top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 2, 2022


Mapanghinala ang tawag ng kalikasan. May kung anong magnet ito na humahatak at hindi mapahindian. Ang natural na mga kapaligiran, partikular na ang kabundukan at karagatan, ay malapit sa puso ni Jayson Ebisa, dating empleyado ng Public Attorney’s Office (PAO). Kaya naman maging sa huling sandali ng kanyang buhay, ang karagatan ay kanya pang napasyalan.


Napuntahan pa ni Jayson ang Boracay bago siya nagkasakit ng Meningitis at pumanaw. Ang mga alon sa dagat… ang simoy ng hangin… mayroon kayang ibinulong noon kay Jayson sa magaganap sa kanya sa susunod o huling yugto ng kanyang buhay?

Si Jayson, 32, ay namatay noong Agosto 29, 2022. Ayon sa nakakatandang kapatid ni Jayson na si Jeffrey Ebisa, umuwi ang nakababatang kapatid niya sa kanila sa Tarlac noong Agosto 17, 2022. Nagtaka si Jeffrey dahil hindi basta-basta umuuwi si Jayson, kadalasan ay tuwing may okasyon lamang. Madalas sumakit ang ulo ni Jayson, ani Jeffrey. Dahil dito, pinayuhan niya si Jayson na magpatingin sa ospital, na siya namang ginawa ng huli noong Agosto 19, 2022. Na-confine siya sa isang ospital sa Tarlac noong Agosto 23, 2022 hanggang siya ay pumanaw noong Agosto 29, 2022. Ang mga labi ni Jayson ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Laboratory Division (PAOFLD). Ito ay isinagawa ng mga forensic doctors at personnel ng PAOFLD. Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng masusing pag-aaral ang resulta ng nasabing forensic examination.


Si Jayson ay pangatlo sa apat na anak nina G. Carlito at Gng. Estrella Ebisa ng Tarlac. Ayon kay Jeffrey na siya namang pinakamatanda, akala nila ay ordinaryong sakit lamang ng ulo ang nararamdaman ni Jayson. Ngunit dahil matagal nang iniinda ‘yun ni Jayson, pinayuhan niyang magpatingin na ito sa ospital. Naaalala ni Jeffrey na habang nasa bahay pa nila ay nagsusuka si Jayson, pero nawala ‘yun, ang patuloy na nagpahirap kay Jayson ay ang matinding sakit ng ulo. Hinihilot-hilot siya ni Jeffrey para maibsan ang kanyang nararamdaman. Ani Jeffrey, “Sobrang sakit ng ulo ang naramdaman niya… para raw itong mabibiyak. Kaya paiba-iba ang posisyon niya.” Ang masakit gunitain na mga eksenang ‘yun ay malinaw na malinaw pa sa alaala ni Jeffrey, ngunit ganundin ang masasaya at humahaplos sa dibdib na mga gunita. Aniya, mapagmahal si Jayson. Pangarap nitong mapabahayan ang kanilang pamilya at mapatapos ang kanilang bunsong kapatid sa pag-aaral na sinusuportahan ni Jayson. Naunang tumulong si Jayson dito at dumagdag na rin si Jeffrey. Malapit nang magtapos sa pag-aaral sa kolehiyo ang bunsong kapatid nilang ito na nangangarap maging pulis. Nagmamarka sa memorya ni Jeffrey ang pagiging organisado ni Jayson. Aniya, “Palagi siyang nag-o-organize ng gagawin sa bahay. Parang siya ang pinakamatanda sa aming lahat. Siya ang nagde-decide.” Buong pangumbabang sinabi pa ni Jeffrey, “Kahit ako, inaamin ko naman na sa kanya ako nagko-consult sa mga bagay na hindi ko alam. Feeling ko, kasi ahead siya sa knowledge sa buhay sa labas.”


