top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | May 11, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #394



Ang kamatayan ay isang bagay na tiyak na darating sa bawat tao, bagama’t walang nakaaalam kung kailan, saan, o paano ito magaganap. Marami sa atin ang umaasang papanaw nang payapa, dulot ng katandaan, karamdaman, o natural na takbo ng buhay. Ngunit para sa iba, nakatakdang dumating ito sa masakit at hindi inaasahang paraan.


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, na hango sa kaso na mayroong pamagat na People of the Philippines vs. Jill Taytay y Callo and Jack Taytay y Ladra (CR-ORD-2016-615, May 6, 2019), ay tungkol sa mapait at hindi inaasahang sinapit ni Maximillan, na kalaunan ay nauwi sa kanyang kamatayan. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kasong ito at alamin kung ano ang naging hatol ng hukuman sa mga inakusahan na nagdala sa mga naulila ni Maximillan ng lungkot at kalbaryo. 


Paratang para sa krimen na homicide ang inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, laban sa mag-ama na sina Jack at Jill na inakusahang nagsabwatan at nagtulungan, nang walang makatarungang dahilan at mayroong intensyon na pumaslang, sa panununtok at panggugulpi kay Maximillan. 


Naganap ang naturang krimen sa loob ng isang sabungan sa Balingasag, Misamis Oriental, noong ika-3 ng Enero 2016. Nagtamo ang nasabing biktima ng malubhang pinsala sa ulo na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Batay sa bersyon ng tagausig, nag-ugat ang krimen sa pagtatalo sa pagitan nina Jack at Maximillan, kaugnay sa taya sa sabong. 


Diumano, bandang ala-6:30 ng gabi noong ika-3 ng Enero 2016, galit na nilapitan ni Maximillan si Jack, na noon ay nasa ibabang bahagi ng sabungan. Sinisingil diumano ni Maximillan si Jack ng taya ng huli sa sabong. 


Sa gitna umano ng kanilang pagtatalo, hinagisan ni Maximillan ng tuwalya si Jack, bagaman nakailag ang huli. Lumayo umano si Jack. Ngunit makalipas ang ilang saglit, lumapit muli at sinuntok sa panga si Maximillan. Bumaba naman diumano mula sa mga upuan sa itaas ng sabungan ang ama ni Jack na si Jill at sinuntok din si Maximillan, dahilan upang matumba si Maximillan sa lupa. Pinagtulungan diumano ng mag-ama si Maximillan, at noong nakahandusay na sa lupa si Maximillan, pumaibabaw si Jack at ilang ulit na pinagsusuntok ang ulo ni Maximillan hanggang sa mawalan ito ng malay.


Tumayo bilang saksi para sa tagausig ang isang nagngangalang “Victorico,” na nakasaksi umano sa insidente. Diumano, nilapitan ni Victorico ang mag-ama upang awatin ito, ngunit sila ay tumakbo palayo. 


Gayunman, sinubukan umanong habulin ni Victorico si Jack, subalit nabigo siya. Nang makita niyang tumatakbo si Jill patungo sa isa pang labasan, kanya itong hinabol at hinamon ng suntukan. Gayunman, nanaig diumano kay Victorico ang payo ng kanyang mga kaibigan na asikasuhin na si Maximillan. Kaya agad nila umanong dinala si Maximillan sa isang klinika, kung saan ilang beses na naibalik ang malay nito. 


Sa payo na rin ng doktor, kanilang inilipat si Maximillan sa pagamutan. Nang tanggapin diumano si Maximillan sa intensive care unit ay comatose na ang kalagayan nito. 

At sa kasamaang palad, pumanaw si Maximillan noong ika-6 ng Enero 2016.


Kinilala ng saksi para sa tagausig na si Dr. Castillo ang sertipikasyon ng kamatayan ni Maximillan, kung saan, nakasaad na “Brain Herniation Secondary to Subarachnoid, Secondary to Mauling,” ang sanhi ng pagkamatay nito. 


Gayunman, sa cross-examination, ipinahayag ni Dr. Castillo na ang pinsala sa ulo ng biktima ay maaaring sanhi ng pagkatama nito sa lupa noong siya ay matumba. Wala rin umanong iba pang sugat o pinsala si Maximillan.


Sa tulong at representasyon naman ni Manananggol Pambayan C.Y. Jamero ng PAO-Cagayan de Oro City, iginiit nina Jack at Jill ang pagsamo ng kawalan ng kasalanan.

Hindi itinanggi ng mag-amang akusado na sila ay nasa loob ng sabungan bandang ala-6:30 ng gabi noong ika-3 ng Enero 2016. Naroon din umano si Maximillan, na umiinom ng beer at tumataya sa sabong. 


