top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 13, 2023


May mga nakatatanda tayong nariringgan ng kasabihang, “Ang kapalaran ni Juan ay iba sa kapalaran ni Pedro.” Totoo namang magkakaiba ang kapalaran ng mga tao, ngunit may mga aspeto sa buhay na nagkakaroon ng pagkakatulad ang ilang tao.


Ang posibilidad ng pagkakaroon ng magkaparehong tadhana, partikular sa problemang pangkalusugan at trahedyang dulot nito sa dalawa niyang mga anak na sina Darwen P. Racal at Dave Paredes ang ipinag-aalala ni Gng. Junalyn R. Paredes ng Cebu. Parehong Dengvaxia vaccinees sina Darwen at Dave. Si Darwen ay yumao na at si Dave ay nagsisimulang makaramdaman ng mga sintomas.


Si Darwen, 12, ay namatay noong Agosto 19, 2017. Siya ang ika-141 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa kanyang Certificate of Death, si Darwen ay namatay dahil sa “Hypovolemic Shock Secondary To Acute Blood Loss (Immediate Cause), Malignant Neoplasm Of Lymphoid, Hematopoietic And Related Tissue, Unspecified, (Antecedent Cause), Pediatric Community Acquired Pneumonia High Risk With Hypoxia (Other Significant Conditions).”


Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan noong Hunyo 2017. Gayunman, ayon sa kanyang ina, walang ibinigay na Dengvaxia immunization card sa kanya si Darwen. Aniya, “Nalaman ko lamang na siya ay nabakunahan nang banggitin niya ito sa akin.” Sinabi rin niya sa kanyang salaysay na, “Noong panahon na naturukan siya ng Dengvaxia, si Darwen ay nakatira sa Cogan, Cordova, Cebu kasama ang kanyang lola na si “Bingbing” Racal, ina ng dati kong live-in partner na si Darius Racal. Ang aking anak ay dumadalaw lamang sa akin tuwing Sabado ng umaga.”


Narito ang mga naging karamdaman at pinagdaanang hirap ni Darwen noong Hunyo 2017 na may kaugnayan sa kanyang pagkakasakit hanggang sa siya ay pumanaw noong Agosto 19, 2017.

  • Hunyo, ikalawang linggo - Si Darwen ay laging may lagnat, at masakit ang ulo at ngipin. Pinayuhan siya ni Gng. Junalyn na uminom ng gamot para gumaling siya na sinang-ayunan naman niya.

  • Hulyo - Matapos ang dalawang linggo na hindi siya bumisita kay Gng. Junalyn, nalaman niya kay Lola Bingbing na si Darwen ay isang linggo nang nasa isang ospital sa Cebu at agad niya itong pinuntahan.

  • Hulyo 12 at 13 - Nagdurugo ang kanyang gilagid. Siya rin ay balisa at parang nababaliw. Masakit ang kanyang ulo, may lagnat siya at nagsusuka ng kulay brown. Ipinaalam ng doktor kay Gng. Junalyn na maaaring dengue ang sakit ni Darwen, at kailangan siyang masalinan ng dugo. Pumayag naman sa nasabing prosesong medikal si Gng. Junalyn. Kinabukasan, sinabi ng doktor na may leukemia si Darwen at kailangang kunan ng fluid sa bone marrow para makasigurado, pero hindi ito natuloy dahil mahinang-mahina ang kanyang katawan.

  • Agosto 6 - Dahil sa kahilingan ni Darwen na lumabas ng ospital, pumirma si Gng. Junalyn ng waiver para mailabas siya sa ospital. May mga gamot na ibinilin sa kanya ang doktor. Si Darwen ay bumalik sa kanyang lola, at binibisita naman siya ng kanyang ina araw-araw. Minsan, napansin ni Gng. Junalyn na humihina ang katawan ni Darwen at nangingitim ang mga kuko niya. Palagi rin niyang inirereklamo ang sakit ng kanyang dibdib at tiyan; ang pinakagrabe niyang reklamo ay ang pananakit ng ulo na parang binibiyak sa sakit. Nasisilaw din siya sa ilaw at namamaga ang kanyang kanang mata.

