top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 3, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, karaniwan na ang mga kuwento ng kagitingan ng mga bata at kabataang vaccinees na nasawi, ganundin ang mga patuloy na nabubuhay ngunit may iniindang karamdaman.


Ang kagitingang ito ay maaaring munti lamang sa paningin ng iba, ngunit ang mga ito ay mahahalagang alaala tungkol sa kanilang pagsisikap na mapagaan man lamang ang kalooban ng kanilang mga mahal sa buhay na labis na nasasaktan sa kanilang pinagdadaanan.


Ang kagitingang ito ay naisagawa sa kabila ng kanilang karamdaman, at ang iba ay sa kabila ng pagkakaroon ng gahiblang sandali na lamang na nagdudugtong sa kanilang mga buhay. Isa sa mga kabataang ito si Harold D. Polistico, Jr.


Ayon sa kanyang ina na si Gng. Rowena Polistico ng Manila, “Kinabukasan, ika-28 ng Marso 2019, ay pinilit ng aking anak na dumalo sa Recognition Day upang tanggapin ang kanyang medalya. Habang nagtatalumpati ang aking anak, napansin kong hindi niya maiangat ang kanyang kamay. Madalas din ang paglapit niya sa akin dahil sa pananakit ng kanyang ulo. Agad ko siyang dinala sa ospital at nakitang mababa ang kanyang oxygen saturation. Inirekomenda agad ng doktor na i-oxygen ang aking anak.”


Ilang araw lamang ang nakalipas mula nang mangyari ang tagpong ito, si Harold ay pumanaw noong Abril 9, 2019. Si Harold ay 11-anyos, ang ika-145 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Acute Respiratory Failure Secondary To Tension Pneumothorax (Immediate Cause), Pneumonia, (Antecedent Cause), Restrictive Lung Disease, Shprintzen Goldberg Syndrome (Other Significant Conditions Contributing to Death).


Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Manila noong Setyembre 5, 2017. Sabi ni Aling Rowena sa kanyang salaysay, “Ang pagbabakuna ng Dengvaxia ay una kong nalaman sa aking asawa na si Harold Polistico, Sr. bilang isa siyang pulis. Ayon sa aking asawa, may programa ang Department of Health (DOH) na magbigay ng libreng bakuna kontra dengue sa miyembro ng pamilya ng kapulisan. Hindi na kami nagpabakuna noon sa Headquarters ng Philippine National Police dahil may anunsiyo rin ang aming barangay hinggil sa libreng pagbibigay ng bakuna kontra dengue. Sa aming barangay nabakunahan ng Dengvaxia ang aking anak. Ang pagkabakuna niyang ‘yun ang nagpahirap sa amin at siyang kumitil sa kanyang buhay dahil matapos siyang mabakunahan ay lagi na siyang nagrereklamo ng pananakit ng ulo.”


Pagdating ng mga taong 2017 at 2018, narito ang ilan sa mga naranasan ni Harold:


  • Oktubre hanggang Disyembre 2017 - Masakit ang kanyang ulo at tiyan, sumasakit at nangangalay ang kanyang kaliwang binti. Nahihirapan din siyang huminga. Nagpatuloy ang mga ito hanggang Disyembre 2017.

  • Pebrero 15 hanggang 20, 2018 - Nagkalagnat siya ulit. Masakit din ang ulo at tiyan niya, at may ubo. Isinugod siya ng kanyang nanay sa isang ospital sa Manila, na-admit siya nang limang araw at sinabi na may pneumonia siya. Noong Pebrero 20, na-discharge siya at niresetahan ng antibiotics.

  • Marso 1 hanggang 11, 2018 - Muli siyang nagkalagnat at nahirapang huminga. Noong Marso 2, 2018, mababa diumano ang oxygen level niya at siya ay nilagyan ng oxygen sa ospital. Pneumonia pa rin ang diagnosis sa kanya. Noong Marso 11, na-discharge siya sa ospital.