Nang matapos ang may isang laban, siningil diumano ni Maximillan si Jack, subalit hindi nagbayad ang huli, sapagkat hindi naman umano siya sumang-ayon na tumaya kay Maximillan. 


Sa punto na ito ay bigla umanong sinugod ni Maximillan si Jack at nagsimula ang gulo sa kanilang pagitan. Nakiusap diumano si Jack kay Maximillan na huwag siyang saktan, ngunit inihagis diumano sa kanyang mukha ang isang tuwalya ni Maximillan, itinulak siya at pilit na pinagbabayad. Nang tumanggi pa rin si Jack, sinuntok umano siya ni Maximillan sa kanang pisngi, dahilan ng pagkahulog ni Jack sa ibabang bahagi ng sabungan. Hinabol umano siya ni Maximillan at muling sinuntok. Habang sila ay nagpapangbuno, lumapit diumano ang kaibigan ni Maximillan na si Victorico, at hinampas si Jack sa ulo at mukha gamit ang isang silya. Nanghina, natulala, at gumapang diumano si Jack papunta sa loob ng silid ng may-ari ng sabungan at humingi ng saklolo. Pumayag diumano ang may-ari na magtago roon si Jack.


Maliban kina Jack at Jill, tumayo bilang saksi para sa depensa ang eyewitnesses na nagngangalang “Ken” at “Alcher” na pinatotohanan ang depensa ng mag-ama.


Sa pagdedesisyon sa kasong ito, masinsinang pinag-aralan ng hukuman ng paglilitis kung sadyang pinaslang nina Jack at Jill si Maximillan, kung sila ay nagsabwatan, o kung maituturing na pagtatanggol lamang sa sarili ang ginawa ni Jack.


Ipinaalala ng RTC na ang homicide, na nakasaad sa Artikulo 249 ng ating Kodigo Penal, ay mayroong mga sumusunod na elemento: (1) mayroong tao na napaslang; (2) ang akusado ang may-akda sa pamamaslang; (3) mayroong intensyon ang akusado na pumaslang; at (4) ang pamamaslang ay hindi nakakitaan ng alinman sa mga qualifying circumstances ng krimen na murder, o ng parricide o infanticide.


Sa kasong ito, hindi kaila sa RTC na mayroong naganap na gulo sa pagitan ni Maximillan at Jack na mayroong kaugnayan sa tayaan sa sabong. 


Sa parte ng tagausig, kanilang iniangkla ang akusasyon ng pamamaslang sa diumano ay pananalakay ni Jack kay Maximillan batay sa testimonya ni Victorico. Samantala, ang ipinagtataka ng hukuman ng paglilitis ay kung bakit walang ibang saksi na nagpatotoo sa testimonya ni Victorico. 


Sa kabilang banda, ayon sa testimonya ng mga saksi ng depensa, hindi inosente na tagamasid si Victorico sa naganap na insidente, sapagkat siya mismo ay nakisali sa gulo nang hampasin nito si Jack ng isang silya at hinabol si Jill noong makita nito na palabas ang huli sa naturang sabungan. Dahil dito, hindi naging kapani-paniwala sa hukuman ang testimonya ni Victorico, na ilarawan ang sarili at si Maximillan bilang mga inosente at walang kapintasan sa pangyayari na humantong sa pagkamatay ni Maximillan.


Higit na naging kapani-paniwala para sa hukuman ng paglilitis ang ebidensya ng depensa na si Maximillan ang walang batayan na sumalakay kay Jack upang komprontahin ito tungkol sa taya sa sabong. 


Naitaguyod ng depensa na matapos na hagisan ni Maximillan ng tuwalya si Jack ay sinuntok nito sa mukha ang huli na naging dahilan upang mahulog si Jack sa mga upuan. Matapos ay hinabol pa ni Maximillan si Jack, sila ay nagpambuno na kung saan, bilang paghihiganti, sinuntok ni Jack si Maximillan na naging dahilan upang matumba si Maximillan sa lupa.


Dagdag pa ng hukuman ng paglilitis, naitaguyod ng depensa ang mga sumusunod na katotohanan, na hindi nagawa na salungatin ng tagausig: (a) na higit na malaki at matangkad si Maximillan kumpara kay Jack; (b) na retiradong militar na may edad na kwarenta y nueve [49] lamang si Maximillan; at (c) na kilala na mayroong impluwensya sa naturang sabungan si Maximillan. Para sa RTC, hindi maglalakas-loob ang isang tulad ni Jack na makipag-krus ng landas sa taong tulad ni Maximillan na mayroong ganoong uri ng katayuan. Ang mga nabanggit na sirkumstansya ay tumaliwas sa testimonya ni Victorico na si Jack ang hindi makatarungan na sumalakay o unlawful aggressor. Ang paninindigan din ni Jack na si Maximillan ang nagsimula ng gulo ay pinatotohanan ng testimonya ng mga saksi para sa depensa na sina Alcher at Ken.


