top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 24, 2023


Ang kaarawan ay itinuturing na espesyal na araw ng taong nagdiriwang nito. May pagkakataon na kahit may mga pasanin sa buhay ay nagkakaroon ng kagaanan.


Ngunit, ang munting hiling ng dalagita na si Jessica Poquiz ay naipagkaitan at sa halip ay bigat ng kalooban ang kanyang naramdaman.


Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang na sina G. Jusite at Gng. Grace Poquiz ng Parañaque City, “Noong ika-8 ng Nobyembre 2018, kaarawan ng aming anak, sinabihan niya kami na mabigat ang loob niya dahil masama ang kanyang pakiramdam. Hanggang sa sumunod na taon ng 2019 ay naging pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo, tiyan, katawan at kasukasuan.”


Si Jessica, 13, ay namatay noong Nobyembre 1, 2019. Siya ang ika-148 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Cerebral Herniation (Immediate Cause), Ruptured Artenovenous Malformation Versus Intracranial Mass (Other Signigicant Conditions Contributing to Death). Si Jessica ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskwelahan sa Parañaque City. Noong Nobyembre 2017, nag-umpisa siyang dumaing ng pananakit ng likod at matapos noon, napansin ng kanyang mga magulang na siya rin ay hinihingal. Sa pagdaan ng mga buwan ay lumala ang kalagayan niya.


Sa mga taong 2018 at 2019, narito ang pinagdaanang mga karamdaman ni Jessica hanggang sa siya ay bawian ng buhay noong Nobyembre 1, 2019:


  • Pebrero 2018 Nagreklamo siya ng pananakit ng kalamnan, tiyan, ulo, likod, mga buto at kasukasuan. Dahil dito, dinala siya sa isang ospital sa Manila upang ipasuri. Ayon sa doktor, normal naman ang kalagayan niya. Payo pa nito, painumin lamang siya ng Gatorade na siya namang ginawa ng kanyang mga magulang. Gayunman, wala pa ring magandang pagbabago sa mga nararamdaman niya. Lagi siyang pagod kahit hindi naman siya nagpapakapagod. Nagpatuloy ang mga masasamang nararamdaman niyang ito sa mga sumunod na buwan.

  • Mayo 17, 2018 - Muli siyang dinala sa ospital sa Manila. Normal pa rin ang resulta ng pagsusuri ng doktor sa kanya, kaya siya ay pinauwi rin. Ang daing ni Jessica ay ang pananakit ng kanyang kalamnan, at paghingal at pagod. Hindi pa rin bumuti ang kalagayan niya.

  • Hunyo 2019 - Dahan-dahan na siya kung maglakad. Patuloy pa rin ang pagsakit ng ulo niya.

  • Hulyo 2019 - Namaga ang mukha ni Jessica. Dumaing siya ng pananakit ng kanyang ulo, tiyan at kalamnan. Hinihingal din siyang huminga. Hindi pa rin bumuti ang kalusugan niya sa mga sumunod na buwan.

  • Oktubre 29, 2019 - Dumaing siya ng sobrang pananakit ng ulo. Siya ay umuungol sa sakit, nagwawala, naduduwal at nagsusuka. Dahil doon, itinakbo siyang muli sa ospital. Habang sakay sila ng taxi, bumula ang bibig niya. Pagkadating nila ru’n, sinabihan sila ng doktor na nag-agaw-buhay si Jessica at kailangang i-revive. Dagdag pa nila, brain dead na siya at delikado ang kanyang buhay. Hindi na siya magising at puso na lamang niya ang tumitibok. Siya ay isinailalim sa CT scan, at base sa resulta, may pumutok na ugat sa utak niya. Pagsapit nga ng pasado alas- 7:00 ng umaga nang Nobyembre 1, 2019, tuluyan nang pumanaw si Jessica.


