top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 21, 2023


Minsan ang pagkamit ng hustisya para sa isa ay kawalan naman ng hustisya para sa iba.


Tila ganito ang nangyari kina Lito at Joel, mga pangunahing partido sa kasong “People of the Philippines vs. Lito Garcia y Mangubat” (CA-G.R. CR-HC No. 14847, August 22, 2022, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Victoria Isabel A. Paredes [14th Division]). Ang kuwentong tampok sa artikulo natin ngayon ay may kaugnayan sa nasabing kaso na hawak ng aming tanggapan.


Sa kasong ito, patuloy ang pagdaing ng biktima sapagkat hindi pa rin nito nakakamit ang hustisya dahil sa kakulangan ng ebidensya. Para sa nasabing biktima, patuloy na siya ay dumadaing na maigawad sa kanya ang hustisyang pinakamimithi ng kanyang mga naulilang mga mahal sa buhay.


Si Joel ay kaawa-awang biktima ng pamamaril. Ang taong inakusahan kaugnay sa kanyang pagpaslang ay si Lito, na kalaunan ay sinampahan ng kasong murder. Ang malagim na insidente ay naganap alas-7:00 ng gabi ng Marso 9, 2009 sa isang sitio sa Masbate.

Batay sa affidavit ni Beverly, asawa ni Joel, nagmamadaling pumasok sa kanyang bahay si Rene at ibinalita na binaril si Joel. Ayon diumano kay Rene, naglalakad sila ni Joel pauwi nang bigla na lamang sumulpot sa likuran ni Joel si Lito at pinaputukan ito ng baril sa ulo. Pinaputukan din diumano ni Lito si Joel sa kaliwang bahagi ng katawan nito at matapos iyon ay hinila ni Lito ang katawan ni Joel patungo sa tindahan ng isang nagngangalang Gina.


Subalit sa kanyang testimonya sa hukuman, sinabi ni Beverly na noong gabing nabanggit ay nasa loob siya ng kanilang bahay nang may marinig na balita ukol sa pamamaril. Agad siyang lumabas ng kanilang bahay at diumano ay nakita niyang binaril ni Lito ang kanyang asawa. Nakita rin diumano ni Beverly na hinila ni Lito si Joel patungo sa tindahan ni Gina.


Naipa-blotter ni Rene ang mga impormasyon ukol sa nasabing insidente ng pamamaril noong Marso 10, 2009 na ng umaga, ngunit hindi niya kasama si Beverly noong siya ay nagpatala.


Mariing pagtanggi at alibi ang iginiit ni Lito. Ayon sa kanya, mula Enero hanggang Mayo ng 2009 ay nasa Mongol bongol, Samar siya at du’n ay nangingisda. Pinatotohanan ni Dominador na kasama niyang mangisda si Lito noong petsa ng insidente. Gayunman, conviction ang naging hatol ng Regional Trial Court (RTC) kay Lito.


Naghain ng Motion for Reconsideration si Lito, ngunit na-deny ito. Umakyat siya sa pamamagitan ng apela sa Court of Appeals (CA) at iginiit na mali ang naging hatol ng RTC sapagkat ibinatay nito ang hatol sa circumstantial evidence subalit hindi naman sapat ang mga isinumiteng ebidensya ng prosekusyon, lalo na ang kakulangan ng pagtukoy sa pagkakakilanlan ng bumaril sa biktima.


Nakamit ni Lito ang inaasam; siya ay kinatigan ng CA sa kanyang apela. Ayon sa CA, hindi naging sapat ang ebidensya ng prosekusyon upang mabuo sa kanilang isipan na si Lito nga ang taong pumaslang kay Joel. Bagama’t tumestigo si Beverly na asawa ng namayapang biktima, naging kapuna-puna sa CA ang pagkakasalungat ng kanyang naging salaysay at testimonya.


Napuna rin ng CA na ibinatay ng RTC sa blotter ang pagkakakilanlan ni Lito. Subalit, ang naturang blotter ay hindi naman ini-offer bilang ebidensya sa hukuman. Kung kaya’t mali ang RTC na pagbatayan ang naturang blotter sa naging hatol nito.


