - Saad ng kanyang lola, “Ang kanyang pwerta ay nagtutubig na parang napaso.” Ayon sa OB-GYN, sanhi lang ito ng init sa kanyang katawan. Niresetahan siya ng antibiotics at umayos ang kanyang kalagayan matapos ang tatlong araw. Nagsuka rin siya ng dugo.

  • Abril 7 - Bandang alas-2:00 ng hating gabi, hindi siya makahinga, kaya in-intubate siya. Noong alas-4:00 ng hapon, pinalitan ng mechanical ventilator ang manual pump ng intubation niya. Hindi naging maayos ang lagay niya dahil barado ang mechanical ventilator, kaya ibinalik ang manual pump.

  • Abril 8 - Alas-2:00 ng madaling araw, hindi siya makahinga at nag-agaw buhay siya. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, tuluyan nang pumanaw si Reynalyn.


Sa kanyang pagbabalik-tanaw nang may pagdadalamhati, sinabi ng kanyang lola, “Noong 2-anyos pa lamang ang aking apo ay nagka-primary complex siya. Taong 2011 din nang mag-umpisang magpabalik-balik ang kanyang ubo at sipon. Noong 2014 ay nagka-dengue infection siya, gayunman, lumaki siyang masigla.


“Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Reynalyn. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata. Nakapagtataka na matapos siyang maturukan ng Dengvaxia vaccine ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan.”


Maaalala na noong taong 2016 ang unang dalawang turok ng nasabing bakuna kay Reynalyn, subalit ang pagbabakunang ito ay nalaman lamang ng kanyang lola noong 2017, nang ibigay kay Gng. Annalyn ang kanyang vaccination card ng isang health worker sa kanilang lugar.


Isa na naman ito sa maraming kaso ng walang kapahintulutang pagbabakuna na nauwi sa trahedya. Katarungan para sa kaso ni Reynalyn ang inihihinging tulong ni Gng. Annalyn sa PAO at PAO Forensic Team. Sa abot ng aming makakaya, saklaw ng mandato ng aming Tanggapan, hindi namin sila bibiguin.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 14, 2022


Malusog masigla, mahilig sumayaw at mapagmahal. Ganito ang pagkakalarawan ni G. Primo Lomtong ng Taytay, Rizal sa kanyang anak na si Shaira Mae Lomtong. Ang larawang ito ay malayo sa naging kalagayan ni Shaira Mae nang siya ay paulit-ulit na naospital bago pumanaw.


Napakasakit para kay G. Primo ng gunitang ito. Ang higit pang nagpapahapdi sa alaalang ito ay ang ipinagtapat niya na hindi pagbibigay ng halaga sa kanyang sinasabi noon sa mga awtoridad sa ospital. Aniya, “Habang naka-confine ang aking anak, ilang ulit kong sinabihan ang mga doktor at nurses na siya ay nabakunahan ng Dengvaxia, pero hindi man lang ako pinansin ng mga doktor at empleyado ng ospital.”

Si Shaira Mae, 12, ay namatay noong Marso 27, 2019. Siya ang ika-129 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang ama, si Shaira Mae ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia: una, noong Abril 12, 2016; pangalawa, noong Oktubre 21, 2016, at pangatlo noong Setyembre 14, 2017 sa kanilang paaralan. Noong Oktubre 2016, ilang araw matapos ang pangalawang pagkakaturok sa kanya ng nasabing bakuna, nag-umpisa siyang makaranas ng pabalik-balik na pananakit ng ulo. Noong Enero at Pebrero 2018, nagreklamo si Shaira Mae ng pananakit ng batok kasabay ng pananakit ng ulo. Naging pabalik-balik pa rin ang mga nararamdaman niyang ito sa mga sumunod na buwan.

Narito ang ilang mga detalye sa mga nangyari kay Shaira Mae mula Pebrero 2019 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Marso 27, 2019:

  • Pebrero - Matamlay siya. Masakit ang kanyang batok, tiyan at ulo. Madalas niya ring isinusuka ang kanyang mga kinakain at palaging inaantok. Tulog siya nang tulog pagkagaling niya sa eskuwela.

  • Huling linggo ng Pebrero - Dinala siya ni G. Primo sa isang ospital sa Taytay, Rizal. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng kanyang urinalysis, may urinary tract infection (UTI) siya. Binigyan siya ng antibiotics ng doktor para sa kanyang UTI.

  • Unang linggo ng Marso - Muling sumakit ang kanyang ulo at siya rin ay nilagnat. Siya ay matamlay at muling nagreklamo ng pananakit ng batok. May pagkakataon pa ring isinusuka niya ang kanyang kinakain at palaging inaantok.

