top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 11, 2022


Matinding sakit sa kalooban ang nararamdaman ng mga magulang na may mga anak na sa kabila ng pagkakaroon ng karamdaman ng huli ay nagagawa pang paghinalaan ng masama ng kapwa. Ganito ang naranasan nina G. Dennis Montales at Gng. Arnie Macapagal ng Pampanga, mga magulang ng yumaong Dengvaxia vaccinee na si Erica Montales.


Ayon kina G. Dennis at Gng. Arnie, “Sinabi namin na naturukan ng Dengvaxia ang aming anak, subalit sinabi lang ng doktor na walang kaugnayan ‘yun sa kanyang kondisyon. Sinabihan pa kami na baka nagdodroga ang aming anak at ipa-drug test siya, at dapat dalhin siya sa mental hospital. Kami ay labis na nagulat sa sinabi ng doktor dahil hindi naman nagdodroga ang aming anak. Normal siyang bata at maayos namin siyang nakakausap.”


Si Erica, 16, namatay noong Abril 24, 2019 at ang ika-133 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Multiorgan Dysfunction Syndrome (Renal, Hepatic, Disseminated Intravascular Coagulopathy (Immediate Cause), Nephrotic Syndrome (Antecedent Cause) at Idiopathic (Underlying cause).


Si Erica ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Abril 8, 2016; pangalawa, noong Oktubre 10, 2016; at pangatlo, noong Hunyo 19, 2017. Ikatlong linggo ng Marso 2019 nang magkalagnat si Erica. Masakit din ang kanyang tiyan at ulo; nagtatae rin siya. Dahil dito, dinala siya sa isang ospital sa Pampanga at sinuri ang dumi at dugo niya, subalit hindi nalaman ng kanyang mga magulang ang resulta. Matapos resetahan ng antibiotics, agad na pinauwi si Erica. Bumuti naman ang kanyang pakiramdam matapos uminom ng nasabing reseta. Gayunman, siya ay muling nagkasakit at lumubha ang kanyang kalagayan hanggang siya ay bawain ng buhay.


Narito ang ilan sa mga detalye:

  • Abril 19 at 20, 2019 - Muli siyang nilagnat. Masakit ang kanyang ulo at tiyan, at nagsusuka siya ng malapot na kulay berde. Muli siyang dinala sa ospital noong Abril 20 (tanghali). Mababa ang kanyang blood pressure. Kinagabihan, ni-refer siya sa ibang ospital dahil hindi maganda ang kalagayan niya. Nanatiling mababa ang kanyang presyon ng dugo at nawawala ang kanyang pulso. Sa nilipatang ospital, nangyari ang nabanggit sa unahan ng artikulong ito na diumano ay sinabihang baka nagdo-droga si Erica. Nagwawala rin siya, kaya tinurukan ng pampakalma, subalit nanginig siya.

  • Abril 21, 2019 - Under observation si Erica, itinali siya dahil nagwawala pa rin. Pagsapit ng alas-5:00 ng madaling-araw, sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangang ilipat siya sa intensive care unit (ICU), subalit hindi siya nakalipat. Inaapoy siya ng lagnat at alas-7:00 ng umaga, nagsisigaw at nagwawala siya. Labis ang sakit ng kanyang ulo. Wala ring bisa ang pain reliever na ibinibigay sa kanya. Hindi pa rin normal ang kanyang blood pressure. Siya ay humihingi rin ng yelo at malamig na tubig dahil mainit ang kanyang pakiramdam.

  • Abril 22, 2019 - Hindi na siya nakakatulog at mataas pa rin ang kanyang lagnat. Umuurong ang kanyang dila at ito ay kanyang hinihila. Biyak-biyak ang mga labi niya at sigaw pa rin siya nang sigaw dahil sa sakit ng kanyang ulo. Palagi rin siyang humihingi ng tubig. Itinatanong niya kung anong nangyayari sa kanya dahil wala siyang lakas, gustuhin man niyang magsalita at gumalaw nang normal.