Sinusugan ni Nona Romey, kaibigan at kaopisina ni Jayson sa PAO at sa dati nilang katrabaho sa isang eskuwelahan, ang mabubuting katangian ni Jayson. “Masayahin siya at mahilig mag-organize ng mga lakad, katulad ng pagpunta namin sa Pangasinan bago mag-pandemic,” ani Nona. “Maalalahanin din si Jayson, maalaga at hindi madamot,” dagdag pa niya. Naaalala ni Nona na bago pa umuwi sa Tarlac ay nakaramdam na ng sakit ng ulo at likod si Jayson. Pinayuhan niya si Jayson na huwag matakot at manatili lang na mayroong positive vibe. Bagama’t naisip diumano ni Jayson na baka siya ay may tumor, nagagawa pa rin nitong magbiro, at hindi nito nakakalimutan na tawagan si Nona kahit na noong ito ay nasa Tarlac at tumindi na ang karamdaman.


Hindi niya makakalimutan si Jayson na madalas na naghihintay sa kanya tuwing uwian. Higit sa lahat, hindi niya makakalimutan ang pagpupursige nito na higit pang mapaunlad ang sarili upang makatulong sa kanyang pamilya. Ayon kay Nona, nasa PAO na si Jayson nang magsimula itong mag-aral sa kolehiyo. “Tuwing hapon, pagkatapos ng trabaho siya pumapasok. Information Technology ang natapos niya, kaya malaki ang utang na loob niya sa PAO. Talagang masasabi na produkto siya ng PAO,” sabi ni Nona.


Si Marivic Calipay ay isa pang kaibigan, kaopisina sa PAO at sa nabanggit na eskuwelahan ni Jayson na may magagandang alaala sa kanya. Ani Marivic, “Responsible siyang tao. Childlike… sweet. Mami-miss ko ang tawag niya sa akin na ‘beshie’, at ‘yung pagkakaroon ng parang kapatid na laging nand’yan. Wala na rin akong makakasabay pauwi. Super-close kaming dalawa kasi nakakasabay ko siya sa pagbubundok.” Naikuwento ni Marivic na dapat ay aakyat pa sila ng Mount Pulag, pero hindi natuloy dahil pumunta si Jayson ng Boracay. Nagplano na lang sila na akyatin ang nasabing bundok sa susunod na taon.


Bakit kaya ang karagatan at hindi ang kabundukan ang napiling puntahan ni Jayson bago siya pumanaw? Dahil ba ang karagatan ang maiiwanan niya sa lupa kaya sa kanyang huling sandali ito ang nais niya makita? At ang kabundukan naman ay tila hindi niya mami-miss, dahil ba mas mataas pa ru’n ang kanyang paroroonan na kalangitan? Hanggang sa muling pagkikita, Jayson….


Para sa PAO Forensic Team, anuman ang nasa likod ng pagkakasakit niya ay patuloy na tutuklasin at pag-aaralan upang magkaroon ng katahimikan ang bawat daing ni Jayson bago siya malagutan ng hininga.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 25, 2022


Ang kakayahan ng isang tao habang bata pa lamang ay masasabing palatandaan kung ano ang kanyang maaaring maging kapalaran. Si Calvin Jhon Soriano, anak nina G. Nestor at Gng. Juvelyn Soriano ng Pasig City, ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig din siyang maglaro ng basketball.


Natural lamang sa mag-asawang Soriano na mangarap ng magandang kinabukasan para sa kanilang anak na si Calvin Jhon, na maaaring sa larangan ng sports. Sa kasamaang-palad, hindi na niya naipagpatuloy ang pagdribol ng bola at pagbuslo nito sa ring ng tagumpay sa basketball man o sa buhay.


