top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 30, 2023


Karaniwan nang iniuugnay ang unan sa pagtulog at pamamahinga. Ngunit, may mga pagkakataon na nagiging kasangkapan ang unan hindi sa pagpapagaan ng buhay kundi sa pagkitil nito.


Ganito ang mapait na pangyayari sa kasong hawak ng aming tanggapan, ang People of the Philippines vs. Michael Durana y Albarico (CA G.R. CR No. 12929, February 11, 2022, na isinulat ng kagalang-galang na Court of Appeals Associate Justice Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon [12th Division]). Ang insidenteng naganap sa nasabing kaso ay isang krimen. Dahil dito, may pumanaw na biktima. Hindi nito nakamit ang katarungan dahil sa kawalan ng testigo at depektibong pag-amin ng suspek. Kaya naman, hanggang ngayon dumadaing pa rin ang yumaong biktima ng hustisya. Narito sa ating artikulo ngayon, ang kuwentong nakapaloob sa naturang kaso.


Ang mithiin ng bawat kaso na mayroong kaugnayan sa pamamaslang ay ang makamit ang hustisya para sa namayapang biktima. Subalit, mayroong mga pagkakataon na sadyang hindi sapat ang ebidensya na naipresenta ng panig ng taga-usig, kung kaya ang hatol ng hukuman ay pagpapawalang-sala sa akusado. Bagama’t ito ay tila kawalan ng hustisya para sa pumanaw na biktima at sa kanyang mga naulila, nararapat lang ito para sa taong maling naakusahan. Tulad na lamang ng nangyari kay Michael at sa namayapang si Conchita.


Si Michael ay nangupahan sa isang silid sa Maynila, kasama si Louie. Ang silid na ito ay nasa unang palapag ng bahay kung saan nakatira si Conchita at ang kanyang pamilya.


Sa kabilang silid ng parehong palapag ng bahay naman nakatira ang pamilya ni Irma, anak ni Conchita.


Sa bersyon ng prosekusyon, noong Hulyo 2, 2008, alas-12:30 ng hatinggabi, umuwi sina Michael at Louie sa inuupahang silid. Nakita sila ni Irma, na noon ay naghihintay sa pag-uwi ng kanyang asawa na si Emmanuel. Napansin nito na tila nakainom ang dalawa.


Bandang ala-1:00 ng hatinggabi nakauwi si Emmanuel. Nakita pa nilang mag-asawa na nakahiga sa kanyang kama si Conchita, na nasa unang palapag lamang din ng nasabing bahay, nang sila ay pumasok sa kanilang silid.


Alas-3:30 ng madaling-araw, nagising si Irma upang maghanda ng pagkain at damit ng kanyang mga anak nang mapansin niyang nakabukas ang pinto ng kanilang bahay.


Matapos ay napansin ni Irma na nakabaluktot sa pagkakahiga si Conchita, ang mukha nito ay natatakpan ng unan at tila hindi na humihinga. Hinawakan niya ang kaliwang braso ni Conchita, subalit hindi ito gumalaw. Kung kaya humingi ng tulong si Irma, at agad na lumabas ng kanilang silid si Emmanuel at tinanggal ang unan na nakatakip sa mukha ni Conchita, rito nila nakita na wala na itong buhay.


Agad na ginising ni Irma ang ibang mga kasama sa bahay, kabilang sina Michael at Louie.


Ipinaalam niya rin kay Punong Barangay Villanueva ang malagim na nangyari at humingi ng tulong para ipaalam ito sa mga pulis.


Matapos ang inisyal na imbestigasyon sa pinangyarihan, inanyayahan sa istasyon ng pulis ang mga umuukupa sa bahay. Subalit si Michael at Louie ay hindi nakadalo. Si Michael ay pumasok na sa trabaho noong oras na iyon.


