top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 28, 2024


Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Habang pahupa pa lang ang baha sa Metro Manila, nag-ikot na ang inyong lingkod kasama ang ating Malasakit Team para maghatid ng tulong at serbisyo sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina. Laging tinitiyak ng inyong Senator Kuya Bong Go na walang masasayang na oras para makatulong dahil mahalaga ang bawat minutong lumilipas lalo na sa mga mahihirap at maysakit.


Kaya nitong July 25, agad tayong sumugod sa Cancer Institute ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila. Hindi nakaligtas ang PGH sa pagbaha at dagdag pa r’yan ang alalahanin ng mga pasyente na marahil binaha rin ang mga naiwang bahay habang nagpapagamot sa ospital. Nagdala tayo ng mainit na lugaw para sa mga pasyente at staff, gayundin sa mga bantay at mga nakapila sa Malasakit Center sa PGH. May hatid din tayong grocery packs, damit, pamasahe at mga bola para sa ilang pasyente at watchers doon.


Binisita natin ng araw na iyon ang 400 pamilyang naapektuhan ng bagyo sa Barangay 519, Zone 51, Sampaloc, Maynila. Napagkalooban natin sila ng grocery packs, mga de-lata, pagkain, vitamins, masks, at damit. May ilan na nakatanggap din ng mga bola at bagong sapatos.


Pinasalamatan natin sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto, maging ang mga opisyal ng Barangay 519 na sina Kapitana Joan dela Cruz, at former barangay chairman Carlo dela Cruz sa kanilang maagap na pagtulong sa mga apektadong residente.


Pinuntahan natin ang Barangay Manggahan sa Pasig City at nagkaloob ng tulong sa 250 pamilyang naapektuhan din ng bagyo, katuwang si former councilor at Kapitan Quin Cruz. Bukod sa food packs, nagbigay tayo ng pamasahe sa mga benepisyaryo.


Mensahe ko sa mga nabahaan, huwag silang mag-alala dahil ang damit ay nalalabhan, ang gamit ay nabibili. Ang pera ay kikitaing muli, pero ang pera ay hindi nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever dahil ang importante ay buhay tayo.


Patuloy ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa iba pang mga residente at komunidad na naapektuhan ng bagyo. Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, ipinaaalala natin sa ating mga kababayan na unahin ang kalusugan. Kung kailangan ng tulong medikal ay lumapit sa mga Malasakit Center. Maaari ring magpakonsulta sa mga Super Health Centers na operational na.


Napakahalaga para sa akin ang buhay at kalusugan ng mga Pilipino kaya lagi tayong mag-iingat sa panahong ito na may kalamidad at maraming sakit ang umuusbong lalung-lalo na ang leptospirosis. Iwasan nating lumusong sa baha hangga’t maaari, at ugaliing maglinis ng katawan.

Ang panibagong kalamidad na hatid ng Bagyong Carina ang isa sa mga dahilan kaya patuloy nating isinusulong ang Senate Bill No. (SBN) 188, o ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) na ating matagal nang nai-file.


Kung saka-sakaling maisabatas, magkakaroon ng departamentong nakatutok na may cabinet-secretary level na timon. Hindi lang coordinating council o task force. Ibig sabihin, ito na ang makikipag-coordinate bago dumating ang bagyo, preposition of goods, and coordination with LGUs para ilikas ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo ay restoration of normalcy kaagad at rehabilitation efforts para tuluy-tuloy silang makabangon.


Isinusulong din natin na magkaroon ng Mandatory Evacuation Centers sa bawat lugar sa pamamagitan ng SBN 2451, o ang Ligtas Pinoy Centers Act na isa tayo sa authors at co-sponsors. Kung maisabatas, hindi na magsisiksikan pa sa temporary shelters ang mga kababayan natin sa oras na may sakuna. Dapat ay malinis, maayos, at kumportable ang tutuluyan ng mga kababayan natin para hindi magkasakit.


Anuman ang lagay ng panahon, hindi tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Bukod sa pagtulong sa mga nabahaan at pagbisita sa PGH, naimbitahan tayo bilang inducting officer noong July 25 ng mga bagong opisyal ng League of Local Planning and Development Coordinators of the Philippines, Inc. (LLPDCPI).


Nasa Bicol naman tayo noong July 26, at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Legazpi City. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar katuwang si Mayor Geraldine Rosal. Nag-abot tayo ng tulong sa 1,200 pang mga nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, sumama tayo sa closing ceremonies ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) National Games na ating sinuportahang mailunsad at mapondohan kasama ang Philippine Sports Commission.


Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan tulad ng 2,000 mahihirap na residente ng Tagudin, Ilocos Sur katuwang si Mayor Roque Verzosa.


Nakatanggap din ng tulong ang 500 residente ng Sto. Domingo, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos. May dagdag na suporta naman tayong ipinagkaloob sa ating 100 TESDA scholars na naka-graduate sa Danao City, Cebu.


Nabigyan din ng tulong ang 36 manggagawa mula sa Pandan, Antique katuwang si Councilor Plaridel Sanchez. Nakatanggap naman sila ng pansamantalang trabaho mula sa ating inisyatiba kasama ang DOLE.


Binalikan natin at tinulungang makabangon ang mga nawalan ng tahanan sanhi ng mga kalamidad at sunog sa Negros Occidental kabilang ang 170 sa Bacolod City; pito sa Cauayan; 17 sa Pulupandan; 106 sa Bago City; 16 sa Silay City; at 13 sa San Carlos City.


Namahagi rin tayo ng food packs sa mga naging biktima ng Bagyong Carina sa Bulacan. Sa kabuuan ay nakapamigay tayo sa 1,000 benepisyaryo mula sa Meycauayan City katuwang si Councilor Kat Hernandez; sa Hagonoy kaagapay naman si Mayor Baby Martinez; at sa Calumpit katuwang sina Mayor Glorime Faustino at Councilor Mau Torres. Nagpadala rin tayo ng 150 food packs kasama si Brgy. Capt. Ziffred Ancheta sa Brgy. Tumana, Marikina City.


Nagpapasalamat naman tayo sa ating mga rescuer at sa volunteers na nagsakripisyo at tumulong sa ating mga kababayan ngayong may sakuna. Napakaimportante talaga na magtulungan tayo at magbayanihan upang maprotektahan ang bawat isa, lalo na ang ating mga mahihirap na kababayan na pinakaapektado tuwing may kalamidad.


Ano man ang sakuna na ating pagdadaanan, may kalamidad man o wala, handa akong magserbisyo sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 26, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Basta’t para sa kapakanan ng mahihirap na Pilipino at tiyak na mapapakinabangan ng mga nangangailangan, suportado ng inyong Senator Kuya Bong Go ang mga programa at plano ng administrasyon.


Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraang Lunes, maraming nabanggit si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tugma sa ating mga hangarin at sa mga ipinatupad noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit ang mas aantabayanan ng taumbayan ay ang resulta ng mga ito at kung tunay bang mararamdaman ng mga karaniwang Pilipino. 


Bilang chair ng Senate Committee on Health, pinasalamatan natin ang Pangulo sa kanyang pangako na dadagdagan pa ang mga Super Health Centers sa buong bansa sa mga susunod na taon. Isa ito sa matagal na nating ipinaglalaban na mapondohan para mailapit ang pangunahing serbisyong medikal sa mga mahihirap at mga naninirahan sa mga liblib at malalayong lugar. 


Kasama na riyan ang pagpaparami ng health facilities, pagpapalakas ng medical assistance programs na nasa loob ng Malasakit Centers na ating itinaguyod, pagpapataas ng benepisyo ng PhilHealth, at ang tamang implementasyon ng Regional Specialty Centers Act na ating pangunahing inisponsor at kasamang iniakda sa Senado. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino! 


Suportado rin natin ang pagtaas sa coverage at benefits ng PhilHealth. Puwede naman palang madagdagan ang mga programa ng PhilHealth, kung tutuusin, para mas mabawasan ang bigat na dala ng mga mahihirap na pasyente. Sa kabila nito, muli nating iginigiit na dapat talaga ay magamit ang pera at mga programa sa tama. Ang pondo ng PhilHealth ay dapat para sa health. Ang pondong nakalaan para sa kalusugan ay dapat magamit para sa kalusugan.


Bilang chair naman ng Senate Sports Committee, inaasahan ko rin na higit pang maisusulong ang health-enhancing sports programs. Para sa akin, isa itong mahalagang aspeto sa ating patuloy na paglaban sa ilegal na droga. Dapat mahikayat ng gobyerno ang mga kabataan to get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit!

Kaisa rin tayo sa anunsyo ng Pangulo na total ban sa POGO operations sa buong bansa. Nararapat lamang na gawing prayoridad ang peace and order, at ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino. 


