top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 14, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Huwag puro pangako, tuparin na sa lalong madaling panahon — ito ang mariin nating mensahe sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa pinakahuling pagdinig ng Senate Committee on Health noong September 10.


Bilang chairman ng naturang komite, ipinapaalala ko sa mga kapwa ko lingkod bayan, lalo na ang mga opisyal ng PhilHealth, na mayroon dapat tayong “isang salita.” Huwag puro promise. Kailangan ng agarang aksyon at resulta dahil buhay at kalusugan ng ating mga kababayan ang nakataya rito.


Habang patuloy ang pag-aaral, deliberasyon at debate ng mga opisyal ng PhilHealth, may mahihirap na Pilipinong namamatay dahil hindi pa natutupad ng Philhealth ang kanilang pangakong mas magandang serbisyo na may malasakit sa may sakit.


Kahit papaano ay sulit ang ating pangungulit. Dahil sa pagdinig, nagtakda na ng deadline ang PhilHealth sa pagpapatigil ng single period of confinement policy nito. Mismong ang pangulo ng ahensya ang nagsabi na sa katapusan ng buwang ito, hindi na ipatutupad ang naturang policy na talaga namang “anti-poor” at isang malaking kalokohan. Hindi katanggap-tanggap sa inyong Senator Kuya Bong Go na kapag ilang beses tinamaan ng isang uri ng sakit ang pasyente sa loob ng takdang period, isang beses lang ito sasagutin ng PhilHealth. Hindi ito makatao!


Para naman sa pagtataas ng case rates o halagang sasagutin ng PhilHealth, pagpapalawak ng benefit packages, itinakda ng ahensya na bago matapos ang taon ay maipatutupad na ang lahat nang ito.


Nagbunga rin ang paulit-ulit na paniningil natin sa PhilHealth. Hindi natin sila tatantanan. Asahan ninyo na tututukan natin ito at hinding-hindi tayo papayag na mapako ang mga pangakong ito ng ahensya sa taumbayan.


Imbes na patulugin ang pondo, sabi natin sa PhilHealth, gamitin nila ito at mag-isip ng iba pang benepisyo na mapapakinabangan ng mga Pilipino. Tandaan natin na ang pondo ng PhilHealth ay para sa health kaya dapat magamit ito upang maisalba ang buhay ng may sakit.


Samantala, agad-agad din ang ating paghahatid ng malasakit at serbisyo sa mga kababayan natin mula sa iba’t ibang sektor.


Nag-courtesy visit sa atin ang Gilas Pilipinas Women’s Seniors at U18 Women’s basketball teams noong September 11. Katuwang ang Philippine Sports Commission, pinagkalooban natin ng pinansyal na suporta ang players at coaching staff, at ipinahayag natin, bilang chairperson ng Senate Committees on Sports at on Youth, ang ating patuloy na suporta sa kanila.


Personal naman nating pinangunahan ang feeding program para sa mga pasyente at staff ng Laguna Medical Center at maging ng mga lumalapit sa Malasakit Center sa naturang ospital noong September 12. Sinaksihan din natin ang ginaganap na Philippine Councilors League Sports Fest sa Laguna Sports Complex sa paanyaya ni PCL Laguna Chapter President Jonalina “Dada” Reyes, kasama sina Governor Ramil Hernandez, Vice Governor Karen Agapay, Pangil Mayor Gerald Aritao, Biñan City Vice Mayor Gel Alonte, Board Member Benjo Aguilar, at iba pa.


Sa araw ding iyon ay naghatid ng tulong ang aking tanggapan para sa 1,500 mahihirap na residente ng Lucban, Quezon na dahil sa ating inisyatiba ay nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan. Naging kinatawan natin ang aking kaibigang si Philip Salvador, katuwang si Mayor Tenten Villaverde.


Binisita naman natin kahapon, September 13, ang ating mga kababayan sa Bacoor City, Cavite kasama si Mayor Strike Revilla at naghatid ng tulong para sa 300 residente na nawalan ng tirahan sanhi ng mga sunog. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan na ating isinulong para makapagpaayos silang muli ng bahay.