  • Agosto 17 - Hindi na siya makapagsalita, mahinang-mahina ang katawan, at hindi na makatayo, kaya ibinalik siya sa ospital. Pagdating sa emergency room, agad siyang nilagyan ng swero at oxygen dahil hindi na siya makahinga. Nag-request pa ang doktor na masalinan si Darwen ng white at red blood cells, kaya bumili ng tig-limang bags ng mga ito si Gng. Junalyn.

  • Agosto 19 - Hindi na tinatanggap ng katawan ni Darwen ang dugong isinasalin sa kanya. Pinatanggal ni Gng. Junalyn ang bag ng dugo dahil ayon sa doktor ay hindi na kaya ng kanyang mga ugat na tumanggap ng dugo. Pagkatapos ng isang oras, may lumabas na dugo sa bibig ni Darwen, kasabay ng matinding pananakit ng kanyang ulo. Minasahe ni Gng. Junalyn ang kanyang ulo, may lumabas ding dugo rito. Hirap na siyang huminga; tuwing siya ay humihinga, may lumalabas na dugo sa kanyang bibig. Bago mag-alas-2:00 ng hapon, hindi na siya kumikilos. Pinilit siyang gisingin ni Gng. Junalyn, pero hindi na siya gumising. Tinanong ng doktor si Gng. Junalyn kung ipapa-revive pa si Darwen, ngunit itinanong ng una sa doktor kung mabubuhay pa si Darwen kung ire-revive. Nang sabihin na hindi na rin siya mabubuhay, hindi na pumayag si Gng. Junalyn na i-revive ang kanyang anak dahil aniya, “Ayaw ko nang lalo pa siyang mahirapan.” Pumanaw si Darwen, alas-2:00 ng hapon nang petsang ito.


Ayon pa kay Gng. Junalyn, “Noong hindi pa natuturukan si Darwen ng sinasabi nilang bakuna kontra dengue ay malikot siyang bata. Siya ay malusog at maliksi kumilos. Palagi siyang nananalo sa mga paligsahan sa pagtakbo sa kanyang eskuwelahan. Wala siyang naging sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na may kinalaman sa sinasabi nilang sanhi ng kanyang pagkamatay. Ang hindi ko maintindihan ay kung paano siya nagkaroon ng leukemia na sinabi ng doktor noong nasa ospital pa kami. Kabaligtaran ‘yun sa liksi niyang klase ng bata. Ako ay naniniwala talaga na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanya na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH).”


Tulad ng nabanggit na sa artikulong ito, ang isa pang anak ni Gng. Junalyn na si Dave ay nakakaramdam na rin ng mga sintomas, tulad ng pananakit ng ulo at lagnat. Habang inaasikaso ni Gng. Junalyn ang medikal na pangangailangan ni Dave, patuloy niya ring inihahanap ng katarungan ang trahedyang sinapit ni Darwen sa tulong ng PAO at PAO Forensic Team.


Isa na naman si Darwen sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na hindi nabigyan ng immunization card. Bagay na dahilan kung bakit ang kaso ng ilan sa mga biktima ng Dengvaxia ay pinawawalang-bisa ng Department of Justice (DOJ). Nagdusa na si Darwen dahil sa kanyang pagkabakuna ng eksperimentong Dengvaxia. Nawa ang kanyang naging kasawian ay mabigyan ng hustisya. Ipaglalaban ito ng aming tanggapan hanggang sa tuluyang makamit ni Darwen at Dave ang hustisyang nauukol para sa kanila. Karangalan naming maging bahagi ng laban ni Gng. Junalyn at mga tulad niyang patuloy na lumalaban para sa hustisya ng mga mahal sa buhay na nasawi sa isang trahedya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 6, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, maraming mga bata ang pinaniniwalaang biktima ng nasabing bakuna ang nagkaroon ng pagbabago sa ugali at may pagkakataon na sila ay tila ibang tao na.


Isa sa mga ito si Martha Camonggay, anak nina G. Dionesio at Helyn Camonggay ng Mandaue City, Cebu. Sa salaysay ng mag-asawang Camonggay, ikinuwento nila ang nangyari kay Martha noong Mayo 2, 2019 sa isang ospital:

“Ang aming anak ay nagwala at nakipag-away sa amin at pati sa kung sino ang nakatingin sa kanya sa hindi namin malamang dahilan. Dahil dito, itinali namin siya sa kama ng ospital para hindi na makapanakit sa sarili at ibang tao. Sa umpisa, tinanong kami ng doktor kung meron ba kaming lahi ng mga baliw at sinabi namin na wala. Tinanong pa kami na kung may lalaki sa aming bahay na nakagalaw sa aming anak, pero wala namang ganu’n na nangyari. Binigyan ng mga gamot si Martha tulad ng pampa-relax na gamot.”