Bagama’t nagsumite ang prosekusyon ng circumstantial evidence, hindi nakumbinsi ang CA na mayroong moral na katiyakan na si Lito ang salarin.


Batay sa CA, bagama’t tinatanggap ang circumstantial evidence kahit walang direktang ebidensya na susuporta sa mga paratang, kinakailangan na ito ay binubuo ng mga magkakaayon na sirkumstansya na positibong tutukoy sa pagkakasala ng taong inaakusahan.


Sa kaso ni Lito, wala diumanong patunay na positibo at walang pag-aalinlangan siyang nakilala bilang taong mismong bumaril kay Joel. Kung kaya’t binigyang-diin ng CA ang mandato ng ating Konstitusyon na ang taong inakusahan sa isang kasong kriminal ay mananatiling inosente hanggang ang kanyang pagkakasala ay lubos na mapatunayan.


Sapagkat, sadyang hindi napatunayan na si Lito nga ang pumaslang kay Joel, kinakailangan na siya ay ipawalang-sala ayon sa CA.


Ang aral na maaari nating makuha sa kasong ito ay ang lubos na kahalagahan ng malinaw at konkretong ebidensya, direkta man o binubuo ng ilang mga sirkumstansya, na magpapatunay hindi lamang na nangyari ang krimen, bagkus pati ang positibong pagkakakilanlan ng salarin sa krimen.


Kailangang-kailangan na kapwang mapatunayan ang mga iyon upang makamit ng biktima, lalo na ang namayapa, ang karampatang hustisya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 13, 2023


Parehong mahalaga ang ama at ina sa bawat pamilya. Bilang mga magulang sila ang may pangunahing responsibilidad sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.


Kapag sila o isa sa kanila ay nawala, lalo na kung ito ay dulot ng mapait na kamatayan, ang kanilang buong pamilya ay labis na maaapektuhan.


Sa artikulo natin ngayon tampok ang kasong People of the Philippines vs. Wilson Barlizo y Borral (CA G.R. CR No. 41815, November 23, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Florencio M. Mamauag, Jr. [3rd Division]), na hawak ng aming tanggapan. Kaugnay sa nasabing kaso, tunghayan natin ang kuwento ng pagpanaw ng isang haligi ng tahanan na hanggang sa ngayon ay dumadaing at naghahanap pa rin ng katarungan.


Ika-21 ng Hunyo taong 1987, bandang ala-1:00 ng hatinggabi sa Rapu-Rapu, Albay, nagising sa gitna ng kanilang pagkakatulog si Agripino Berjuega at kanyang pamilya nang mayroong marinig na ingay bunsod ng pamamato mula sa labas ng kanilang bahay. Lumabas ang kanyang ama na si G. Mateo Berjuega, kasunod ang kanyang ina, upang alamin kung ano ang sanhi ng ingay.


Sumunod ay narinig na lamang ni Agripino ang sigaw ng kanyang ina at ang pagbagsak ng kanyang ama.


Agad na pinuntahan ni Agripino ang mga magulang at sa kanilang pintuan ay nakita niya ang dalawang lalaki – ang isa ay nakaharap sa kanya at ang isa ay nakatalikod. Nakilala niya ang mga ito na sina Wilson Barlizo at Helario Borral. Narinig ni Agripino na sumigaw si Wilson ng, “Tinamaan si Tata Mating”, at si Helario ng, “Durulag na kita ta rugado si Tata Mating”.


Nang makatakbo ang dalawa ay agad na tinulungan ni Agripino na madala ang ama sa loob ng kanilang bahay. Naghanap ang kanyang ina at kapatid na maaaring makahilot kay Mateo upang maibsan ang sakit na iniinda nito. Bagama’t nadala nila si Porfirio Barlizo, ama ni Wilson, upang hilutin si Mateo, hindi naibsan ang sakit nito.