  • Disyembre 2018 - Sa follow-up check-up, nahirapan siyang huminga.


Pagdating ng 2019, narito ang ilan sa matitinding sinapit niya bago pumanaw:


  • Marso 25 - Malala ang kanyang ubo, mababa rin ang oxygen saturation niya.

  • Marso 27 at 28 - Muli siyang nahirapang huminga.Pinausukan siya sa kanilang bahay. Naganap ang pangyayaring nabanggit sa itaas ng artikulong ito, ang tungkol sa pagpilit niya na pagdalo sa kanilang Recognition Day, kung saan nahirapan siyang huminga. Sa pinagdalhan sa kanyang ospital, walang oxygen machine at hindi inasikaso ng doktor na nakatalaga noon sa emergency room ng ospital si Harold, kaya siya ay inilipat sa ibang ospital. Nagsisigaw siya dahil nahirapan siyang huminga, in-ambu bag siya. Hindi rin alam ng mga doktor ang dapat gawin sa karamdaman niya dahil wala silang ideya sa kanyang medical history. Siya ay in-intubate.

  • Abril 2 at 7 - Inilipat siya sa ibang ospital. Noong Abril 7, nagkalagnat siya at masakit ang kanyang ulo. Hirap na hirap siyang huminga, gayundin, tumataas ang BP niya.

  • Abril 9 - Naging kritikal ang kanyang kalagayan. Nagpaalam siya sa kanyang pamilya at pagsapit ng alas-5:00 ng hapon ay pumanaw na siya.


Ayon sa kanyang ina, “Noong taong 2013, na-diagnose sa sakit na Shprintzen Goldberg Syndrome ang aking anak. Mula noon, naka-wheel chair na siya. Sa kabila ng kanyang kalagayan, normal at maayos pa rin naman ang pamumuhay niya. Hindi rin nagka-dengue infection ang aking anak bago siya maturukan ng Dengvaxia.


“Ako ay naniniwala talaga na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia na bigay ng DOH.”


Noong si Harold ay nabubuhay, siya ay may matayog na pangarap. Sa pag-abot sana niya ng kanyang mga inaasam, maaari niyang maging tuntungan ang kanyang katalinuhan at talento sa pagkanta at pagtugtog ng ukulele. Ang mga ito ay napako sa kawalan. Ngunit ang ganitong pangyayari na wala nang kinahantungan ay hindi papayagan ng Pamilya Politisco na maganap nang walang makatwirang paglaban sa hukuman.


Kaya kasabay ng paghiling nila ng forensic services sa PAO Forensic Team, ay hiniling din nila ang libreng serbisyo-legal ng PAO. Kasama nila kami ngayon sa kanilang laban para sa paghahanap ng hustisya para kay Harold at iba pang tulad niyang mga biktima ng nakalalasong gamot na Dengvaxia. Mananatiling matatag ang aming tanggapan na ipaglaban ang kaso ng Pamilya Polistico at iba pang biktima ng Dengvaxia.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 27, 2023


Ang “minsan” o isang beses na pangyayari ay nagiging sanhi rin ng simula ng katapusan.


Ang masakit na bahaging ito ng katotohanan ay may hapdi at pait pa ring dulot sa Pamilya Debutac ng Cebu dahil sa trahedyang sinapit ng kanilang anak na si Charish Debutac.


Ayon kina G. Alejandro at Gng. Jacqueline Debutac, ang kanilang anak na si Charish ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 4, 2017. Noong Disyembre 2017, nagsimula siyang magkaroon ng karamdaman. Pagdating ng Mayo 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, lumubha ang kondisyon niya hanggang sa ito ay nauwi sa pagpanaw niya noong Mayo 16, 2018. Nasabi ng mag-asawang Debutac sa kanilang salaysay:


“Naniniwala kami na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH). Ang tiwala namin sa DOH na mabibigyan ng proteksyon si Charish ay biglang naglaho at napalitan ng pagdaramdam at galit dahil ang naging sanhi ng kamatayan niya ay ang sinasabi nilang magiging proteksyon niya.”