Bandang alas-6:00 ng gabing iyon ay wala pa ring suspek sa krimen, muling inaanyayahan sa istasyon sina Michael at Louie, at dalawa pang nakatira rin sa naturang bahay. Habang kausap ni PO3 Ruiz si Michael, napansin nito na mayroong mga kalmot sa braso si Michael, nang tanungin siya, sinabi ni Michael na nakuha niya ito sa pakikipagharutan sa mga kasamahan sa trabaho. Hindi kumbinsido si PO3 Ruiz, kung kaya ay kinonsidera bilang suspek sa pamamaslang si Michael.


Makalipas ang dalawang araw ay umamin diumano si Michael kay PB Villanueva na siya ang pumaslang sa biktima. Narinig umano ito ng ibang mga nakapiit at nakuhanan diumano ng panayam ng isang reporter ang pag-amin ni Michael. Isinulat din nito ang naturang pag-amin. Mariin namang itinanggi ni Michael ang paratang laban sa kanya.


Aniya, pinilit lamang siyang paaminin ng mga pulis at pinaniwala na siya ay palalayain kung siya ay aamin. Ang pagsulat niya ng kanyang pag-amin ay ginawa rin diumano nang walang presensya ng abogado.


Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court (RTC), binabaan ng hatol para sa kasong murder si Michael. Maliban sa parusang pagkakakulong ay pinagbabayad din siya sa mga naulila ng biktima para sa pinsala at mga gastos sa pagpapalibing.


Umapela si Michael sa naturang desisyon ng Court of Appeals (CA). Iginiit niya na walang patunay na siya ang salarin at dapat hindi rin tanggapin bilang ebidensya ang ginawang sapilitang pagpapaamin sa kanya.


Sa pagsisiyasat ng CA, napuna ng hukuman na wala ni-isang testigo ang nakakita na ang akusado ang kumitil sa buhay ng biktima. Bagama’t walang direktang ebidensya at maaaring ibatay ang hatol sa circumstantial evidence, hindi rin sapat ang naipresentang mga sirkumstansya ng prosekusyon upang hatulan ng conviction ang akusado.


Una, ang mga kalmot sa braso ng akusado ay hindi napatunayan na nagmula sa biktima.


Ito ay sa kabila ng ginawang paggupit at pagkuha ng mga kuko ng naturang biktima.


Ikalawa, ang pag-amin ng akusado, ay ginawa rin nang walang presensya ng abogado.


Sa isang banda, sinasabi ng prosekusyon na malayang umamin ang akusado, ngunit iginigiit naman mismo ng akusado na siya ay pilit lang pinaamin ni PB Villanueva at ng mga pulis upang siya ay palayain. Binigyang-diin ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon:

“The term “voluntary” means that the accused speaks of his free will and accord, without inducement of any kind, and with a full and complete knowledge of the nature and consequences of a confession, and when the speaking is so free from influences affecting the will of the accused, at the time the confession was made, that it renders it admissible in evidence against him.”

Dahil sa naturang pagkakasalungat, nabuo ang pagdududa sa isip ng hukuman, at dahil mayroong makatuwirang pag-aalinlangan o reasonable doubt na si Michael ang gumawa ng krimen, siya ay pinawalang-sala ng CA.


Dalangin pa rin na sana ay matukoy na kung sino ang gumawa ng hindi makataong pamamaslang kay Conchita upang siya ay malitis at pagbayarin sa karumal-dumal niyang ginawa; para na rin makamit ng yumao ang katarungan at katahimikan ng kanyang kaluluwa.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 22, 2023


Sa biglang tingin, ang pamumukpok ay isa lamang kaswal na gawain. Ngunit, kung ito ay isinagawa sa isang tao upang makapanakit at nakasawi ng buhay – ibang usapan na ang patutunguhan ng pangyayaring ito.


Maaari na itong mauwi sa hukuman upang ang pamumukpok na naganap at pagkasawi ay magtapos din sa pamumukpok – ngunit sa pamamagitan ng “gavel” ng hukom o mahistrado sa paggawad nito ng desisyon na inaasahang magiging makatarungan at makatuwiran.


