top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 29, 2024

Nakasaad sa ating Saligang Batas ang mga rekisito para sa pag-isyu ng isang search warrant.


Ayon sa Korte Suprema, ang search warrant na hindi istriktong sumunod sa alituntunin na nakasaad sa ating konstitusyon ay null and void o walang bisa. Dahil dito, ang nasamsam na mga bagay mula sa akusado na bunga ng isang illegal na search warrant ay hindi maaaring gamitin, at maging dahilan ng pagkakakulong ng akusado nang walang legal na basehan.


Ating silipin ang kasong hawak ng ating tanggapan, at kung paano natulungan ng nasabing doktrina ang isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Paul”.


Bilang pagbabahagi, sa kasong People v. Bañaga, pinal na natuldukan ang kaso ni Paul noong ika-30 ng Enero 2024, nang magkaroon ng entry of judgement kung saan siya ay pinawalang-sala sa kasong isinampa laban sa kanya na aniya ay paglabag sa Republic Act Number 10591, o mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.


Sa kasong ito, pormal na sinampahan si Paul noong ika-27 ng Oktubre 2020 sa pagkakaroon ng armas, tulad ng baril nang walang karampatang dokumento na hawak.


Ayon sa bersyon ng prosekyusyon, noong ika-9 ng Oktubre 2020, nag-isyu ang Firearms and Explosives Office ng isang sertipikasyon na sinasabing si Paul ay wala diumanong lisensiya sa baril. Kasunod nito, noong ika-22 ng Oktubre ng kaparehang taon, nag-isyu ng search warrant si Judge Mamaril, hindi niya tunay na pangalan, kung saan parte nito ay nakasaad “is in possession or control at his residence in barangay ___ bayan ng ____ ”.


Ang nasabing search warrant ay nakatakdang ipatupad sa ika- 26 ng Oktubre 2020.


Dumating sa tahanan ni Paul ang mga otoridad noong araw na nabanggit upang aniya ay ipatupad ang nasabing search warrant. Matapos kumatok ang mga otoridad sa pintuan ay pinagbuksan sila ni Paul. Ipinaliwanag ng mga otoridad na sila ay mga miyembro ng kapulisan at may dala silang search warrant na kanilang ipinaliwanag kay Paul. Binanggit din ng otoridad na magsisimula sila kapag dumating na ang dalawang opisyal ng barangay upang masaksihan ang kanilang paghahanap.


Alas-5:30 ng madaling araw, dumating ang nasabing mga opisyal ng barangay at nagsimula na ang mga otoridad sa paghahanap alinsunod sa nasabing search warrant.


Sa ikalawang kuwarto ng tahanan ay may natagpuan silang itim na bag na matatagpuan sa ilalim ng higaan. Sa loob ng nasabing itim na bag ay natagpuan ang isang baril. Tinanong ng mga otoridad si Paul kung mayroon ba siyang lisensiya o mga karampatang dokumento para hawakan ang nasabing baril, ngunit wala itong naipakita.


Matapos ang  2 oras o alas-7:30 ng umaga, natapos ang paghahanap ng mga otoridad. Matapos ang marking at inventory ng nakumpiskang baril –  isinama rin si Paul sa istasyon ng pulis.


Sa kabilang banda, iginiit ni Paul ang mga nabanggit na pangyayari at akusasyon.


Aniya, bigla  na lang siyang pinosasan matapos niyang pagbuksan ng pinto ang mga kumakatok. Hindi rin diumano siya pinahintulutan na masaksihan ang paghalughog sa kanyang tahanan.


Ayon sa kanyang kapatid, na itago na lamang natin sa pangalang Nesie, una diumano niyang narinig ang isa sa mga pulis na wala aniya silang nakita. Subalit nang mapansin siyang sumisilip ay pinaalis at pinalabas ito ng kuwarto. Maya-maya lamang ay bigla na lamang may natagpuang baril sa ikalawang kuwarto ng bahay ng kanyang kapatid.