Ang isa pang hindi naging kapani-paniwala sa hukuman ng paglilitis ay ang alegasyon na pinagtulungan ng mag-amang akusado ang biktima. Walang ebidensya na ipinrisinta ang tagausig na sumusuporta rito at wala ring pisikal na patunay na nagtamo ng maraming gasgas o pinsala sa katawan si Maximillan na maaaring magpatunay na siya ay nagdusa sa mga kamay ng dalawang salarin.


Paglilinaw ng RTC, hindi nila isinasantabi ang katotohanan na pumanaw si Maximillan bunsod ng tinamo nitong pinsala sa ulo. Subalit, ang ebidensya ng depensa, na hindi nasalungat ng tagausig, ay nagpapakita na sinuntok lamang ni Jack si Maximillan, na dahilan upang mapatumba ang huli sa lupa, upang makawala si Jack sa ginawang pag-atake sa kanya. Hindi rin kumbinsido ang RTC na ang suntok ni Jack ang direkta at natatangi na naging sanhi ng pinsala sa ulo ni Maximillan sapagkat maaaring ang nasabing pinsala ay bunsod ng pagkatama ng kanyang ulo sa lupa noong siya ay matumba. Ito rin ay malinaw sa naging opinyon ni Dr. Castillo.


Hindi rin matanto ng RTC kung bakit isinama sa asunto si Jill gayong walang ebidensya na nagpakita na mayroon siyang aktibo na partisipasyon sa naganap na gulo sa pagitan nina Jack at Maximillan. Wala ring katibayan na kasabwat siya sa paghahatid kay Maximillan sa kanyang kamatayan.


Bagaman nakikiramay ang hukuman ng paglilitis sa hindi inaasahan na pagpanaw ni Maximillan, hindi nila maaaring talikuran ang kanilang pangunahing tungkulin na katigan ang pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan kay Jack kung hindi napatunayan ng tagausig ang pagkakasala ng naturang akusado nang lagpas sa makatuwirang pagdududa. Maliban dito, nakita ng hukuman ng paglilitis na sapat na napatunayan ng depensa na self-defense o pagtatanggol lamang sa sarili ang ginawa ni Jack mula sa naunang pananalakay sa kanya ni Maximillan.


Sa lahat ng legal na aspeto na nabanggit, minarapat ng RTC na magbaba ng hatol ng pagpapawalang-sala kina Jack at Jill. At ang desisyon na ito ng hukuman ng paglilitis ay nilagdaan noong ika-6 Mayo 2019.


Lahat ng kamatayan ay magdadala ng sakit at kapighatian. Mapait man na nagtapos ang buhay ni Maximillan, dahil sa gulo na kanyang kinasangkutan, nawa ay sa pagwawakas ng kasong ito ay matanggap ng kanyang kaluluwa ang naging legal na kapasiyahan. Dalangin namin na ang kanyang kaluluwa ay magkaroon na ng katahimikan.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | May 3, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #393



Sa mga baryong karaniwang payapa ang gabi, may mga sandaling napapalitan ang katahimikan ng ingay ng kasiyahan—musika, tawanan, at sayawan. Pista, isang gabing pinagdiriwang, kung saan ang buong komunidad ay nagtitipon upang magsaya.


Ngunit may mga gabing, sa gitna ng kasiyahan, may isang pangyayaring babasag sa lahat, hindi lamang sa katahimikan ng gabi, kundi maging sa diwa ng pagdiriwang.


Sa ganitong mga pagkakataon, mabilis ang pagdaloy ng mga tanong, “Sino ang may sala?” at “Sino ang dapat managot?”


Subalit sa mata ng batas, ang sagot ay hindi maaaring ibatay sa hinala lamang. Sapagkat nananatiling matibay ang isang prinsipyong hindi matitinag—ang presumption of innocence. 


Ang bawat akusado ay itinuturing na walang sala hangga’t ang kanyang pagkakasala ay hindi napapatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Batay sa kasong People of the Philippines v. Rey Vergel E. Faller, Criminal Case No. L-6526, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 57, Libmanan, Camarines Sur, sa panulat ni Hon. Judge Irma Isidora M. Boncodin-Zamudio, sinuri ng hukuman kung sapat ba ang ebidensya upang hatulan ang akusado sa kasong murder sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code (RPC). 


Ayon sa impormasyon, noong ika-8 ng Enero 2017, bandang alas-3:00 ng madaling araw, sa Brgy. Sagrada Familia, Sipocot, Camarines Sur, kasabay ng kasagsagan ng kapistahan—ang biktima na tatawagin nating “Alyas Roland” ay diumano’y pinagsasaksak, na nagdulot ng kanyang kamatayan.