  • Abril 23, 2019 - Lalo siyang humina. Mas tumaas ang kanyang lagnat, masakit ang kanyang ulo at hindi na niya maigalaw ang kanyang katawan. Sabi ng doktor, kailangang i-bone marrow test siya para malaman ang kanyang sakit, pero hindi naman ginawa ng doktor. Lantang gulay na siya at hindi na siya maayos na makapagsalita. Tumitirik na ang kanyang mga mata. Hindi pa rin sinasabi ng doktor sa kanyang mga magulang kung ano ang sakit niya. Pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, hindi na siya makahinga. Siya ay in-intubate at dinala sa ICU. Sabi ng mga doktor, kumalat na ang impeksyon sa katawan niya; umakyat sa kanyang ulo. Dagdag pa nila, may nakitang butas sa baga niya, base sa resulta ng x-ray na isinagawa nang araw ‘yun.

  • Abril 24, 2019 - Nag-agaw-buhay siya at tuluyan nang pumanaw nang alas-11:30 ng umaga.


Salaysay nina G. Dennis at Gng Arnie, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Erica. Siya ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng volleyball at sumayaw. Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit na kinailangang maospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan siya ay nagkasakit nang malubha at isinugod namin sa ospital.”


Ibinahagi rin nila na, “Gusto ng mga doktor na i-autopsy ang aming anak sa nasabing ospital. Hindi kami pumayag sa takot na pagtakpan nila ang tunay na rason ng pagkamatay ni Erica.


“Hindi nila pinansin ang sinabi naming naturukan ng Dengvaxia ang aming anak, at noong namatay siya, nakita naming nataranta ang doktor nang muli naming sabihin sa kanila na naturukan siya ng Dengvaxia. Habang nakaburol si Erica, pinuntahan kami sa bahay ng mga taga-DOH at iminungkahi ang pagbibigay sa amin ng halagang P50,000. Sinabihan pa kami na huwag nang ipa-autopsy ang aming anak. Hindi namin tinanggap ang nasabing halaga dahil pursigido kaming magpa-autopsy sa PAO upang malaman namin ang tunay na sakit at sanhi ng kanyang pagkamatay.”


Nakakalungkot na sa katulad nilang namatayan ay inaalok pa ng napakaliit na halaga para hindi na ipursige pang malaman ang sanhi ng kamatayan ng kanilang minamahal na anak. Nakakahanga ang kanilang paninindigan na makuha ang hustisya para sa kamatayan ni Erica sa kabila na alam nilang malalaking tao ang kanilang makakasagupa. Ang kanilang paninindigan na sa PAO humingi ng libreng forensic services at serbisyong legal ay aming tinugunan, at patuloy na ipinagkakaloob ang huli sa mga pagdinig sa korte.


Ang katulad na paninindigan ng mga pamilyang patuloy na inilalaban ang mga biktimang mahal nila sa buhay ang patuloy din naming inspirasyon sa pagpupunyagi sa mga kasong may kaugnayan sa nasabing bakuna.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 4, 2022


May mga tagpong hindi kailanman mabubura sa alaala ng bawat pamilya. Para sa pamilya Benaro, ito ay may kaugnayan sa mahal nilang kapamilya na si Nicole Benaro.


Salaysay nina G. Rolando at Gng. Rocelyn Benaro ng Quezon City tungkol sa anak nilang si Nicole, “Napakalambot ng buong likod na bahagi ng kanyang katawan. Awang-awa kami sa kanya dahil alam naming labis ang kanyang paghihirap. Ang tiyan niya ay napakatigas, subalit ang buong katawan niya naman ay malambot. Sadyang kalunos-lunos ang naging kalagayan ng aming anak.”


Si Nicole, 12, namatay noong Abril 15, 2019, ang ika-132 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Multiorgan Dysfunction Syndrome (Renal, Hepatic, Disseminated Intravascular Coagulopathy (Immediate Cause), Nephrotic Syndrome (Antecedent Cause) at Idiopathic (Underlying cause).


Si Nicole ay naturukan ng Dengvaxia sa health center sa kanilang lugar noong Setyembre 8, 2017. Saad ng kanyang mga magulang, “Pumayag kami na mapabakunahan ang aming dalawang anak na sina Nicole at Nadine dahil sa pag-aakalang makabubuti ito sa kanila.” Naalala ng mag-asawang Benaro na noong huling linggo ng Mayo 2018 ay lumaki ang leeg ni Nicole na parang may beke, pagkatapos ay namaga ang kanyang mata hanggang sa ibaba ng kanyang katawan.