Matapos ang paglilitis, ibinaba ng mababang hukuman o ng Regional Trial Court (RTC) ang kanilang naging hatol kung saan ay sinabi ng hukuman na "guilty" ang akusadong si Paul sa kasong isinampa laban sa kanya.


Tulad ng ating unang nabanggit, binaligtad ng Court of Appeals ang naging hatol kay Paul ng Regional Trial Court at tuluyang pinawalang-sala sa desisyon na naging pinal noong ika-30 ng Enero 2024.


Ayon sa hukuman para sa mga apela, hindi napunan ng prosekyusyon ang gampanin nito na patunayan ang pagkakasala ni Paul nang higit sa makatwirang pagdududa dahil sa malinaw na paglabag ng ating Saligang Batas patungkol sa pag-isyu at pagpapatupad ng isang search warrant.


Nakasaad sa ating Saligang Batas: “Karapatan ng taumbayan na magkaroon ng kapanatagan ang kanilang sariling pamamahay, papeles, at mga bagay-bagay laban sa hindi makat’wirang paghahalughog at pagsamsam ng anumang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog o warrant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasya ang hukom matapos masiyasat ang may habla at ang mga testigong maihaharap sa ilalim ng panunumpa.”         


Gamit ang nasabing probisyon ng ating Saligang Batas, at matapos mapatunayan na walang naging sapat na batayan o rekord si Judge Mamaril sa pag-isyu ng search warrant at ang malinaw na kakulangan ng search warrant na espisipikong lugar na hahalughugin –  taliwas sa nabanggit na probisyon ng Saligang Batas – ang nasabing search warrant ay null and void diumano o walang bisa.


Sa kaso ni Paul, walang ebidensiyang naipakita ang prosekyusyon na may complainant o/at mga testigo na nagbigay ng salaysay, o/at mga dokumento na naging pamantayan si Judge sa pag-isyu ng search warrant.


Bukod pa rito, ang paglalarawan sa lugar na hahalughugin kung saan nakasaad lamang ay “at his residence o sa kanyang tahanan” ay hindi rin espisipiko.


Bukod sa naging depekto sa pag-isyu ng search warrant, kapansin-pansin din ang hindi regular at maling implementasyon ng nasabing warrant nang hindi pinayagan ng mga otoridad si Paul o sinuman sa kanyang mga kasama sa bahay noong mga panahon na masaksihan ang nasabing paghahalughog.


Dahil sa mga nabanggit, hindi napatunayan ang pagkakaroon ng nasabing illegal na armas o baril, sapagkat anuman ang bunga ng walang bisang search warrant ay hindi maaaring magamit sa anumang hukuman.


Alinsunod sa mga kadahilanan na ito, hindi napunan ng prosekyusyon ang gampanin nito na patunayan ang pagkakasala ni Paul nang higit sa makat’wirang pagdududa.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 21, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Napakahirap na mapagbintangan sa krimen na wala ka namang kinalaman. Ang katahimikan ay mawawala sa isang iglap, hukay ng iyong kalayaan ang sa iyo ay haharap.


Mabuti na lamang at mayroon tayong hukuman na titimbangin ang lahat upang maihatid ang katarungan. Sapagkat walang sinuman ang dapat malagay sa piitan kung ang kanyang kaugnayan sa krimen ay hindi napatunayan.


Ang batayang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito na hawak ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. Benjamin Mella y Sandig (CA-G.R. CR HC NO. 14488, April 16, 2024, Ponente: Honorable Court of Appeals Associate Justice Alfonso C. Ruiz II [3rd Division]), ay isang halimbawa para sa mga inaakusahan na hindi dapat mawalan ng pag-asa.


Darating ang araw na makakamtan n’yo rin ang karapat-dapat na katarungan.Si Benjamin ang paksa ng nasabing kaso. Siya ay sinampahan ng kasong Simple Arson na paglabag sa Section 1 ng Presidential Decree (PD) No. 1613.


