top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 17, 2023


Ngayong buwan ng kababaihan, may mga bayani sa sambahayan na sa gitna ng kanilang pagdadalamhati sa walang kasing sakit na sinapit ng kanilang mga anak ay tumitindig upang ipaglaban ang kamatayang sinapit ng mga ito sa mga kamay ng pumaslang sa kanila.


Ang mga bayaning ito ay mga inang ninakawan ng anak na kanilang minumutya – mga ninakaw na buhay, tuwa, at pangarap na kailanman ay hindi na maibabalik pa.


Isa sa mga bayaning ito ang ilaw ng tahanan na si Gng. Leny M. Baguio ng Mariveles, Bataan.


Aniya, “Sobrang sakit. Wala nang hihigit pa sa lahat ng pagsubok sa akin. Hindi lang ako tinanggalan ng karapatan maging ina, inalis pa sa akin ang karapatan kong mabigyan siya ng magandang kinabukasan at maging ang pangarap namin ay nawala lahat.


“Nag-iisa lang siyang anak ko. Wala akong ibang hangad kundi mabigyan siya ng magandang kinabukasan at sana may aalalay sa aking pagtanda. Walang katumbas na halaga ang kalungkutan ng pagkawala ng anak ko dahil habambuhay na akong mangungulila sa kanya at kahit kailan hindi ko na siya makakasama.”


Lumapit si Gng. Leny sa Public Attorney’s Office (PAO) upang humingi ng libreng legal assistance hinggil sa pagpanaw ng 20-anyos niyang anak na si Ronnel M. Baguio. Si Ronnel ay namatay sa isang ospital sa Cebu noong Disyembre 19, 2022. Sa paglapit ni Gng. Leny sa PAO, malinaw ang kanyang dahilan at ito ay upang makasuhan ang mga kasapi sa isang fraternity na pinaniniwalaang maysala sa pagpanaw ni Ronnel sa malupit at hindi makataong paraan. Isa sa mga gusto niyang papanagutin sa batas ay ang isang miyembro nito na kausap diumano ni Ronnel sa Messenger na tungkol sa pagsasailalim diumano ni Ronnel sa initiation rites ng nabanggit na fraternity.


Mga screenshot ang nagsisilbing katibayan ni Gng. Leny sa nasabing pag-uusap. Ayon sa kanya, naganap ang initiation rites noong Disyembre10, 2022. Nalaman niya ito dahil nakausap niya ang boardmate ni Ronnel na nagsabing hindi umuwi ng boarding house nung huli mula noong Disyembre 10, 2022.


Noong parehong araw, nakausap ni Gng. Leny ang kanyang anak. Kinamusta niya ito at sumagot si Ronnel na okay lang siya, pero ayaw nitong makipag-video chat sa kanya.


Sinabi rin ni Ronnel na nahihilo siya at para siyang sinisikmura. Pinayuhan ng ina ang anak na magpacheck-up at baka anemic siya. Noong Disyembre 18, 2022, pinagtapat ni Ronnel sa kanyang ina na sumuka siya ng dugo, pero kaunti lang. Sinabihan naman siya ni Gng. Leny na magpacheck-up at magpapadala siya ng pera para sa kanya. Pagkatapos noon ay wala na silang pag-uusap ni Ronnel, subalit may natanggap siyang chat at call galing sa isang kaibigan ni Ronnel. Sinabi niya na nasa critical condition si Ronnel at kailangan tubuhan.


Nang nalaman ni Gng. Leny ang nasabing balita, umalis siya agad ng Bataan, at habang nasa bus, naghanap siya ng flight papuntang Cebu para makasama ang kanyang anak.


Nung madaling-araw ng Disyembre 19, 2022, nakatanggap si Gng. Leny ng tawag mula sa isang doktor na nagsabi na nire-revive na diumano si Ronnel. Pagdating niya ng Cebu, hindi na niya naabutan na buhay ang kanyang anak. Ani Gng. Leny, “Pinuntahan ko ang anak ko sa morgue at du’n ko nakita na may mga pasa at sugat siya sa binti at hita. Nag-picture ako ng katawan ng anak ko, lalo na sa mga sugat na natamo niya. Nagtanong din ako sa doktor kung ano ang dahilan at bakit may mga pasa ang anak ko at ang sabi niya na may posibilidad na na-hazing siya.”