Ang ating artikulo ngayon na hango sa kasong hawak ng PAO ang People of the Philippines vs. Diego Kagasan y Salvador a.k.a. “Salvador A. Kagasan” (CA G.R. CR No. 46064, June 30, 2023, na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice Jaime Fortunato A. Caringal [Special 9th Division]). Narito ang kuwento ng pamumukpok na nauwi sa pagpanaw ng kawawang biktima na hanggang ngayon daing pa rin ang hustisya.


Bandang alas-5 ng hapon noong Setyembre 10, 2020, sa Umingan, Pangasinan. Nakita si Artemio Manantan na nakahiga at duguan ang ulo sa labas ng tindahan ni Jonalyn Padilla.


Ayon kay Jonalyn, siya ay nasa loob ng kanilang tindahan nang marinig niya ang boses ni Artemio.


Kasunod nito, nakarinig siya ng pagpukpok, kung kaya’t lumabas siya ng tindahan at doon ay nakita si Diego Kagasan a.k.a. “Salvador A. Kagasan” na nakatayo habang si Artemio ay nakahiga at duguan ang ulo. Tinawag ni Jonalyn si Diego, ngunit hindi ito sumagot.


Agad na pumunta si Jonalyn sa kanyang hipag na si Lilibeth Jamora upang pauwiin ito.


Nakita ni Lilibeth si Diego na nakaupo, kung kaya’t nilapitan niya ito upang tanungin kung ano ang nangyari subalit hindi ito sumagot. Tinanong niya itong muli at itinuro nito ang lugar kung saan nakahiga si Artemio.


Nakita ni Lilibeth ang duguan at noon ay humihinga pang si Artemio. Sinubukan niya itong kausapin ngunit hindi ito sumagot, kung kaya’t humingi na sila ng tulong.


Kalaunan, sinabi ni Jonalyn kay Lilibeth na si Diego ang pumukpok sa ulo ni Artemio.


Nang malaman ni Punong Barangay Roman Valera ang nangyari, agad itong nagtungo sa pinangyarihan ng insidente. Nakita niyang duguan si Artemio, kaya inutusan niya ang mga sibilyan na naroon upang dalhin ito sa ospital. Sinabi ni Lilibeth kay PB Ramon na si Diego umano ang pumukpok sa ulo ni Artemio. Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulisya na si Diego ang salarin.


Ayon kay PCpl Randy Agoyaoy, kumuha ng isang kahoy si Diego at iniabot ito sa kanila. Matapos nilang kumuha ng mga litrato. Sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Artemio, at si Diego ay sinampahan ng kasong homicide.


Sa panig ng akusado, mariin niyang itinanggi ang bintang laban sa kanya. Ipinaliwanag niya na noong hapon ng insidente, siya ay nagtatrabaho. Saglit siyang nagpahinga at bumili ng makakain sa tindahan. Matapos siyang makabili at pabalik na sana sa trabaho nang makita niya ang biktima na nakahiga at duguan ang ulo. Bigla na lamang niyang naramdaman na mayroong kumalabit sa kanyang balikat, ngunit nang lingunin niya ito ay wala na ru’n ang taong kumalabit sa kanya.


Ayon din sa akusado, hindi siya nakatawag ng saklolo sapagkat lubos siyang natulala sa kanyang nakita. Nang dumating si Lilibeth at tanungin siya kung ano ang nangyari, naituro lang niya ang lugar kung nasaan si Artemio. Nang makahingi ng tulong si Lilibeth ay umalis na si Diego kasama ang kanyang katrabaho sa takot na siya ang mapagbintangan.


Batay din kay Diego, wala silang naging pagtatalo ni Artemio. Inutusan lang din umano siya, noong siya ay arestuhin na hawakan ang kapirasong kahoy.


Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court (RTC), nahatulan si Diego ng pagkakakulong at pinagbabayad ng danyos sa naulila ng biktima.


Hindi sang-ayon at umapela si Diego sa Court of Appeals (CA) sa nasabing desisyon. Matapos ang masusing pag-aaral sa mga ebidensya na isinumite ng magkabilang panig, nagbaba ng hatol ang CA na kung saan ay pinawalang-sala si Diego.