Batay sa information na inihain laban sa kanya, sinunog umano ni Benjamin ang dalawang bahay na matatagpuan sa Aroroy, Masbate. Ang isa ay pagmamay-ari ni Boberto habang ang isa ay pagmamay-ari ni Mary Joy. Ang kabuuang pinsala na tinamo ay nagkakahalaga ng P320,000.00.


Agosto 30, 2009, nang mangyari ang insidente, pero noong Disyembre 7, 2015, lamang naaresto at nailagay sa kustodiya ng pulis si Benjamin.Batay sa bersyon ng tagausig, nasa kanyang bahay si Mary Joy, noong hapon ng Agosto 30, 2009.


Pinuntahanan umano siya ng kanyang kapatid na si Boberto at ibinalita na tumakas si Benjamin sa piitan at kasalukuyang nakikipag-inuman sa kanilang kapitbahay. Si Benjamin umano ang pumaslang sa kanilang panganay na kapatid.


Makalipas ang ilang oras, napansin ni Mary Joy na lumipat ng bahay na pinag-iinuman sina Benjamin. Bandang alas-6 ng gabi, habang siya ay naghuhugas sa kanilang kusina, sumilip si Mary Joy sa isang butas at nakita niya si Benjamin na umiihi sa likod-bahay ng kanyang kapitbahay.


Naiilawan diumano ang naturang lugar kung kaya’t malinaw na nakita ni Mary Joy si Benjamin. Narinig din niya na sinabi ni Benjamin, “Buwas may paglalamayan gayud” o “Bukas ay mayroong paglalamayan.” 


Dahil sa takot na manakit si Benjamin, nilisan ng pamilya ni Mary Joy, kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Jobert at ang pamilya nito, pansamantala silang tumuloy sa bahay ng kanilang mga magulang na may sampung metro ang layo mula sa kanilang bahay. Bandang alas-10 ng gabi, nakarinig na umano si Mary Joy ng mga sigaw na nasusunog na ang kanilang bahay.


Sinubukan umano nilang humingi ng tulong, subalit walang sumaklolo sa kanila, sapagkat natatakot din ang mga otoridad kay Benjamin. Kinabukasan, nakita na lamang ni Mary Joy na sunog na ang kanilang tahanan.


Sa kanyang cross-examination, sinabi diumano ni Mary Joy na hindi niya nakita na sinunog ni Benjamin ang kanilang bubong na gawa sa anahaw, ngunit sinabi umano ito sa kanya ni Boberto. Ang lahat ng kanilang pag-aari ay natupok sa sunog, ngunit wala na silang katibayan ng halaga ng tinamong pinsala.


Tumestigo rin para sa tagausig si SPO2 Pusing, ang Municipal Fire Marshal ng Aroroy Fire Station. Sa imbestigasyon ay lumabas umano na sinadya ang panununog. May nakita pang mga pinatuyong tangkay ng niyog na ginamit umano ng inakusahan upang sunugin ang mga nasabing bahay.


Mariing pagtanggi at alibi ang naging depensa ni Benjamin. Ayon sa kanyang testimonya, siya ay nasa Antipolo, sa kustodiya ng isang “Sergeant Cabasbas” bago o pagkatapos ng Agosto 30, 2009.


Hindi umano siya pumunta sa barangay na pinangyarihan ng insidente. Inamin din ni Benjamin na siya ay nakulong dahil sa kasong Murder at pumuga noong Agosto 30, 2009. Gayunman, guilty beyond reasonable doubt sa krimen na Simple Arson ang ibinaba ng Regional Trial Court (RTC).


Pinatawan si Benjamin ng parusa na reclusion perpetua at pinagbabayad ng P300,000.00 bilang temperate damages, P50,000.00 bilang moral damages at P30,000.00 bilang exemplary damages, na mayroong anim na 6% bawat taon hanggang sa mabayaran ang kabuuan ng mga ito.


Naghain ng apela sa Court of Appeals (CA) si Benjamin. Iginiit niya na hindi umano napatunayan ng tagausig ang elemento ng krimen na intensyonal na panununog pati na ang pagkakakilanlan ng gumawa ng krimen.