Si Calvin Jhon, 13, namatay noong Mayo 30, 2019, ang ika-135 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Calvin Jhon ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Pasig noong Oktubre 27, 2017. Noong Oktubre 30, 2017, nang una siyang makaranas ng lagnat na tumagal nang dalawang linggo. Sumakit din ang kanyang kasu-kasuan, ulo at tiyan. Parang may kumakalkal diumano sa kanyang tiyan. Nanghihina siya at palaging nagpapahilot dahil parang nilalamog diumano ang kanyang katawan. Pinainom siya ng paracetamol at ibuprofen, pero bumabalik din ang masasamang nararamdaman niya. Bagama’t bumuti ang kanyang kalagayan matapos ang dalawang linggong pagkakasakit, noong Disyembre 11, 2017, nagkalagnat siya ulit at tumagal din ito nang dalawang linggo. Parehong karamdaman ang kanyang naranasan gaya ng mga naranasan niya noong Oktubre hanggang Nobyembre 2017.


Pagdating ng 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman:

  • Enero 26 - Nagkalagnat ulit siya. Dahil sa pangamba ng kanyang mga magulang sa mga pagbabago sa kanyang kalusugan, gayundin dahil sa mga balita tungkol sa mga batang nagkakasakit at pumanaw dahil nabakunahan ng Dengvaxia, dinala siya sa doktor at ipinasailalim sa Hematology para malaman ang kanyang platelet count. Base sa resulta, normal naman ito.

  • Marso, Hunyo at Setyembre - Pabalik-balik ang masasama at kakaibang nararamdaman niya gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, tiyan at mga kasu-kasuan. Nagpatuloy ito noong Disyembre 2018.

  • Disyembre - Nagkaroon ng pagbabago sa kanyang ugali. Siya ay naging bugnutin at nananakit dahil madali na siyang mapikon. Masakit din ang kanyang tagiliran. Sa pag-aakalang dahil lang ito sa pagba-basketball, hinihilot ng kanyang mga magulang ang kanyang katawan. Hindi na rin siya nakakatulog nang maayos dahil sa sakit ng katawan at sobrang panghihina. Dinala siya sa isang doktor na nagreseta sa kanya ng antibiotics. Ni-refer siya sa isang ospital sa Laguna para sa iba pang pagsusuri.


Pagdating ng 2019, lumala ang kanyang kondisyon at ito ay humantong sa maaga niyang pagpanaw:

  • Marso 20 - Dahil hindi bumubuti ang kanyang kalagayan, nag-follow-up check-up sila sa doktor na unang pinagdalhan sa kanya noong Disyembre 2018. Niresetahan siya ng mga gamot para sa pananakit ng kanyang katawan.

  • Marso 26 - Isinailaim siya sa spine x-ray. Ayon sa resulta, spasm ang kanyang nararanasan. Namamanhid ang ibabang bahagi ng kanyang katawan at siya ay nakukuba. Hirap na rin siyang matulog nang nakahilata.

  • Abril 1 at 5 - Habang nasa bakasyon si Calvin Jhon sa bahay ng ina ni G. Nestor na si Rosario Soriano sa Pasig, ibinalita sa kanila ni Karen Soriano (ate ni G. Nestor) ang masasamang nararamdaman ni Calvin Jhon. Nasa Laguna sina G. Nestor at Gng. Juvelyn dahil nandu’n ang kanilang hanapbuhay. Si Karen ang pangunahing tumitingin kay Calvin Jhon at ayon sa kanya, hindi maayos na nakakakain si Calvin Jhon, kaya bumagsak ang kanyang katawan. Hirap na rin siyang tumayo at hindi nakakalakad. Hindi rin siya nakakatulog nang maayos dahil sa pananakit ng kanyang katawan at mga binti. Dahil palala nang palala ang masasamang nararamdaman niya, isinugod siya ni Karen sa isang ospital sa Pasig noong Abril 5, 2019. Base sa resulta ng x-ray, posibleng may TB siya sa buto.

  • Abril 6 - Dahil hindi nawawala ang pananakit ng kanyang likod at tagiliran, in-admit siya sa nasabing ospital. May bukol din siya sa ulo at ito ay kumalat sa mga sumunod na araw. Namamanhid ang ibabang bahagi ng kanyang katawan.