Sa hiwalay na event ay personal tayong nagbigay ng tulong sa 932 na mga nasunugan kamakailan lamang. Matapos ito ay dumiretso tayo sa Malasakit Center na nasa Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City at pinangunahan ang pagpapakain sa mga pasyente at medical frontliners.


Sinaksihan naman ng aking tanggapan ang turnover ng Super Health Center sa San Isidro, Leyte upang mailapit ang pangunahing serbisyong medikal sa komunidad.


Sa pamamagitan naman ng ating Malasakit Team ay wala ring tigil ang ating pagtulong sa mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating inisyatiba ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho ng gobyerno.


Sa Batangas, naging benepisyaryo ang 100 sa Batangas City katuwang sina BM Arlina Magboo at VM Atty. Alyssa Cruz; 50 sa San Pascual kasama si VM Angelina Castillo; 219 sa Lipa City kaagapay sina Mayor Eric Africa at VM Camille Lopez; 84 sa Lobo katuwang si Mayor Lota Manalo; 50 sa Laurel katuwang sina Mayor Lyndon Bruce at VM Aries Parrilla; 50 sa Tiquiwan, Rosario kasama si BM Jesus De Veyra; at 50 sa Padre Garcia katuwang si BM Melvin Vidal.


Sa Romblon naman ay nagbigay tayo ng suporta sa mga manggagawa kabilang ang 151 sa San Andres katuwang si Councilor Ruben Mingoa; at 71 sa Sta. Maria kasama si VM Roland Largueza. Dagdag pa rito ang 531 sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kaagapay si Gov. Aurelio Umali; 218 sa Agusan del Norte katuwang sina Vice Gov. Enrico Corvero at BM Dick Carmona; 27 sa Pateros kasama si Councilor Ronnie Miranda; 500 sa Iloilo City kaagapay si Mayor Jerry Treñas; at 189 sa Narra, Palawan katuwang si Mayor Gerandy Danao.


Binalikan natin at muling tinulungan ang 58 na nawalan ng tahanan sa Tanauan City, Batangas na nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para sa pagpapaayos ng kanilang tirahan.


Katuwang si Mayor Maila Ting ay nag-abot tayo ng tulong sa 166 mahihirap na residente ng Tuguegarao City, na nabigyan din ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan na ating isinulong.


Natulungan din ang 250 sa Zamboanga City kaagapay si Councilor Dan Vicente at ang national government.  


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo lalo na sa panahon ng pangangailangan sa abot ng aking makakaya at kapasidad. Bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 11, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Noong 2018 ay sinimulan natin ang programang Malasakit Center kung saan pinagsama-sama sa iisang bubong ang medical assistance programs ng gobyerno. Sa ganitong paraan, hindi na magpapalipat-lipat pa ang mga pasyente para pumila sa mga ahensyang ito at humingi ng tulong sa kanilang pagpapaospital. Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019 na tayo ang principal author at sponsor, na-institutionalize at naisabatas ang Malasakit Centers. 


Sa datos ng DOH, umaabot na sa halos 12 milyon ang bilang ng mga Pilipinong nakabenepisyo sa Malasakit Centers program — at patuloy itong nadaragdagan araw-araw. Mayroon na tayong 166 Malasakit Center sa buong bansa na handang tumulong sa inyong pampagamot lalo na sa mga mahihirap at walang ibang malapitan maliban sa gobyerno.  


Bilang inyong Mr. Malasakit, binibigyang-diin din natin ang department memorandum ng DOH na walang dapat matanggihang pasyente sa pampublikong ospital lalo na sa mga may Malasakit Centers dahil may mga pondo at programa naman na maaaring tumulong sa kanila sa pagpapagamot. Hindi dapat pahirapan sa paghingi ng tulong mula sa pamahalaan ang mga Pilipinong naghihirap na dahil sa sakit. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Bukod sa Malasakit Centers, isinusulong din natin ang pagpapatayo ng Super Health Center sa buong bansa upang ilapit ang pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad. Mayroong mahigit 700 Super Health Centers na napondohan sa ngayon sa tulong ng ating mga kapwa mambabatas, LGUs at DOH upang magbigay ng primary care, medical consultations, at early disease detection lalo na sa malalayong lugar. 