Ang gabi na sana ay para sa sayawan at kasiyahan ay nauwi sa trahedya. Ang itinurong responsable sa krimen ay ang akusado na itago na lamang natin sa pangalang “Alyas Marco.”


Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang kanilang mga saksi upang buuin ang kuwentong nangyari—hindi sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay, kundi sa pamamagitan ng mga pangyayaring diumano ay magtuturo sa akusado.


Si “Alyas Alex,” isang barangay tanod, na nagpatunay na siya ay nasa plaza noong gabing iyon dahil sa fiesta. 


Ayon sa kanya, bandang alas-2:00 ng madaling araw, may nagsabi sa kanya na mayroong taong nasaksak. Nang kanyang puntahan, natagpuan niya ang biktima na wala nang buhay. Wala umano siyang nababalitaang alitan sa pagitan ni “Alyas Marco” at ng biktima na si “Alyas Roland”.


Isinalaysay naman ni “Alyas Christian,” na bago ang insidente, nakita niya si “Alyas Marco” na nakasakay sa motorsiklo kasama ang dalawang angkas, patungo sa direksyon, kung saan kalaunan ay natagpuan ang katawan ng biktima na si Roland.


Makalipas ang ilang sandali, narinig niya ang balita na may nasaksak.

Ngunit sa kanyang testimonya, inamin niyang hindi niya nakita ang mismong insidente ng pananaksak. Ang kanyang kaalaman ay limitado sa mga pangyayaring naganap bago at pagkatapos nito.


Si “Alyas Helen,” kamag-anak ng biktimang si Roland, ay nagsabing narinig niya ang salitang “Roland, patay na ako,” habang siya ay nasa kanilang bahay. Subalit sa kanyang pagsisiyasat, wala siyang personal na nakita kung sino ang umatake sa biktima. Ang kanyang kaalaman ay batay lamang sa kanyang narinig at sa mga kuwentong nakalap matapos ang insidente.


Mahalaga ring bahagi ng ebidensya ang testimonya ni SPO4 Joven, ang imbestigador ng kaso. 


Ayon sa kanya, may natagpuang dugo sa sweatshirt ni “Alyas Marco.” Gayunman, nang ipadala ito sa crime laboratory, hindi naisagawa ang mahalagang pagsusuri. 


Ang dahilan, walang maibigay na blood sample mula sa pamilya ng biktima upang maikumpara ang dugong natagpuan sa damit ng akusado.


Sa kabila ng pagkakaroon ng blood stains, hindi napatunayan kung ito nga ba ay nagmula sa biktima. Sa madaling salita, ang isang mahalagang ebidensya na sana ay maaaring magbigay-linaw sa kaso ay nanatiling hindi napakinabangan.


Sa kabilang banda, sa tulong ni PAO Lawyer, Atty. Anthony Lorcha Belleza, mariing itinanggi ni “Alyas Marco” ang paratang laban sa kanya.


Ayon sa kanya, siya ay nasa plaza noong gabing iyon, nakiki-fiesta at nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga kaibigan. Bandang hatinggabi, siya ay umuwi at natulog. Kinaumagahan, saka lamang niya nalaman na siya ay iniimbestigahan kaugnay ng insidente.


Ang kanyang depensa ay suportado ng kanyang mga saksi na nagpatunay sa kanyang presensya sa ibang lugar noong oras ng krimen.


Sa pagresolba ng kaso, malinaw ang naging sentro ng pagsusuri ng hukuman, sapat ba ang circumstantial evidence upang patunayan ang pagkakasala ni “Alyas Marco” nang lampas sa makatuwirang pagdududa?


Ipinaalala ng hukuman na ang circumstantial evidence ay maaaring maging sapat upang maghatol ng pagkakasala kung ito ay bumubuo ng isang tuluy-tuloy at hindi napuputol na kadena ng mga pangyayari na humahantong sa iisang konklusyon, na ang akusado at wala nang iba ang may sala.


Subalit sa kasong ito, bagama’t may ilang pangyayaring ipinakita ang tagausig, tulad ng presensya ni “Alyas Marco” malapit sa lugar ng insidente, ang umano’y suot niyang damit na may bahid ng dugo, at ang mga narinig na pahayag ng mga saksi—ang mga ito ay hindi sapat upang bumuo ng isang matibay na kadena ng ebidensya.


Ang mga pangyayaring ito ay hindi direktang nag-uugnay kay “Alyas Marco” sa mismong krimen. Walang saksi na nakakita sa aktuwal na pananaksak. Ang mga testimonya ay pawang nagpapakita lamang ng mga pangyayaring maaaring may kaugnayan, ngunit hindi nagbibigay ng katiyakang siya nga ang may sala.


