top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 7, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Sa kasalukuyang panahon na malawak na ang saklaw at naaabot ng teknolohiya, higit na dumami rin ang paraan at pagkakataon na makagawa ng hindi maganda sa ating kapwa.


Nariyan ang kaliwa’t kanang scam at panloloko, higit na lumalaganap din sa social media ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at libel.


Ang mga ganitong gawain na ginagamit sa negatibong pamamaraan ang teknolohiya ay nagiging sanhi rin ng mga daing ng ating nabibiktimang mga kababayan.


Bagaman ang bawat isa sa atin ay mayroong karapatan, hindi maaaring gawin ang mga bagay na ang kapwa natin ay masasagasaan.


Ang karapatan ay palaging may kaakibat na responsibilidad. Mayroon man tayong kalayaan na makapagpahayag, hindi nangangahulugan na lahat ng saloobin ay maaari nating sabihin o ibunyag.


Gayundin, hindi dapat basta-basta maghain ng paghahabla. Hindi sapat na sa hinala lamang tayo bumatay, kinakailangan na mayroong ebidensya ang ating bawat legal na pakay. Higit na pakatatandaan na mayroong mga rekisito ang ating batas na lampas sa makatuwirang pagdududa ang bawat krimen ay dapat mapatunayan. Kung hindi man magtagumpay sa pagpapatunay ang nag-aakusa, ang kanyang inaakusahan ay mapapawalang-sala.


Kaparehas na sitwasyon ang kinaharap ng taong paksa ng ating kuwento sa araw na ito, batay sa kasong People of the Philippines vs. Christoffer Joides Holgado y Algabre (CA-G.R. CR No. 45123, November 17, 2023). Ating tunghayan ang kanyang pinagdaanan at kung paano niya nakamtan ang inaasam-asam niyang kalayaan.


Si Christoffer ay sinampahan ng kasong cyber libel dahil sa paglabag sa Section 4(c)(4) ng Republic Act (R.A.) No. 10175.


Ang kaso ay nag-ugat sa isang post na ginawa diumano ni Christoffer noong Pebrero 21, 2019 sa Facebook, isang social media platform, ng mga mapanirang kataga na “KOTONGERO, CERTIFIED, #SUPERHULIDAP, KOTONG POSO, #ROY RINGON”, kalakip diumano ang larawan ng pribadong nagrereklamo na si Roy.


Si Roy ay isang kawani ng Public Order and Safety Office (POSO) sa Probinsya ng Laguna.


Batay sa bersyon ng tagausig, nalaman umano ni Roy ang ukol sa nasabing Facebook post nang ibalita ito sa kanya ng kanyang kaibigan at nang siya ay sarkastikong kantiyawan ng kanyang mga katrabaho ukol dito.


Ang may-akda umano ng naturang post ay isang “Kristian Alejar” at naiugnay umano ni Roy na ang inakusahan na si Christoffer dahil sa pagkakahalintulad ng mga pangyayari sa naturang post at sa pagkakahuli at pagkakabigay niya ng traffic citation ticket (TCT) kay Christoffer.


Si Christoffer lamang diumano ang nahuli ni Roy bago ang araw na mailathala ang naturang post.


Nakadagdag pa umano sa hinala ni Roy na iisa lamang si “Kristian Alejar” at si Christoffer dahil sa galit umano siyang pinuntahan ng ina ni Christoffer at ang pagpunit nito sa nasabing TCT.


Mariin namang itinanggi ni Christoffer na siya si “Kristian Alejar”. Wala umano siyang trabaho at wala siyang paraan upang makapag-post sa Facebook.


Noong naganap umano ang pagkaka-ticket sa kanya, marami ang nakakita at nakasaksi, kung kaya’t maaaring kahit na sino sa mga iyon ang nagpalathala ng naturang Facebook post.


Ayon din kay Christoffer, ang reklamo laban sa kanya ay maaaring bunsod umano ng ginawang pagkumpronta ng kanyang ina sa nagrereklamong opisyal. Kahit umano ang Hepe ng POSO ay pilit siyang pinaaamin sa harap ng kabuuan ng kanilang tanggapan, na siya ang “Kristian Alejar” na may-akda ng mapanirang lathala.