Pinayuhan si Gng. Leny ng isang doktor sa ospital sa Cebu na pinagdalhan kay Ronnel na ipa-autopsy ito, na siya naman niyang ginawa. Ang conclusion sa autopsy report ay: “The cause of death is ACUTE KIDNEY INJURY sec. to RHABDOMYOLYSIS sec. to BLUNT TRAUMATIC INJURIES TO THE LOWER EXTREMITIES.”


Sa ospital, napag-alaman ni Gng. Leny na nag-report ang mga taga-ospital sa pulis dahil sa mga natamong sugat ni Ronnel. Pinapunta siya ng mga ito sa nasabing police station dahil nandu’n diumano ang report sa nangyari sa kanyang anak. Pagdating du’n, ni-refer siya sa isa pang police station sa Cebu dahil ‘yun diumano ang nakasasakop sa boarding house at unibersidad na pinapasukan ni Ronnel. Habang nasa Cebu, at sa pagpunta niya sa boarding house na tinutuluyan ni Ronnel, may nakausap siya na nagsabing bago diumano namatay si Ronnel, may tatlong araw na hindi ito umuwi. Bumalik na lang ng boarding house si Ronnel noong Disyembre 12, 2022.


Pag-uwi ni Gng. Leny sa Bataan, nabuksan niya ang file manager ng cellphone ni Ronnel, at may nakita siyang screenshot ng conversation ni Ronnel, isa sa diumanong instructor nito sa eskuwelahang kanyang pinapasukan sa Cebu, bago naganap ang hazing/initiation rites. Ang nasabing instructor, tulad ng mga guro ay itinuturing na pangalawang magulang ng mga estudyanteng ipinagkatiwala sa kanila. Sa nangyari kay Ronnel, kung may matibay na mga ebidensiya na magpapatunay ng kanyang koneksyon sa pagkamatay ni Ronnel ay haharapin niya ang bangis ng batas.


At ang mga fraternity na nais salihan ng mga tulad ni Ronnel, upang sila ay kandiliin bilang kapatid, ngunit naging mitsa ng kanilang maagang pagkawala sa mundo ay walang karapatang manatili bilang organisasyon na binibigyang puwang sa komunidad at lipunan. Ang bagay sa fraternities na pumapatay at nakapatay ay i-abolish.


Automatically terminated dapat ang registration sa Securities and Exchange Commission. Walang karapatan ang fraternities na ito na kilalanin bilang legal na asosasyon dahil ang kanilang grupo at bumubuo ng kanilang grupo ay may bahid ng dugo at may mga inutang na buhay. Ang layunin ng isang samahan ay upang maging katuwang ang mga miyembro nito para sa ikabubuti ng kanilang mga kalagayan, hindi ang maging dahilan ng pagkitil sa kanilang hiram na buhay. Napakabata pa ni Ronnel at marami pa sana siyang magiging ambag sa lipunan at organisasyon sana niyang sinalihan, kung hindi siya napatay ng sarili niyang kasama sa kapatiran.


Kaya naman maging aral sana ito sa mga namamahala sa mga kapatiran na hindi kailangan ng pananakit para tanggapin ang bawat gustong sumali sa kanila. Bagkus, dapat maging katuwang sila tungo sa isang maayos na kinabukasan. Kapag hindi nila kayang gawin ito, wala silang karapatan para manatili bilang isang organisasyon at marapat na managot sa batas.


Ang bangkay ni Ronnel sa hukay ay dumadaing at humihingi ng hustisya laban sa biglang kamatayan at kahirapan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 10, 2023


Nahihilig ang mga kabataan sa iba’t ibang gadgets na nagagamit nila sa kanilang pag-aaral, pagsasaliksik ng mga bagay na may kaugnayan sa iba’t iba nilang interes, ganundin sa kanilang paglilibang. Sa kaso ni RB Dichoso Tamonan, ginamit niya ang kanyang tablet upang may matutunan mula sa internet tungkol sa kanyang mga nararamdaman.