Si Charish, 11, ang ika-144 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa Certificate of Death ni Charish, siya ay namatay dahil sa Multiple Organ Dysfunction Syndrome (Central Nervous System, Respiratory, Hematologic) (Immediate Cause); Severe Sepsis, Hypovolemic Shock Secondary To Acute Gastroenteritis with Severe Dehydration Status Post Resuscitation At Xxx Hospital (Antecedent Cause). Tulad ng nabanggit sa itaas, naturukan siya ng Dengvaxia noong Agosto 4, 2017. Nang araw na ‘yun, ayon kina G. at Gng. Debutac pinuntahan sila sa kanilang bahay ng mga health workers ng kanilang barangay. Dagdag pa nila, “Sinabihan kami na mayroong isasagawang pagtuturok ng bakuna kontra dengue para sa mga bata sa aming health center.


Ayon din sa mga barangay health workers, proyekto ng DOH ang nasabing pagbabakuna at ito ay libreng ibibigay. Dagdag pa nila, kapag sa labas magpapaturok ng nasabing bakuna ay may kamahalan ito. Kami naman ay naudyukang pabakunahan si Charish dahil din sa takot na siya ay magka-dengue dahil ang kuya niyang si Jhondro Debutac ay na-dengue na. Nang mismong araw na ‘yun ay pinabakunahan namin si Charish.”


Noong Disyembre 2017, nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at ulo. Ito ay pabalik-balik sa mga sumunod na mga araw. Dahil dito, hindi siya nakakakain nang maayos at siya ay dumudumi. Nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan sa tuwing siya ay dumudumi, at ang pananakit ng kanyang ulo ay nawawala tuwing umiinom siya ng paracetamol. Noong Abril 2018, madalas siyang makaramdam na mainit ang kanyang katawan kaya siya ay naliligo nang tatlong beses sa isang araw. Pagdating ng Mayo 2018, nadagdagan pa ang kanyang mga karamdaman hanggang sa lumubha ang kanyang kondisyon at bawian siya ng buhay noong Mayo 16, 2018.


Narito ang ilan sa mga detalye:


  • Mayo 11 - Naligo sa dagat si Charish.Pagsapit ng gabi, sumakit ang kanyang ulo at may lagnat din siya. Matapos siyang painumin ng kanyang mga magulang ng paracetamol, umayos naman ang kalagayan niya.

  • Mayo 12 - Muling bumalik ang pananakit ng kanyang ulo at siya rin ay nagkaroon ng lagnat. Sumakit din ang kanyang baywang at hita.

  • Mayo 14-15 - Sumakit ang kanyang baywang hanggang kinabukasan (Mayo 15). Sumakit din ang ulo niya, at bumilis ang kanyang paghinga. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Cebu. Sinabi ng kanyang mga magulang na nabakunahan siya ng Dengvaxia. Dahil du’n, inilipat agad siya ng ospital at dinala siya sa trauma center. Isinailalim sa ultrasound ang tiyan niya dahil inirereklamo niyang masakit ito. Base sa resulta, maayos naman ang kanyang kalagayan.

  • Mayo 16 - May lagnat siya. Isinailalim siya sa x-ray at base sa resulta, may nakitang puti sa baga niya. Naging bayolente na siya, kaya itinali siya dahil sa kanyang pagwawala. Gayundin, siya ay nagsasalita ng kung anu-ano. Isinailalim siya sa CT-scan, at base sa resulta, namamaga ang utak niya. Matapos niyang magwala, nawalan siya ng malay at siya ay in-intubate dahil hirap na hirap siyang huminga. Bandang alas-3:00 ng hapon, nag-agaw-buhay siya hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw.


Ayon sa kanyang mga magulang, “Dahil hindi alam ng doktor ang sanhi ng pagkamatay ng aming anak, iminungkahi ng doktor na i-autopsy siya, pero hindi kami pumayag.”


