top of page
Search

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Enero 27, 2024

 

Bumungad sa pagbabalik-sesyon ng ating Kongreso ang nakakaimbiyernang isyu ng pagkupit daw sa mga ayuda ng DSWD sa ating mga mahihirap na kababayan!


Abah, eh, pinatunayan mismo ng mga biktima na binawasan daw ng mga sinasabing tauhan ng munisipyo sa Davao de Oro at Davao del Norte ang kanilang ayuda.


Sumbong ng isa, P10K ang dapat niyang matanggap na educational assistance at nang palabas na siya matapos makuha ang pera, pinabalik siya at kinuha ng ‘di kilalang tauhan daw ng munisipyo ng Carmen ang isanlibong piso! Grabe ha!


Kapal muks naman ‘yan, lantaran ‘yang pangongotong ha! Mahiya naman kayo!


Sabi ng mayor, ‘di niya alam ang pangongotong na ito ha! Kaya mega-aksyon siya at ipaiimbestiga raw!


Ayon sa ating mga kasamahan sa DSWD, obviously wala na silang kontrol du’n, dahil ang mga taga-LGU na ang may hawak dito.


Hindi lang iisa ang lumantad sa Senado para tumestigo sa ganyang lantarang pangingikil, marami sila!


Kaya naman naisip din ng ating mga kapwa senador na maaaring hindi lang ito nangyayari sa mga probinsiya pati na rin sa Metro Manila.


Ang tindi naman ng mga kawatan ngayon no! Lantaran na! Kapal muks nila!


Sa ganang akin, IMEEsolusyon d’yan, mag-isyu ng resibo. Dapat may kopya pareho ang nagbigay at tatanggap. 


And then, kailangan ang listahan ay maibigay mismo sa taga-DSWD! 


IMEEsolusyon ko rin na if may chance, baka puwedeng ianunsyo at ilagay sa FB page ng bawat lugar ang lists ng mga mabibigyan, na may access ang mga residente, munisipyo at maging DSWD para makita at mag-match sa hawak nilang hard copy na mga listahan.


Konting tiyagaan lang talaga para may transparency! ‘Di bah!


IMEEsolusyon din na talagang higpitan ng DSWD ang pagbabantay!


Dapat talaga namo-monitor at ma-audit kung kinakailangan ng bawat ahensya!


Higit sa lahat, IMEEsolusyon na mabusisi talaga itong mabuti at agad na mapanagot ang mga may sala!


NO TO AYUDA SCAM! Plis lang maawa naman kayo sa mahihirap nating mga kababayan!

 

 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Enero 26, 2024

 

Heto na naman ang Amerika, pasikreto na namang binubulaga ang mga Pinoy.


Abah eh, akala ata ng U.S. ‘di natin mabubuking ‘yang shipment ng 39 milyong galon ng langis ng US Navy mula sa Pearl Harbor patungong Subic.


Abah, abah, para saan ‘yan ha? Ano’ng meron? 


Akala ata ng U.S. ‘di natin mabubuko at makukuha ang info sa iba’t ibang international shipping tracker na ang langis ay kinuha sa Pearl Harbor at kinarga sa US-registered tanker, Yosemite Trader noong December 20 at dumating sa Pilipinas noong Martes.


Take note ha, ang pananahimik ng Philippines at U.S. government sa isyu ay nagpainit lamang sa hinala na nagsasagawa na ng pre-positioning ng military supplies sa bansa dahil sa posibleng pagsiklab ng giyera sa pagitan ng China at Amerika dahil sa Taiwan.


Hay naku ha, kaimbiyerna! Not again! 


Kayong mga taga-U.S. ha, sumosobra na kayo sa pang-iiwan n’yo sa mga Pinoy sa dilim kung ano bang mga kasunduan ‘yan! Hello, hindi naman kami bobo no! Buking na namin ang istilo n’yo!


Puwede ba ‘wag n’yong ipagkait ang karapatan naming mga Pinoy! 


Hindi lang ‘yan pang-aapak sa rights naming mga Pinoy, kundi paninira rin sa kalikasan at pangyuyurak sa soberanya ng Pilipinas!


Remember, hindi porket may Mutual Defense Treaty, lisensya na ito para iwanan sa dilim na walang kaalam-alam ang mga Pinoy sa bagay na ito!


Pangalawa, ang Subic ay hindi na EDCA site, kaya saang teritoryo ng Pilipinas ilalagak ng U.S. ang milyun-milyong galon ng langis?


Wala namang ganyanan! IMEEsolusyon na ipaliwanag ng AFP at DND ang bagay na ito sa sambayanang Pilipino! Plis lang!


 

 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | December 29, 2023

 

Noong Oktubre pa nagsimulang pumarada sa kalsada ang mga transport group para magprotesta.  


At ngayon naman, may panibagong banta silang magtutuluy-tuloy ang transport strike hanggang sa papasok na taon, dahil nga ayaw nang bigyang extension ang FRANCHISE CONSOLIDATION ng mga jeepney sa December 31, 2023.


Nanindigan ang mga jeepney driver na hindi nila keri ang magbayad ng modernong jeep. Daing pa nila, pati maintenance nito tiyak na magpapasakit sa ulo nila.


Indikasyon ito na naghihingalo na ang mga lumang jeep, tila magbaba-bye na sila nang tuluyan, na deka-dekada nang bahagi ng pamumuhay ng maraming Pinoy. ‘Wag natin itong payagan!


Ang jeep ang isa sa pinakamurang masasakyan ng mga ordinaryong Pinoy. Pero bakit tila pinapatay na ito ng iilan nating kababayang nasa poder ng gobyerno.


Ni wala ngang subsidiyang maaasahan sa gobyerno, kundi ‘yung Php210,000 hanggang Php280,000 na ilang porsyento lang ng Php2.5 million na halaga ng bagong Euro-4 PUV?


At bakit nga ba pipilitin ng libu-libong operator at drayber na magmiyembro ng transport coop? Kung ngayon, may-ari at maliit na negosyante ang turing sa kanila, sa ilalim ng coop magiging hamak na empleyado na lang ba sila? 


Pati sa suplay, parts, at serbisyo ay hindi pa handa ang mga dealer. Ang TESDA mismo ay umaamin na hindi pa nila kering i-repair dahil Euro-2 PUV pa lang ang pinaghandaan nila.


Kung mangutang ang operator o drayber, igagarantiya ba ng coop? ‘Pag nagkabulilyaso ang bayaran, sasagutin ba ng coop ang utang o hihilain lang din ng bangko ang sasakyang inutang? 


Sa laki ng gagastusin para bumili ng bagong sasakyan, magkano naman ang itataas ng pamasahe? Hay naku, anlabo talaga!


Sa ganang akin, IMEEsolusyon na bawiin na muna ng DOTr ang deadly deadline na ‘yan ng PUV modernization na mula pa noong 2017, bulilyaso na ito?! 


Ikalawa, kailangang magbalik-konsultasyon ang gobyerno, mga driver, operator maging ang mga commuter.


Kumplikado ang isyung ito kaya dapat lang na makinig naman tayo sa daing ng mga PUV operators, drayber at mga commuter.


Panghuli, puwede ba tantanan naman ng LTO at DOTr ang mga tsuper sa pananakot na deadline, pagsuspinde at pagbawi ng prangkisa. Hello!!! Awat na!

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page