Babantayan din natin ang iba pang pangako ng administrasyon tulad ng pagpapaigting sa suporta sa local agricultural production at pagtugon sa swine flu na talaga namang humahamon sa ating food security. Binanggit din niya ang pagpapagawa ng karagdagang irrigation systems, at ang pagpaparami pa ng mga KADIWA stores para ilapit sa mga tao ang abot-kayang pagkain. Napakaimportante para sa akin ang laman ng tiyan ng mga Pilipino.


Titingnan din natin ang gagawing pagtugon sa inflation, na ayon mismo sa Pangulo ay nagpapahirap sa mga mamamayan. Sana ay hindi ito tuluyang mapabayaan. Sa sektor ng paggawa, sana nga ay lalo pang maibaba ang unemployment rate sa bansa para matiyak na may sapat na kabuhayan ang mga karaniwang Pilipino. 


Sa problema sa enerhiya, sana ay maremedyuhan ang pangangailangan ng mga lugar na wala pang kuryente at madalas mag-brownout.


Sa isyu ng West Philippine Sea, marapat lang na ipaglaban kung ano ang atin sa mapayapa at diplomatikong paraan. Ayaw natin ng gulo, but what is ours is ours. Ang importante ay maproteksyunan ang buhay at kabuhayan ng bawat mamamayan.

Ang pinakaimportante sa bawat SONA ay hindi lamang ang salitang binibitawan ng Pangulo, kundi ang aksyon na isusunod dito para maisakatuparan ang serbisyong naipapangako sa taumbayan. Nananawagan ako sa Ehekutibo na tiyaking prayoridad ang pagtulong sa mga mahihirap. Ang importante, walang maiiwan, walang magugutom na Pilipino!


Sa parte ko naman, wala tayong hinto sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan saan man sila sa bansa. 


Binalikan natin at tinulungan noong July 20 ang 617 residente ng Sagay, Negros Occidental na biktima ng Bagyong Egay. Bukod dito, nakatanggap din sila ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng materyales na pangkumpuni ng bahay. Nagbigay tayo ng tulong sa 23 kooperatiba mula sa Western Visayas na ating binisita sa Iloilo City, sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba Program ng Cooperative Development Authority.

Noong July 23, dumalo ang aking opisina sa ginanap na Liga ng mga Barangay-Romblon Barangay Congress sa paanyaya ni Board Member Milo Maulion. Nagpadala rin ako ng mensahe para sa ating mga kapwa public servant. 


Sinaksihan din ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Poblacion Lakewood, Zamboanga Del Sur kasama si Mayor Domingo Mirrar. Nagbigay tayo ng karagdagang suporta sa mga kalahok sa isang Sports Cup sa Quezon City kaagapay si Councilor Mikey Belmonte.


Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong kabilang ang 947 na mahihirap sa Bongabon, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos; at 1,000 sa Naga at Ipil sa Zamboanga Sibugay kaagapay ang tanggapan nina Sen. Joel Villanueva at Gov. Ann Hofer.  


Binalikan at tinulungan natin ang 230 biktima ng pagbaha sa Talisay City; at 177 sa Talisayan, Misamis Oriental. May tulong pinansyal din silang natanggap mula sa NHA upang maipaayos ang kanilang mga bahay, na isa sa ating mga inisyatiba noon. 


Naghatid tayo ng tulong sa 131 katao mula sa iba’t ibang barangay sa Iloilo City na biktima ng sunog. Naalalayan din ang mga taga-Island Garden City of Samal na nakaranas ng matinding pagbuhos ng ulan kabilang ang 13 sa Barangay Dadatan, at 15 sa Barangay Balet.


Tinulungan natin ang 155 nawalan ng hanapbuhay sa Koronadal City, South Cotabato katuwang si Vice Gov. Arthur Dodo Pingoy. Sa ating suporta, nabigyan din ang mga ito ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Bilang inyong Mr. Malasakit, hindi ako titigil sa pagtupad sa tungkuling iniatang ninyo sa akin. Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 21, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Simula nang pasukin natin ang serbisyo-publiko, ang naging layunin natin ay ang makatulong sa kapwa at makalikha ng mga programa, proyekto at batas na makakapagpabuti sa buhay ng bawat Pilipino. 


Kailangan ng mga kababayan natin — lalo na ng mahihirap — na mailapit sa kanila ang serbisyo ng gobyerno nasaan man sila. Hindi tayo pulitikong nangangako at sa halip ay ginagawa lang natin ang lahat sa abot ng makakaya para makatulong at makapagserbisyo. ‘Yan din naman ang trabahong mandato ninyo sa akin kaya hindi ko sasayangin ang tiwala at pagkakataon na inyong ibinigay sa isang simpleng probinsyano na katulad ko.