Kinabukasan, dinala nila si Mateo sa pagamutan sa Legaspi, subalit sila ay pinayuhan na dalhin ito sa ospital upang maoperahan dahil sa pilay nito sa binti. Sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Mateo bago pa man makalikom ang kanyang pamilya ng pangtustos sa kanya sanang operasyon.


Naihain sila ng reklamong homicide laban kina Wilson, Helario at isang nagngangalang Raul Borral noong Nobyembre 28, 1988. Sapagkat, hindi pa nahuli ang tatlo, pansamantalang nai-archive ang kaso. Binuhay lamang ito noong Setyembre 1993 nang mahuli si Raul, ngunit na-dismiss ang kaso laban sa kanya sapagkat siya ay ginawang state witness. Binuhay naman ang kaso laban kay Wilson nang siya ay mahuli noong Agosto 31, 2016. Si Helario naman ay nanatiling at large.


Si Agripino ang tanging testigo para sa prosekusyon, sa kanyang testimonya noong siya ay na-cross examine, sinabi ni Agripino na nakilala niya si Wilson sapagkat kalaro niya ito mula noong sila ay mga bata pa at bago ang insidente ay maayos ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa. Sinabi niya rin na noong siya ay magising, wala na sa silid ang kanyang ama at bagama’t sinubukan niya at ng kanyang ina na pigilan ang ama na lumabas ay nagpumilit si Mateo na alamin kung ano’ng sanhi ng naturang ingay. Sinaad din ni Agripino na hindi niya alam kung saan nagmula ang sakit ni Mateo sa binti at nakita niya ito na umupo sa lapag habang hawak ang tiyan.


Sa parte naman ng akusadong si Wilson, itinanggi niya ang paratang laban sa kanya.


Siya diumano at ang amang si Porfirio ay umalis upang mangisda noong alas-4:00 ng hapon noong Hunyo 21, 1987 at nakabalik lamang ng alas-5:00 ng madaling araw kinabukasan. Nang sila ay makauwi sa kanilang bahay, nakita nila si Amalia, anak ni Mateo, at sinabi nito na pinasusundo si Porfirio upang hilutin si Mateo.


Ayon kay Wilson, hindi na niya alam ang nangyari matapos makaalis si Porfirio at Amalia. Si Porfirio ay tumayong testigo para sa depensa. Batay sa kanya, sila ay magkumpare ni Mateo.


Pinatotohanan niya ang testimonya ni Wilson na sila ay umalis para mangisda at pumunta ang anak ni Mateo sa kanilang bahay upang ipahilot ang ama. Nang makarating sa bahay ni Mateo ay agad niyang tinanong kung bakit ito magpapahilot.


Sinagot siya ni Mateo na tinamaan siya sa gilid ng kanyang tiyan. Tumanggi si Porfirio dahil, aniya, nanghihilot lamang siya ng pilay. Gayunman, pinayuhan niya si Mateo na pumunta ng ospital upang magpagamot. Nalaman na lamang niya na pumanaw si Mateo makalipas ang dalawang araw.


Hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Wilson bilang may sala sa krimen. Maliban sa parusang pagkakakulong ay pinagbabayad din siya para sa pinsala at danyos.


Inapela ni Wilson ang naturang hatol sa Court of Appeals (CA). Iginiit niya na hindi nakita ni Agripino kung sino ang bumato sa namayapang biktima at hindi rin diumano sapat ang circumstantial evidence na iprinisinta ng prosekusyon. Mayroon diumanong pagdududa kung ano’ng proximate cause ng pagkamatay ni Mateo, at ang pagdududa na ito ay dapat ikonsidera nang pabor sa kanya.


Ayon kay Wilson, dapat bigyang-halaga ang kanyang alibi sapagkat ito ay pinatotohanan ni Porfirio. Matapos ang masusing pag-aaral, ipinawalang-sala ng CA si Wilson.