Ayon sa naturang hukuman, nagkaroon ng pag-aalinlangan sa kanilang isipan. Sapagkat, salungat ang alegasyon ng prosekusyon sa testimonya ng kanilang mga testigo.


Si Diego ang pinagbintangan bunsod ng alegasyon na mayroong alitan sa pagitan niya at ng namayapang biktima. Subalit, sa testimonya ni Jonalyn, sinabi niya na ang narinig lamang niya ay ang boses ng huli, at walang siyang narinig na alitan sa pagitan ng dalawa. Ang testimonyang ito ay nagdulot ng pagdududa hindi lamang kung totoong mayroong alitan ang dalawa, kundi pati na rin ang presensya mismo ng akusado nang mismong nangyari ang pamumukpok sa biktima.


Bagama’t, sinabi ni PB Roman na umamin din si Diego sa kanya na mayroong silang alitan ng biktima, nagdududa ang CA kung kusa itong sinabi ng akusado sapagkat sa isang bahagi ng testimonya ni PB Roman sa hukuman ay sinabi niya na hindi nagsalita ang akusado, habang sa ibang bahagi ng kanyang testimonya ay sinabi niya na mayroong matinding alitan ang dalawa.


Hindi rin tinanggap ng hukuman ang testimonya ni PB Roman bilang bahagi ng res gestae na isa sa mga exceptions sa hearsay rule. Para sa kaalaman ng lahat, ang alituntunin kaugnay sa res gestae ay nakasaad sa Section 44, Rule 130 ng 2019 Proposed Amendments to the Revised Rules on Evidence:

“Section 44. Part of the res gestae. — Statements made by a person while a startling occurrence is taking place or immediately prior or subsequent thereto, under the stress of excitement caused by the occurrence with respect to the circumstances thereof, may be given in evidence as part of the res gestae. So, also, statements accompanying an equivocal act material to the issue, and giving it a legal significance, may be received as part of the res gestae.”

Ayon sa CA, upang makonsidera na hindi haka-haka o hearsay ang isang pag-amin at nakapaloob sa res gestae, kinakailangan na ito ay ginawa nang spontaneously o may kusang-loob. Binigyang-diin ng hukuman na dapat ay walang namagitang oras o pangyayari mula nang maganap ang nakagugulantang na insidente at ang pag-amin na magbibigay ng pagkakataon sa taong nagpahayag na magwari o mag-isip.


Sa kaso ni Diego, kapuna-puna sa hukuman ang haba ng oras na pumagitan mula nang maganap ang nakagugulantang na pangyayari – ang pamumukpok sa biktima – at ang sinasabing pag-amin ng akusado ukol sa alitan. Batay sa mga naging testimonya, lumipas na ang mga oras bago pa napuntahan ng mga pulis si Diego, at ang sinabing pag-amin ay ginawa sa ibang lugar na malayo sa pinangyarihan ng insidente. Maliban dito, ang pag-amin ni Diego ay naganap lamang matapos nang siya ay arestuhin.


Sa mga sirkumstansyang nabanggit, hindi maikakaila na may lumipas na panahon at mayroon nang ibang pangyayari na pumagitan sa insidente at sa naturang pag-amin.


Kung kaya’t hindi sapat para sa CA na isiping kusang-loob ang pag-amin ng akusado.


Dumagdag pa sa pag-aalinlangan ng hukuman na si Diego ang pumukpok sa biktima dahil sa sinabi ni PB Roman na nalaman lang niya ang naturang pamumukpok base sa impormasyon na ibinahagi ni Lilibeth, na impormasyong galing din kay Jonalyn. Subalit, wala sa alinmang bahagi ng testimonya ni Jonalyn na sinabi nitong inamin sa kanya ni Diego ang pamumukpok sa biktima.


Hindi rin mismo nakita ni Jonalyn na ang akusado ang gumawa ng krimen. Ang nakita lamang niya ay malapit ang akusado sa kung saan nakahiga ang biktima. Hindi rin niya narinig ang alitan sa pagitan ng dalawa.