Lalong pinahina ng kakulangan ng blood sample ang kaso ng tagausig. Ang dugong natagpuan sa sweatshirt ni “Alyas Marco” ay nanatiling isang pahiwatig lamang, at hindi isang matibay na patunay.


Sa kabuuan, ang mga ebidensya ay nagdulot lamang ng hinala, hindi ng katiyakan. Sa ating mga batas penal, ang hinala, gaano man kalakas, ay hindi kailanman maaaring pumalit sa patunay na lampas sa makatuwirang pagdududa. Sa huli, pinawalang-sala si “Alyas Marco,” dahil sa kabiguang mapatunayan ang kanyang pagkakasala.


Sa ganitong mga pagkakataon, hindi lamang isa ang pinanggagalingan ng daing. May daing ang pamilya ng biktima, sapagkat ang hustisyang kanilang inaasam ay tila nananatiling mailap. Ngunit may daing din ang akusado—isang taong kinailangang ipagtanggol ang sarili laban sa isang mabigat na paratang na hindi napatunayan nang sapat.


Sapagkat sa ilalim ng batas, ang kalayaan ng isang tao ay hindi maaaring ipagkait batay lamang sa mga pahiwatig, sa mga salaysay na hindi tiyak, at sa ebidensyang hindi ganap.


Sa gitna ng isang gabing puno ng kasiyahan, isang buhay rin ang nawala. Ngunit sa harap ng hukuman, ang katotohanan ay nanatiling nababalot ng pagdududa. Sa mga ganitong kaso, ang batas ay nananatiling tapat sa kanyang paninindigan, na mas mabuti nang makalaya ang isang posibleng nagkasala kaysa makulong ang isang taong hindi napatunayang may sala.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | April 27, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #392



Ang mag-asawang Jane at Alex, ang tumayong magulang ng kanilang tatlong apo na sina Princess, 9-anyos; Prince at Ann, kapwa 6-anyos. 


Sila ang nag-alaga at nag-aruga sa tatlo mula nang sanggol pa lamang ang mga ito. Kung kaya’t isang napakapait na karanasan para sa kanila nang kitilin ang musmos na buhay ng kanilang mga apo. 


Ang noon ay masaya bagaman payak nilang tahanan, napalitan ng lungkot at labis-labis na sakit bunsod ng isang malagim na pangyayari - ang kamatayan ng tatlong bata.


Ang mga inakusahan sa walang awang pamamaslang sa tatlong batang biktima ay sina Maricris at Abegail. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kaso laban sa kanila, na mayroong pamagat na People of the Philippines vs. Maricris Bazar y Bello (G.R. No. 259037, September 29, 2025), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ricardo R. Rosario.


Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC), nagsabwatan at nagtulungan sina Maricris at Abegail, kasama ang dalawang hindi pa nakikilala at natatagpuan na mga John Does, na nilooban at pinagnakawan ang bahay ng mag-asawang Jane at Alex. Armado ng kawayan at sa pamamagitan ng karahasan at pananakot, nang walang kaalaman at pahintulot ng mag-asawa, tinangay ng mga inakusahan ang pera at alahas ni Jane na mayroong kabuuang halaga na P95,000.00. 


Bunsod ng nasabing pagnanakaw, nagtulungan ang mga inakusahan, nang mayroong puwersa, pagbabanta at pananakot, at paggamit ng higit na lakas, na pinukpok ang ulo ng mga apo ng mag-asawa na sina Princess, Prince at Ann, na nagdulot sa kanila ng matinding pinsala at ng kanilang kagyat na pagkamatay. 


Ang nasabing krimen ay naganap sa isang barangay sa Lipa City, Batangas noong ika-26 ng Hulyo 2015.


Batay sa bersyon ng tagausig, umalis ng kanilang bahay sina Jane at Alex noong madaling araw ng ika-26 ng Hulyo 2015. Sila ay patungo sa palengke, na 20 hanggang 30 metro lamang ang layo sa kanilang bahay, kung saan sila ay nagtitinda ng mga gulay. 

Diumano, si Princess pa ang nagsara ng kanilang pintuan at bumalik lamang sa pagtulog kasama ang dalawang nakababatang kapatid. 


Sa paglipas ng umagang iyon, nagtaka umano si Jane, dahil hindi pa sumusunod sa palengke ang kanilang mga apo. Gayunman, naisip niya baka natutulog pa ang mga ito, dahil Linggo naman noong araw na iyon. Pinapunta na lamang diumano ni Jane sa kanilang bahay ang kanyang pamangkin na si Arthur upang dalhan ng almusal ang tatlo. 


Pagkarating diumano ni Arthur sa nasabing bahay, bukas na ang pinto at basag ang mga bintana na mayroong bakas ng dugo. 