Salaysay nina G. at Gng. Poquiz, “Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aming anak. Hindi ipinaliwanag kung anong puwedeng maging epekto nito sa kanyang kalusugan. Hindi rin siya tinanong kung nagkaroon ba siya ng karamdaman na maaaring maging balakid upang siya ay mabakunahan nito. Kung nabigyan lamang kami ng pagkakataong malaman kung anong puwedeng maging epekto nito kay Jessica, siguradong hindi kami papayag. Kung hindi siya nabakunahan, nabubuhay pa sana siya ngayon, kaya kinakailangang may managot sa kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.


“Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Buo ang loob ng mag-asawang Poquiz na panagutin ang pinaniniwalaan nilang responsable sa trahedyang nangyari sa kanilang anak. Nilapitan nila ang aming tanggapan at PAO Forensic Team. Aming ibibigay ang lubos namin kakayahan sa kanyang kaso at sa tulad niyang biktima upang mapanagot sa matinding kapabayaan at kakulangan ng malasakit ang mga kinauukulan.


Habang ipinaglalaban ang tila napakailap na hustisya, ang magagandang alaala na ito ay nananatiling buhay sa gunita ng mga magulang ni Jessica.


Sabi nila, “Siya ay malusog at maliksing bata. Ang aming anak ay mabait, mapagmahal at may matayog na pangarap. Ayon sa aming anak, nais niyang mangibang-bansa upang dalhin kami du’n at aalagaan. Noong nabubuhay pa ang aming anak, tanging kapakanan naming mag-asawa ang namumutawi sa kanyang mga bibig.”


Ang nasayang na buhay at magagandang katangian ni Jessica ay nagsisilbing inspirasyon at hamon sa amin na ang kanyang sakrispisyo, tulad ng iba pang biktima, ay magkaroon ng saysay–nawa’y maipagkakaloob ang hustisya sa dulo ng labang ito.


Ito ay pangako na maaaring panghawakan ng mga magulang ng biktima ng eksperimentong bakuna na Dengvaxia na karamihan ay kabilang sa mahihirap. Ang laban nila sa kanilang mga kaso ay isang uri ng paglaban sa kahirapan at sa hustisya, na tiyak kami ay kaagapay.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 17, 2023


Si Lennon Carl Agno Ribo ay mahilig maglaro ng basketball at tumugtog ng gitara. May matayog din siyang pangarap at gusto niyang pumasok sa Philippine National Police Academy (PNPA) upang maging pulis.


Ang kanyang mga kakayahan na maisagawa ang kanyang mga kinahiligan at ang kanyang sigasig na maabot ang kanyang mga pangarap ay palatandaan ng magandang kinabukasan. Sa kasamaang-palad, hindi na nakita pa ni Lennon Carl ang magandang bukas na naghihintay sa kanya. Ito ay ninakaw sa kanya ng nakakalason at eksperimentong bakuna kontra dengue— ang Dengvaxia.


Si Lennon Carl, 12, ay namatay noong Setyembre 9, 2019. Siya ang ika-147 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, si Lennon Carl ay namatay dahil sa Dengue, Severe (Immediate Cause), Dengue Encephalopathy (Other Significant Conditions Contributing to Death). Ayon kina G. Bienvenido Montibor (kinikilalang ama) at Gng. Jacklyn Agno (nanay) ng Taguig City, si Lennon Carl ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Marso 18, 2016; Pangalawa, noong Nobyembre 16, 2016; at Pangatlo, noong Hunyo 29, 2017.


Noong Abril 2016, matapos ang unang bakuna ni Lennon Carl ng Dengvaxia, siya ay nag-umpisang magkaubo at magkasipon. Naging pabalik-balik ito sa mga sumunod na mga buwan.


Nang turukan siya ng nasabing bakuna sa pangalawang pagkakataon, siya ay may ubo at sipon, gayundin noong pangatlong pagtuturok sa kanya. Hindi na nawala ang kanyang sipon at ubo hanggang sa siya ay pumanaw noong Setyembre 9, 2019.