Ang insidente sa nasabing ospital ay bahagi ng napakasakit na karanasan ng pamilya Camonggay – ang pagkakaroon ni Martha ng karamdaman na nauwi sa kamatayan, may negatibo pang mga bagay na lumambong sa kanyang pagkatao, bagama’t maaaring nabura agad sa isipan ng mga kinauukulan.


Si Martha, 11, ay namatay noong Mayo 13, 2019. Siya ang ika-140 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa Certificate of Death ni Martha, siya ay namatay dahil sa Shock Unspecified (Immediate Cause), Viral Encephalitis, (Antecedent Cause).


Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan sa Cebu City noong Hunyo 15, 2017. Noong Oktubre 18, 2018, nagsimula siyang makaranas ng pananakit ng ulo, tiyan at lagnat, gayundin, siya ay nanghihina. Dahil sa mga ito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center sa Cebu. Sila ay ni-refer sa isang health center sa Mandaue City, Cebu upang du’n ipa-examine ang dugo ni Martha. Siya ay binigyan ng antibiotics at nawala naman ang kanyang lagnat. Noong Nobyembre at Disyembre 2018, pasulpot-sulpot ang pananakit ng kanyang ulo, tiyan at lalamunan. Nawalan din siya ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pagpayat. Palagi rin siyang umiinom ng malamig na tubig at naging mainitin ang kanyang ulo.


Pagdating ng 2019, lumubha ang kondisyon ni Martha hanggang siya ay pumanaw noong Mayo 13, 2019. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Marso 19 - Matapos maihatid si Martha sa eskuwelahan, siya ay agad ding ibinalik sa kanilang bahay dahil nagdurugo ang kanyang ilong. Tumigil naman ang pagdurugo ng kanyang ilong, subalit siya ay muling nagreklamo ng pananakit ng ulo at tiyan.

  • Abril 18 - Sumuka si Martha habang nasa misa sa isang simbahan. Dinala siya agad sa kanilang bahay at pinagpahinga. Kilala siya sa pagiging malikot, subalit nang mga panahong ‘yun ay bigla na lamang siyang naging matamlay.

  • Abril 25 - Muling nag-iba ang pag-uugali ni Martha. Mula sa pagiging matamlay ay naging masungit siya at ayaw ng maingay. Naging mainitin ang kanyang ulo at madaling makipag-away. Siya ay naging tuliro at kung anu-ano na ang pinagsasabi, kaya napagdesisyunan ng kanyang mga magulang na dalhin siya sa ospital.

  • Mayo 1 at 2 - Dinala siya sa isang ospital sa Mandaue City, Cebu. Isinailalim siya sa electroencephalogram (EEG). Kinabukasan, inilipat din siya ng ospital dahil sa kakulangan sa pera, at du’n naganap ang pangyayaring naikuwento sa unahan ng artikulong ito.

  • Mayo 10 - Hindi na makakita si Martha, hindi na rin siya kumakain. Gayundin, hindi na siya tumutugon kapag kinakausap at hindi man lang gumagalaw.

  • Mayo 11 - Tinanggal ang kanyang pagkakatali dahil wala na siyang kibo at naninigas na ang kanyang katawan.

  • Mayo 12 - Sinubukan siyang kunan ng sample fluid sa spine upang masuri ito, pero walang fluid na nakuha. Matapos nito ay nahirapan nang huminga si Martha at nilagyan na ng tube sa bibig para makahinga siya. Naging kritikal na ang kalagayan niya nang panahong ito.

  • Mayo 13 - Ginamitan na siya ng pump para makatulong sa paghinga niya. Akala ng kanyang mga magulang, gagaling na siya kaya nagdesisyon sila na umuwi muna para bumoto sa eleksyon, pero hindi na sila nakaboto, nakatanggap sila ng mensahe na lumubha ang kalagayan ni Martha. Pagdating nila sa ospital, hindi na nila inabutan pang buhay si Martha.