Sa PAO Forensic Team nila ipinagkatiwala ang pagsusuri sa mga labi ni Charish, na agad namang isinagawa ng team. Ang usaping legal naman ay ipinagkatiwala nila sa aming Tanggapan, at ang libreng serbisyong legal na nararapat sa kaso ni Charish ay aming ipinagkaloob at patuloy na ipinagkakaloob nang naaayon sa aming mandato.


Nang siya ay nabubuhay, ayon sa kanyang mga magulang, ang malusog at maliksing si Charish ay nakikipagpaligsahan sa pagsayaw sa kanilang paaralan. Subalit, ito ay naglahong parang bula, sapagkat naigupo ng kanyang karamdaman si Charish dahil sa eksperimentong bakuna na sa kanyang murang katawan ay isinaksak nang walang pag-iingat at masusing pag-aaaral. Sa ngalan ng hustisya, at competitive spirit na ito ni Charish, ang kanyang kaso ay hindi rin namin susukuan – tuloy ang laban sa legal na pamamaraan hanggang makamit ang katarungan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 20, 2023


May mga pangyayari na nagmimistulang babala sa maaaring maganap sa kinabukasan. Maaari itong paghandaan, ipagdasal, at labanan sa maayos at tamang pamamaraan kung kaya pa. Ngunit paano kung huli na ang lahat, wala nang oras na hahabulin o kung wala nang buhay na maililigtas?


Sa sitwasyon ng Pamilya Pineda ng Pampanga, hinarap nila ang trahedyang tila ipinaramdam sa kanila bago pa man maganap. Alamin ito sa kuwentong ibinahagi nina G. Webister at Gng. Marilyn Pineda na may kaugnayan sa nangyari sa anak nilang si Shana Marie Pineda. Narito ang bahagi ng kanilang salaysay, “Enero 2019 nang puntahan kami sa aming bahay ng pinsan ni Princess Lei Viguilla, dating kamag-aral ng aming anak na noon ay may masamang nararamdaman at naparalisa dahil diumano sa stroke. Ipinaalam sa amin ng pinsan ni Princess Lei na ang aming anak ay kasama sa listahan na pinapaikot ng Department of Health (DOH) na may kaugnayan sa pagtuturok ng Dengvaxia. Nakita namin sa nasabing listahan ang pangalan ng aming anak kasama ang pangalan ni Princess Lei Viguilla. Nakita rin namin ang pangalan ng kaibigan ng aming anak na si Reynalyn Almachar na pumanaw dahil sa Dengvaxia vaccine noong Abril 2019. Laking gulat naming mag-asawa nang aming makita ito dahil sa aming pagkakaalam ay hindi naturukan ng Dengvaxia vaccine ang aming anak dahil tutol kami sa pagtuturok nito sa kanya, kaya hindi namin pinirmahan ang consent form na ibinigay ni Shana sa amin.”


Si Shana, 13, ay namatay noong Hulyo 29, 2019. Siya ang ika-143 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Pagkatapos ng mga pangyayari na nabanggit sa itaas, narito na ang mga sumunod na kaganapan sa buhay ni Shana:

  • Marso 2019 - Sumasakit ang kanyang mga buto, siya rin ay mahina at namumutla. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Pampanga. Sa blood test na isinagawa sa kanya, nalaman na mababa ang kanyang dugo, kaya iminungkahi ng doktor na ilipat siya sa ibang ospital kung saan siya ay isasailalim sa bone marrow test. Habang hinihintay ang resulta, nanatili sa nasabing ospital si Shana at siya ay sinalinan ng dugo. Pagkalipas ng tatlong araw, lumabas ang resulta ng kanyang bone marrow test at sinabihan ng doktor ang kanyang mga magulang na base sa resulta nito ay may leukemia siya. Pagkatapos ng walong araw na pamamalagi sa ospital, pinahintulutan ng doktor na lumabas si Shana at tuwing Lunes, isinasailalim siya sa chemotherapy. Naging maayos naman ang kondisyon niya sa mga sumunod na buwan.