Kamakailan ay isinapubliko ang resulta ng survey ng OCTA Research “Tugon ng Masa” para sa 2025 national and local elections na isinagawa mula June 26 hanggang July 1. Lumabas sa resulta na ang inyong Senator Kuya Bong Go ay statistically tied sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto ng mga nais iboto sa darating na 2025 senatorial elections. 


Bagaman at nakakataba ito ng puso, ang tanging prayoridad ko ngayon at kailanman ay ang ipagpatuloy ang aking bisyo na magserbisyo sa kapwa tao. Tunay na serbisyo at hindi pulitika ang aking palaging pinagtutuunan ng pansin. 


Kasama na rito ang aking adbokasiya na mapalakas ang ating healthcare system tulad ng ating mga isinulong na Malasakit Centers, Super Health Centers at Regional Specialty Centers. Isama pa rito ang ating mga inisyatiba para mapaunlad ang sports program sa bansa upang maging matagumpay ang ating mga atleta, at mailayo ang mga kabataan sa droga at kriminalidad.


Ito ang pinakamahalaga para sa akin, ang magmalasakit at magserbisyo sa kapwa Pilipino, ang makatulong sa maliit na paraan sa pag-unlad ng mga komunidad at pagtaas ng antas ng pamumuhay, at ang makapag-iwan ng ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati. 


Kaya naman hindi tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Bumisita tayo sa Pampanga noong July 18 at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Legislative Hall sa Minalin, na isinulong natin bilang vice chair ng Senate Committee on Finance. Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong para sa 500 residente ng Minalin na nawalan ng hanapbuhay. Sa ating inisyatiba kasama sina Mayor Philip Naguit at Vice Mayor Rondon Mercado ay mabibigyan din sila ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE. Sinaksihan natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa lugar. 


Nakarating din tayo sa Macabebe at dito ay nagpamahagi tayo ng tulong sa mga residenteng nawalan ng hanapbuhay katuwang si Congresswoman Anna York Bondoc. Ang mga benepisyaryo na pawang mga nanay ay may tulong din na matatanggap mula sa DOLE.


Nitong July 19, dumalo tayo sa ginanap na Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) Accountancy Week Celebration Regulator’s Forum-NCR Chapter sa paanyaya ni COA Commissioner and President Atty. Roland Pondoc. Sinaksihan naman ng aking opisina ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Brgy. Ayusan, Tiaong, Quezon.


Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong. Inayudahan natin ang mahihirap na residente kabilang ang 1,328 sa Talavera at Cabanatuan City, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos; 1,000 sa Maslog, Eastern Samar kaagapay sina Mayor Rac Santiago at Vice Mayor Bok Santiago; 1,000 sa Las Navas, Northern Samar kasama si Mayor Arlito Tan; at 1,500 sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte katuwang si Vice Mayor Datu Shameem Mastura.


Naalalayan din ng aking opisina ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Davao City gaya ng 203 pamilya sa Brgy. 2-A, at 45 naman sa Brgy. 28-C, Poblacion District; at ang 25 pa sa Marawi City.


Patuloy din tayo sa pag-aabot ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 90 sa Pulupandan, Negros Occidental katuwang si Mayor Miguel Antonio Peña; 330 sa Libungan, North Cotabato kasama natin ang mga konsehal na sina Kristine Joy Cadava, Nikki Dela Serna at Israel Hasigan; 156 sa San Agustin, Surigao del Sur kaagapay si Vice Governor Manuel Alameda, Sr.; at 113 sa Luisiana, Laguna katuwang sina Vice Mayor Luibic Jacob at ibang mga konsehal.


Binalikan naman natin at sinuportahan ang mga nawalan ng tahanan sanhi ng mga sunog, trahedya at kalamidad kabilang ang 87 sa Cagayan de Oro City; at 12 sa Kapatagan, Lanao del Norte. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal mula sa National Housing Authority para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang tahanan.

Naghandog din tayo ng regalo sa mga TESDA graduate na ating sinuportahan gaya ng 49 sa Teresa, Rizal. 


Magmamalasakit, magtatrabaho at magseserbisyo ako para sa mga kapwa Pilipino at uunahin ko ang mga mahihirap. Hindi ko sasayangin ang oportunidad na ibinigay ninyo sa akin. Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page