Batay sa hukuman, sa kasong murder o homicide, kinakailangan na mapatunayan batay sa hindi mapag-aalinlanganan na ebidensya na ang biktima ay sinadyang patayin. Ang nasabing ebidensya ay maaaring binubuo ng sandata na ginamit ng salarin, uri, lokasyon at bilang ng sugat na tinamo ng biktima, at mga salitang sinabi ng salarin bago, habang at pagkatapos ang pagpaslang sa biktima.


Sa kaso laban kay Wilson, hindi nakita ng CA na mayroong moral na katiyakan na ang akusado ang salarin. Walang nakitang direktang ebidensya na si Wilson ang gumawa ng krimen. Sa testimonya ni Agripino, hindi niya nabanggit na nakita niyang si Wilson ang bumato kay Mateo o sa kanilang bahay. Bagama’t nagprisinta ng circumstantial evidence ang prosekusyon, hindi ito naging sapat para sa CA upang sang-ayunan ang hatol ng RTC.


Ayon sa CA, ang presensya ni Wilson sa labas ng naturang bahay ay hindi nangangahulugan na siya ang dumaluhong sa biktima. Ang kanyang pagsigaw din kay Helario ay hindi nangangahulugan na kasabwat siya sa krimen. Napuna rin ng hukuman na maliban sa testimonya ni Agripino, ang tala ng kamatayan ng biktima lamang ang nailatag ng prosekusyon na ebidensya. Subalit, hindi ipinaliwanag sa pagdinig sa RTC ang saklaw ng tinamong sugat ng biktima o kung tinamaan ito ng mapurol na sandata.


Batay din sa CA, dahil walang testigo na nakakita kung sino at paano inatake ang biktima, mahalaga na mapatunayan ang motibo sa kanyang pagpaslang. Ngunit, hindi napatunayan ng prosekusyon na mayroong motibo si Wilson para paslangin ang biktima.


Bagama’t ang pagtakas o pagtatago ng akusado ay magagamit bilang ebidensya, hindi ito agarang nangangahulugan ng pagkakasala sapagkat mayroong ibang posibleng dahilan upang gawin ito tulad na lamang ng takot ng paghihiganti, hindi pagnanais na maging testigo at takot na mapagbintangan.


Bagama’t mahina ang depensa na alibi, hindi nangangahulugan na hatol ng pagkakakulong ang dapat igawad sapagkat ipinagpapalagay na inosente ang bawat akusado hanggang sa mapatunayan ang kanyang pagkakasala. Ipinaliwanag ng CA, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Florencio M. Mamauag, Jr., alinsunod sa paliwanag ng Supreme Court sa mga kasong Arce vs. People (G.R. No. 125857, March 20, 2002, na isinulat ni Honorable Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago) at Lejano vs. People (G.R. No. 176389, December 14, 2010, sa panulat naman ni Associate Justice Roberto A. Abad)


The presumption of innocence of an accused is a substantial part of the law founded upon the great principle of justice that cannot be balanced out merely by conjecture or probability.


Conjectures and suspicions cannot be the bases of conviction as they cannot substitute for the constitutional requirement of proof of guilt beyond reasonable doubt. The heavy burden of overcoming the presumption of innocence rests on the prosecution, and unless it succeeds in proving by satisfactory evidence the guilt of the accused, the constitutional mandate of innocence prevails.”


Lubos na hinagpis ang natamo ng mga naulila ng namayapang biktima na isang haligi ng tahanan. Inaasahan pa rin na darating ang panahon na mahuhuli at mapapanagot ang mga taong responsable sa malagim na pagkamatay niya.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 06, 2023


Ang camouflage ay pamamaraan o resulta ng pagkukubli upang madaya ang paningin ng sinuman. Ginagawa ito ng mga pulis at militar upang maging bahagi sila ng kapaligiran o mga bagay rito sa panahon ng labanan, katulad ng mga puno, daan, gusali o anumang istruktura na ginagamit sa pagtatanggol.