  • Abril 16 - Isinailalim siya sa MRI at nakitang may Pott’s disease siya. Inirekomenda ng doktor na isailalim siya sa biopsy.

  • Mayo 5 - Dahil kailangan siyang i-biopsy, inilipat siya ng ospital. Inulit ang pagsusuri sa kanya at kinumpirma ng doktor na may Pott’s disease siya.

  • Mayo 16 - Dahil hindi malaman kung bakit mabilis ang pagkalat ng nana sa katawan niya, isinailalim siya sa HIV test. Base sa resulta, negatibo naman siya sa HIV, gayunman, siya ay humina nang humina at nagpatuloy ang pananakit ng kanyang katawan.

  • Mayo 30 - May nakitang tubig sa kanyang baga. Siya ay in-intubate dahil siya ay hirap huminga. Tinanggal din ang tubig na namuo sa kanyang baga. Pagsapit ng alas-11:00 ng umaga, nag-agaw-buhay na si Calvin Jhon. Siya ay sinubukang i-revive ng doktor, subalit pagsapit ng alas-12:00 ng tanghali, tuluyan siyang pumanaw.


Sabi ng kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Calvin Jhon. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.


“Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban lamang nitong kamakailan kung saan siya ay labis na nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa aming anak at iba pang mga bata. Kung hindi nabakunahan si Calvin Jhon ay buhay pa sana siya ngayon, kaya kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak.”


Patuloy na naninindigan ang mga magulang ni Calvin Jhon sa pakikipaglaban para sa hustisya sa sinapit niyang trahedya. Sa napakabata niyang edad, siya ay nagdusa nang sobra at umabot pa sa puntong isinailalim siya sa HIV test dahil hindi matukoy ang dahilan ng paglubha nito. Ang hustisyang inaasam ng pamilya ay sadyang mailap pa ngayon, subalit darating ang araw na mapagtatagumpayan din nila ang katarungang minimithi sa tulong ng Poong Maykapal.


Kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory na nilapitan ng mag-asawang Nestor at Juvelyn Soriano ay kasama nila sa labang ito hanggang sa tagumpay para kay Calvin Jhon, ang may potensyal sanang atleta ng bayan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 18, 2022


Lahat ng mga anak ay itinuturing na mutya ng kanilang mga magulang. Anuman ang kanilang mga katangian at kakayahan o kung may kakulangan man sa mga ito ay hindi nakakapagpabago sa pagtingin ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Sa mga pagkakataon naman na walang pagsidlan ng tuwa ang mga magulang dahil hitik sa magaganda at mabubuting katangian ang kanilang mga anak, masasabing sila ay mapalad na nabiyayaan ng kayamanan. Kabilang sa mapapalad na magulang na ito sina G. Jonathan at Gng. Dely Fillarca ng Bulacan sa pagkakaroon ng huwarang anak na si Mary Joy Fillarca.


Ayon sa salaysay ng mag-asawang Fillarca tungkol kay Mary Joy, “Ang aming anak ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball. Matulungin siya sa gawaing bahay at tinutulungan din niya kami sa pananahi ng ibebentang basahan.”


Kung ang salaysay nina G. at Gng. Fillarca ay nagtapos sa sinabi nila sa taas, ang maganda nilang kapalaran ay magpapatuloy sa kanilang katandaan. Subalit, may walang kasing-pait itong kadugtong. Salaysay ng mag-asawa, “Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.”


Si Mary Joy, 14, ay namatay noong Mayo 6, 2019. Siya ang ika-134 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Mary Joy ay hindi na umabot nang buhay noong siya ay isinugod sa isang ospital sa Bulacan.