Ibinatay lamang din umano ng RTC ang hatol nito sa marahil ay hindi totoo o improbable na testimonya ng mga saksi ng tagausig.Iginiit din ni Benjamin sa kanyang Appellant’s Brief na hindi napatunayan ng tagausig ng lampas sa makatuwirang pagdududa na siya ang may-akda ng krimen.


Maliban umano sa narinig ni Mary Joy na, “Bukas ay mayroong paglalamayan,” wala na umanong ibang ebidensya na magtuturo na siya ang gumawa ng panununog. Hindi rin umano dapat gawing batayan ang ginawang imbestigasyon kaugnay sa panununog, sapagkat tanging ang panig ng nagrereklamo lamang ang kinuhanan ng panayam ng mga nag-imbestiga at ang mga ito umano ay mayroong motibo na paratangan siya, sapagkat siya ang kanilang pinagbibintangan na pumaslang sa kanilang kapatid.


Matapos ang masusing pag-aaral, nakitaan ng CA ng merito ang apela ni Benjamin. Ayon sa appellate court, hindi umano napatunayan ng tagausig ng higit sa makatuwirang pagdududa na si Benjamin ang may-akda ng panununog.


Napuna rin ng CA na walang direktang ebidensya, at umasa ang tagausig sa circumstantial evidence. Gayunman, hindi umano sumapat ang ebidensya na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman alinsunod sa hinihingi sa ilalim ng Section 5, Rule 133 ng Rules of Court. Una, bagaman nakita umano ni Mary Joy si Benjamin sa lugar na pinangyarihan ng insidente bago ito naganap, at ang pagkakakulong nga ni Benjamin dahil sa bintang na pamamaslang sa kapatid ni Mary Joy ay maaaring magdulot ng haka-haka na si Benjamin ang gumawa ng panununog, hindi umano sapat ang mga ito upang masabi na si Benjamin nga ang gumawa ng krimen. Ikalawa, ang ipinrisinta umanong ebidensya ng tagausig ay patungkol lamang sa mga naganap bago at matapos ang panununog. 


Ikatlo, bagaman sinabi ni Mary Joy na naroon si Benjamin sa kanilang lugar, wala umanong ibang tumestigo na nakita nga si Benjamin nang magsimula ang sunog. Sa katunayan, wala umanong iba pang tumestigo na nakita nila si Benjamin, noong araw ng insidente.


Bagaman mayroon umanong iba pang mga nagsumite ng kanilang sinumpaang-salaysay na pinaparatangan si Benjamin sa krimen, kabilang na si Boberto, hindi umano tumestigo ang mga ito sa pagdinig sa hukuman.


Kung mayroon man, hinala lamang umano ang naitaguyod ng mga ebidensya ng tagausig. Ipinaalala ng CA, ang hinala ay hindi sasapat upang hatulan ang akusado dahilan sa proof beyond reasonable doubt ang kinakailangan mapatunayan sa hukuman.


Binigyang-diin ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfonso C. Ruiz II ng 3rd Division, ang kahalagahan ng pagpapawalang-sala sa akusado kung mayroong makatuwirang pagdududa sa kanyang kasalanan, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong People v. Santos, (G.R. No. 127500, June 8, 2000):


“Our ruling to acquit does not hold a corollary upholding of the credibility of the testimony of accused-appellant. The basis of the acquittal is reasonable doubt, which simply means that the evidence of the prosecution was not sufficient to sustain the guilt of accused-appellant beyond the point of moral certainty. Proof beyond reasonable doubt, however, is a burden particular to the prosecution and does not apply to exculpatory facts as may be raised by the defense; the accused is not required to establish matters in mitigation or defense beyond a reasonable doubt, nor is he required to establish the truth of such matters by a preponderance of the evidence, or even to a reasonable probability. An acquittal based on reasonable doubt will prosper even though the accused's innocence may be doubted, for a criminal conviction rests on the strength of the evidence of the prosecution and not on the weakness of the defense.”


Ang ibinabang desisyon ng CA na nagpapawalang-sala kay Benjamin ay naging final and executory noong ika-16 ng Abril 2024.