May mga hayop din na nagko-camouflage, katulad ng owl butterfly habang nakakubli sa kagubatan, nakakapanlinlang ito ng maliliit na ibon. Ang tila mga mata ng kuwago na natural na nakadisenyo sa mga pakpak nito ay nagmimistulang kuwago mismo, kaya ang owl butterfly ay kinatatakutan ng maliliit na ibon, habang ang leopard naman ay humahalo sa mga puno, sanga, o mga dahon ng kahoy upang mapasakamay nito ang walang kamalay-malay niyang biktima.


Sa kasong hawak ng aming tanggapan na “People of the Philippines vs. Rene Ramos y Bulangan (CA-G.R. CR No. 42422, November 17, 2020, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez [16th Division]), nabanggit ang camouflage na jacket. May nakitang lalaki na nakasuot nito. Pagkaraan ng ilang minuto, may narinig silang malakas na putok ng baril, nakitang duguan ang biktima hanggang sa tuluyan na itong malagutan ng hininga. Nagtila isang leopardo ba ang mamang nakasuot ng camouflage jacket? Siya ba ang dahilan sa patuloy na daing ng biktima at pamilya nitong naulila? Basahin at alamin natin sa kuwentong tampok sa artikulong ito na hango sa nabanggit na kaso.


Ang buhay ay sadyang maiksi. Hindi natin alam kung kailan ito babawiin sa atin at sa kung paanong paraan. Para sa biktimang si Felicito, kinitil ang kanyang buhay sa malagim na pamamaraan. Siya ay binaril at agad na binawian ng buhay. Ang taong pinagbintangan ay si Rene, na mariing itinanggi ang akusasyon laban sa kanya.


Bandang alas-8:00 ng gabi noong Agosto 31, 2017 sa siyudad ng Baguio, nagtungo si Felicito sa videoke bar na pagmamay-ari ng kanyang anak. Naikuwento umano ni Felicito kay Alfonso, manager ng nasabing establisyemento, na kakarating pa lamang niya ng Baguio noong gabing iyon at nais lamang niyang uminom upang siya ay makatulog.


Alas-10:30 ng gabi, dumating ang isang may-katangkarang lalaki, nakasuot ng asul na face mask at t-shirt, kayumangging shorts at pulang tsinelas. Napansin ni Alfonso na paikut-ikot ito sa loob ng bar bago nito lapitan si Felicito, ilang saglit ay umalis na rin ang naturang lalaki.


Makalipas ang ilang minuto ay isa pang lalaki ang dumating. Siya ay nakasuot ng shorts at camouflage na jacket. Narinig diumano ni Alfonso na nagsalita ang nasabing lalaki na kilala nito si Felicito. At nang sumagot din umano si Felicito sa nasabing lalaki ay tumahimik ito at umalis.


Ayon kay Alfonso, tinawag siya ni Felicito at sinabing “Lalabas lang ako, may pupuntahan lang.”


Paglabas ni Felicito ay nakita ni Alfonso ang lalaki na naka-camouflage na jacket na sumilip muli sa kanilang bar at agad ding umalis. Matapos ang ilang minuto ay nakarinig ng malakas na putok ng baril si Alfonso. Agad siyang lumabas at nakitang duguan si Felicito. Sinubukan pa ni Alfonso na humingi ng saklolo ngunit napansin nitong wala nang buhay ang biktima.


Ayon naman sa testimonya ni Noel, nagtatrabaho bilang kahero sa isa pang establisyemento, nakita niya sa labas ng bar si Felicito noong gabi ng insidente. Habang sila ay nag-uusap, lumapit diumano si Rene na noon ay nakasuot ng camouflage na jacket, shorts at tsinelas. Nagkamustahan diumano ang dalawa at nag-usap.


Iniwan ni Noel ang ang dalawa upang asikasuhin ibang customers. Tatlong segundo lamang diumano ang nakalipas ay nakarinig siya ng putok ng baril. Agad na tumakbo si Noel sa labas at nakitang duguan na nakahandusay si Felicito. Nakita rin ni Noel na tumatakbo si Rene na mayroong hawak na baril. Sinubukan niyang habulin si Rene ngunit pinigilan siya ng ibang tao na nanru’n dahil nga mayroon itong dalang baril.