Ayon sa kanyang mga magulang, si Mary Joy ay, “Naturukan ng bakuna kontra dengue sa kanyang paaralan sa Bulacan. Sa aming pagkakaalam, noong una ay dalawang beses lamang siyang naturukan ng Dengvaxia. Una, noong ika-29 ng Hunyo 2016 at pangalawa noong ika-13 ng Setyembre 2017. Subalit nang kami ay kumuha ng katibayan ng pagbabakuna mula sa Center for Health Development ng Department of Health, napag-alaman namin na tatlong beses pala siyang nabakunahan. Una, noong Hunyo 24, 2016, pangalawa, noong Pebrero 24, 2017, at ikatlo, noong Setyembre 7, 2017.”


Matapos maturukan ng unang bakuna, si Mary Joy ay nakaranas ng pasulpot-sulpot na pananakit ng ulo. Noong magtatanghali ng Mayo 5, 2019, nagkaroon siya ng lagnat. Pinainom siya agad ng gamot at pagkagising niya ay nawala ang kanyang lagnat. Noong Mayo 6, 2019, alas-8:00 ng umaga, napansin ni Gng. Fillarca na inom nang inom ng tubig si Mary Joy. Tinanong niya ang kanyang anak kung bakit siya inom nang inom ng tubig, sagot naman ni Mary Joy, masakit diumano ang dibdib niya. Matapos nu’n ay napansin ni Gng. Fillarca na nahihirapan na siyang huminga. Nang tanungin niya si Mary Joy, nagreklamo ito na sumisikip ang kanyang dibdib at hirap siyang huminga. Siya ay agad namang isinugod sa ospital gamit ang tricycle ng kanilang pamilya. Habang sila ay nasa daan papuntang ospital at sakay ng tricycle, napansin nilang hindi na humihinga si Mary Joy. Hinipan ng kanyang magulang ang kanyang bibig upang bumalik ang kanyang paghinga, subalit hindi na ito nakatulong. Nang dumating sila sa ospital, agad siyang kinabitan ng oxygen ng mga doktor at sinubukang i-revive. Matapos ang ilang beses na pagtatangkang isalba ang buhay ni Mary Joy, sinabihan sila ng doktor na bigo sila, at du’n idineklarang dead-on-arrival ang kanilang anak.


Ayon kina G. at Gng. Fillarca, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Mary Joy. Kailanman ay hindi pa siya nagka-dengue o nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban na lamang noong siya ay 11-anyos nang mahulog siya sa puno.


“Pumayag kaming pabakunahan siya ng Dengvaxia sa kagustuhan naming siya ay maproteksyunan laban sa dengue infection. Sinabihan lamang niya kami na kailangan naming pirmahan ang papel na kanyang iniabot sa amin upang magbigay-pahintulot sa pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia. Hindi kami sinabihan kung kailan ang mga araw ng pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia. Maliwanag na napagkaitan kami ng oportunidad na malaman kung ano’ng puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak. Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Si Mary Joy at tulad niyang mga biktima ay kayamanan, hindi lamang ng kanilang mga pamilya kundi ng buong bayan. Kaya ang dismissal kamakailan ng ilan sa mga Dengvaxia cases sa kadahilanang hindi sila nabigyan ng Dengvaxia card na inamin naman sa “congressional hearings” ng mga nasasakdal (hindi lahat ay may card) ay tila pagbabalewala sa halaga ng kanilang buhay at maiaambag sana sa pagpapaunlad ng kanilang mga pamilya at ating bayan.


Kami sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division ay patuloy na ipaglalaban ang ipinagkatiwalang Dengvaxia cases sa amin bilang pagpupugay sa kahalagahan nila Mary Joy. Sa pagpapahalagang ito ay kasama ang patuloy naming pagpupunyagi para sa nasabing mga kaso sa hukuman sa kabila ng mga balakid sa pagkakamit ng katarungan.


Nananalig ang aming tanggapan na sa awa ng Poong Maykapal at sa tamang kapasiyahan ng mga kinauukulang nabigyan ng responsibilidad na maggawad ng hustisya ay makakamit ng mga biktima ng Dengvaxia ang katarungang minimithi sa kabila ng mga nakaambang balakid at suliranin.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page