- BULGAR
- Sep 21
by Info @Buti na lang may SSS | Setyembre 21, 2025

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay dentista dito sa Mandaluyong City. Ano ang schedule ng pagbabayad sa SSS ng katulad kong dentista? Salamat. — Lara
Mabuting araw sa iyo, Lara!
Itinuturing ng SSS ang mga katulad ninyong dentista bilang mga self-employed member. At para sa mga self-employed member, ang deadline ng pagbabayad ng inyong kontribusyon sa SSS ay tuwing huling araw ng kasunod na buwan ng applicable month o quarter.
Kung nagbabayad ka ng quarterly, tuwing last working day ng kasunod na buwan ng applicable quarter ang inyong deadline. Ibig sabihin ang iyong kontribusyon para sa 3rd quarter ng 2025 (Hulyo hanggang Setyembre 2025) ay maaari mong bayaran hanggang 31 Oktubre 2025.
Kung monthly naman ang pagbabayad mo, ang iyong kontribusyon para sa buwan ng Agosto 2025 ay maaari mong bayaran hanggang 30 Setyembre 2025. Samantala, ang iyong kontribusyon para sa buwan ng Setyembre 2025 ay maaari mong bayaran hanggang 31 Oktubre 2025.
Ito rin ang sinusunod na deadline ng contribution payment ng mga voluntary at non-working spouse member ng SSS gayundin ng ibang self-employed members na katulad mo.
Subalit alinsunod sa SSS Circular No. 2022-028, ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang self-employed members na kabilang sa informal economy ay mayroong flexible payment schedule kung saan pinapayagan ng SSS na bayaran nila ang kanilang kontribusyon sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, ngayong buwan ng Setyembre 2025, maaari nilang bayaran ang mga kontribusyon para sa Setyembre 2024 hanggang Agosto 2025.
Iba rin ang payment schedule ng mga overseas Filipino workers (OFW) members. Ang kanilang SSS contributions para sa Enero hanggang Setyembre 2025 ay maaari nilang bayaran hanggang 31 Oktubre 2025. At ang hulog nila para sa Enero hanggang Disyembre 2025 ay maaari nilang bayaran hanggang sa huling working day ng Enero 2026.
Tandaan na hindi pinahihintulutan ng SSS ang retroactive payments. Halimbawa, ang isang self-employed member ay hindi niya nabayaran ang kanyang kontribusyon para sa Abril 2025. Hindi na niya ito maaaring bayaran pa ngayong buwan at ito ay magiging laktaw sa kanyang contribution records. Napakahalaga na alam ng isang miyembro ang akmang contribution payment deadline sa kanya.
Mas pinadali na rin ng SSS ang pagbabayad ng kontribusyon na maaaring gawin sa iba’t ibang SSS-accredited payment channels tulad mga accredited banks, payment centers, online banking, at e-wallet facilities.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.