Sa pag-iimbestiga sa pamamaril, pinakitaan ng mga litrato sina Alfonso at Noel na kung saan ay natukoy nila si Rene. Mula sa kanilang mga testimonya ay sinampahan ng kasong homicide si Rene. Tanging si Rene lamang ang tumayong testigo para sa panig ng depensa, ar mariin niya itong itinanggi sa hukuman.


Ayon kay Rene, bagama’t kilala niya ang biktima at kausap noong gabing iyon, sila ay magkaharap; gayung ang tama ng bala sa biktima ay mula sa likuran nito. Ang bumaril umano sa biktima ay ang parehong lalaki na nakita niyang nakikipagtalo kay Felicito bago ang insidente.


Ipinaliwanag niya rin na napilitan siyang tumakbo matapos marinig ang putok ng baril dahil bigla na lamang mayroong humahabol sa kanya. Ilang araw din siyang hindi lumapit sa pulis dahil sa takot na kanyang naramdaman.


Conviction ang hinatol ng Regional Trial Court (RTC). Maliban sa parusang pagkakakulong, pinagbabayad din si Rene para sa pinsala sa mga naulila.


Agad na umapela si Rene sa Court of Appeals (CA). Kinuwestiyon niya ang naging hatol ng RTC samantalang walang saksi sa mismong pagkakabaril kay Felicito. Iginiit niya rin na hindi sapat ang ebidensya na isinumite ng taga-usig ukol sa pagkakakilanlan ng bumaril at hindi rin sapat ang kabuuang sirkumstansya na ipiniresenta sa RTC upang masabi na siya ang pumaslang.


Matapos ang maingat na pagsusuri ng CA, kinatigan ang posisyon ni Rene. Hindi nakumbinsi nang may moral na katiyakan ang CA na si Rene nga ang pumaslang kay Felicito. Bagama’t kapwa itinuro ng parehong testigo, na sina Alfonso at Noel, na si Rene ang lalaking kanilang tinutukoy, kapuna-puna sa CA na pareho nilang hindi nakita ang mismong akto ng pamamaril kay Felicito.


Ayon sa CA, ang testimonya nila ay tumutukoy lamang na si Rene ang huli nilang nakita na kausap ni Felicito, ngunit hindi ang aktuwal na pagpaslang sa biktima.


Binigyang-diin ng CA na maliban sa kahalagahan ng pagpapatunay sa mga elemento ng krimen, mahalaga rin na mapatunayan nang walang pag-aalinlangan ang pagkakakilanlan ng gumawa nito.


Batay sa CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez:


Before the prosecution concerns itself with the existence of the elements of a crime, it must first discharge the burden of proving that an accused is correctly identified. In People vs. Arapok, the Supreme Court stressed that the correct identification of the author of a crime should be the primal concern of criminal prosecution in any civilized legal system.


Corollary to this is the actuality of the commission of the offense with the participation of the accused. All these must be proved by the prosecution beyond reasonable doubt on the strength of its evidence and without solace from the weakness of the defense. Thus, even if the defense of the accused may be weak, the same is inconsequential if, in the first place, the prosecution failed to discharge the onus on his identity and culpability. The presumption of innocence dictates that it is for the people to demonstrate guilt and not for the accused to establish innocence.”


Bagama’t nagpresenta rin ang prosekusyon ng circumstantial evidence, para sa CA ay hindi nito naalis ang posibilidad na maaaring ibang tao ang gumawa ng krimen.


Sapagkat, sadyang hindi napatunayan ng taga-usig ang pagkakakilanlan ng pumaslang kay Felicito, akma lamang na ipawalang-sala si Rene.


Ang karumal-dumal na pagpaslang kay Felicito ay dapat mabigyan ng hustisya. Nawa’y matukoy nang mayroong katiyakan kung sinuman ang totoong pumaslang sa kanya upang makamit na ng biktima at kanyang mga naulila ang karampatang hustisya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page