  • Marso 11 at 12 - Sumakit ang kanyang ulo. Pagkatapos nito, nawalan na siya ng malay kaya muli siyang dinala sa ospital. Nilagyan siya ng swero at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri, niresetahan din siya ng pain reliever dahil sa sobrang pananakit ng kanyang ulo. Dahil walang bakanteng kuwarto ang nasabing ospital, ni-refer sila sa isang ospital sa Pasig City. Pumunta sila sa nasabing ospital, pero dahil pumutok ang septic tank du’n, inilipat si Shaira Mae sa isang ospital sa Quezon City noong Marso 12, 2019. Isinailalim siya sa CT scan at may nakitang nana diumano sa kanyang utak.

  • Marso 13 at 14 - Inoperahan ang kanyang ulo upang tanggalin ang nakitang nana. Marso 14, 2019 nang matapos ang kanyang operasyon, subalit sa kabila nito ay hindi nila natanggal ang lahat ng nakitang nana. Ayon sa doktor, may kaunting naiwan sa maselang bahagi ng kanyang utak. Hindi diumano nila maaaring tanggalin ang lahat ng nakitang nana dahil delikado at baka tamaan ang kanyang utak. Naging maayos naman ang kanyang kundisyon sa mga sumunod na araw.

  • Marso 23 - Magkasunod siyang hinimatay. Ito ay nangyari, dalawang minuto lamang ang lumipas nang siya ay ilabas sa ICU at matapos niyang mag-seizure. Pagdating ng gabi, muli siyang hinimatay.

  • Marso 25 - Nang iniangat ni G. Primo ang kamay ni Shaira Mae ay malambot na ito. Sinabihan ng doktor si G. Primo na comatose na si Shaira Mae. Isasailalim dapat sa CT scan si Shaira Mae, bandang alas-8:00 ng umaga nang mawala ang pagtibok ng kanyang puso. Siya ay ni-revive at naging matagumpay naman ito, subalit comatose pa rin si Shaira Mae. Pagkatapos nito, na-CT scan siya at base sa resulta, kumalat na ang nana sa kanyang ulo. Hindi na rin stable ang kanyang vital signs.

  • Marso 27 - Nag-agaw buhay si Shaira Mae bandang alas-3:00 ng madaling-araw at pagdating ng alas-3:40 ng madaling-araw, tuluyan na siyang pumanaw.


Ani Mang Primo, “Sa napakaikling panahon, nawala ang aking anak. Hindi ipinaliwanag sa akin kung ano’ng puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking anak. Bago siya mabakunahan ng Dengvaxia, inabutan niya lamang ako ng kapirasong papel na dapat kong pirmahan upang magbigay-pahintulot na siya ay maturukan ng Dengvaxia vaccine. Bilang magulang at sa kagustuhan kong mabigyan ng proteksyon ang aking anak laban sa dengue infection, pinirmahan ko ang nasabing papel. Bukod sa sinabing bakuna sa dengue ang ituturok sa kanya, hindi na ako sinabihan kung kailan ang pagbabakuna sa aking anak, kaya hindi ko siya nasamahan nang binakunahan siya. Maliwanag na ako at ang aking pamilya ay napagkaitan ng pagkakaton na malaman ang epekto ng nasabing bakuna sa aking anak.”

Noong Marso 25, 2019, pinakain pa ni Mang Primo si Shaira Mae. Walang nag-akala sa mag-ama na dalawang araw pagkatapos nito ay may magpapaalam na isa sa kanila. At dahil ‘yun ay “huling paalam,” wala nang ganitong pagkakataon na maibabalik sa mag-amang Lomtong. Gayunman, kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division na kanilang nilapitan ay patuloy sa masigasig na paglaban ng kaso ni Shaira Mae sa legal na pamamaraan. Kami ay umaasa na ang matatamong katarungan sa dulo ng labang ito ay makakapagpagaan sa bigat na hatid ng alaala sa pamilya Lomtong ng naturang “huling paalam.”

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 7, 2022


Sa edad na 16, si Froilan Amistoso ng Cebu City ay larawan ng isang kabataan na malusog, mapagmahal, masigla, masipag at maparaan sa buhay. Sa naturang edad, siya ay naging aktibo sa paglalaro ng basketball at sa pamamasada ng tricycle sa umaga upang makatulong sa mga gastusin niya sa pag-aaral. Ngunit sa gulang niya ring ito, natapos ang maikli niyang kuwento sa mundo.

Si Froilan ay namatay noong Enero 12, 2018. Siya ay ang ika-128 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Froilan ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 2017 sa kanilang paaralan sa Lapu-Lapu City. Ayon sa kanyang ina na si Gng. Rosela Amistoso, nakalagay sa Death Certificate ni Froilan na ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Malignant Neoplasm of Lymphoid Hematopoietic And Related Tissue Unspecified (Antecedent Cause).