Sabi nina G. at Gng. Camonggay, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Martha. Noong hindi pa natuturukan ng Dengvaxia vaccine ang aming anak ay malikot siyang bata. Siya ay malusog at maliksi kumilos. Gustong-gusto niyang makipaglaro sa maliliit na bata at para siyang guro ng mga batang ‘yun.


“Wala siyang naging sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na may kinalaman sa sinasabi nilang sanhi ng kanyang pagkamatay. Ang hindi namin maintindihan ay kung paano siya nagkaroon ng sakit na sinasabing naging sanhi ng kanyang kamatayan. Kabaliktaran ‘yun ng liksi niyang klase ng bata. Kami ay naniniwala talaga na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia, na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH).”


Bagama’t nagdadalamhati, matibay ang paniniwala ng mag-asawang Camonggay sa binitiwan nilang mga salita, ganundin sa desisyon nila na sa PAO Forensic Team ipagkatiwala ang forensic examination sa mga labi ni Martha. Kasabay ng paghingi nila ng tulong legal sa PAO ay ang paghiling ng nasabing forensic service sa PAO Forensic Team.

Ganito ang kanilang paninindigan, bagama’t nasabi nila sa kanilang salaysay na, “Kinausap kami ng isang doktor kung gusto pa naming magpa-autopsy para malaman kung bakit namatay si Martha, pero hindi na kami pumayag.”


Ang PAO at PAO Forensic Team ay kagyat na tumugon sa kanilang kahilingan at patuloy na nagkakaloob sa kanila at tulad nilang mga kliyente ng aming tanggapan ng mga angkop na serbisyo at naaayon sa aming mandato. Magpapatuloy ito hanggang sa makamit namin ang hustiya para sa kanila, gaanuman ito kahirap sa dami ng balakid para ganap na maisampa ang kanilang mga kaso sa hukuman.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 30, 2022


Sa pamilyang Pilipino, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng panganay na anak. Inaasahan na maitataguyod niya ang kanilang pamilya sa mga pagkakataon na kailangan niyang gampanan ang mga responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga magulang. Walang duda na kayang gampanan ito ni Trisha Janelle Olarte kung hihingin ng pagkakataon dahil sa kanyang magagandang katangian.


Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang na sina G. Leslie at Rowena Olarte ng Pililla, Rizal, “Panganay siya sa aming mga anak at napakabait nito.” Ayon pa sa kanila, si Trisha Janelle ay

“Malakas, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang mag-aral at may mataas na pangarap sa buhay.” Sa kasamaang-palad, si Trisha Janelle ay maagang nawala at lubos itong pinanghinayangan at dinamdam ng kanyang mga magulang.


Si Trisha Janelle, 14, ay namatay noong Hunyo 20, 2019. Siya ang ika-139 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ayon sa Death Certificate ni Trisha Janelle, ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Septic Shock Secondary To (Immediate Cause); Disseminated Tuberculosis (Potts Disease, Tuberculous Meningitis Stage 2) (Antecedent Cause). Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia. Si Trisha Janelle ay unang nabakunahan noong Abril 19, 2016 sa kanilang paaralan sa Bulacan. Siya ay nabakunahan sa pangalawang pagkakataon noong Nobyembre 7, 2016 sa nilipatan niyang eskuwelahan sa Pililla, Rizal, ganundin sa pangatlong pagkakataon noong Hunyo 15, 2017. Noong Oktubre 18, 2018, siya ay nagkaroon ng lagnat, nagsuka, at nagtae. Siya ay dinala sa isang ospital sa Morong, Rizal. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, siya ay maaaring may amoebiasis. Matapos siyang i-rehydrate, pinauwi rin siya ng doktor.


Pagdating ng taong 2019, narito ang mga naramdaman ni Trisha Janelle, hanggang sa siya ay bawian ng buhay noong Hunyo 20, 2019.

  • Marso 9 at 10 - Sumakit ang kanyang kaliwang binti. Kinabukasan, nagkalagnat din siya. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw.

  • Marso 13 - Dahil patuloy ang pananakit ng kanyang binti, pinahilot ito ng kanyang mga magulang. Bahagyang bumuti ang kanyang pakiramdam, ngunit bumalik ang pananakit ng kanyang paa, at ito ay pabalik-balik.