Pinatingnan siya sa albularyo at sa mga sumunod na buwan, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Nicole. Narito ang ilang mga detalye:

  • Hunyo - Si Nicole ay na-diagnose na mayroon diumanong Nephrotic Syndrome. Na-confine siya sa isang ospital sa Quezon City. Matapos ang isang linggong gamutan, nawala ang manas niya, pero binigyan siya ng prednisone, enalapril at calcium carbonate para sa kanyang maintenance. Pinababalik din sila ng doktor para sa buwanang check-up.

  • Agosto 13 - Pina-check-up ulit siya sa nasabing ospital dahil pa rin sa pamamanas niya. Binigyan siya ng karagdagang gamot na amoxicillin. Umayos ang kalagayan niya, ngunit bumalik ang pamamanas niya.

  • Oktubre 13 - Dinala ulit siya sa naturang ospital. Isang linggo siyang naka-confine, pero pinauwi siya pagkaubos ng kanyang antibiotics dahil prone diumano siya sa impeksyon at baka mahawa siya sa mga pasyente na may ibang sakit sa nasabing ospital.

  • Nobyembre 26 - Muli siyang dinala sa ospital para sa kanyang buwanang check-up. Isa lamang ito sa follow-up check-up niya. Bago siya dalhin du’n, inuubo na siya nang isang linggo. Nagsimula na ang pasulpot-sulpot na pagpasok niya sa eskuwelahan dahil sa mga sakit na nararamdaman niya. Manas pa rin siya at pinayuhan sila na ipasailalim siya sa renal biopsy; sobrang mahal ang bayad dito kaya hindi nila naipagawa.

  • Disyembre 6 - Bumalik sila sa ospital para sa buwanang check-up ni Nicole. Sobrang manas na niya at lumaki ang kanyang tiyan. Pareho pa rin ang sinabi ng doktor na ipagpatuloy ang pag-inom ng kanyang antibiotics at mga maintenance.


Mula Enero hanggang Abril 2019 ang naging mga kritikal na sandali ni Nicole hanggang sa siya ay pumanaw noong Abril 15, 2019:

  • Enero 3 - Ibinalik siya sa ospital, manas pa rin ang buo niyang katawan at nagtataka na sila kung bakit hindi nawawala ang kanyang pamamanas kahit siya ay binibigyan ng gamot para rito. Sinabihan ulit sila na isailalim siya sa renal biopsy. Dahil pa rin sa kakulangan ng pera ay hindi nila ito naipagawa. Binigyan muli siya ng antibiotics at pinauwi na sila.

  • Enero 10 - Dahil manas pa rin ang buo niyang katawan, sinabihan sila na si Nicole ay mayroon nang steroid dependent and relapse, subalit itinuloy pa rin ang pagbibigay sa kanya ng steroids.

  • Pebrero 7 - Muli siyang na-confine sa ospital at nagtagal du’n nang isang linggo. Binigyan siya ng albumen (pampaihi) dahil sobra na ang kanyang pamamanas. Binigyan siyang muli ng iba pang gamot, subalit hindi bumubuti ang kalagayan niya. Nagkaroon siya ng pneumonia, kaya binigyan siya ng antibotics. Naibsan naman ang kanyang manas, subalit hindi nawala ang kanyang ubo. Pagkatapos ng isang linggo, pinauwi na rin siya.

  • Marso 31 - Muli siyang dinala sa ospital. Grabeng sakit ang naramdaman niya nang panahong ‘yun dahil sumasakit ang kanyang mga buto sa ibabang bahagi ng kanyang mga paa. May mga butas sa kanyang mga paa, kung saan may lumalabas na tubig sa sugat na naging resulta ng pagkakamot niya tuwing siya ay nangangati.

  • Abril 6 - Lumabas sila ng ospital dahil pinayuhan ng doktor na baka mahawa si Nicole sa sakit ng ibang mga pasyente kung magtatagal pa siya ru’n.