Natagpuan diumano ni Arthur si Princess na duguang nakahiga sa kama. Mabilis at nanginginig na tumakbo si Arthur pabalik sa palengke, at agad na ipinaalam kina Jane ang nadatnan. 


Dali-dali umanong umuwi sina Jane at nakita rin niyang bukas na ang kanilang pinto, basag ang mga bintana, mayroong mga dugo na nagkalat sa pader at kisame, basag na bote, nagkalat na mga tsinelas, at wasak na electric fan. 


Pag-akyat diumano ni Jane, tumambad ang wala nang buhay na mga katawan ng kanyang mga apo. Mayroon umanong malaking hiwa sa noo si Princess, habang sina Prince at Ann ay mayroong mga pasa sa mata at pinsala sa mukha. 


Nadiskubre din umano ni Jane na wala na ang kanyang wallet na naglalaman ng P40,000.00, at ang kanyang bracelet na nagkakahalaga ng P55,000.00.


Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis, at kanilang napag-alaman mula kay Balbina, ang nagpapaupa sa kalapit na bahay, na umalis nang walang paalam ang mga nangungupahan sa kanya na sina Maricris at Abegail, pati na ang kasama ng mga ito. 

Nang siyasatin ang bahay ni Balbina, nakita umano ng mga pulis ang mga bakas ng dugo sa pader at mga damit sa loob ng palikuran. Nakita rin umano ang isang maliit at isang malaking tuwalya, isang t-shirt at isang kurtina na mantsado ng dugo, pati ang isang bilog na kawayan na mayroong mga bakas ng kamay na may dugo. 


Batay pa sa testimonya ni forensic serologist Police Chief Inspector Adag, mayroon siyang natanggap na markadong ebidensya - isang tuwalya na mayroong nakasulat na, “I'm sorry, kung anuman ang nagawa ko, sorry.”


Mariing pagtanggi naman ang iginiit nina Maricris at Abegail, diumano, sila ay mga waitress sa isang bar noong maganap ang insidente. Nagsimula umanong mangupahan si Abegail, kasama ang kanyang mga paslit na anak, sa bahay ni Balbina dalawang linggo bago maganap ang insidente. Sa parehong bahay na iyon nangupahan si Maricris, kasama ang nobya at isang kaibigan nito.


Diumano, nasa trabaho si Abegail noong gabi ng Hulyo 25, 2015 at nakauwi sa inuupahan bandang alas-4:00 ng umaga noong Hulyo 26, 2015. 

Kasama niya umanong natulog ang kanyang mga anak. Nagising na lamang umano siya bandang alas-8:00 ng umaga, dahil sa mga sigaw sa labas ng bahay patungkol sa pamamaslang sa mga bata. 


Nanatili lamang umano sila sa loob ng bahay, kasama sina Maricris. Hindi rin umano umalis ng bahay si Abegail noong umagang iyon at nanatili pa roon ng tatlong araw matapos ang insidente. Si Maricris, at ang nobya at kaibigan nito ay umalis diumano bandang alas-10:00 ng umaga noong Hulyo 26, 2015.


Ayon naman kay Maricris, sila ng kanyang mga kaibigan ay nag-inuman noong gabi ng Hulyo 25, 2015. Nasa trabaho umano si Abegail, kaya’t siya ang kasabay ng mga anak ni Abegail na natulog bandang alas-10:00 ng gabing iyon. 


Kinaumagahan, nakarinig diumano sila ng mga sigaw dahil sa insidente ng pamamaslang sa mga bata. Umalis at nagpunta diumano sila ng kanyang mga kaibigan sa simbahan ng umagang iyon. Bumalik sila sa inupahang bahay, ngunit umalis ding muli. Siya ay nagpunta sa isang birthday party, ang mga kaibigan niya ay umuwi naman sa kani-kanilang mga bahay.


Diumano, nakatanggap ng text si Maricris mula kay Abegail na mayroon nang nakapatong na gantimpala sa ulo niya kaugnay sa insidente ng pamamaslang. kung kaya’t hindi na siya bumalik pa sa inupahang bahay. 


Pinakinggan din umano niya ang payo ng kapitan ng kanilang barangay na huwag munang babalik sa inupahang bahay hangga’t hindi nalilinis ang kanilang pangalan sa pagkakasangkot sa naturang insidente.


Matapos ang paglilitis, pinawalang-sala ng RTC si Abegail. Naitaguyod ang kawalan niya ng kasalanan, sapagkat siya ay nasa trabaho noong oras na napaslang ang mga biktima. 