  • Abril - Hirap na siyang maglakad. Walang lakas ang kanyang mga paa at madalas siyang nakahiga. Pinainom siya ng B-complex na bitamina, pero hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Sumakit ang ibabang bahagi ng kanyang likod at sa pagdaan ng mga araw, sumakit din ang iba pang bahagi ng kanyang likod at kasu-kasuan, gayundin, nagka-stiff neck siya. Dinala siya sa isang ospital sa Siniloan, Laguna. Maputla si Trisha Janelle, hirap na rin siyang maglakad at kailangang may umalalay sa kanya upang siya ay makatayo. Kapag nakaupo siya, kailangang nakasandal siya sa unan at kapag wala siyang sasandalan, sumasakit ang kanyang likod. Dahil napansin ng doktor na malakas at mabilis ang pagtibok ng kanyang puso, iminungkahi nito na ipa-ultrasound ang thyroid niya, subalit dahil sa kakapusan ng pera ay hindi nila ito nagawa.

  • Mayo, ikalawang linggo - Hindi na niya makontrol ang kanyang pag-ihi. Hindi rin regular ang kanyang pagdumi; nakakadumi lamang siya pagdaan ng ilang araw, at minsan ay linggo. Sumasakit din ang kanyang bibig kaya naapektuhan ang kanyang pagkain.

  • Mayo 15 at 16 - Dahil sa lumalala niyang kondisyon, siya ay muling dinala sa isang ospital sa Morong, Rizal. Subalit dahil sa kakulangan sa pasilidad, inilipat siya sa isang ospital sa Marikina City at napag-alaman na siya ay may Chronic Anemia.

  • Mayo 17 at 20 - Sinalinan siya ng dalawang bag ng dugo. Madalas na sumasakit ang buo niyang katawan at hirap na hirap na rin siyang maglakad. Hindi na rin siya makakain nang maayos, kaya siya ay pumayat nang husto. Matapos ang apat na araw (Mayo 20), nag-seizure siya. Wala na rin siyang makita. Dahil sa takot ng mga doktor na baka umakyat na ang impeksyon sa kanyang ulo, iminungkahi nilang isailalim siya sa MRI.

  • Mayo 23 at 28 - Isinagawa ang MRI, at ayon sa kanyang mga magulang, ang resulta ay hindi diumano naipaliwanag sa kanila ng doktor.

  • Hunyo, unang linggo - Nahihirapan na siyang huminga. Siya ay minsang na-coma nang linggong ‘yun, pero nagising din siya pagkalipas ng ilang oras. Gayunman, hindi pa rin siya makakita.

  • Hunyo 16 - Namanas ang iba’t ibang parte ng kanyang katawan at kamay. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw.

  • Hunyo 19 at 20 - Nawala ang pintig ng puso niya. Siya ay ni-revive ng doktor at naging matagumpay naman ito. Matapos nu’n ay nag-umpisa nang mangitim ang kanyang kanang paa. Naging kritikal ang lagay niya at pagsapit ng alas-5:45 ng madaling-araw ng Hunyo 20, 2019, tuluyan nang pumanaw si Trisha Janelle.


Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Trisha Janelle. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.”


Ang sakit sa dibdib ng mag-asawang Olarte ang nagtulak sa kanila na magsagawa ng hakbang upang mapanagot ang pinaniniwalaan nilang responsable sa nangyari kay Trisha Janelle. Ayon sa kanila, “Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia kay Trisha Janelle at iba pang mga bata. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan at sa hindi pagpapaliwanag sa amin sa puwedeng maging epekto nito sa kalusugan ng aming anak. Kung naipaliwanag sa amin na puwede itong makasama sa kalusugan ni Trisha Janelle at magiging sanhi pa ng kanyang pagpanaw ay hindi kami papayag na siya ay mabakunahan.”


Inilapit nila sa PAO at PAO Forensic Team ang pagnanais nilang mapanagot sa batas ang pinaniniwalaan nilang may kinalaman sa nangyari sa kanilang anak. Hanggang ngayon ay hinihintay nila na maghari ang katarungan para sa kanilang anak. Ito lamang ang maaaring magbigay sa kanila ng katahimikan sa susunod pang mga araw ng kanilang pamamalagi sa mundong ito at hanggang sa muli nilang pagkikita ng kanilang anak na si Trisha Janelle.


Patuloy nila kaming kasama sa laban at gagawin ang lahat ng aming makakaya sa legal na paraan upang makamtan ang katarungan para kay Trisha Janelle at tulad niyang mga biktima.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page