top of page
Search

ni Lolet Abania | October 7, 2021



Inaprubahan na ng bansa ang aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) bilang antibody treatment ang Ronapreve kontra-COVID-19.


Sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) director-general Dr. Eric Domingo na nag-isyu ang ahensiya ng EUA sa Ronapreve bilang gamot na maaari lamang gamitin sa mga mild hanggang moderate COVID-19 cases para sa edad 12 at pataas.


“It’s the first one that has been granted an EUA sa atin na for treatment. Others are being used sa compassionate special permit, ang iba old drugs na may certificate of product registration na,” ani Domingo sa isang interview.


Ang Japan, unang bansa na ganap na inaprubahan o fully approve ang Ronapreve bilang antibody treatment para sa mga pasyenteng may mild hanggang moderate COVID-19.


Ayon sa isang Agence France-Presse report, “Phase 3 trials showed that the antibody cocktail dramatically reduced the likelihood that mild or moderate COVID-19 patients would develop into serious illness causing hospitalization or death.”


Ang Ronapreve ay dinibelop ng dayuhang biotechnology firms na Regeneron at Roche. Bukod sa Japan at Pilipinas, inaprubahan na rin para sa emergency use o temporary pandemic use ang Ronapreve ng ilang mga bansa kabilang na ang European Union, United States, India, Switzerland, at Canada.


 
 

ni Lolet Abania | October 6, 2021



Isasagawa ang pilot vaccination ng mga kabataan na edad 12 hanggang 17-anyos na may comorbidities sa walong ospital simula Oktubre 15.


Ang mga ospital na napiling mag-administer ng COVID-19 vaccine sa mga menor-de-edad na may comorbidities ay Makati Medical Center, St. Luke’s Hospital, Philippine Children Medical Center, National Children's Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center at Philippine General Hospital.


Naglabas na rin ang Department of Health (DOH) ng list ng 11 medical conditions para maging eligible ang mga kabataan sa pagbabakuna kontra-COVID-19.


Sinabi naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga bata na magpapabakuna ay kinakailangang may clearance mula sa kanilang mga doktor kasabay ng pagbibigay ng mga ito ng consent at pagsang-ayon.


Payo rin ni Vergeire sa mga magulang na i-register ang kanilang mga anak sa kanilang local government units (LGUs). Sa isang interview kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., sinabi nitong ang mga batang edad 15 hanggang 17-anyos ang unang babakunahan laban sa COVID-19.


Ayon pa kay Galvez, sakaling walang nakita o lumabas na adverse side effects, ang inoculation program ay ipagpapatuloy naman sa ibang lugar.


“Kung magkaroon man ng mga adverse event following immunization, at least nasa loob na po ng mga ospital at mabilis na matugunan kung magkaroon man ng emergency,” paliwanag ni DOH Secretary Francisco Duque III.


Para naman sa posibleng side effects, sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na ilan dito ang anaphylaxis, myocarditis, sakit ng ulo, masakit na katawan at allergies.

Gayunman, tiniyak ni Cabotaje sa publiko na mayroong guidelines para gamutin ang mga batang makararanas ng side effects.


 
 

ni Lolet Abania | October 4, 2021



Mahigit sa 21,000 inmates sa bansa ang nakatanggap na ng kumpletong doses ng bakuna kontra-COVID-19, ayon sa Department of Health.


“As of Oct. 1, we have a total of 21,487 out of the 170,404 masterlisted PDLs (persons deprived of liberty) have been fully vaccinated,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa press briefing ngayong Lunes.


Batay sa datos mula sa Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Corrections, sinabi ni Vergeire na mayroong 37,204 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakatanggap naman ng first dose ng COVID-19 vaccine.


Aniya pa, ang pagbabakuna sa mga PDL ay isa sa mga prayoridad din ng DOH. “Ang mga PDLs are in an enclosed institution and their vulnerability and risk to infection is very high,” sabi ni Vergeire sa mga reporters.


Nanawagan naman ang DOH sa BJMP, BuCor at lokal na gobyerno sa inalaang alokasyon na COVID-19 vaccines ng ahensiya para sa mga PDL, kung saan prayoridad na sila ay mabakunahan.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page