Sinuportahan ni Bb. Lim, kasintahan ni Christoffer ang depensa nito. Ayon kay Bb. Lim, kasama niya si Christoffer noong Pebrero 21, 2019 at wala umanong paraan si Christoffer upang makapag-internet, kahit makapag-Facebook, noong panahong iyon. Sapagkat, wala umanong telepono si Christoffer. Kahit umano sa telepono ni Bb. Lim, na payak lamang, ay hindi sila makapag-Facebook.


Matapos ang paglilitis sa kaso sa Regional Trial Court (RTC), nagpalabas ang hukuman ng hatol na pinapatawan si Christoffer ng fine na P40,000.00, na mayroong subsidiary imprisonment kung sakaling siya ay hindi makapagbayad.


Ipinag-utos din ng RTC ang pagbabayad ni Christoffer ng P50,000.00 bilang moral damages at P75,000.00 bilang attorney’s fees, na may pataw na 6% mula sa araw na maging pinal ang naturang hatol hanggang sa ang kabuuan ng mga ito ay mabayaran niya.


Para sa RTC, napatunayan umano ang identity ng inakusahan batay sa circumstantial evidence.


Hindi sumang-ayon si Christoffer sa nasabing desisyon, kung kaya’t siya ay naghain ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA). Para kay Christoffer, hindi umano napatunayan ng tagausig na siya ang may-akda ng mapanirang Facebook post.


Sa Desisyon na ipinalabas ng CA, ipinaalala nito ang kahalagahan ng pagpapatunay nang higit sa makatuwirang pagdududa o beyond reasonable doubt sa dalawang napakahalagang bagay; una, ang bawat elemento ng krimen; at ikalawa, ang pagkakakilanlan o identity ng taong gumawa ng krimen.


Sumang-ayon ang CA kay Christoffer na hindi napatunayan ng tagausig ang kanyang identity bilang may-akda ng krimen na cyber libel. Bagaman nailathala ang mapanirang post noong Pebrero 21, 2019 at ang pagkaka-ticket kay Christoffer ay nangyari bago ang nasabing paglalathala, hindi umano nangangahulugan na iisa ang tinutukoy na insidente.


Maaari umano na ang tinutukoy na insidente sa nasabing post ay naganap dalawa, tatlo, apat o higit pang mga araw bago ang naturang paglalathala.


Mayroon din umanong posibilidad na ibang tao na mayroong hinaing o sama ng loob kay Roy ang naglathala nito, isang bagay na hindi umano naisaalang-alang ng RTC. Hindi rin umano naisaalang-alang ng RTC na marami ang nakasaksi nang mabigyan ng ticket si Christoffer at nang maganap ang pagpupulong noong ipatawag siya ng Hepe ng POSO.


Kung kaya’t hindi umano maiaalis ang posibilidad na ibang tao ang naglathala sa ilalim ng pangalang “Kristian Alejar”.


Para rin umano sa CA, ang mga isinumite ng tagausig na Facebook screenshots ay hindi napatunayan alinsunod sa Rules on Electronic Evidence. Wala umanong katibayan kung paano ang mga ito nakuha, naitago at nailimbag. Hindi rin umano ito na-authenticate sa pamamagitan ng affidavit of evidence alinsunod sa Section 1, Rule 9 ng Rules on Electronic Evidence. Dahil dito, wala umanong silbi at halaga ang mga naisumite na screenshots at hindi umano maaaring tanggapin ang mga ito bilang ebidensya laban sa akusado.


Panghuli, hindi umano napatunayan ang malice na isa sa mga elemento ng ipinupukol na krimen laban kay Christoffer.


Dahil sa mga kakulangan na nabanggit na hindi lumampas sa pampuna ng appellate court, iginawad ng nasabing hukuman ang pagpapawalang-sala kay Christoffer.


Ang pabor na Desisyon na ibinaba ng CA ay naging final and executory noong Nobyembre 17, 2023.


Nawa ay magsilbing aral ang kaso na ito sa ating mga tagasubaybay na huwag magpadalus-dalos ng paghahabla. Batid namin na nais ng bawat nagrereklamo na makamit ang hustisya, pero ang reklamo na walang sapat na ebidensya ay malaking dagok at abala sa maling maaakusahan. Hindi dapat maranasan ninuman na siya ay maling maakusahan.a.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 26, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Ilang beses nang binaggit ng Korte Suprema na kapag ang ebidensya ay nagkaroon ng maraming interpretasyon – ang interpretasyon na sumusuporta sa konstitusyonal na pagpapalagay ng kawalang-kasalanan ng isang akusado diumano ang dapat mangibabaw.


