- BULGAR
- Jun 4, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | June 4, 2022
ANO raw ang magiging papel ni VP elect Inday Sara sa DepEd?
Maraming inobasyon ang puwede niyang ipatupad taliwas kung academician ang ilalagay sa puwesto.
◘◘◘
DAPAT tutukan at mas bigyang-prayoridad sa DepEd ang Alternative Learning System (ALS).
Inobasyon sa modernong panahon ang ALS na nakatutulong sa ordinaryong Pinoy.
◘◘◘
PANAHON na para lumayo at umiwas sa makalumang traditional educational system na idinikta ng western at mga dayuhan.
Kailangan ang mas epektibo at modernong sistema ng edukasyon gamit ang teknolohiya.
◘◘◘
TANGING si VP Sara lamang ang puwede magpasimuno ng modernong sistema ng edukasyon.
Sariwang-sariwa pa ang kanyang kaisipan na nakauunawa at nakararamdam ng kasalukuyang henerasyon.
◘◘◘
ISA ring malaking isyu ang agrikultura.
Karaniwang ginagamit lang ang mga magsasaka para magkamal ng salapi ang mga opisyal ng gobyerno.
Ang multi-billion subsidy at ayuda sa magsasaka ay dinarambong lang gamit ang sistematikong iskema ng korupsiyon sa gobyerno na kakutsaba ang mga pribadong grupo.
◘◘◘
HANGGANG ngayon, naiiwan ang agrikultura dahil walang inobasyong ipinatutupad maliban sa diskarte sa talamak na korupsiyon.
Inutil at palamunin pa rin ng gobyerno ang santambak na agri-technician na kakutsaba ng nasa itaas sa paggamit sa magsasaka sa pangungurakot ng pondo sa agrikultura.
◘◘◘
ANG talamak na korupsiyon sa DPWH ay nanatili.
Ang subasta ay iniluluto na matagal nang umiiral na tila mafia sa pamahalaan.
Kunwari lang ang subasta.
Alam ‘yan ng Palasyo pero hindi sinusugpo ang mga kawatan sa pamahalaan.
◘◘◘
KUNG paano masusugpo ang kaliwa’t kanang korupsiyon sa pamahalaan ay malaking hamon kay P-BBM.
Magawa kaya niya ang imposibe?
O, walang imposible sa presidente?