Ayon sa kanyang ina na si Gng. Bernadette G. Dichoso ng Valenzuela City,

“Habang kami ay nasa ospital, nakita namin sa search history ng tablet niya ang mga searches niya sa internet hinggil sa pananakit ng ulo, tumor sa ulo, atbp.


Nagpapakita lamang ang mga ito na siya ay matagal nang may nararamdamang masama sa kalusugan.”


Si RB, 12, ay namatay noong Marso 10, 2019. Siya ang ika-150 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, si RB ay namatay dahil sa Ruptured Arteriovenous (Av) Malformation (Immediate Cause); T/C Medulloblastoma (Other significant conditions contributing to death).


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Hunyo 30, 2016; pangalawa, noong Enero 27, 2017; at huli, noong Hulyo 13, 2017. May naikuwento si Gng. Bernadette sa kanyang salaysay hinggil sa sitwasyon ng kanyang anak at tungkol din sa pagkakabakuna nito:


“Dahil madalas akong madestino sa malayong lugar, ang aking anak ay nakatira sa kanyang ama na si Romulo Tamonan noong siya ay maturukan ng bakuna kontra dengue. Kasamang tumitingin sa aking anak ang kanyang tiyahin na si Amelia Garcia (kapatid ni Romulo), dahil sa abroad ang trabaho ng kanyang ama. Nanatili na lamang siya rito sa Pilipinas noong 2016.


“Noong unang bahagi ng 2018, dahil maugong na ang balita hinggil sa kontrobersiya ng Dengvaxia at sakop ng kanyang edad ang mga naturukan nito, tinanong ko siya kung naturukan siya ng nasabing bakuna. Sinabihan niya ako na siya ay nabakunahan at mula noon ay palagi ko na siyang tinatanong hinggil sa kalagayan ng kanyang kalusugan. Sadyang malihim ang aking anak dahil madalas niyang sinasabi na maayos naman siya.”


Noong 2018 hanggang 2019, narito ang mga paghihirap ni RB bago siya pumanaw noong Marso 10, 2019:


  • Nobyembre 2018, ikalawang linggo at bago mag-Pasko - Sumakitang kanyang ulo. Siya ay pinainom ng paracetamol sa pag-aakalang sanhi ‘yun ng pagod sa pag-aaral dahil kakatapos lamang ng pagsali niya sa isang quiz bee. Umayos naman ang kanyang kalagayan noon, ngunit muling sumakit ang kanyang ulo bago mag-Pasko.


  • Enero 2019, huling linggo - Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo. Siya ay pinainom din ng paracetamol at dinala sa doktor. Ayon sa doktor, may vertigo si RB, kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito. Bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.


  • Pebrero 15, 2019 - Bumalik ang pananakit ng kanyang ulo. Sa pag-aakalang maaaring sa mata ang sanhi nito, dinala siya sa isang klinika upang ipasuri sa espesyalista. Habang siya ay sinusuri ng doktor, bigla siyang nangisay. Agad siyang isinugod sa isang ospital sa Marikina City. Masakit na ang ulo ni RB at hindi na siya makatayo.

  • Pebrero 16 at 18, 2019 - Sa isang ospital sa Quezon City, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Normal ang inisyal na pagsusuri sa kanya at siya ay negatibo sa dengue. Masakit pa rin ang kanyang ulo. Sumakit din ang kanyang tiyan noong Pebrero 18. Hindi na siya makakain nang maayos at hirap siyang makatayo. Siya ay isinailalim sa MRI. Sinabihan ang kanyang pamilya na kailangan siyang operahan sa ulo dahil may nakitang tumor dito.


  • Pebrero 21, 2019 - Nagwala at nagsuka siya ng likido. Pagsapit ng gabi, cross-eyed na siya at hindi na makakilala ng tao. Nagwawala siya, at hirap makontrol ng mga tao.


  • Pebrero 22, 2019 - Inoperahan siya sa ulo. Hindi naman malignant ang tinanggal na specimen na isinailalim sa biopsy. Dinala siya sa ICU upangma-monitor, ngunit hindi na siya nagising.

  • Marso 9 at 10, 2019 - Dapat isailalim siyang muli sa MRI, subalit dahil hindi stable ang kanyang kalagayan, hindi ito natuloy. Ayon sa doktor, kritikal na ang kanyang kalagayan. Comatose na siya hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw noong Marso 10, 2019 matapos siyang subukang i-revive nang napakaraming beses.