Sa kuwentong hango sa kasong nahawakan ng aming tanggapan, ating silipin kung paano muling nagamit ang nasabing pamantayan sa pagkakaroon ng desisyon na siyang naging basehan sa pagpapawalang-sala ng kliyente na itago na lamang natin sa pangalan na Marichu.


Bilang pagbabahagi, sa kasong People vs. Mayor, pinal na natuldukan ang kaso ni Marichu noong ika-31 ng Enero 2024 nang magkaroon ng entry of judgement, kung saan siya ay pinawalang-sala sa kadahilanan na hindi napatunayan ng prosekyusyon ang obligasyon nito na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang higit sa makat’wirang pagdududa.


 Gayundin, pinal na natuldukan ang mga daing ni Marichu nang mapalaya siya.


Sa kasong ito, pormal na sinampahan si Marichu, noong ika-31 ng Disyembre 2021 ng kuwalipikadong pagnanakaw o qualified sa pamamagitan ng pagnanakaw ng P25,000.00 sa mag-asawang pinapasukan niya na itatago na lamang natin sa pangalan na G. at Gng. Mendoza.


Ayon sa bersyon ng prosekyusyon, kasambahay na diumano ng mag-asawang Mendoza si Marichu mula pa noong taong 2007.


 Si Marichu ay nakatira malapit kung saan nakatira ang mag-asawang Mendoza bilang kanilang kasambahay, Lunes hanggang Sabado sa oras na alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon naman ang pasok niya.


Ayon sa salaysay ng mag-asawang Mendoza, noong ika-1 ng Mayo 2021, bandang alas-5 ng hapon, kinailangan dalhin sa ospital si Gng. Mendoza. Dahil dito, naiwan ng mag-asawa ang mga susi sa bahay at kuwarto kay Marichu para pakainin ang kanilang alagang aso.


 Ang susi na ipinagkatiwala kay Marichu ay ang para sa main door at service door lamang. Gayunman, dahil sa pagmamadali naiwan nilang nakabukas ang kanilang kuwarto, kung saan nakatago ang kanilang mga pera.


Makalipas ang isang linggo, nadiskubre ng mag-asawang Mendoza ang kanilang nawawalang pera. Nang muling bumalik sa trabaho si Marichu, tinanong siya ng mag-asawa kung pumunta o pumasok ba siya sa kuwarto na agad namang itinanggi ni Marichu.


Gayunman, walang direktang CCTV sa ibabang palapag ng kanilang tahanan kung saan matatagpuan ang kanilang kuwarto, pero namataan naman sa CCTV sa terrace ang pagbaba ni Marichu.


Ang paliwanag ni Marichu ay gumamit lamang siya ng palikuran sa ibaba. Sa kabilang banda, ayon sa mag-asawang Mendoza, mayroong mas malapit at mas madaling mapuntahan na palikuran sa kanilang terrace kung saan nandu’n ang mga asong pinapakain ni Marichu at walang dahilan upang bumaba siya. Dahil dito, ayon sa prosekyusyon, sapagkat si Marichu lamang ang tao na pumasok sa kanilang tahanan bilang kasambahay at wala ng iba pang maaaring maging salarin sa pagkawala ng kanilang mga pera – malinaw na siya ang salarin sa pagnanakaw.


Sa kabilang banda, itinanggi ni Marichu ang mga akusasyon laban sa kanya.


 Ayon kay Marichu, umuwi siya agad matapos niyang pakainin ang mga aso noong ika- 1 ng Mayo 2021.


Noong ika-30 ng Agosto 2022, ibinaba ng mababang hukuman o ng Regional Trial Court ang kanilang naging paghuhusga kung saan ay hinatulan ang akusadong si Marichu sa kasong isinampa laban sa kanya na Qualified Theft. Dahil dito, umapela si Marichu sa Court of Appeals.


Tulad ng ating unang nabanggit, binaligtad ng Court of Appeals ang naging hatol na konbiksyon kay Marichu ng Regional Trial Court at tuluyang pinawalang-sala sa desisyon na naging pinal noong ika-31 ng Enero 2024.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, hindi napunan ng prosekusyon ang gampanin nito na patunayan ang pagkakasala ni Marichu nang higit sa makat’wirang pagdududa.


Ayon sa hukuman para sa mga apela – kapag ang ebidensya diumano ay maaaring magkaroon ng maraming interpretasyon – ang interpretasyon na susuporta sa konstitusyonal na pagpapalagay ng kawalang-kasalanan ng isang akusado diumano ang dapat mangibabaw.