  • Abril 10 - Nag-seizure siya nang alas-4:30 ng madaling-araw, naulit ang kanyang seizure bandang alas-4:45 ng madaling-araw. Nagpasya ang mag-asawang Benaro na dalhin siya sa ospital. Habang nasa taxi sila, nag-seizure siya sa ikatlong pagkakataon. Pagdating nila sa nasabing ospital, nilagyan siya ng suwero at sinabihan sila na lalagyan siya ng tubo at nasogastric tube (NGT) at kinabitan din siya ng catheter. Sa mga sumunod na araw, lumala ang kalagayan niya. Hirap na siyang huminga hanggang sa dinala na siya sa intensive care unit (ICU).

  • Abril 15 - Nanatili si Nicole sa nasabing ospital hanggang sa siya ay bawian ng buhay ng petsang ito.

Pagsasalaysay ng kanyang mga magulang, “Maayos ang kalusugan ni Nicole at hindi pa siya nagkakaroon ng dengue bago siya maturukan ng Dengvaxia vaccine. Malaki ang paghihirap ng aming anak nang mga panahong nasa ospital siya. Napakasakit nito para sa amin, kaya nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Ang nagpapabigat pa sa patuloy na pagdadalamhati nila ay ang matinding pag-aalala sa isa pa nilang anak na nabakunahan din. Hirap sila sa buhay at nasa isip nila ang naging paghihirap noon ni Nicole na maaaring maranasan din ng isa pa nilang anak. Hindi na nila muli pang kakayanin kung ang isa pa nilang anak na ipinagkatiwalang mabakunahan ng Dengvaxia dahil sa sinasabi nilang makabubuti sa kanila ay makaranas din karamdamang dulot ng nasabing bakuna. Kaya ang inilapit nilang hiling sa PAO at PAO Forensic Team ay para sa katarungan, hindi lamang kay Nicole kundi sa kapatid niyang ito at sa lahat ng katulad nilang biktima.

Kalakip nito ang kanilang taimtim na dasal na makamit ang katarungan at malayo sana sa kapahamakan ang isa pa nilang anak, gayundin ang iba pang mga batang naturukan ng Dengvaxia. Kasama nila ang PAO hanggang sa makamit nila ang katarungan na kanilang minimithi at ipinagdarasal.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 28, 2022


May mga bagay na ikinakatakot ng mga magulang na mangyari sa kanilang mga anak. Kapag ito ay naganap, mayroon sa kanilang nababalot sa takot at panlulumo ang pagkatao.


Ganito ang nangyari kay G. Bayani Villanueva, Jr. ng Caloocan City nang malaman niyang nabakunahan ng Dengvaxia ang kanyang anak na si Ella Villanueva.


Ani G. Bayani, “Laking takot ko at labis ang aking pangamba nang nalaman ko ang tungkol dito. Una pa lang ay tutol na akong mabakunahan siya kontra dengue dahil hindi ako tiwala sa bakuna dahil bago pa lang ito. Sa katunayan, hindi ako sumang-ayon na mabakunahan si Ella ng dengue vaccine nang ipinaalam ng aking nasirang asawa na pababakunahan niya si Ella dahil nabakunahan na raw nu’n ang dalawang anak ng aming kapitbahay. Kaya talagang nanlumo ako nang nalaman kong nabakunahan si Ella ng Dengvaxia.”


Si Ella, 11, namatay noong Abril 13, 2019, ang ika-131 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Ella ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang health center noong Oktubre 25, 2017. Nalaman ito ni G. Bayani noong Marso 26, 2019 habang siya ay naka-confine na sa isang ospital sa Quezon City, matapos siyang sabihan ng kanyang ina (Gng. Herminia Villanueva) na may nakita siyang Dengvaxia card sa kanilang bahay na nakapangalan kay Ella.


Noong Marso 2019, narito ang mga naramdaman ni Ella:

  • Marso 2019, ikalawang linggo - Nasa bahay na lamang si Ella dahil masama diumano ang kanyang pakiramdam. May lagnat din siya at pinaiinom ng paracetamol, ngunit hindi bumaba ang kanyang lagnat. Dahil dito, dinala siya ng kanyang ama sa isang klinika. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at ayon sa resulta, may urinary tract infection (UTI) diumano siya. Siya ay niresetahan ng antibiotics, pero kahit ininom niya ang mga ito ay hindi pa rin bumuti ang kanyang kalagayan.