Principal sponsor at isa rin tayo sa may akda ng Republic Act 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na naging ganap na batas na. Itinatakda nito ang pagtatayo ng specialty centers sa existing DOH regional hospitals. Malaking tulong ito sa mga pasyente dahil hindi na sila luluwas pa sa Metro Manila kung saan naroon ang national specialty centers, at hindi na sila mamomroblema sa pamasahe, pagkain at matutuluyan. 


Kahapon, September 10, pinangunahan natin ang pagdinig ng Senate Health Committee bilang chairperson nito upang talakaying muli ang estado ng ating healthcare system sa bansa. Hinimok natin ang PhilHealth na taasan ang kanilang case rates, palawakin ang benefit packages, tanggalin ang kanilang Single Period of Confinement Policy, at irekomendang babaan ang premium contribution ng direct members. 


Tinututulan din natin ang pagta-transfer ng P89.9B na excess funds ng PhilHealth sa National Treasury na parte ng P500B na reserve funds na nakatengga lang habang napakaraming Pilipinong may sakit ang naghihingalo dahil hindi napapakinabangan ang pondong ito. Sa PhilHealth, huwag sanang puro promises. Kailangan natin ng aksyon upang magamit nang wasto ang pondong pangkalusugan para proteksyunan ang kalusugan ng bawat Pilipino! 


Ang trabaho ng isang senador ay hindi lang sa pagpasa ng mga batas. Trabaho rin namin maliban sa legislation ay constituency at representation. Kaya naman walang tigil ang aking pagtatrabaho. Kung ano ang makakatulong sa ating mga kababayan ay gagawin ko sa abot ng aking makakaya. 


Nasa Davao Oriental tayo noong September 7 at personal na sinaksihan ang turnover ng Super Health Center sa Manay. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 2,250 low-income earners katuwang si Mayor Jon Marco Dayanghirang na sinuportahan nina Cong. Nelson Dayanghirang at Vice Governor JR Dayanghirang. Dumiretso naman tayo sa Davao de Oro at sinaksihan ang turnover ng Super Health Center sa Nabunturan. Nagbigay tayo ng tulong sa mga barangay health workers doon. 

Bumisita naman tayo sa Batangas noong September 9 at sinaksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa Taysan kasama si Mayor Edilberto Abaday. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong para sa 584 residenteng nawalan ng hanapbuhay, na sa ating inisyatiba ay nabigyan ng pansamantalang trabaho. Bilang adopted son ng CALABARZON, patuloy akong magseserbisyo lalo na sa mga kapwa ko Batangueño. 

Samantala, ang aking Malasakit Team ay patuloy na tumutulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nahatiran natin ng food packs ang mga naapektuhan ng Bagyong Enteng kabilang ang 500 sa Camarines Sur; 250 sa Pililla at 100 sa Binangonan, Rizal. 


Binalikan natin at muling tinulungan ang 285 biktima ng sakuna sa Molo District, Iloilo City. Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang bahay. 

Nagbigay tayo ng suporta sa mahihirap nating kababayan na napagkalooban din ng tulong pinansyal ng gobyerno kabilang ang 162 sa Ormoc City katuwang si Councilor Lalaine Marcos; at 80 sa Libungan, North Cotabato kaagapay sina Mayor Angel Cuan at VM Jim Fullecido. 


Nag-abot tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay, na atin ding natulungang mabigyan ng pansamantalang trabaho. Sa Romblon, naging benepisyaryo ang 45 sa Alcantara katuwang si VM Adrio Galin Jr.; at 75 sa Looc kaagapay sina VM Ismael Osorio, Jr. at Councilor Adrian Gaytano Jr. Sa Batangas, 50 sa San Jose kasama natin si BM Atty JP Gozos; 66 sa Ibaan katuwang sina VM Juvy Mendoza at ABC President Reggie Virtucio; at 50 sa Rosario kaagapay si VM Tany Zara. 