Sa kasong ito, walang direktang ebidensya na nagtuturo na si Marichu ang kumuha sa mga pera na siya rin namang hindi napatunayan. Sa paghatol kay Marichu, nakadepende lamang ang mababang hukuman sa CCTV kung saan bumaba si Marichu kung saan maaaring matagpuan ang kuwarto ng mag-asawa na aniya ay ang lugar din kung saan nakatago ang kanilang mga pera.


Sa puntong nabanggit, hindi maalis na ang akto ni Marichu kung saan siya ay bumaba ng palapag sa tahanan kung saan siya nagsisilbi bilang kasambahay ay maaaring maipaliwanag ng maraming bagay na taliwas sa konklusyon ng pagnanakaw.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, hindi maitatanggi ang posibilidad na maaaring ginamit lamang ni Marichu ang palikuran sa ibaba; maaari rin na naglinis lamang siya ng kuwarto, o/at ang konklusyon na kinuha o ninakaw nga nito ang mga salapi ng mag-asawa.


Gayunman, sapagkat maaaring maipagpalagay o maipaliwanag ang nasabing ebidensya ng prosekusyon ng maraming pamamaraan, ang interpretasyon na mas pabor sa isang akusado ang dapat manaig alinsunod sa konstitusyonal na pagpapalagay na walang sala.


Samakatuwid, dahil sa mga namuong duda sa pagkakasala ni Marichu, siya ay pinawalang-sala ng hukuman para sa mga apela.


 Muli, pinagtibay ng kaso na ito ang pamantayan sa mga kasong kriminal na ang pagkakasala ng akusado ay dapat mapatunayan nang higit sa makat'wirang pagdududa.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 17, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Sa bawat reklamo at dinudulog na kaso, laging mayroong dalawang panig na sadyang hindi magkasundo. Mahirap ang ganitong sitwasyon sapagkat ang bawat isa sa kanila ay mayroong iginigiit at hustisya ay kapwa nila nais makamit.


Ngunit sino nga ba ang higit na dapat paniwalaan sa pagitan ng dalawang tila bato na nag-uumpugan? Kaninong daing ba ang higit na dapat mapakinggan? Anuman ang kasagutan, ang batas ay nararapat manaig sa pagtimbang ng kat’wiran ng dalawang panig.Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Rolando Dimailig y Recto (CA G.R. CR NO. 47760, January 16, 2024), ay tungkol sa bintang ng isang biktima na wala pa sa hustong gulang. Giit naman ng inakusahan, siya ay walang kasalanan. 


Ating tunghayan kung paano itong pinal na dinesisyunan ng ating hukuman.Ang biktima sa kasong nabanggit ay si AAA, 9-anyos umano siya nang mangyari ang insidente na naging sanhi upang siya ay maghain ng reklamo laban sa akusadong si Rolando. Alas-8 ng gabi, noong Disyembre 29, 2009, inutusan si AAA ng kanyang ina na pumunta sa tindahan upang bumili ng asukal at sabon. Ngunit hindi umano nakabili si AAA. Umuwi siyang balot ng takot dahil siya umano ay niyakap at hinawakan ang kanyang puwitan ng isang lalaking lasing na nakaputing t-shirt, na kalaunan ay kinilala bilang si Rolando.


Nang malaman ng mga magulang ni AAA ang pangyayaring iyon agad silang nagpunta sa tindahan. Naabutan na nilang palayo sa tindahan si Rolando, na agad nilang kinumpronta. Pero sa gitna umano komprontasyon, hinimatay at nawalan ng malay si AAA.


Sa naging pagsusuri ng isang pribadong doktor kay AAA, na-diagnose siya na mayroong “Traumatic Stress Syndrome. ”Kalaunan, sinampahan si Rolando ng kasong Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Section 5(b), Article II ng Republic Act (R.A.) No. 7610.


Bagama’t iginiit ni Rolando na siya ay walang kasalanan, hatol na conviction ang ibinaba ng Regional Trial Court na kung saan siya ay pinatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa 10 taon at 1 araw hanggang hindi hihigit sa 17 taon, 4 na buwan at 1 araw, pinagbabayad din siya sa biktima ng P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang exemplary damages, na may pataw na 6% interest mula sa araw na maging pinal ang naturang hatol hanggang sa ang kabuuan ng mga ito ay mabayaran niya.Agad na naghain si Rolando ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA) upang kuwestyunin kung tama ang naging hatol laban sa kanya. Para kay Rolando, hindi umano naging sapat ang ebidensya ng tagausig laban sa kanya.Sa muling pagsisiyasat sa kasong kriminal na isinampa laban kay Rolando, ipinaalala ng CA ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katibayan na higit sa makatuwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt laban sa akusado. 