  • Pagkatapos ng isang linggo - Dahil hindi pa rin siya gumagaling, dinala siya muli sa klinika. Isinailalim siya sa x-ray at maganda naman ang resulta nito, subalit siya ay niresetahan pa rin ng antibiotics. Bumuti ang kanyang kalagayan, maliban sa pagkakaroon niya ng ubo at sipon, at pabalik-balik na lagnat. Sa pagdaan ng ilang araw, sumakit ang kanyang mga kasu-kasuan at ulo. Pabalik-balik din ang kanyang lagnat, ubo at sipon.


  • Marso 22 - Dinala siya sa isang private hospital sa Quezon City at isinailalim sa CBC test at ayon sa resulta, positibo siya sa dengue. Ito na ang pangalawang pagkakataon na na-dengue siya; una siyang nagka-dengue infection noong 4-anyos siya. Kinailangan siyang ilagay sa intensive care unit (ICU), subalit nang sabihan ang kanyang ama na kailangan ng malaking halaga para sa paggamit niya ng ICU, nagsabi si G. Bayani na hindi niya kakayaning magbayad ng ganu’n kalaking halaga. Dahil sa kakapusan sa pera, inilipat si Ella sa pampublikong ospital.


  • Marso 26 - Inilagay siya sa isolation room. Hindi nawala ang kanyang ubo, sipon, lagnat at pananakit ng mga kasu-kasuan. Hirap din siyang huminga at lumaki ang kanyang tiyan.


Noong Abril 2019 ang naging kritikal na panahon sa buhay ni Ella na humantong sa kanyang kamatayan:

  • Abril 1 - Inilipat siya sa ward section. Sinabihan ng doktor si G. bayani na may Systemic Lupus Erythematosus si Ella.


  • Abril 8 - Hirap siya huminga at tumaas ang kanyang blood pressure. Dahil dito, in-intubate siya.


  • Abril 9 - Isinailalim siya sa dialysis dahil hirap siyang umihi at may tama na diumano ang kanyang kidneys. May pneumonia na rin siya at para hindi niya magalaw ang kanyang intubation, binigyan siya ng pampatulog.


  • Abril 12 - Muli siyang nagising at madalas siyang magreklamo na naiinitan siya. Palagi niya ring hinahaplos ang kanyang tiyan. Nagkaroon din ng blisters ang kanyang kanang paa at ang kanyang mukha ay namanas.


  • Abril 13, alas-8:00 ng gabi - Mababa ang kanyang pulso at siya ay nag-agaw buhay. Siya ay ni-revive at naging matagumpay naman ito. Lumobo ang kanyang dibdib at muli siyang nag-agaw buhay makalipas ang ilang minuto. Pagsapit ng alas-8:50 ng gabi, tuluyan nang pumanaw si Ella.


Ayon kay Mang Bayani, “Napakasakit para aking pamilya ng pagpanaw ni Ella. Hindi ko akalain na babawian siya ng buhay sa murang edad. Ang aking anak ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro kasama ng kanyang mga kaibigan. Nakakapagtaka na matapos siyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla nang nagbago ang kanyang kalusugan. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aking anak.


“Nais kong mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Ang takot at panlulumo ay kalagayang nalalagpasan at napapalitan ng tapang. Kailangan ang tapang na tanggapin ang anumang pagsubok na dumating. Ang pagtanggap sa pagsubok ay kaakibat ng tapang na ipaglaban ang karapatang maipagtanggol ang kaapihan. Bunsod na rin ng pagmamahal sa kanyang anak, napukaw kay G. Bayani ang katapangang ito. Hiningi niya ang tulong ng PAO at PAO Forensic Team.


Kasama niya kami ngayon na buong tapang na inilalaban sa legal na pamamaraan ang kaso ni Ella at mga kapwa niya biktima. Ang katapangan ay mahalagang hakbang sa pagtahak sa landas ng katarungan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page