top of page
Search

ni Mharose Almirañez | May 8, 2022




Handa ka na bang makita sa school si crush? The long wait is over, sapagkat balik-eskuwela na ang ilang mag-aaral sa bansa makalipas ang mahigit dalawang taong modular at online classes dahil sa COVID-19 pandemic.


Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, inaasahang makikilahok sa face-to-face classes ang 5,948,640 estudyante mula sa 25,668 o 56.89% pampublikong paaralan. Habang 226,991 mag-aaral naman mula sa 676 o 5.47% pribadong paaralan.


Napakaganda nitong balita, sapagkat mas matututukan na ng mga guro ang bawat mag-aaral. Gayunman, hindi pa rin tayo dapat maging kampante hangga’t hindi tuluyang nawawala ang banta ng COVID-19. Tulad ng paulit-ulit na paalala ng Inter-Agency Task Force (IATF), narito ang ilang safety protocols na ‘di dapat kalimutan:


1. MAGDALA NG HYGIENE KIT. Kalimutan mo na ang lahat, huwag lang ang alcohol. Isama mo na rin ang anti-bacterial soap at extra face masks. Iwasan din ang panghihiram ng gamit sa kamag-aral.


2. MAG-FACE MASK. Ito ang iyong magiging pananggala kung sakaling may bumahing o umubo malapit sa iyo. Tatanggalin lamang ang facemask tuwing kakain o iinom. Itapon ito nang maayos kung disposable at labhan kaagad kung reusable.


3. MAG-SOCIAL DISTANCING. Umiwas sa matataong lugar, partikular sa canteen tuwing recess o break time. Huwag ding makipagsiksikan sa hallway, corridor, hagdan at pampublikong transportasyon.


4. MAGHUGAS NG MGA KAMAY. Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay kada-oras upang hindi manatili ang mikrobyo sa bawat sulok ng iyong mga daliri at kuko.


5. MAG-DISINFECT. Bukod sa paghuhugas ng mga kamay at pag-a-alcohol, i-disinfect mo na rin ang iyong mga kagamitan na maaaring kapitan ng virus tulad ng mga sukli, silya, ballpen, bag, cellphone, atbp.


Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), 67,911,464 na ang mga nabakunahan kontra COVID-19 sa bansa. Bagama’t hindi mandatory ang pagpapabakuna at pagpapa-booster ay patuloy pa ring hinihikayat ang bawat isa, bilang proteksiyon laban sa virus.


Napakasarap isiping unti-unti na tayong nakakabalik sa normal. ‘Yung tipong, kaunti na lamang ang restrictions at mas maluwag na rin ang mga ipinatutupad na protocols sa bawat lokal na pamahalaan.


Imadyinin mo ba namang makakapag-bitaw ka sa dagat makalipas ang dalawang taong summer na puro lockdown. It’s indeed a long time, no sea!


Bukod d’yan, halos dalawang school year graduation rites na rin ang naisagawa virtually, kaya nakakalungkot isiping hindi ka manlang nakapag-martsa sa mismong araw na iyong pinakahihintay. Kaya naman sa taong ito’y maayos at ligtas na face-to-face graduation ang ipinakikiusap sa mga piling paaralan.


Bagama’t limitado ay isa pa rin itong magandang simula para sa tuluy-tuloy na “new normal”. Sana ay hindi lamang ito patikim sa nalalapit na halalan, kung saan balik-lockdown matapos ang eleksyon.


Nauunawaan naming excited ka sa outside world, pero plis lang, beshie, ‘wag magpasaway para maiwasan ang hawahan at hindi na magkaroon ng Season 3 ang enhanced community quarantine (ECQ). Okie?

 
 

ni Lolet Abania | May 6, 2022



Anim sa naging local contacts ng babaeng Finnish national, na unang na-detect ang Omicron BA.2.12 sa kanya na nakapasok sa bansa, ay nagnegatibo sa test sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.


Sinabi ng DOH na ang natitirang contacts ay hindi na-test dahil sila ay asymptomatic.


Ang tatlo mula sa 30 indibidwal na nakasama naman niya sa flight patungong Manila ay nakaalis na ng bansa.


Ayon pa sa DOH, wala namang karagdagang close contacts silang natukoy subalit patuloy ang kanilang beripikasyon at updates tungkol dito.


Matatandaan nitong Abril, inanunsiyo ng DOH na naka-detect na ang Pilipinas ng kauna-unahang kaso ng Omicron BA.2.12 sa Baguio City sa isang 52-anyos na babaeng Finnish national na dumating sa bansa mula sa Finland noong Abril 2.


Umabot sa 44 close contacts ang natukoy ng DOH.


 
 

ni Lolet Abania | May 3, 2022



Nasa 15 dayuhang turista na fully vaccinated ang nagpositibo sa test sa COVID-19 sa Palawan, ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.


Sa isang statement ng DOH, nakasaad na 13 sa mga naturang foreign travelers ay asymptomatic habang ang dalawang iba pa ay nagsimulang makitaan ng mild symptoms noong Abril 27 at 28.


“14 were isolated in facilities while one was admitted at a hospital. They were tested in RT-PCR on April 29-30, of which all resulted as positive,” batay sa DOH.


Kaugnay nito, ang Cagayancillo, Palawan ay isinailalim sa Alert Level 1 mula Mayo 1 hanggang 15, habang ang natitirang lugar sa lalawigan ay inilagay sa mas mahigpit na Alert Level 2 sa parehong petsa.


Sinabi naman ng DOH na ang kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs) and City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay kasalukuyang bineberipika ang sitwasyon sa lugar at anila, magbibigay sila ng karagdagang impormasyon kapag available na ang mga ito.


Matatandaan na nag-operate na ang mga negosyo at nagbukas para sa mga leisure travelers mula sa 157 visa-free countries ang Pilipinas noong Pebrero 10. Para sa mga foreign tourists naman, kabilang ang mga nagmula sa mga visa countries, ay nagbukas noong Abril 1.


Ang mga fully vaccinated lamang na mga dayuhang turista ang pinapayagang makapasok sa bansa. Sila ay required na magprisinta ng negative COVID-19 RT-PCR test result na kinuha 48 oras bago ang kanilang biyahe o isang negative laboratory-based antigen result na kinuha 24 oras bago ang kanilang departure.


Ayon ka DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang Pilipinas ay hindi maaaring buksan at isara nang paulit-ulit ang mga borders mula sa ibang mga bansa sa gitna ng panganib ng ibang COVID-19 variants at sublineages dahil nananatiling ipinatutupad ng gobyerno ang mga safety measures laban sa viral disease.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page