Narito ang kanyang pinagdaanang mga sakit bago siya namatay:


  • Hunyo - Nagreklamo siya ng pananakit ng dibdib at hirap huminga. Sinuri ang kanyang dibdib, gayundin ang kanyang blood sugar. Ayon sa doktor, normal ang kalagayan niya

  • Setyembre 10 - Sa burol ni Lennon Carl, base sa kuwento ng kanilang kapitbahay na si Mommy Balbin, kina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, nagsabi si Lennon Carl sa kanya na namamanhid ang kamay at hita nito.

  • Setyembre 6 at 7 - Nagkalagnat siya, bandang alas-8:00 ng umaga. Sabi nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, “Sa labis naming pag-aalala, lalo pa’t naturukan siya ng Dengvaxia at usong-uso ang dengue, dinala namin siya sa isang ospital sa Pasig City gamit ang ambulansya ng aming barangay.” Nahihilo at nagsusuka rin siya. Gayundin, siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, positibo siya sa Dengue. Labis ang pag-iyak ni Gng. Jacklyn sa pag-aalala sa kalagayan ni Lennon Carl. Nakiusap siya sa doktor na i-admit siya sa ospital. Tinanong si Gng. Jacklyn ng doktor kung bakit siya umiiyak, sumagot ito na may dengue ang kanyang anak at siya ay naturukan ng Dengvaxia. Sinagot siya ng doktor na sa ibang bansa ay natutuwa sila dahil naturukan sila o ang mga anak nila ng Dengvaxia. Kaugnay nito, pinauwi sila dahil kailangan diumano munang may pagdurugo sa ilong at bibig bago i-confine si Lennon Carl.

Bandang alas-5:00 ng hapon, dahil wala silang nagawa sa kagustuhan ng doktor, inilabas nila sa ospital si Lennon Carl upang iuwi. Habang binabagtas nila ang overpass malapit sa ospital, siya ay bumagsak dahil sa pagkahilo. Agad siyang ibinalik sa ospital at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta, na inilabas nang alas-3:00 ng madaling-araw ng Setyembre 7, 2019, mataas pa diumano ang platelet count niya, kaya hindi pa siya kailangang i-confine sa ospital at inuwi naman siya. Pagdating ng alas-10:00 ng umaga nang araw na ‘yun, bigla siya nagdeliryo. Kung anu-ano ang kanyang sinasabi at nakikita. Dahil dito, agad siyang dinala sa isang ospital sa Muntinlupa sa paghahangad na siya ay ma-confine ru’n. Bandang alas-3:00 ng hapon, nawalan siya ng malay. Umabot pa sila ng hanggang gabi dahil sa haba ng prosesong pinagdaanan niya.


Saad nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, “Sa buong araw na naroon ang aming anak, hindi man lang siya nilagyan ng suwero. Iminungkahi ng doktor na kailangan namin siyang dalhin sa iba upang i-CT scan. Sinabi namin na sa isang ospital namin siya ipapa-CT scan, pero sa sa kanila pa rin namin siya ipapa-confine, subalit sinabihan kami ng doktor na huwag na kaming bumalik kung sa iba pa kami magpa-CT scan. Dumating kami sa isang ospital sa Muntilupa at dahil walang available na neurologist at kuwarto ang nasabing ospital, inilipat namin siya sa isang ospital sa Taguig City. Bandang alas-8:00 ng gabi nang makarating kami sa isang ospital sa Taguig. Wala ring nangyari dahil walang bakanteng kuwarto, kaya kami ay nagpasya na dalhin siya sa pribadong ospital at du’n na-confine ang aming anak.”

  • Setyembre 8 - Mga alas-2:30 ng madaling-araw, inilipat siya sa ICU. Galaw lang siya nang galaw habang nakapikit. Pagdating ng alas-9:00 ng umaga, nagsisigaw siya sa sakit. Hindi na nawala noon ang kanyang lagnat na nag-umpisa noong Setyembre 6, 2019.