Narito ang mga naranasan ni Froilan mula Disyembre 22, 2017 hanggang sa siya ay pumanaw noong Enero 12, 2018:

  • Disyembre 22, 2017 - Sumakit ang ulo at tiyan ni Froilan. Dumumi rin siya at kulay itim ang kanyang dumi. Bukod sa sakit ng ulo at tiyan, nilagnat at naging matamlay siya, gayundin, isinusuka ang kanyang mga kinain. Pinainom siya ni Gng. Rosela ng Kremil-S para sa pananakit ng kanyang tiyan at pagsusuka; Biogesic naman para sa pananakit ng kanyang ulo. Nawala naman ang pananakit ng ulo at tiyan niya pati ang kanyang pagsusuka, subalit naging pabalik-balik ito.

  • Enero 6, 7, 2018 - Nagdugo ang kanyang gilagid. Kinabukasan, siya ay dinala ng kanyang ate Elisa Famulagan sa dentista upang patingnan ang kanyang bibig, ngipin at gilagid. Ayon kay Elisa, nilinis ng dentista ang kanyang ngipin. Dagdag pa niya, nagtaka ang dentista dahil lalong nagdugo ang gilagid ni Froilan, kaya niresetahan siya ng Mefenamic Acid. Nagpatuloy pa rin ang pagdurugo ng kanyang gilagid. Kinagabihan, nagreklamo ng labis na pananakit ng tiyan at pagsusuka si Froilan. Dahil dito, dinala siya sa isang ospital sa Cebu, at nakita na mababa ang kanyang platelet count. Dahil dito, inisyal na sinabihan ang pamilya niya ng doktor na baka siya ay may dengue.

  • Enero 8, 2018 - Lalong bumaba ang platelet count ni Froilan. Iminungkahi ng ospital na ilipat si Froilan sa ibang ospital na kumpleto sa kagamitan, alas-6:00 ng gabi nang mailipat siya. Nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at ulo, siya rin ay nagkalagnat at nagsusuka.

  • Enero 10, 11, 2018 - Lumabo ang paningin ni Froilan. Siya ay nagkaubo, hindi makaihi, hindi makatayo at lumaki ang kanyang tiyan. Sinabihan ang pamilya niya ng doktor na hindi dengue ang kanyang sakit kundi siya ay may leukemia, at kailangang masalinan siya ng dugo. Kaya nang sumunod na araw, naghanap ang kanyang pamilya ng blood donors. Namumutla si Froilan at kahit kurutin siya ay hindi na namumula ang kinurot na bahagi ng kanyang balat.

  • Enero 12, 2018 - Uminom si Froilan ng napakaraming tubig. Siya ay nagwala dahil hirap siyang huminga at dumumi rin siya ng kulay itim. Gayundin, siya ay nagreklamo ng labis na pananakit ng tiyan. Pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, sinabihan niya ang kanyang pamilya na malapit na siyang mamatay sa kabila ng labis na kagustuhan niyang mabuhay. Sabi ng kanyang ina, “Kami ay mataimtim na nagdasal kasama si Froilan upang bigyan siya ng sapat na pananampalataya na tanggapin kung anuman ang kagustuhan sa kanya ng Poong Lumikha. Matapos ng ilang sandali, alas-4:55 ng hapon, tuluyan nang pumanaw ang aking anak.”


Pagbabalik-tanaw ng kanyang ina, “Hindi pa siya nagkaroon ng dengue. Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Froilan dahil hindi ko akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago maturukan si Froilan ay napakalusog naman niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang mabakunahan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aking anak.”


Ang naganap na pagtuturok ng nasabing bakuna kay Froilan ay isa na naman sa maraming kuwento ng unconsented vaccination. Ayon kay Gng. Rosela, “Wala kaming kaalam-alam na ang aking anak ay naturukan ng Dengvaxia, maliban na lamang nang sabihin ito ng kanyang kaklase na nabakunahan sila. Kung nasabihan kami hinggil sa pagbabakuna at kung ano’ng maaaring hindi magandang epekto ng pagbabakunang ito sa kanya ay hindi namin hahayaang mabigyan ng nasabing bakuna ang aking anak. Maliwanag na kami ay napagkaitan ng pagkakataon na malaman ang epekto ng nasabing bakuna.”


Bagama’t maraming beses na rin naming naririnig ang ganitong hinagpis, alam naming hindi nababawasan ang pait na dulot nito sa mga naiwang mahal sa buhay at maging sa amin sa PAO at PAO Forensic Team na nilapitan nila at hiningan ng tulong. Ang masipag at maparaan na si Froilan ay kaagapay ng kanyang pamilya. Kaya isang napakahalagang buhay na naman ang nawala sa katauhan ni Froilan at ang pag-asa na magkaroon ng magandang buhay ang kanyang pamilya ay naparam. Gayunman, ang sigasig naming lahat – upang sa dulo ang katarungan ay masumpungan – kailanman ay hindi namin bibitawan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page