Para sa CA, mayroong makat’wirang pag-aalinlangan o reasonable doubt na si Diego ang salarin. Ang pagkakasalungat ng alegasyon laban sa akusado at mga testimonya para sa prosekusyon ay nakaapekto mismo sa pagkakakilanlan ng gumawa ng krimen – isang bagay na mahalaga sa pagpapataw ng conviction.


Gayunman, binigyang-diin ng hukuman na ang pagpapawalang-sala kay Diego ay hindi nangangahulugan na tiyak na inosente ito sa krimen. Bagkus, ito ang naging hatol ng hukuman sapagkat hindi naging sapat ang mga ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya.


Nawa’y mahuli ang totoong gumawa ng krimen kay Artemio at mapagdusahan ang parusa na ipinapataw ng ating batas nang sa gayun ay makamit ng namayapang biktima ang hustisya na para sa kanya at sa kanyang mga naulila. Tiyak na hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagdaing ng kaluluwa ni Artemio na mapanagot sa batas ang taong pumaslang sa kanya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 15, 2023


May mga pagkakataon na ang ating hiram na buhay ay natatapos sa kamay ng isang tao na bagama’t siya’y lumabag sa batas, siya naman ay insane o wala sa tamang pag-iisip.


Paano ba ipaglalaban ang katarungan sa ganitong uri ng kamatayan?


Kaya bang igawad ng batas ang hustisya para sa biktima at kanyang pamilya? Kahit na wala siya sa tamang pag-iisip nang gawin ang krimen na iyon, maituturing din bang makatarungan kung siya ay mapaparusahan?


Ito ang mga tanong na naglalabas-masok sa ating batas, at kat’wirang nakapaloob sa kasong nauugnay sa akusadong pinanawan na ng katinuan sa pag-iisip. Isang halimbawa ng nasabing kaso ang hawak ng aming tanggapan, ang Frimeraldo Francisco y Bautista vs. People of the Philippines (CA G.R. CR No. 46982, June 15, 2023, na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice, Honorable Ruben Reynaldo G. Roxas, Special 8th Division). Nasa artikulong ito ang kaugnay na kuwento.


Ang bawat isa sa atin ay kinokonsidera sa mata ng batas na nasa tamang pag-iisip o of sound mind. Kung kaya’t tayo ay responsable sa anumang bagay o kilos na ating gagawin, lalo na kung ito ay labag sa batas. Subalit, kung mapatunayan na ang tao na lumabag sa batas ay wala sa tamang pag-iisip, maaari siyang mapawalang-sala. Ito marahil, para sa parte ng namayapang biktima at kanyang mga naulilang pamilya, ngunit kailangang pairalin at kilalanin ng hukuman ang nakasaad sa batas. Tulad ng nangyari sa pagitan ng dalawang lalaki na sina Frimeraldo at John.


Ika-26 ng Mayo, taong 2011, sa siyudad ng Laoag, sinaksak ni Frimeraldo si John sa dibdib. Batay sa bersyon ng prosekusyon, si John ay nangangasiwa ng babuyan.


Bagama’t hindi tauhan sa babuyan si Frimeraldo ay madalas itong natutulog do’n.


Noong umagang iyon ay sinabihan na ni John si Frimeraldo na alisin na ang mga gamit nito sa kanilang babuyan, dahil hindi sumunod si Frimeraldo, inilabas ni John ang mga gamit noong hapon ding ‘yun. Nakita ni Frimeraldo na pinupukpok ni John ng martilyo ang kanyang higaan at doon ay lubos na itong nagalit. Dali-daling umuwi si Frimeraldo sa kanilang bahay na hindi kalayuan at pagbalik nito ay may hawak na siyang kutsilyo na siyang ginamit panaksak sa dibdib ni John. Nakita ito ng tatlong tauhan ng babuyan, at agad namang dinala sa ospital ang biktima.


Sinampahan ng kasong frustrated homicide si Frimeraldo. Subalit, noong ikalawa ng Hunyo, sa kasamaang palad, binawian ng buhay si John. Kung kaya’t inamyendahan ang kaso niya ng homicide.