Sa kabilang banda, hinatulan si Maricris para sa krimen na robbery with multiple homicide. Nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na siya ang may-akda sa krimen batay sa sumusunod na circumstantial evidence na ipinresenta ng Tagausig, na:


(1) nasa katabing bahay lamang si Maricris at ang kanyang mga kaibigan noong gabi ng Hulyo 25, 2015;


(2) noong umaga ng Hulyo 26, 2015, nadiskubre ni Balbina na wala na sila sa inupahang bahay at ang mga gamit doon ay nakabulaslas at sira na;


(3) hindi nagpaalam at iniwan nina Maricris ang kanilang mga gamit sa inupahang bahay;


(4) hindi na bumalik pa sa inupahang bahay si Maricris upang kunin ang kanilang mga gamit;


(5) tumakas at nagtago si Maricris; at


(6) mayroong nakalap na ebidensya ang mga pulis na mga tuwalya, damit at kawayan na mayroong mga mantsa ng dugo.


Naghain ng apela si Maricris sa Court of Appeals (CA). Kanyang iginiit na hindi sapat na naitaguyod ng ebidensya ng tagausig na siya ang salarin sa krimen sapagkat: (1) hindi lamang siya ang umukupa sa inupahang bahay at ang kanyang naging pangungupahan ay hindi nangangahulugan na siya na ang may-akda ng krimen; (2) hindi maaaring nanatili pa si Abegail sa naturang bahay ng ilang araw nang hindi nito napansin ang sinasabing mga bakas ng dugo sa pader at mga damit sa palikuran na mayroong mantsa ng dugo; (3) walang katibayan na hindi ginalaw at nakompromiso ang kanilang inupahang bahay mula noong nakatira pa sila roon hanggang sa sila ay umalis dahil ininspeksyon lamang ito ng mga pulis pagkatapos na mailibing ang mga batang biktima; (4) hearsay lamang ang testimonya ni Jane kaugnay sa kondisyon ng inupahang bahay, sapagkat wala siyang personal na kaalaman ukol dito; at (5) ang pag-alis sa isang lugar ay hindi agad nangangahulugan ng pagkakasala dahil maaaring ito ay bunsod ng takot na maling mapagbintangan o maaresto.


Pinagtibay ng CA ang desisyon ng RTC, bahagyang iniba lamang ang katawagan sa krimen bilang Robbery with Homicide.


Gayunman, hindi niya tanggap ang nasabing desisyon, kaya naghain si Maricris ng apela sa Korte Suprema. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan A.V. Caburnay mula sa PAO-Special and Appealed Cases Service, iginiit ng depensa na hindi naitaguyod ng circumstantial evidence ng tagausig na si Maricris ang salarin sa krimen.


Kaya muling pinag-aralan ang ginawa sa kaso ni Maricris. Sa kanilang pagdedesisyon, ipinaalala ng Korte Suprema na kinakailangang sundin ang apat na saligang tuntunin sa pagsusuri ng kahalagahan ng circumstantial evidence, alinsunod sa kanilang desisyon sa kasong People v. Monje, (438 Phil. 716 (2002) [Per Honorable Associate Justice Josue N. Bellosillo, En Banc]): una, dapat isaalang-alang ang naturang ebidensya nang mayroong pag-iingat; ikalawa, dapat ay naaayon ang mga ito sa teorya ng pagkakasala ng akusado; ikatlo, dapat ay nabubukod ang iba pang teorya maliban sa pagkakasala ng akusado; at ikaapat, dapat maitaguyod nang mayroong katiyakan ang pagkakasala ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Maliban sa mga ito, ang circumstantial evidence ay kailangan na pahalagahan nang sama-sama at hindi nang bukod-bukod.


Bagaman tumira ang mga inakusahan sa bahay na katabi lamang ng pinangyarihan ng krimen, naging kapuna-puna sa Korte Suprema na hindi lamang sila ang umukopa rito. 

Batay sa testimonya ng may-ari ng nasabing bahay, sampung katao ang umukopa rito.


Batay rin sa testimonya ni Jane, bagaman tuluyan na umalis sa naturang bahay ang mga akusado, mayroon ding tatlong hindi nakilalang mga lalaki ang umalis mula sa nasabing bahay. Hindi rin mabigyan ng kredibilidad ang testimonya ni Balbina, sapagkat hindi niya alam kung anong oras umalis ng bahay si Maricris dahil maging siya mismo ay umalis noong umagang iyon upang magpunta sa palengke. 


Sa kabilang banda, batay sa testimonya ni Abegail, naunang umalis sa kanya si Maricris noong araw ng insidente at bumalik din ng parehong araw na iyon; hindi rin umano nakakalat ang mga damit ni Maricris. Wala ring nabanggit si Abegail kaugnay sa mga bakas ng dugo sa pader at sa mga damit sa loob ng palikuran gayung nanatili pa siya sa inupahang bahay ng tatlong araw matapos ang insidente.