  • Setyembre 9 - Bandang alas-12:00 ng tanghali, nabisita pa ng mag-asawa sa ICU si Lennon Carl. Maayos pa naman ang kalagayan niya, kaya laking-gulat ng pamilya niya nang bandang alas-2:00 ng hapon ay nagtakbuhan ang mga doktor at nurse ng ospital upang saklolohan si Lennon Carl. Nag-agaw buhay siya at pagsapit ng alas-6:00 ng gabi ay tuluyan nang pumanaw si Lennon Carl.


Salaysay nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, “Hindi makatarungan na ang aming anak ay namatay nang napakaaga, samantalang wala naman siyang idinadaing na karamdaman sa amin at ni hindi pa siya naoospital bago maturukan. Dahil dito, aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Lennon Carl.”


Ang ‘kawalan ng katarungan’ na ipinaglalaban ng pamilya ni Lennon Carl ay inilapit sa aming tanggapan. Mailap man sa pagkakataong ito, umaasa sila na makakamit nila ang minimithing katarungan para sa maagang pagkamatay ng nag-iisa nilang anak. Gustuhin man ni G. Bienvenido na daanin na lamang sana sa dahas ang paghingi ng kabayaran sa kamatayan ng kanilang nag-iisang anak, nanaig pa rin sa kanya ang umasa at magtiwala sa timbangan ng katarungan. Kasama kami (PAO at PAO Forensic Team) ngayon nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn sa mithiin nilang makamit ang hustisya para kay Lennon Carl.


Ang kanilang dedikasyon sa paglaban sa legal na pamamaraan ay pinaghuhugutan din namin ng inspirasyon sa tuwina.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 10, 2023


Ang tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, bukod sa mapanghamon, ay mabigat dalhin sa damdamin at isipan. Isa sa mga dahilan ay ang pagkakaroon namin ng mga kliyente na mga magulang na may mga anak na vaccinees na yumao na at may mga anak din na bagama’t buhay ay may mga nararamdaman na sa kanilang kalusugan.


Binabalikat nila ang tila bangungot na walang humpay na nambabalisa – hindi lamang sa kanilang pagtulog kundi higit pa, kung gising na gising ang kanilang diwa – hinggil sa sinapit ng kanilang mga anak.


Katulad nito ang pakiramdam ng mag-asawang Jerwin at Dina Deang ng Tarlac City, kaugnay sa pagtuturok ng Dengvaxia sa kanilang mga anak na si Joan Deang, at ang kuya niyang survivor na si Danny Boy Deang.


Sabi nina G. at Gng. Deang sa kanilang salaysay, “Labis pa ang pag-aalala namin ngayon dahil ang kuya niya ay nabakunahan din. Labis ang pagdadasal namin na biyayaan siya ng Maykapal ng magandang kalusugan. Mahal na mahal namin ang aming mga anak at hindi na namin kakayanin pa kung mayroong masamang mangyari kay Danny Boy dahil sa hindi nila pag-iingat na pagbabakuna ng Dengvaxia.”


Si Joan, 14, at namatay noong Setyembre 2, 2019. Siya ang ika-146 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic

examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Joan ay tatlong beses na naturukan ng nasabing bakuna sa kanilang paaralan. Una, noong Marso 30, 2016; pangalawa noong Oktubre 18, 2016; at pangatlo noong Hunyo 14, 2017. Ang nasabing pagkakabakuna sa kanya ay walang pahintulot ng kanyang mga magulang, ganundin ang pagkakabakuna sa kanyang kuya na si Danny Boy. Subalit, si Danny Boy ay isang beses lamang naturukan dahil sinabi nito kina G. at Gng Deang na natakot na siyang magpaturok dahil masakit diumano ito. Narito ang kaugnay na detalye hinggil pagkakabakuna kina Joan at Danny Boy, ayon sa kanilang mga magulang,


“Hindi nila ipinaalam sa amin na ang aming dalawang anak ay babakunahan ng Dengvaxia.


Hanggang sa matapos ang pangalawa at pangatlong pagbabakuna ng Dengvaxia kay Joan ay wala pa rin kaming kaalam-alam. Kung nabigyan kami ng pagkakataong malaman kung ano’ng puwedeng maging epekto nito sa aming mga anak, siguradong hindi kami papayag na sila ay mabakunahan ng Dengvaxia, subalit kami ay napagkaitan nito.”