Bago nilitis ang kaso, ipinag-utos ng Regional Trial Court (RTC) na masuri ang pag-iisip ng akusado. Ayon sa ulat ng National Center for Mental Health (NCMH), hindi kaya ng akusado na sumailalim sa paglilitis sapagkat ito ay mayroong bipolar affective disorder. Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ng RTC ang arraignment.


Pebrero 15, 2017 na nang muling buhayin ang kaso at nang ma-arraign si Frimeraldo, “not guilty” ang kanyang pagsumamo at iginiit ang depensang insanity.


Gayunman, guilty ang naging hatol ng RTC kay Frimeraldo. Bagama’t may kapansanan sa pag-iisip ang akusado, hindi ito lubusang nawalan ng kamalayan o pag-iisip, pinatawan siya ng parusang pagkakakulong at pinagbabayad para sa pinsala pati na rin ng danyos.


Inapela ng panig ni Frimeraldo sa Court of Appeals (CA) ang naturang desisyon at iginiit ang testimonya ng kanyang doktor na si Dr. Aganon, ang tumingin sa kanya mula pa noong taong 2002, noong siya ay 20-anyos pa lamang.


Ayon kay Dr. Aganon, mayroong psychosis si Frimeraldo nang mangyari ang krimen dahil wala sa tamang pag-iisip ang akusado, at dapat umano siya ay mapawalang-sala.


Sa masusing pagsusuri ng CA, kinatigan nito ang depensa at pinawalang-sala si Frimeraldo sa kriminal na aspeto. Ipinaliwanag ng nasabing hukuman na ang quantum of evidence upang patunayan ang insanity ay hindi na proof beyond reasonable doubt; bagkus, ang kailangan maitaguyod sa hukuman ay clear and convincing evidence.


Ayon sa CA, napatunayan na si Frimeraldo ay wala sa tamang pag-iisip nang maganap ang krimen at ito ay sinuportahan ng mga naging pagsusuri sa kanya ng kanyang doktor sa napakahabang panahon.


Kapuna-puna para sa hukuman na ang mga sinabi at ikinilos ng akusado, nang maganap ang krimen, ito ay nagpahiwatig na sadyang hindi niya lubusang naunawaan ang uri at kamalian ng kanyang ginawa sa namayapang biktima.


Magkagayunman, pinagbabayad pa rin si Frimeraldo sa mga naulilang pamilya ni John para sa pinsala at danyos. Binigyang-diin din ng hukuman na hindi nila pinagwalang-bahala ang karumal-dumal na ginawang pagpatay sa biktima. Sa sitwasyon lamang ni Frimeraldo, nakita nila, batay sa mga ebidensya na isinumite, na sadyang mayroong sakit sa pag-iisip ang naakusahan.


Sa halip din na ikulong si Frimeraldo sa regular na kulungan ng mga nahatulang may-sala, na kung saan hindi niya makukuha ang angkop na mental na rehabilitasyon, at ang posibilidad na siya ay mapalaya sa bisa ng paroleat makapanakit muli, ipinag-utos ng CA na siya ay panatilihing nasa loob ng institusyon, ang NCMH, na kung saan siya ay magagamot at siya ay makakalaya lamang sa oras na sadyang kaya na niyang maging angkop na kasapi ng lipunan, batay na rin sa magiging rekomendasyon ng naturang institusyon.


Ang pagkamit ng hustisya ay sadyang magkakaiba para sa bawat isa. At mayroong mga pagkakataon na masasabing hindi lubusang nakamit ng partido ang hustisya. Tulad na lamang sa nangyari kina Frimeraldo at John. Bagama’t hindi na-convict si Frimeraldo, masasabing hindi siya ganap na malaya.


Kinatigan din ang mga naulila ni John sa sibil na aspeto ng kaso, sila ay nawalan pa rin ng mahal sa buhay na kailanman ay hindi na nila makakapiling pa. Isang uri ng daing na marahil ay sa sariling hukay din nila dadalhin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page