Nawa’y magsilbing aral ang kasong ito na kung tayo ay mambibintang, siguraduhin na mayroon tayong sapat na ebidensya sa bawat paratang. Hindi natin iniaalis na makamtan ng nag-aakusa ang katarungan na ninanais.


Subalit, kapalit ng bawat bintang ay ang posibilidad ng kawalan ng kalayaan ng inaakusahan. Kung kaya’t upang masiguro na sa kaso ay mananalo, matibay na ebidensya ang isumite ng nagrereklamo sa husgado. Kung ang may-akda ng krimen ay hindi mapatunayan nang higit sa makatuwirang pagdududa, ang inakusahan ay mapapawalang-sala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 14, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Ang batas ay hindi letra o salita na susundin lamang kung kailan natin naisin. 


Sa bawat araw at oras, ito ay dapat tupdin. Ang pagpapatupad sa nilalaman ng batas ay hindi lamang ipinag-uutos sa mga karaniwang mamamayan, dahil lahat dapat ay sumunod, kahit pa alagad ng batas. 


Maaari ngang sabihin na higit na inaasahan ang kapulisan sa pagsunod sa batas dahil bahagi na ito ng kanilang mandato. 


Ang aming ibabahagi sa araw na ito ay isang kaso muli na hawak ng aming tanggapan, ang  People of the Philippines vs. Benbenido Balla y Glipone (CA-G.R. CR-HC No. 15891). Sa panulat ni Honorable Associate Justice Maximo M. De Leon ng Special 6th Division ng Court of Appeals. 


Ito ay tungkol sa pagpapawalang-sala sa inakusahan dahil sa kapuna-punang pagkukulang sa pagsunod ng mga kapulisan sa batas. Makikita rin dito na para sa hukuman, hustisya ang dapat manguna.


Si Ben ay naharap sa patung-patong na reklamo na mayroong kaugnayan sa paglabag sa Republic Act (R.A.) No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 


Tatlo ang information na inihain laban sa kanya kaugnay sa paglabag sa Section 5, Article II ng nasabing batas dahil umano sa pagbebenta ng methamphetamine hydrochloride o shabu, at isang information ang inihain laban sa kanya para sa paglabag sa Section 11 ng parehong batas dahil umano sa possession ng naturang droga.


Batay sa bersyon ng tagausig, binuo diumano ang isang pangkat na magsasagawa ng buy-bust operation sa Lungsod ng Quezon, bunsod ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI). 


Si PCpl. Nuñez ang naatasan na tumayo bilang poseur buyer sa gagawing operasyon.

Alas-10:45 ng gabi, noong Marso 30, 2020, sa utos umano ng mga pulis ay tinawagan ni RCI si Ben at kanilang napagkasunduan na bibili si PCpl. Nuñez kay Ben ng shabu na nagkakahalaga ng P6,500.00. 


Inutos umano ni Ben kay RCI na pumunta sa Barangay Kaligayahan, Lungsod ng Quezon.


Noong Marso 31, 2020, alas-12:30 ng hatinggabi, nagtungo ang pangkat sa napagkasunduang lugar. Dumiretso umano si PCpl. Nuñez at RCI sa isang apartment kung saan nakita nila ang dalawa lalaki at isang babae na sina Rimando, Dagul at Aye. 


Ipinakilala umano ni RCI kay Ben si PCpl. Nuñez na siyang bibili ng shabu. 


Kinuha umano ni Ben ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu mula sa kanyang pouch, at iniabot ito kina Rimando at Dagul. 


Ang sachet na iniabot kay Dagul ay binigay niya umano kay Aye. Nang hingin ni Ben ang kabayaran, iniabot ni PCpl. Nuñez ang isang tunay na P500.00 at anim na pekeng salapi, na inilagay umano ni Ben sa kanyang pouch. 


Sinabihan din ni Ben sina Rimando at Dagul na kinabukasan ng hapon na niya kukunin ang kanilang bayad.