  • Hunyo 24, 2019 - Isinailalim siya sa bone marrow test sa pangalawang pagkakataon. Ayon sa resulta, nananatiling maayos ang kalagayan niya.

  • Hulyo 22, 2019 - Sinalinan siya ng dugo dahil bumaba ang dugo niya.

  • Hulyo 25, 2019 - Nagkalagnat siya. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng paracetamol at bahagyang bumaba ang kanyang lagnat.

  • Hulyo 26, 2019 - Nagkaubo siya at muling nagkalagnat. Malakas din ang regla niya.

  • Hulyo 27, 2019 - Lalong lumala ang ubo niya. Siya ay may plema at tuwing inilalabas niya ito ay may kasamang dugo. Hindi pa rin nawala ang kanyang lagnat at siya ay nagsusuka. Dinala siyang muli sa ospital, isinailalim sa x-ray at base sa resulta, siya ay may pneumonia. Sabi ng doktor, napuno ng plema ang likod at baga niya, at muli siyang sinalinan ng dugo.

  • Hulyo 28, 2019 - Bigla siyang nakaranas ng hirap sa paghinga. Lalagyan sana siya ng tubo para tulungan siyang makahinga, subalit ayaw naman niyang magpalagay ng tubo.

  • Hulyo 29, 2019 Salaysay ng kanyang mga magulang, “Kahit siya ay hirap huminga, madaldal pa ang aming anak. Buong maghapon siyang nagdadaldal ng kung anu-ano.” Ayon pa sa kanila, pagkatapos nu’n ay kung anu-ano na ang sinasabi at nakikita ni Shana. Pagsapit ng alas-4:00 ng hapon, bigla siyang tumahimik at nag-agaw buhay. Pagdating ng alas-5:00 ng hapon, tuluyan na siyang pumanaw.


Sambit ng mga magulang ni Shana, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Shana Marie. Malusog na bata ang aming anak. Wala siyang naging sakit at hindi pa naospital, maliban na lamang nitong kamakailan bago siya pumanaw.


“Wala kaming alam na nabakunahan siya ng Dengvaxia. Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral. Dahil sa kanilang kapabayaan at kawalan ng pag-iingat, maraming buhay ng kabataan ang nanganganib ngayon at nawala, kabilang na ang aming anak na si Shana Marie na siya nitong ikinamatay.”


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, maraming magulang ng mga nasawi at surviving vaccinee (na may mga sintomas na), na nakaalam lamang sa naganap na pagkakaturok ng nasabing bakuna sa kanilang mga anak nang may nararamdaman na ang mga ito. Hindi nabigyan ng impormasyon ang mga naturang magulang kung nabigyan ng bakuna ang kanilang anak. Ang masaklap pa rito, nalaman lamang ng marami sa kanila ang pagbabakuna nang malala na ang kondisyon ng kanilang mga anak o nang ang mga ito ay yumao na. Malinaw na hindi binigyang-halaga ng mga kinauukulan ang karapatan ng mga magulang sa kanilang mga menor-de-edad na mga anak. Nakakalungkot dahil ayon sa mga magulang, walang ginawang blood test o screening bago naganap ang pagbabakuna.


Kaugnay sa sinapit na trahedya ng kanilang mga anak, na maaaring kanilang napigilan kung nahingi ang kanilang kapasyahan, bilang mga magulang, iginigiit nila ngayon ang kanilang karapatan — ang ipaglaban ang katarungan sa naganap na trahedya sa kanilang mga anak na hanggang ngayon ay iniinda ng kanilang buong pamilya.


Ang Pamilya Pineda ay kabilang sa kanila. Ang PAO at PAO Forensic Laboratory Division na nilapitan at hiningan nila ng tulong ay kasama nila sa kanilang laban hanggang sa makamit ang katarungan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page