Sa pag-uugnay naman ng pagtakas at pagtatago sa pagkakasala ng akusado, binigyang-diin ng Korte Suprema na ang pagtakas at pagtatago ay hindi tiyak na nagtataguyod ng pagkakasala, bagkus isa lamang itong posibilidad. Hindi rin umano madadaig ng alegasyon ng pagtakas at pagtatago ang pagpapalagay sa kawalan ng kasalanan ng akusado sa ilalim ng ating Saligang Batas. Mahalaga na mayroon pang ibang ebidensya na nagtataguyod ng pagkakasala ng akusado. Pagpapaalala ng Korte Suprema, kahit sa mga karumal-dumal na krimen, maraming maaaring hindi masamang dahilan ng pagtakas o pagtatago ng akusado, kabilang na rito ang takot sa paghihiganti kung sila ay magsasalita kaugnay sa kanilang nalalaman, ang hindi nila pagnanais na tumayo bilang saksi, at ang takot na maling mapagbintangan o maaresto. 


Sa kasong ito, naunawaan ng Korte Suprema ang paliwanag ni Maricris na nagpasya lamang siya na hindi na bumalik pa sa inupahang bahay bunsod ng takot noong malaman na mayroon nang nakapatong na gantimpala sa kanyang ulo at na tumalima lamang siya sa payo ng kanilang kapitan na huwag munang babalik hangga’t hindi pa nalilinis ang kanilang pangalan. 


Nakita rin ng Korte Suprema ang panananatili pa ni Maricris ng ilang oras sa inupahang bahay matapos na naganap ang krimen, at bagaman siya ay umalis ay bumalik din noong araw na iyon.


Sa kabilang banda, naging palaisipan sa Korte Suprema na pormal na isinumite ng tagausig sa hukuman ng paglilitis ang Requests for DNA Examination ngunit hindi nito pormal na isinumite ang resulta ng DNA Laboratory Report sa nakalap na kawayan, mga t-shirt at tuwalya na mayroong mga mantsa ng dugo. Dahil dito, wala kahit katiting na katibayan na nagpapatunay na ang mga dugo sa naturang mga gamit ay mula sa mga biktima, walang katibayan na nag-uugnay kay Maricris na siyang gumamit ng mga ito, at hindi maisasantabi ang posibilidad na maaaring ibang tao, mula sa sampung tao na umukopa sa paupahang bahay, ang totoong salarin.


Pagpapaalala ng Korte Suprema, kung ang pag-uusig ay ganap na nakasalalay sa circumstantial evidence, higit na obligado ang tagausig na manangan sa lakas ng sarili nitong ebidensya at hindi sa kahinaan ng depensa ng akusado, at na ang paghahatol ng hukuman ay nakasalalay sa katibayan na hindi bababa sa moral na katiyakan. Kung ang circumstantial evidence ay nagpapakita ng magkakaibang interpretasyon, ang isang banda ay naaayon sa kawalan ng kasalanan ng akusado at ang kabilang banda ay naaayon sa kaniyang pagkakasala, nangangahulugan na hindi naitaguyod nang mayroong moral na katiyakan ang pagkakasala ng akusado, kung kaya’t hindi siya maaaring mahatulan.


Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi nila ipinagpapawalang-bahala ang kalupitan na sinapit ng mga batang biktima, na maagang binawian ng buhay. Gayunman, hindi nila maaaring ipag-utos ang pagpapakulong sa isang tao na ang kasalanan ay hindi sapat na napatunayan, sapagkat ang hustisya ay dapat ibigay ng pantay na mga kamay.

Dahil mayroong nabuo na makatuwirang pagdududa sa isipan ng Korte Suprema kaugnay sa partisipasyon ni Maricris sa pagnanakaw at pamamaslang sa mga batang biktima, kanilang minarapat na baliktarin at isantabi ang desisyon ng Hukuman ng mga Apela at ipawalang-sala si Maricris. 


Ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay ipinroklama noong ika-29 ng Setyembre 2025.

Sadyang napakasakit ng sinapit nina Jane at Alex. Dagdag pa na pait ang maging hanggang ngayon, wala pa ring sagot sa marami nilang tanong na, “Bakit sa kanilang pamilya nangyari ito?”; “Bakit mayroong mga tao na kayang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain na tulad ng krimen na ito?”; at, “Bakit hindi na lamang nagnakaw, kinailangan pang kitilin ang buhay ng kanilang inosenteng mga apo?”


Tanging ang Poong Maykapal lamang ang nakakaalam ng sagot sa lahat ng kanilang mga katanungan. Kaya nawa’y ‘wag silang mawalan ng tiwala sa Kanya. Patuloy kaming mananalangin na dumating ang panahon at pagkakataon na makikilala ang tunay na salarin. Karampatang hustisya para sa musmos na kaluluwa ng mga dumadaing na batang biktima, nawa ay makamit pa rin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page