Matapos ang naging palitan, tinawagan ni PCpl. Nuñez ang kanilang team leader at ibinigay ang hudyat na tapos na ang transaksyon. 


Sa puntong iyon, inaresto ni PCpl. Nuñez si Ben, nagpakilala na siya ay isang pulis, ipinaalam ang dahilan ng pag-aresto at ang mga karapatan ni Ben sa ilalim ng Saligang Batas. 


Ang mga police backup naman ang umaresto kina Rimando, Dagul at Aye. 

Kinuha mula kay Ben ang kanyang pouch na naglalaman ng apat na sachet na pinaghihinalaang shabu, buy-bust money, isang cellular phone at isang digital na timbangan.


Sina Barangay Kagawad Gabito at Ginoong Tobia, na kinatawan mula sa media, ang sumaksi sa pagmamarka, pag-iimbentaryo at pagkuha ng mga larawan na agad naman umanong pinadala sa PNP National Headquarters Crime Laboratory para sa kaukulang pagsusuri na kalaunan ay nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride. 


Ang mga naaresto ay sumailalim sa pisikal na pagsusuri. Si Ben at Rimando ay nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.


Para naman sa depensa, tanging ang inakusahan na si Ben lamang ang tumayong saksi, at mariing pagtanggi ang iginiit niya. 


Batay sa kanyang testimonya, alas-10:00 ng gabi, noong Marso 30, 2020, nagpapahinga umano siya sa kanyang bahay nang mayroong kumatok sa kanilang pintuan. Nang buksan niya ito, bigla na lamang umano siyang hinawakan ng apat na lalaki habang pinagsusuntok sa tiyan at inutusan na dumapa sa sahig. 


Hinahanap umano ng mga naturang lalaki ang isang nagngangalang “Noli”. Matapos galugarin ang kanyang bahay, pinalabas umano si Ben at isinakay sa isang sasakyan at pilit ipinatuturo kung saan naroon si Noli. 


Matapos nu’n ay dinala umano siya sa isang bahay kung saan mayroong inilatag na mga gamit. 


Kasama niya sa nasabing bahay ang ilang tao na tila naaresto at doon diumano sila ay kinuhaan ng mga larawan, matapos nu’n ay sumailalim umano siya sa pagsusuri at inquest proceedings.


Nagbaba ng hatol ang Regional Trial Court (RTC) na may sala umano si Ben sa paglabag sa Section 5 at Section 11, R.A. No. 9165.


Hindi sang-ayon si Ben sa nasabing desisyon, kaya agad na naghain si Ben ng apela sa Court of Appeals (CA). 


Iginiit niya na hindi balido ang ginawang pag-aresto sa kanya at hindi rin umano napanatili ng mga umarestong pulis ang integridad at evidentiary value ng mga ebidensya na ginamit laban sa kanya.


Sa muling pag-aaral ng CA sa kaso ni Ben, ipinahayag ng appellate court na balido ang naging pag-aresto sa kanya. Gayunman, napuna ng CA na hindi umano sumunod ang kapulisan sa itinakda ng batas. 


Ipinaalala ng CA na dahil Marso 31, 2020, naganap ang ibinibintang na krimen laban kay Ben, R.A. No. 10640, ang batas na nag-amyenda sa Section 21 ng R.A. No. 9165 mula Agosto 7, 2014, ang dapat ipinatupad. 


Kaugnay nito, binigyang-diin ng CA na sa paglilitis ng kaso patungkol sa iligal na bentahan ng ipinagbabawal na gamot, kinakailangan na mayroong katibayan ng naganap na transaksyon, at pagpepresenta sa hukuman ng nakalap na ipinagbabawal na gamot. 


Sa paglilitis naman ng kaso patungkol sa iligal na pagkakaroon o possession ng ipinagbabawal na gamot, kinakailangan umanong mapatunayan na ang ipinagbabawal na gamot ay nasa possession ng akusado, ang naturang possession ay hindi pinahihintulutan ng batas. Panghuli, malaya at kusang alam ng akusado na mayroon siyang ipinagbabawal na gamot. 