Hinagpis ng kanyang ina,“Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ng aking anak.


Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball, volleyball at badminton. Siya ay may angking galing dahil madalas din siyang sumali sa mga quiz bee.


Kailanman ay hindi siya nagkasakit ng malubha at hindi nagkaroon ng dengue. Nito lamang siya naospital matapos siyang maturukan ng Dengvaxia.


“Humingi kami ng tulong sa Public Attorney's Office (PAO) para isailalim si RB sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya.”



Kasama rin sa hiling ng pamilya ni RB sa PAO ay ang mabigyan sila ng tulong legal para maipaglaban ang kamatayan niya. Kabilang ang pamilya ni RB sa mga nagsampa ng kaso na tinaguriang Dengvaxia cases, sa tulong ng PAO. Buo ang kanilang loob, bagama’t alam nila ang reyalidad hinggil sa hustisya – mailap na tila usa, lalo na sa mga biktimang tila mga isinakrispisyong mga tupa.


Nagsisilbi rin silang inspirasyon sa amin bilang kanilang mga manananggol at tinuturing na mga kapamilya na rin na pinagbuklod ng pagnanais na makamit ang katarungan para sa nasabing mga biktima. Tila nga napakahirap abutin ang kamay ng hustisya, lalo na’t mala-higanteng mga kumpanya ang aming sinasagupa. Subalit kami ay nananalig pa rin sa pantay na pagtingin ng Babaeng nakapiring habang hawak niya ang timbangan ng katarungan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 3, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, isa sa mga pangyayari sa maraming kabataang biktima na napakasakit alalahanin para sa kanilang mga kapamilya at sa aming mga manananggol nila ay ang mga pagbabagong naganap sa kanilang pagkatao. Tila binura ng mga pagbabagong ito ang tunay na sila, at pinalitan ng mga gawi na kakaiba–nagmistula silang estranghero sa kanilang pamilya. May insidenteng kaugnay dito ang naganap kay Shekina Venice Arciaga, anak nina G. Quintin at Gng. Girlie Anne Arciaga ng Quezon City.


Noong Oktubre 23, 2019, may kakaiba siyang ginawa na ikinagulat ng kanyang mga magulang. Ayon sa salaysay ni G. Quintin, “Nagising at nagulat ako nang makita ko si Shekina Venice na may hinahalungkat sa kabilang kuwarto. Sa kuwarto naming mag-asawa natutulog ang aming anak. Tinanong ko kung ano ang ginagawa niya at tumugon naman siya na siya’y inutusan diumano ng kanyang ina na gumawa ng costume para sa isang United Nations activity.”

Anang kanyang ina, “Ako ay nagulat sa ginagawa ng aming anak dahil hindi ko naman siya inutusan na gumawa ng costume. Nabahala sa aming nasaksihan at agad namin siyang dinala sa isang ospital.”


Si Shekina Venice, 13, ay namatay noong Oktubre 28, 2019. Siya ang ika-149 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Dengue Severe (Immediate Cause). Siya ay naturukan ng tatlong beses ng Dengvaxia sa kanilang paaralan noong taong 2016 at 2018. Noong 2016, inabutan niya ang kanyang mga magulang ng isang papel, galing sa kanyang paaralan, kung saan ay magbibigay sila ng pahintulot upang siya ay maturukan ng nasabing bakuna. Saad ng kanyang mga magulang, “Sa kagustuhan naming siya ay maproteksiyunan laban sa dengue ay pinirmahan namin ito. Taong 2018, sa kasagsagan ng kontrobersiya hinggil sa Dengvaxia ay sinabihan kami ng aming anak na 3 beses siyang naturukan ng bakuna.”


Pagdating ng taong 2019, narito ang nangyari kay Shekina Venice, hanggang sa kanyang pagpanaw noong Oktubre 28, 2019:

  • Pebrero - Palagi siyang tulala at nagtuluy-tuloy ito sa mga sumunod na buwan.

  • Hunyo - Uminda siya ng pananakit ng ulo at napadalas din ang kanyang pagligo.