Binigyang-diin ng CA na obligasyon ng panig ng tagausig na patunayan ang kasalanan ng akusado. Hindi umano kailangan na patunayan ng akusado ang kanyang kawalan ng kasalanan sapagkat ito ay ipinagpalagay na ng batas. Kaugnay nito, ang tagausig ay maaari lamang umasa sa lakas ng sarili nitong ebidensya at hindi umano dapat umasa ang tagausig sa kahinaan ng depensa ng akusado. 


Ang mga tuntuning ito ay bunga umano ng pangunahing karapatan ng bawat akusado na nakasaad mismo sa ating Saligang Batas, na maipagpalagay na inosente sa krimen, maliban na lamang kung ang kanilang pagkakasala ay mapatunayan sa hukuman. Partikular na nakasaad sa Section 14 (2), Article III ng ating 1987 Constitution: 


“(2) In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, and shall enjoy the right to be heard by himself and counsel, to be informed of the nature and cause of the accusation against him, to have a speedy, impartial, and public trial, to meet the witnesses face to face, and to have compulsory process to secure the attendance of witnesses and the production of evidence in his behalf. However, after arraignment, trial may proceed notwithstanding the absence of the accused provided that he has been duly notified and his failure to appear is unjustifiable.”


Sa muling pag-aaral at masusing pagsisiyasat ng appellate court, nabuo umano ang pagdududa sa kanilang isipan kung si Rolando nga ba ang yumakap at humawak sa puwitan ni AAA. Sa testimonya umano ni AAA, bagaman tiyak ang naturang biktima na matandang lalaki na naka-puting t-shirt ang yumakap at humawak sa kanyang puwitan, hindi umano niya nakita kung sino ang nasabing lalaki sapagkat siya umano ay nakaharap sa ibang direksyon noong nangyari ang insidente at agad din siyang tumakbo pauwi sa kanilang bahay upang magsumbong sa kanyang mga magulang. 


Ipinahayag din umano ni AAA na hindi niya kilala si Rolando bago mangyari ang insidente. Nakilala na lamang niya umano ito noong sila ay nasa himpilan na ng pulis.Nakadagdag din sa pagdududa sa isipan ng CA ang kawalan umano ng pagpapatunay na si AAA lamang at ang sinasabing lalaki ang naroon nang mangyari ang insidente. Bagaman lasing na lalaki ang umano'y nanghipo sa biktima, hindi umano napatunayan na lasing si Rolando noong siya ay arestuhin ng mga barangay tanod. Wala rin umanong katibayan ang panig ng tagausig na dinala nga si Rolando sa himpilan ng pulisya matapos na siya ay arestuhin ng mga barangay tanod.


Ang mga butas sa ebidensya ng tagausig ang nagdulot ng pagdududang nabanggit, ito ang naging basehan upang ipawalang-sala ng CA si Rolando. Ipinaliwanag ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Associate Justice Eleuterio L. Bathan ng 13th Division: 


“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved. He is entitled to an acquittal unless his guilt is shown beyond reasonable doubt. Proof beyond reasonable doubt does not mean such a degree of proof as excluding the possibility of error, produces absolute certainty. Moral certainty only is required, or that degree of proof produces conviction in an unprejudiced mind.As held in several cases, when the guilt of the accused has not been proven with moral certainty, the presumption of innocence of the accused must be sustained and his exoneration be granted as a matter of right. The prosecution’s evidence must stand or fall on its merit and cannot be allowed to draw strength from the weakness of the evidence for the defense.”


Ang nabanggit na pabor na desisyon ng CA kay Rolando ay naging final and executory noong Enero 16, 2024.


Tumagal man ng higit sa 14 na taon ang pagdinig sa kaso, pasasalamat pa rin ang naramdaman ng aming tanggapan na nagtanggol kay Rolando, sapagkat ang hustisya na matagal niyang inasam ay naihatid na rin sa kanya nang walang pag-aagam-agam. Nailaban ang kanyang karapatan, kahit pa siya ang inakusahan. Ito naman ay nararapat lamang upang lubos na umiral ang katarungan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page