Mga nawalan pa rin ng hanapbuhay ang ating inalalayan sa Laguna kabilang ang 585 sa Paete katuwang sina Mayor Ronald Cosico, VM Papa Ver Madridejos, SK chairs at mga konsehal; at 89 sa Santa Cruz kaagapay si Coun. Lea Alago Almarvez. Natulungan din ang 177 sa Tarlac City kasama natin si Mayor Cristy Angeles; 59 sa San Fernando City, La Union katuwang si Mayor Dong Gualberto; 93 sa Carcar City, Cebu kaagapay si Kap. Schubert Veloso; at 111 sa Tagana-an, Surigao del Norte kasama si Mayor Cesar Diaz Jr.

Tandaan natin, minsan lang tayong daraan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go na patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat, dahil bisyo ko na ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo iyan sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 7, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Sa susunod na linggo, isa na namang hearing ang isasagawa ng Senate Committee on Health na tayo ang chairman. Muli nating bubusisiin ang kahahantungan ng P89.9 bilyon na excess funds ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nasimulan nang ilipat sa National Treasury. Parte ito ng P500 bilyon na reserve fund din ng PhilHealth.


Mahigpit natin itong tinututulan dahil hindi katanggap-tanggap na habang patuloy ang pagdami ng mga mahihirap na pasyenteng naghihingalo at nangangailangan ng tulong, malaking pondo pala ng PhilHealth ang nakatengga na, gagamitin pa sa ibang bagay bukod sa pagprotekta sa kalusugan ng ating mga kababayan. Sabihin man nila na legal ito, but for me, it is morally unacceptable! Unahin natin ang kalusugan dahil katumbas iyan ng buhay ng bawat Pilipino!


Ang lagi nating paalala sa PhilHealth ay gamitin ang nakalaang pondo para sa pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino. Ang pondong para sa health ay dapat gamitin para sa health!Kaya muli nating ilalatag sa kanila ang mga panukalang reporma sa ahensya gaya ng pagtataas ng kanilang case rates, pagpapalawak ng benefit packages, pag-aalis ng Single Period of Confinement Policy, at pagbaba ng premium contributions ng mga miyembro lalo na’t nadiskubre nating sobra-sobra naman pala ang pondo na hindi napapakinabangan ng mga maysakit.  Sa mga nakaraang pagdinig, sinabi ni PhilHealth President and CEO Mandy Ledesma na irerekomenda niya sa Pangulo ang pagpapababa sa premium contribution rates ng mga miyembro. Pero sa sumunod na hearing, sinabi nilang pinag-aaralan pa lang nila. Inaasahan natin na sa muli naming paghaharap sa Senado sa September 10 ay mayroon nang konkretong aksyon na maririnig mula sa kanila.


Samantala, hindi tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan lalo na ngayon na marami sa kanila ang tinamaan ng bagyo.Bumisita tayo sa Pangasinan noong September 5 at personal na sinaksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa San Fabian.


Pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 1,000 na nawalan ng hanapbuhay, bukod sa pansamantalang trabaho na isinulong natin para sa kanila, kabilang ang mga barangay health worker, kasama si Mayor Marlyn Agbayani.


Bagama’t naantala ang aking pagbisita sa bayan ng Basista dahil sa masamang panahon, pinangunahan naman ng aking Malasakit Team ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 na nawalan ng hanapbuhay, bukod sa pansamantalang trabaho na isinulong natin para sa kanila katuwang si Mayor Jolly Resuello. Ininspeksyon din ng aking opisina ang itinayong Super Health Center at ang renobasyon ng Basista Municipal Building na ating isinulong na mapondohan.


Nagpapasalamat naman tayo sa pagkilala sa atin bilang adopted son ng mga bayan ng San Fabian at Basista, bukod sa pagiging adopted son din ng probinsya ng Pangasinan. Isa itong malaking karangalan.Sinaksihan din ng aking opisina ang groundbreaking ng Super Health Center sa Valderrama, Antique upang mailapit ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga kababayan.