Sa iba’t ibang petsa ng Agosto 2019, narito ang mga naramdaman ni Joan na nagpahirap sa kanyang murang katawan hanggang sa siya ay bawian ng buhay:


  • Agosto 17 - Ligo siya nang ligo. Napansin din ito ng kanyang mga magulang. Anila, “Taliwas sa dating masunuring pag-uugali ng aming anak, biglang tumigas ang kanyang ulo nang araw na ‘yun. Nagpatuloy ang pag-uugali niyang ito ng mga sumunod na araw.”

  • Agosto 23 - May lagnat siya. Hindi niya rin nakikilala ang kanyang mga magulang. Masakit ang kanyang ulo, tiyan at kasu-kasuan. Masakit din ang kanyang mga paa kung ilalakad niya ang mga ito, kaya kailangan siyang alalayan sa paglalakad. Dinala siya sa isang barangay health center sa Tarlac. Ayon sa health worker na tumingin sa kanya, may lagnat at pasma lang siya. Siya ay niresetahan ng paracetamol at bumuti naman ang kanyang pakiramdam matapos niyang uminom ng gamot.

  • Agosto 24 - Bumalik ang kanyang lagnat. Hirap din siyang ilakad ang kanang bahagi ng kanyang paa. Pinainom ulit siya ng paracetamol, subalit hindi na bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Agosto 27 - Dinala siya sa isang ospital sa Tarlac. Masakit ang kanyang buong katawan. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Agad siyang dinala sa intensive care unit (ICU) ng ospital dahil hirap siyang huminga.

  • Agosto 28 at 29 - Hindi na siya makakain. Siya rin ay comatose na at kinabukasan, walang nagbago sa kanyang kalagayan. Ayon sa doktor, kailangan siyang operahan sa ulo dahil nagkatubig ang kanyang utak. Nakatakda siyang operahan noong Setyembre 2, 2019.

  • Agosto 30 hanggang Setyembre 2 - Malala pa rin ang kanyang kondisyon. Hindi nawala ang mataas niyang lagnat sa mga nasabing araw at hindi na rin siya nagising. Alas-2:00 ng hapon noong Setyembre 2, 2019, nang bigla siyang nahirapang huminga. Tutubuhan dapat siya, pero hindi pumayag ang kanyang mga magulang. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, tuluyan na siyang pumanaw.


“Noong namatay ang aming anak, aming tinanong ang doktor kung ano ang sanhi ng kanyang pagpanaw, subalit hindi kami nasagot ng doktor. Napakasakit para sa aming pamilya ang dagliang pagpanaw ni Joan. Wala siyang naging malalang sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na nangailangan siyang dalhin sa ospital, maliban lamang nitong kamakailan kung saan siya ay pumanaw. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia vaccine na ito sa aming anak na si Joan sa kuya niyang si Danny Boy at iba pang mga bata.


“Kung hindi nabakunahan si Joan, marahil ay nabubuhay pa siya ngayon, kaya kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Joan.


Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Nilapitan ng mag-asawang Deang ang PAO at PAO Forensic Team upang makatulong sa kanila na mapanagot sa batas ang mga kinauukulan. Kami naman ay dagling tumugon at patuloy na tumutulong sa mga aspetong kailangan pa rin ang aming serbisyo. Ang malusog, maliksi, at marunong sa gawaing bahay na si Joan noong siya ay nabubuhay ay hindi na maibabalik pa.


Ang kanyang paglisan ay dagok sa kanyang pamilya na kahit sa matagal na panahon ay hindi na makakalimutan, sapagkat buhay ang nawala— buhay ng isang batang marami pa sanang pangarap na tutuparin. At dahil dito, lalong nararapat na mapanagot ang mga hindi nagbigay-halaga sa naging desisyon ng mag-asawang Deang para sa kanilang mga menor-de-edad na anak hinggil sa pagtuturok ng nasabing bakuna.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page