Sa mga ganitong uri ng kaso, napakahalaga ang pagtalima sa tuntunin ng unbroken chain of custody na nakasaad sa Section 21 ng R.A. No. 9165. 


Kinakailangan na walang-patid ang pagsasalin ng kustodiya ng nakalap na ebidensya, mula sa punto na makumpiska ang mga ito, sa pagdala sa laboratoryo, hanggang sa maipresenta ang mga ito sa hukuman.


Napuna umano ng CA sa kaso ni Ben na bagaman sumaksi sa pagmamarka, pag-iimbentaryo at pagkuha ng mga larawan ang kagawad ng barangay at kinatawan ng media, dumating lamang umano sila matapos nang maaresto si Ben; wala umano ang mga ito sa lugar o malapit sa pinangyarihan ng operasyon noong ginaganap ito. 


Sa testimonya ni PCpl. Nuñez, nabanggit nito na walang naging paunang koordinasyon sa barangay ang kanilang pangkat. Hindi umano lubos na maisip ng appellate court kung bakit nagkaroon ng pagkukulang ang mga pulis gayung alam nila na mahalaga ang presensya ng mga pangunahing saksi habang nagaganap ang operasyon. 


Dagdag pa rito, wala rin umanong ibinigay na makatuwirang dahilan ang umarestong pulis kaugnay sa kanilang naging pagkukulang.


Ang mga kapansin-pansing butas na nabanggit ang nagdulot ng makatuwirang pagdududa sa isip ng CA ukol sa integridad ng ebidensya na ginamit laban sa inakusahan. Dahil dito, nagbaba ng desisyon ang CA na ipinapawalang-sala si Ben.


Muling ipinaalala ng CA, sa pamamagitan ni Honorable Associate Justice De Leon, ang bahagi ng ipinahayag ng Korte Suprema sa kasong Michael Tañamor y Acibo v. People of the Philippines (G.R. No. 228132, Marso 11, 2020, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa):


“[T]he vigor of the campaign against illegal drugs is perhaps rivaled only by the number of allegations of illegal seizures and baseless arrests, with the situation reduced to a zero-sum game. At this point, perhaps the Court may well begin to take due notice of the fact that the idea of ‘substantial compliance’ in drug enforcement may be a spectrum of degrees of conformities that have, in far too many instances, negated the general rule of compliance, so that in the end, for purposes of protecting the rights of the accused and the trustworthiness of the prosecution, no degree is ‘compliant enough’ until it is only but full adherence to the letter and spirit of the law.”


Ang nasabing desisyon ng CA ay naging final and executory noong Oktubre 19, 2023.


Tunay ngang ang batas ay walang kinikilingan. Nangangailangan ng sapat na ebidensya upang mapatunayan ang pagkakasala ng isang nasasakdal. Maaaring ang isang krimen ay nangyari subalit dapat sapat ang pruweba ng prosekusyon upang patunayan ang pagkakasala ng nasasakdal dahil sa ating batas may karapatan din ang nasasakdal na mapawalang-sala lalo na kung hindi sapat ang ebidensyang nailatag laban sa kanya.


Bagaman tungkulin ng hukuman na magbaba ng hatol at magpataw ng parusa sa sinumang lalabag sa ating batas, patuloy nilang kikilalanin at pahalagahan ang karapatan ng bawat akusado na maipagpalagay na inosente sa krimen hanggang ang pagkakasala ng mga ito ay mapatunayan ng higit sa makatuwirang pagdududa. Kahit katiting na pagdududa sa isang akusado ay maaaring magpawalang-sala sa kanya sapagkat higit na mamarapatin ng hukuman na ipawalang-sala ang isang tao na napagbintangan kaysa siya ay hatulan kung ang kanyang pagkakasala ay hindi naman lubos na napatunayan. 


Sa biglang tingin, ang katiting na pagdududang ito ay maliit na bagay, ngunit ang maliit na bagay na ito ay makapagliligtas sa isang akusado sa pagdaing nang tila wala nang katapusan sa madilim na piitan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page