Kahapon, September 6, pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 335 residente ng Mati City na nawalan ng hanapbuhay katuwang si Mayor Michelle Rabat at sa 1,000 mahihirap na residente kasama sina Vice Mayor Enzo Rabat, Coun. Tara Rabat-Gayta at Coun. Alexander Alcantara. Bukod dito, nagkaloob tayo ng tulong sa 1,500 mahihirap katuwang sina Brgy. Chairman Danny Macaubos at Councilor Jimboy Dayanghirang.Dumalo rin tayo sa ginanap na Senate Public Hearing at Ocular Inspection sa nangyayari sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound sa Davao City sa pamumuno ni Senator Bato dela Rosa kasama si Senator Robin Padilla. Idiniin ko sa pagdinig ang pagrespeto sa karapatang pantao ng bawat Pilipino. 


Kilala ang Davao City bilang isang mapayapang siyudad na nirerespeto ang relihiyon at kalayaan ng mga residente nito. Iginagalang ko ang tungkulin ng mga pulis ngunit umaapela ako na respetuhin din sana ang kagustuhan ng mga mamamayan na mabuhay nang tahimik.


Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng mga naging biktima ng sunog kabilang ang 22 sa Brgy. Payatas, Quezon City; at 110 sa Brgy. San Isidro, Parañaque City.


Namahagi rin tayo ng food packs sa mga naging biktima ng Bagyong Enteng. Sa Laguna, nahatiran natin ang 250 sa Famy katuwang si Mayor Lorenz Rellosa; 250 sa Paete kasama si Mayor Ronald Cosico; at 400 sa Mabitac kaagapay si Mayor Al Reyes. Sa Albay, nabigyan din ang 800 residente katuwang sina Gov. Edcel Lagman, Jovellar Mayor Boy Archangel, BM Vic Ziga, at Libon Mayor Das Maronilla. Napagkalooban din ang 500 sa Catanduanes katuwang si Gov. Boboy Cua; at 200 sa Bulan, Sorsogon kasama si Vice Mayor Chezka Robles.


Binalikan naman natin ang mga residenteng naapektuhan ng sakuna at kalamidad kabilang ang 14 sa Navotas City; at 60 sa Malabon City. Nagbigay tayo ng tulong bukod pa sa emergency housing assistance na ating isinulong kasama ang National Housing Authority para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang tahanan.


Binigyan din natin ng dagdag na tulong ang 500 sa Villaverde, Nueva Vizcaya katuwang si BM Jose Tam-an; 250 sa Siquijor kasama si VG Mei Ling Quezon-Brown; at 1,000 sa Bacolod City, Negros Occidental.


Nagbigay din tayo ng suporta sa mga nawalan ng hanapbuhay bukod sa pansamantalang trabaho na ating isinulong para sa 66 na benepisyaryo sa Koronadal City, South Cotabato katuwang si Brgy. Captain Eleanor Borje; 84 sa Sariaya, Quezon kasama si Councilor Arlene Genove; 53 sa Concepcion, Tarlac kaagapay si Vice Mayor Carla Bautista; 519 sa Urbiztondo, Pangasinan katuwang si Mayor Moding Operania; at 50 sa San Nicolas, Batangas kasama si VM Napoleon Arcel. Sa Romblon, 90 sa Odiongan kasama ang mga konsehal na sina Quincy Bantag, Ricmel Falqueza, at Manuel Fernandez. Jr; 30 sa San Fernando sa pakikipagtulungan ni Councilor Cedric Renion; at 30 sa Magdiwang katuwang si Vice Mayor Antonio Menese at Councilor Carlo Rey.


Bilang inyong Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo, hindi tayo titigil sa pagtulong sa abot ng ating makakaya, at sa pagsusulong ng mga inisyatiba na poprotekta sa buhay, kalusugan at kapakanan ng ating mga kapwa Pilipino. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page