  • Oktubre 15 - Siya ay nagka-ubo’t sipon at dinala sa isang ospital sa Quezon City, du’n niresetahan siya ng antibiotics.

  • Oktubre 21 at 22 - Nagkalagnat siya, nagreklamo rin ng pananakit ng kanyang ulo at likod ng mata. Ito ay nagpatuloy kinabukasan.

  • Oktubre 23 - Pagdating sa ospital, ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang, “Ayaw pa nilang i-confine ang aming anak. Sinabihan namin ang doktor na siya ay 3 beses nabakunahan ng Dengvaxia. Tinanong kami ng doktor kung ano ang gusto naming mangyari para sa aming anak, kami ay nag-request na isailalim siya sa laboratory examinations. Base sa naging resulta, positibo siya sa dengue. Siya rin ay nagreklamo ng pananakit ng ulo at likod ng mga mata. Gayunman, kahit may dengue, ay nanatili siyang malakas. Ngunit nagpatuloy pa rin ang kaniyang pananakit sa mga sumunod na araw.”

  • Oktubre 25 - Naging iritable at isip-bata siya. Gayundin, ang kanyang pagregla kahit bagong regla pa siya. Tinanggal na rin ang kanyang suwero at ayon sa doktor ay maaari na siyang lumabas sa ospital ng Oktubre 27.

  • Oktubre 26 - Batay sa doktor, hindi normal ang kanyang pagreregla at nang magtanghali, lumapot ang kanyang dugo. Kinagabihan, nagsuka siya ng may kasamang dugo. Ubo siya nang ubo at nilagyan ng nasogastric tube (NGT) ngunit sa bawat pag-ubo niya ay may dugo itong kasabay.

  • Oktubre 27 at 28 - Nang papalitan ng kanyang ina ang napkin niya, siya ay nahimatay. Bumaba ang kanyang blood pressure kaya ibinalik ang kanyang suwero. Alas-4:00 ng umaga, naging kritikal ang kanyang kalagayan at kinailangan dalhin sa ICU. Ngunit dahil walang bakante, hindi sila nakalipat. Sa halip, ang mga ICU doctors na lang ang pumunta sa kuwarto niya at sinalinan siya ng dugo. Patuloy pa rin ang kanyang pag-inda ng papanakit ng ulo, puson at likod ng mga mata. Dakong alas-3:00 ng hapon, nag-seizure siya. Pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, sina-suction na siya upang lumabas ang mga nakabarang dugo. Matapos ang dalawang oras, habang naka-intubate, siya ay nagwala. Ayon sa doktor, huling gamot na ang ibibigay sa kanya dahil baka siya ay ma-overdose. Hindi na rin tumitigil ang kanyang pagwawala at tuluyan ngang tumitirik ang kanyang mga mata. Dahil sa paghihirap na kanyang dinanas, nagpasya ang kanyang mga magulang na tanggalin ang kanyang life support. Pagsapit ng halos ala-1:00 ng umaga, Oktubre 28, 2019, tuluyan nang pumanaw si Shekina Venice.


Ayon sa kanyang mga magulang, “Mula nang nalaman namin ang kontrobersiya hinggil sa nasabing bakuna, hindi kami nagkulang na bigyan siya ng bitamina upang mas gumanda ang kanyang kalusugan. Gayunman, hindi pa rin niya nakayanan ang masamang epekto ng Dengvaxia.”


Inilaban ng magkabiyak na Arciaga na mailigtas ang kanilang anak hanggang sa huli. Sa yugtong ito ng kanilang pakikipaglaban para makamit ang katarungan para kay Shekina Venice, inanyayahan kami sa PAO, at ang PAO Forensic na maging bahagi nito. Nasa amin ang karangalan, at patuloy kaming magpupursige na makamit ang hustisya sa dulo ng laban sa legal na paraan. Nawa’y kasihan kami ng Poong Maykapal sa aming patuloy na pakikipaglaban sa hustisya upang makamit ng mga batang naging biktima at nakitil ng kontrobersyal na Dengvaxia. Mailap man ang hustisya sa tibay ng kalaban, nananalig ang kanilang mga pamilya na mangingibabaw pa rin ang awa ng langit.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page